New Testament in a Year
Ang Kapanganakan ni Jesus(A)
2 Nang mga araw na iyon, lumabas ang isang utos mula kay Emperador Augusto na magpatala ang lahat sa buong mundo. 2 Naganap ang unang pagpapatalang ito nang si Quirinio ang gobernador ng Syria. 3 Umuwi nga ang bawat isa sa kani-kanilang bayan upang magpatala. 4 Pumunta rin si Jose mula sa bayan ng Nazareth ng Galilea patungong Judea, sa lungsod ni David na kung tawagin ay Bethlehem dahil siya ay mula sa lipi at sambahayan ni David. 5 Kasama niyang magpapatala si Maria, na ipinagkasundo sa kanya; nagdadalang-tao na si Maria noon. 6 Habang sila'y naroroon, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. 7 At isinilang niya ang kanyang panganay na lalaki, binalot niya ito ng lampin at inihiga sa sabsaban, sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8 Kinagabihan, sa lupain ding iyon ay may mga pastol sa parang na nagbabantay ng kanilang mga kawan. 9 Bigla na lang lumitaw sa harapan nila ang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Diyos ay nagliwanag sa kanilang paligid; sila ay lubhang natakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot, sapagkat dala ko sa inyo ang mabuting balitang ikagagalak ng lahat ng tao. 11 Sa araw na ito, isinilang sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 At ito ang palatandaan para sa inyo: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na binalot sa lampin at nakahiga sa sabsaban.” 13 Walang anu-ano'y sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at nagsasabi:
14 “Luwalhati sa Diyos sa kaitaas-taasan,
at sa daigdig, kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.”[a]
15 Nang iwan sila ng mga anghel, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 At nagmamadali silang nagpunta at natagpuan nila sina Maria, si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ito, ipinaalam nila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi sa kanila ng mga pastol. 19 Pinahalagahan ni Maria ang lahat ng mga ito sa kanyang kalooban at pinagbulay-bulayan. 20 Nagpupuring umalis ang mga pastol at niluluwalhati ang Diyos sapagkat lahat ng kanilang nakita at narinig ay ayon sa sinabi sa kanila ng anghel. 21 Makalipas ang walong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus, ayon sa pangalang ibinigay sa kanya ng anghel bago pa siya ipinagdalang-tao.
Ang Paghahandog kay Jesus
22 Nang sumapit na ang araw ng kanilang paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, dinala ng kanyang mga magulang ang sanggol sa Jerusalem upang ihandog sa Panginoon. 23 Ito ay ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila nang ayon sa sinabi sa Kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.