New Testament in a Year
26 Nakasulat sa taas nito ang sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 Dalawang tulisan ang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa gawing kanan, at isa sa kanyang kaliwa. 28 [At (A) natupad ang sinasabi ng kasulatan: Siya'y ibinilang sa mga salarin.][a] 29 Hinamak (B) siya ng mga nagdaraan, at umiiling na sinasabi, “Ah! Ikaw na gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, 30 bumaba ka mula sa krus, at iligtas mo ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili. 32 Hayaan nating bumaba ngayon mula sa krus ang Cristong Hari ng Israel para makita natin at maniwala tayo sa kanya.” Nilait din siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.
Ang Pagkamatay ni Jesus(C)
33 Nagdilim sa buong lupain mula tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon.[b] 34 (D) Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw nang malakas si Jesus, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 35 Narinig ito ng ilang nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36 Tumakbo (E) ang isang naroon at kumuha ng espongha. Binasa niya ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at inialok kay Jesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya.” 37 Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. 38 At (F) nahati sa gitna ang tabing ng templo, mula itaas hanggang ibaba. 39 Isang senturyon ang nakatayo malapit sa krus. Nang makita niya kung paano namatay si Jesus, sinabi niya “Tunay na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”[c] 40 Naroon (G) din ang ilang kababaihang nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose, at si Salome. 41 Sila ang mula pa noon sa Galilea ay sumunod na at naglingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga kababaihan na kasama niyang pumunta sa Jerusalem.
Ang Paglilibing kay Jesus(H)
42 Dumidilim na noon, araw noon ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43 naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na pumunta kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Siya ay isang iginagalang na kagawad at naghihintay rin ng paghahari ng Diyos. 44 Nabigla si Pilato nang marinig na patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturyon at itinanong kung patay na nga siya. 45 Nang matiyak niya mula sa senturyon na patay na nga si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Bumili si Jose[d] ng telang lino at pagkababa sa bangkay ni Jesus, binalot niya ito ng nasabing tela at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Pagkatapos, iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan inilibing si Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.