New Testament in a Year
21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo! Narito ang Cristo!’ o kaya'y, ‘Tingnan ninyo! Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga huwad na Cristo at ang mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang kung maaari'y mailigaw nila ang mga hinirang. 23 Kaya mag-ingat kayo! Sinabi ko na sa inyo ang lahat bago pa ito mangyari.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(A)
24 “Ngunit (B) pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at hindi magliliwanag ang buwan, 25 at (C) malalaglag ang mga bituin mula sa kalangitan, at mayayanig ang mga panlangit na kapangyarihan. 26 At (D) ang Anak ng Tao ay makikitang dumarating na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 At pagkatapos ay isusugo niya ang kanyang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na sulok, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(E)
28 “Unawain ninyo ang aral mula sa punong igos: Kapag nananariwa ang mga sanga nito, at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga ito, alam ninyong malapit na, nasa mga pintuan na. 30 Tinitiyak ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito hanggang maganap ang mga ito. 31 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(F)
32 “Subalit (G) tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, maliban sa Ama. 33 Mag-ingat kayo at maging handa[a], sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang takdang panahon. 34 Tulad (H) nito ay isang taong umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya'y iniwan niya sa kanyang mga alipin ang pamamahala. Binigyan niya ng tungkulin ang bawat isa, at inutusan ang tanod sa pinto na magbantay. 35 Kaya nga magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan babalik ang panginoon ng sambahayan, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa pagbubukang-liwayway. 36 Baka bigla siyang dumating at madatnan niya kayong natutulog. 37 Anumang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.