New Testament in a Year
Sinabi ang Pagkawasak ng Templo(A)
13 Nang lumabas si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki ng mga bato at napakaganda ng mga gusali!” 2 Sinabi ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Wala ni isa mang bato dito ang matitirang nakapatong sa ibabaw ng isa pang bato. Iguguho ang lahat na iyan!”
Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, sarilinan siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres, 4 “Maaari po bang sabihin ninyo kung kailan mangyayari ang mga ito at ano ang magiging palatandaan na malapit nang mangyari ang lahat ng mga ito?” 5 Sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw ninuman. 6 Marami ang darating na gumagamit ng aking pangalan at magsasabing sila ang Cristo at ililigaw nila ang marami. 7 Huwag kayong mababahala kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Kailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8 Maglalaban-laban ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng mga lindol at taggutom sa iba't ibang lugar. Pasimula lamang ang mga ito ng paghihirap tulad ng sa panganganak. 9 Mag-ingat (C) kayo! Dadalhin kayo sa mga hukuman at hahampasin sa mga sinagoga. Ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari upang sa kanila'y magpatotoo kayo alang-alang sa akin. 10 Kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. 11 Kapag kayo'y dinala nila at iharap sa paglilitis, huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong sasabihin. Sabihin ninyo ang ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon sapagkat hindi na kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay. Gayon din ang sa kanyang anak. Maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang at ang mga ito'y ipapapatay. 13 Kamumuhian (D) kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.
Ang Matinding Kapighatian(E)
14 “Ngunit (F) kapag nakita na ninyo ang karumal-dumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ito ng bumabasa), dapat nang tumakas ang mga nasa Judea patungo sa kabundukan. 15 Ang (G) nasa ibabaw ng bahay ay huwag nang bumaba o pumasok ng bahay upang kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukirin ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal. 17 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 18 Ipanalangin ninyo na huwag itong mangyari sa taglamig. 19 Sapagkat (H)magkakaroon sa mga araw na iyon ng kapighatiang walang kapantay, na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at wala nang mararanasang tulad nito kailanman. 20 Malibang paikliin ng Panginoon ang araw na iyon ay walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang na kanyang tinawag, pinaikli niya ang mga araw na iyon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.