New Testament in a Year
Sinabi ang Pagkakaila ni Pedro(A)
27 Sinabi (B) ni Jesus sa kanila, “Tatalikod kayong lahat, sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at pagwawatak-watakin ang mga tupa.’ 28 Ngunit (C) matapos na ako'y maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Talikuran man kayo ng lahat, hindi ko kayo tatalikuran.” 30 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo na sa gabi ring ito, bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” 31 Ngunit ipinagdiinan ni Pedro, “Mamatay man akong kasama mo, hinding-hindi ko kayo ipagkakaila.” At ganoon din ang sinabi ng lahat.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(D)
32 Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabagabag at mabahala. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang kalooban ko'y punung-puno ng kalungkutan, na halos ikamatay ko. Maghintay kayo at magbantay.” 35 Lumayo nang kaunti si Jesus at nagpatirapa sa lupa. Idinalangin niya na kung maaari'y huwag nang dumating ang kanyang oras. 36 Sinabi niya, “Abba,[a] Ama! Kaya mong gawin ang lahat. Ilayo mo ang kopang ito sa akin. Gayunman, hindi ang nais ko kundi ang nais mo ang masunod.” 37 Bumalik siya sa mga alagad at dinatnang sila'y natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka? Hindi mo ba kayang magbantay kahit isang oras? 38 Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo mahulog sa tukso. May pagnanais ang espiritu ngunit mahina ang laman.” 39 Umalis muli si Jesus, nanalangin at inulit ang kanyang kahilingan. 40 Nang bumalik siya sa mga alagad, sila'y muli niyang nadatnang natutulog dahil sila'y antok na antok. Hindi na nila alam ang isasagot sa kanya. 41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tama na! Oras na! Ipinagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon na kayo! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, papalapit na ang magkakanulo sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(E)
43 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na isa sa Labindalawa. Kasama niya ang maraming taong may dalang mga tabak at mga pamalo. Sinugo sila ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno ng bayan. 44 Humudyat sa kanila ang magkakanulo sa kanya: “Ang hahalikan ko ang siyang hinahanap ninyo. Hulihin ninyo siya at bantayang mabuti.” 45 Kaya't sa pagdating, lumapit agad iyon kay Jesus at bumati, “Rabbi,” at siya'y kanyang hinalikan. 46 Hinawakan ng mga tao si Jesus sa kamay at dinakip. 47 Ngunit isa sa mga naroon ang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari. Natagpas ang tainga nito. 48 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ba'y tulisan at may dala pa kayong mga tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? 49 Araw-araw (F) kasama ninyo ako sa Templo habang ako'y nagtuturo, ngunit hindi ninyo ako hinuhuli. Gayunman, kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan.” 50 Tumakas ang lahat ng alagad at iniwan siya.
51 Isang binata ang sumunod sa kanya nang walang damit kundi ang balabal niyang lino. Nang siya'y hinawakan ng mga tao, 52 nabitawan niya ang kanyang balabal at siya'y tumakas na hubad.
Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(G)
53 Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Pari at nagkaroon ng pagtitipon doon ang lahat ng mga punong pari, matatandang pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.