New Testament in a Year
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
15 Pagsapit ng umaga'y nagsabwatan ang mga punong pari kasama ang matatanda ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan at ang buong Sanhedrin. Iginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato. 2 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang may sabi niyan.” 3 Naghanap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus. 4 Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo ang dami nilang paratang laban sa iyo.” 5 Ngunit wala nang anumang sinabi pa si Jesus, kaya nagtaka si Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
6 Tuwing Pista ay kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo, na hihilingin ng taong-bayan. 7 Noon ay may isang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. Kasama siya sa mga nakulong dahil sa pagpatay noong panahon ng pag-aaklas. 8 Lumapit ang mga tao kay Pilato at nagsimulang humiling na gawin para sa kanila ang kanyang dating ginagawa. 9 Tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam ni Pilato na inggit lamang ang nagtulak sa mga punong pari kung bakit isinasakdal nila si Jesus. 11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang taong-bayan na si Barabas na lamang ang palayain para sa kanila. 12 Muling nagtanong si Pilato, “Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 13 Sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 14 Ngunit patuloy silang tinanong ni Pilato, “Ano ba'ng ginawa niyang masama?” Subalit lalong lumakas ang kanilang sigaw, “Ipako siya sa krus!” 15 Sa pagnanais ni Pilato na pagbigyan ang taong-bayan, ibinigay sa kanila si Barabas at ibinigay si Jesus upang ipahagupit at ipako sa krus.
Nilibak si Jesus ng mga Kawal(C)
16 Dinala si Jesus ng mga kawal sa bulwagan na tinatawag na Pretorio. Tinipon nila doon ang buong batalyon ng mga kawal. 17 Sinuutan nila si Jesus ng balabal na kulay-ube. Pagkatapos, gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong nila ito sa kanya. 18 At binati siya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Paulit-ulit siyang pinalo sa ulo ng isang tungkod, pinagduduraan, at sila'y nagsiluhod at sumamba sa kanyang harapan. 20 Matapos siyang kutyain, hinubad nila ang kanyang balabal na kulay-ube at isinuot sa kanya ang kanyang sariling damit, at siya'y inilabas upang ipako sa krus.
Ipinako si Jesus sa Krus(D)
21 Naglalakad (E) noon galing sa bukid si Simon na taga-Cirene, ama ni Alejandro at ni Rufo. Pinilit nila itong pasanin ang krus ni Jesus. 22 Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ibig sabihin ay "Pook ng Bungo." 23 Binigyan nila siya ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya ito tinanggap. 24 At (F) siya'y kanilang ipinako sa krus, pinaghati-hatian ang kanyang mga damit at nagpalabunutan kung kanino ito mapupunta. 25 Ikasiyam ng umaga[a] nang siya'y ipako sa krus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.