New Testament in a Year
Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
10 Umalis doon si Jesus at tumawid sa ibayo ng Jordan at nagpunta sa lupain ng Judea. Muli siyang dinagsa ng napakaraming tao. Tulad ng kanyang nakasanayan, sila'y kanyang tinuruan. 2 Ilang Fariseo ang dumating at nagtanong upang siya'y subukin, “Naaayon ba sa Kautusan na paalisin ng isang lalaki at hiwalayan ang kanyang asawa?” 3 “Ano ba ang utos sa inyo ni Moises?” sagot ni Jesus. 4 Sinabi (B) nila, “Pinahintulutan ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay ang lalaki at pagkatapos ay paalisin ang kanyang asawa.” 5 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso kaya isinulat ni Moises ang utos na iyon! 6 Ngunit (C) sa simula pa ng paglikha ng Diyos sa sanlibutan, ‘nilalang sila ng Diyos na lalaki at babae.’ 7 ‘Dahil (D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at sasamahan niya ang kanyang asawa. 8 Silang dalawa ay magiging isang laman.’ At hindi na sila dalawa, kundi isa. 9 Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” 10 Pagdating nila sa bahay, muli siyang tinanong ng mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi (E) niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya. 12 At kung humiwalay ang babae sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)
13 Dinala ng mga tao kay Jesus ang maliliit na bata upang kanyang hipuin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga tulad nila ang kaharian ng Diyos. 15 Tandaan (G) ninyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos tulad ng pagtanggap sa maliit na bata ay hindi maaaring pumasok doon.” 16 Kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Ang Lalaking Mayaman(H)
17 Sa pagpapatuloy ni Jesus sa paglalakbay, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya, lumuhod sa kanyang harapan, at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti maliban sa isa—ang Diyos. 19 Alam (I) mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; Huwag kang mandadaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 20 “Guro,” sabi ng lalaki, “Ginampanan ko po ang lahat ng iyan mula pa sa aking kabataan.” 21 Sa pagtingin ni Jesus sa lalaki, minahal niya ito at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay mo ang salapi sa mga dukha. Sa gayon, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nanlumo ang lalaki dahil sa sinabing ito, at umalis siyang nalulungkot sapagkat marami siyang ari-arian. 23 Tumingin si Jesus sa paligid, at sinabi sa mga alagad, “Napakahirap para sa mayayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 24 Namangha ang mga alagad sa sinabing ito ni Jesus. Ngunit muling nagsalita si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Lalong nagtaka ang mga alagad, at sinabi nila sa isa't isa, “Kung gayo'y sino ang maaaring maligtas?” 27 Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “Hindi ito kayang gawin ng tao; ngunit kaya ng Diyos. Sapagkat lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 28 Nagsimulang magsabi si Pedro kay Jesus, “Tingnan po ninyo. Iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain, dahil sa akin at dahil sa Magandang Balita, 30 na hindi tatanggap sa panahong ito ng makaisandaang ulit ng mga bahay, mga kapatid, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating ay tatanggap siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit (J) maraming nauuna ang mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.