Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 33

Nagtagpo sina Jacob at Esau

33 Tumanaw si Jacob at nakita niyang si Esau ay dumarating na may kasamang apatnaraang katao. Kaya't kanyang pinaghiwalay ang mga bata kina Lea at Raquel, at sa dalawang aliping babae.

Inilagay niya ang mga alipin na kasama ng kanilang mga anak sa unahan, at si Lea na kasama ng kanyang mga anak bilang pangalawa, at sina Raquel at Jose na pinakahuli.

At siya naman ay lumampas sa unahan nila, at pitong ulit na yumuko sa lupa hanggang sa siya ay mapalapit sa kanyang kapatid.

At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan.

Nang itaas ni Esau ang kanyang paningin, at nakita ang mga babae at ang mga bata, ay kanyang sinabi, “Sino itong mga kasama mo?” At kanyang sinabi, “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”

Nang magkagayo'y lumapit ang mga aliping babae at ang kanilang mga anak, at nagsiyuko.

Lumapit din si Lea at ang kanyang mga anak, at nagsiyuko, pagkatapos ay nagsilapit sina Jose at Raquel, at nagsiyuko.

Sinabi ni Esau,[a] “Ano ang kahulugan ng lahat na ito na nasalubong ko?” At sumagot si Jacob,[b] “Upang makakita ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”

Subalit sinabi ni Esau, “Sapat na ang nasa akin, kapatid ko. Ang nasa iyo ay sa iyo na.”

10 Sinabi sa kanya ni Jacob, “Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin.

11 Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko.” Kaya't hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap.

12 Sinabi niya, “Tayo'y humayo at maglakbay at ako'y sasama sa iyo.”

13 Subalit sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at mayroon sa mga kawan at mga baka na nagpapasuso; kapag sila'y pinagmadali nila sa isang araw lamang ay mamamatay ang lahat ng kawan.

14 Magpauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod at ako'y magpapatuloy na dahan-dahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at sa hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”

15 Kaya't sinabi ni Esau, “Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko.” Kanyang sinabi, “Bakit kailangan pa? Sapat na ang makakita ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”

16 Kaya't nagbalik si Esau nang araw ding iyon sa kanyang lakad patungo sa Seir.

17 Si Jacob ay naglakbay sa Sucot, at nagtayo ng isang bahay para sa kanya, at iginawa niya ng mga balag ang kanyang hayop. Kaya't tinawag ang pangalan ng lugar na iyon na Sucot.

18 Payapang dumating si Jacob sa bayan ng Shekem, na nasa lupain ng Canaan, nang siya'y dumating mula sa Padan-aram; at siya'y tumigil sa tapat ng bayan.

19 Binili(A) niya sa halagang isandaang pirasong salapi ang bahaging iyon ng lupa na pinagtayuan ng kanyang tolda, sa kamay ng mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem.

20 At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya itong El-Elohe-Israel.[c]

Marcos 4

Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)

Siya'y(B) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.

Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,

“Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.

At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.

Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.

Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.

Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.

Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”

At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga.

11 At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga;

12 upang(D) kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.”

13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga?

14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.

15 Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila.

16 Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak;

17 at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod.[a]

18 Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita,

19 ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga.

20 Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(E)

21 At(F) sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan?

22 Sapagkat(G) walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag.

23 Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.”

24 At(H) sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.

25 Sapagkat(I) ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Binhing Tumutubo

26 Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa,

27 at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.

28 Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,[b] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.

29 Ngunit(J) kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.”

Ang Butil ng Mustasa(K)

30 Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito?

31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa,

32 ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.”

Ang mga Talinghaga ni Jesus

33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig.

34 At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay.

Pinatigil ni Jesus ang Unos(L)

35 Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”

36 Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya.

37 At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig.

38 Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”

39 Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.

40 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”

41 Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Esther 9-10

Natalo ng mga Judio ang Kanilang Kaaway

Sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ang utos at pasiya ng hari ay malapit nang ipatupad, nang araw na iyon na inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na makapaghari sila sa kanila, ngunit ito ay binago upang maging araw na ang mga Judio ang siyang maghahari sa kanilang mga kaaway,

ang mga Judio ay nagtipun-tipon sa kanilang mga lunsod sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, upang patayin ang mga naghahangad ng kanilang kapahamakan. Walang makatalo sa kanila, sapagkat ang pagkatakot sa kanila ay dumating sa lahat ng mga tao.

Lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan, mga gobernador, mga tagapamahala, at ang mga pinuno ng kaharian, ay tumulong sa mga Judio; sapagkat ang takot kay Mordecai ay dumating sa kanila.

