New Testament in a Year
Layunin ng Aklat
1 Yamang marami ang nagsikap bumuo ng isang maayos na salaysay tungkol sa mga naganap sa ating kalagitnaan, 2 ayon sa inilahad sa atin ng mga taong noon pa mang simula ay mga saksi na at mga lingkod ng salita; 3 at, matapos ang aking masusing pagsisiyasat sa lahat buhat sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, 4 upang maunawaan mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.
Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo
5 Noong si Herodes pa ang hari ng Judea, may isang pari mula sa pangkat ni Abias na ang pangalan ay Zacarias. Ang asawa niyang si Elizabeth ay mula sa angkan ni Aaron. 6 Kapwa sila matuwid sa paningin ng Diyos, nabubuhay na walang kapintasan sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. 7 Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na. 8 Isang araw, ginagampanan ni Zacarias ang kanyang tungkulin bilang pari noong manungkulan ang kanyang pangkat, 9 nabunot ang kanyang pangalan ayon sa kaugalian ng mga pari, upang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso. 10 Sa oras ng paghahandog ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Bigla na lamang nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa kanan ng dambana ng insenso. 12 Matinding takot ang naramdaman ni Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Ngunit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias. Sapagkat dininig na ang iyong panalangin. Magdadalang-tao ang asawa mong si Elizabeth at bibigyan ka niya ng anak na lalaki at tatawagin mo ito sa pangalang Juan. 14 Matutuwa ka at magagalak, at marami ring matutuwa sa kanyang pagsilang. 15 Sapagkat siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Hinding-hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Banal na Espiritu. 16 Marami sa mga anak ni Israel ang aakayin niyang magbalik-loob sa Panginoon nilang Diyos. 17 Mauuna siya sa lalakaran ng Panginoon taglay ang espiritu at kapangyarihang gaya ng kay Elias, upang pagkasunduin ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng matutuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan para sa Panginoon.” 18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko ito matitiyak? Matanda na ako, gayundin ang aking asawa.” 19 At sinabi sa kanya ng anghel, “Ako si Gabriel, na isang lingkod ng Diyos, ay isinugo upang magsabi sa iyo at maghatid ng mga Magandang Balitang ito. 20 Subalit dahil hindi mo pinaniwalaan ang mga sinabi ko na mangyayari sa takdang panahon, magiging pipi ka at hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.