Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Marcos 12:28-44

Ang Pangunahing Utos(A)

28 Lumapit ang isang tagapagturo ng Kautusan at narinig ang kanilang pagtatalo. Nakita niyang mahusay ang pagsagot ni Jesus sa mga Saduceo, kaya siya ay nagtanong, “Ano ang pangunahing utos sa lahat?” 29 Sumagot (B) si Jesus, “Ang pangunahing utos ay ito: ‘Makinig ka, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos ay iisang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, nang iyong buong kaluluwa, nang iyong buong pag-iisip, at nang iyong buong lakas.’ 31 Ang (C) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” 32 Sinabi (D) sa kanya ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama ka, Guro. Batay sa katotohanan ang sinabi mo na iisa nga ang ating Panginoon at wala nang iba maliban sa kanya. 33 Ang (E) umibig sa kanya nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, ay higit kaysa lahat ng mga handog na sinusunog at iba pang mga hain.” 34 Nang (F) makita ni Jesus na matalinong sumagot ang lalaki, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(G)

35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, nagtanong siya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Si (H) David mismo ang nagpahayag sa patnubay ng Banal na Espiritu,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.” ’

37 Mismong si David ay tumawag sa kanya na Panginoon, kaya't paano siya magiging anak ni David?” Masayang nakinig sa kanya ang napakaraming tao.

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(I)

38 Sinabi niya habang siya'y nagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan! Mahilig silang maglakad-lakad na suot ang mahahabang damit, at gustung-gusto nilang pagpugayan sila sa mga pamilihan. 39 Mahilig din silang maupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo at nagkukunwaring banal sa pamamagitan ng kanilang mahahabang pagdarasal. Mas mabigat na parusa ang tatanggapin ng mga ito.”

Ang Kaloob ng Babaing Balo(J)

41 Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman ng templo at pinagmasdan kung paano naghuhulog ang mga tao ng kanilang handog na salapi. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Dumating ang isang dukhang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing, katumbas ng isang pera. 43 Tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Katotohanan ang sinasabi ko, ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat ng mga naghulog sa kabang-yaman. 44 Sapagkat lahat ay nagbigay mula sa kanilang kasaganaan, ngunit ang babaing ito, sa kabila ng kanyang kahirapan, ay nagbigay ng kanyang buong kabuhayan.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.