Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Lucas 2:25-52

25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at masipag sa kabanalan at naghihintay sa pagpapalaya sa Israel. Sumasakanya ang Banal na Espiritu. 26 Ipinahayag ng Banal na Espiritu sa kanya na makikita muna niya ang Cristo ng Panginoon bago siya mamatay. 27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok si Simeon sa templo. At nakita niya na dala-dala si Jesus ng kanyang mga magulang upang gawin ang nakaugalian ayon sa Kautusan. 28 Kinarga ni Simeon ang sanggol at nagpuri sa Panginoon. Sinabi niya,

29 “Ngayon, Panginoon ko, ayon sa inyong ipinangako,
    mapayapa mo nang kunin ang iyong alipin.
30 Sapagkat namalas na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31     na inyong inihanda, sa harap ng lahat ng bansa:
32 Isang ilaw ng pagpapahayag sa mga Hentil
    at para sa kaluwalhatian ng bansa mong Israel.”

33 Ang ama at ina ng sanggol ay namangha sa mga sinabi tungkol sa kanya. 34 At binasbasan sila ni Simeon at sinabi kay Maria na ina ng sanggol, “Tandaan mo ang sasabihin ko: itinalaga ang batang ito para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel. Siya'y magiging tanda na sasalungatin ng marami, 35 at mahahayag ang iniisip ng marami—at tila isang balaraw ang tatarak sa iyong puso.” 36 Naroon din si Ana, isang propetang babae na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Napakatanda na niya. Pitong taon niyang nakapiling ang kanyang asawa matapos maikasal. 37 Ngayon ay isa na siyang balo sa edad na walumpu't apat. Hindi niya nililisan ang templo kundi araw at gabi siyang nag-aayuno at nananalangin doon. 38 Pagdating niya nang mga oras na iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagsimulang magsalita tungkol sa sanggol sa lahat ng mga naghihintay ng katubusan ng Israel.

Ang Pagbabalik sa Nazareth

39 Pagkatapos nilang maisagawa ang lahat ng ayon sa Kautusan ng Panginoon, bumalik ang mga magulang ni Jesus sa kanilang bayang Nazareth sa Galilea. 40 Lumaking malusog ang bata, puspos ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Templo

41 Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, nagpupunta sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus. 42 Nang naglabindalawang taong gulang na siya, umahon sila patungo sa kapistahan ayon sa kaugalian. 43 Nang matapos ang pista at sila ay pabalik na, nanatili ang batang si Jesus sa Jerusalem na hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang kasama nila sa paglalakbay si Jesus sa kanilang grupo, tumagal nang isang araw bago nila ito hinanap sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. 45 Nang hindi siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya. 46 Makalipas ang tatlong araw, natagpuan nila ito na nakaupo sa templo, sa kalagitnaan ng mga guro—nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47 Ang lahat ng nakapakinig sa kanya ay manghang-mangha sa kanyang katalinuhan at mga sagot. 48 Nang makita siya ng kanyang mga magulang, namangha sila. Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak, bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Ako at ang iyong ama ay nag-aalala sa kahahanap sa iyo.” 49 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa tahanan ako ng aking ama?” 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya sa kanila. 51 Umalis siyang kasama nila pauwi sa Nazareth at siya ay naging masunurin sa kanila. At pinakaingatan ng kanyang ina ang mga bagay na ito sa kanyang puso. 52 Lumago si Jesus sa karunungan at pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.