Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Marcos 11:1-18

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

11 Nang papalapit na sila sa Betfage at Betania, sa Jerusalem, sa may malapit sa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok doon ay makikita ninyo ang isang nakataling bisirong asno, hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. Kapag may nagtanong sa inyo kung bakit ginagawa ninyo iyon sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon at ibabalik din agad.’ ” Lumakad ang dalawang alagad at may nakita nga silang bisirong asno sa tabi ng daan. Nakatali ito sa may pintuan. Nang kinakalagan na nila ito, tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Ano ang ginagawa ninyo at kinakalagan ninyo ang bisiro?” Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na sila ng mga ito. Dinala nila kay Jesus ang bisirong asno. Matapos nilang isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, sumakay dito si Jesus. Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan, samantalang ang iba'y naglatag ng mga madahong sanga na kanilang pinutol mula sa bukid. Ang (B) mga tao naman sa unahan at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw,

“Hosanna! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pinagpala ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosanna sa kataas-taasan!”

11 Nang makapasok na si Jesus sa Jerusalem, nagtungo siya sa templo at pinagmasdan ang buong paligid niyon. Dahil gumagabi na, lumabas siya at pumunta sa Betania kasama ang labindalawa.

Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(C)

12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Betania, nakaramdam ng gutom si Jesus. 13 Natanaw niya sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na maraming dahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Subalit dahil hindi pa panahon ng pamumunga nito, wala siyang nakita kundi mga dahon. 14 Kaya't sinabi niya sa puno, “Mula ngayo'y wala nang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Narinig iyon ng kanyang mga alagad.

Si Jesus sa Templo(D)

15 Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga namimili roon. Pinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi, pati na ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati. 16 Hindi niya pinahintulutang makapasok sa templo ang sinumang may mga dalang paninda. 17 Tinuruan (E) niya ang mga tao at sinabi niya, “Hindi ba nasusulat,

‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’
    Ngunit ginawa ninyo itong ‘pugad ng mga magnanakaw!’ ”

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Mula noon ay humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang humahanga sa kanyang turo.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.