New Testament in a Year
54 Mula sa malayo ay sumunod si Pedro kay Jesus, hanggang sa loob ng patyo ng Kataas-taasang Pari. Naupo siyang kasama ng mga kawal at nagpainit sa tabi ng siga. 55 Naghahanap ng katibayan laban kay Jesus ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang matagpuan. 56 Maraming nagbigay ng maling pahayag tungkol sa kanya, ngunit hindi nagkakatugma ang mga ito. 57 May mga tumayo at nagsabi ng ganitong kasinungalingan, 58 “Narinig (A) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng mga kamay.’ ” 59 Ngunit hindi pa rin nagkakatugma ang mga pahayag nila. 60 Tumayo sa harapan ng kapulungan ang Kataas-taasang Pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?” 61 Subalit nanatiling tahimik si Jesus at hindi sumagot. Tinanong siyang muli ng Kataas-taasang Pari, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?” 62 Sumagot (B) si Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, dumarating na nasa ulap ng himpapawid.” 63 Pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang damit at nagsabi, “Kailangan pa ba natin ng saksi? 64 Narinig (C) na ninyo ang paglapastangan! Ano sa palagay ninyo?” At siya'y hinatulan nilang lahat na karapat-dapat siyang mamatay. 65 Sinimulan siyang duraan ng ilan sa mga naroon, piniringan ang kanyang mga mata, at siya'y pinagsusuntok. “Hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo!” sabi nila. Kinuha siya ng mga bantay at pinagsasampal.
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(D)
66 Samantala, si Pedro na nasa ibaba ay nilapitan ng isa sa mga aliping babae ng Kataas-taasang Pari. 67 Nakita niya si Pedro na nagpapainit sa tabi ng siga, tinitigan niya ito at sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazareth.” 68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Hindi ko alam at hindi ko naiintindihan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [at pagkatapos ay tumilaok ang manok.][a] 69 Muli siyang nakita doon ng aliping babae at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila.” 70 Ngunit muling nagkaila si Pedro. Pagkaraan ng ilang sandali ay sinabi ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Talagang isa ka sa kanila dahil ikaw ay taga-Galilea.” 71 Ngunit si Pedro'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72 Siya namang pagtilaok ng manok sa ikalawang pagkakataon. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.