Sapagkat si Mordecai ay makapangyarihan sa bahay ng hari, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap sa lahat ng mga lalawigan, sapagkat ang lalaking si Mordecai ay lalo pang naging makapangyarihan.

Kaya't pinagpapatay ng mga Judio ang lahat ng kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng tabak at pinuksa sila, at ginawa ang maibigan nila sa mga napopoot sa kanila.

At sa kabisera ng Susa ay pumatay at pumuksa ang mga Judio ng limang daang lalaki,

at pinatay rin sina Forsandata, Dalfon, Asfata,

Forata, Ahalia, Aridata,

Farmasta, Arisai, Aridai, at Vaizata,

10 na sampung anak ni Haman, na anak ni Amedata, na kaaway ng mga Judio; ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.

11 Nang araw na iyon ang bilang ng napatay sa kabisera ng Susa ay iniulat sa hari.

12 At sinabi ng hari kay Reyna Esther; “Sa Susa na kabisera, ang mga Judio ay pumatay ng limang daang lalaki at ng sampung anak ni Haman. Ano kaya ang kanilang ginawa sa ibang mga lalawigan ng hari? Ngayon, ano pa ang iyong pakiusap? Ipagkakaloob sa iyo. Ano pa ang iyong kahilingan? Iyon ay gagawin.”

13 Nang magkagayo'y sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, ipahintulot sa mga Judio na nasa Susa na gawin din bukas ang ayon sa utos sa araw na ito, at ang sampung anak ni Haman ay ibitin sa bitayan.”

14 At iniutos ng hari na ito ay gawin; ang utos ay ipinalabas sa Susa, at ang sampung anak ni Haman ay ibinitin.

15 Ang mga Judio na nasa Susa ay nagtipon din nang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at kanilang pinatay ang tatlong daang lalaki sa Susa ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.

16 At ang ibang mga Judio na nasa mga lalawigan ng hari ay nagtipon din upang ipagsanggalang ang kanilang buhay, at nagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at pumatay ng pitumpu't limang libo sa mga napopoot sa kanila, ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.

17 Ito'y nang ikalabintatlong araw ng buwan ng Adar, at nang ikalabing-apat na araw ay nagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan.

18 Ngunit ang mga Judio na nasa Susa ay nagtipon nang ikalabintatlo at ikalabing-apat na araw; at nang ikalabinlimang araw ay nagpahinga sila, at ginawa iyon na araw ng kapistahan at kasayahan.

19 Kaya't ipinagdiwang ng mga Judio sa mga nayon na naninirahan sa mga bayang walang pader ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar bilang araw ng kasayahan at kapistahan. Sa araw na iyon ay nagpadala sila ng handog na pagkain para sa isa't isa.

Ang Pista ng Purim ay Ginawa

20 Itinala ni Mordecai ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa malapit at gayundin sa malayo,

21 na ipinagbilin sa kanila na kanilang ipagdiwang ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabinlima niyon, taun-taon,

22 bilang mga araw na nagkaroon ng kapahingahan ang mga Judio sa kanilang mga kaaway, at ang buwan na ang kapanglawan ay naging kasayahan para sa kanila, at mula sa pagtangis ay naging mga araw ng kapistahan. Gagawin nila ang mga iyon na mga araw ng pagsasaya at kagalakan, mga araw para sa pagdadala ng mga piling bahagi ng handog na pagkain para sa isa't isa at kaloob para sa mga dukha.

23 At ginawang kaugalian ng mga Judio ang bagay na kanilang sinimulan, at gaya ng isinulat ni Mordecai sa kanila.

24 Si(A) Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbalak laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagpalabunutan ang Pur, upang durugin, at lipulin sila.

25 Ngunit nang si Esther ay humarap sa hari, siya ay nagbigay ng utos na nakasulat na ang kanyang masamang balak laban sa mga Judio ay mauwi sa kanyang sariling ulo; at siya at ang kanyang mga anak ay dapat ibitin sa bitayan.

26 Kaya't kanilang tinawag ang mga araw na ito na Purim, ayon sa katagang Pur. Iyon ay dahil sa lahat ng nakasulat sa sulat na ito, at dahil sa naranasan nila sa bagay na ito, at dahil sa lahat ng dumating sa kanila,

27 ang mga Judio ay nagpasiya at nangako sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak, at sa lahat ng umanib sa kanila, na walang pagsalang kanilang ipagdiriwang ang dalawang araw na ito ayon sa nakasulat, at ayon sa panahong itinakda taun-taon.

28 Ang mga araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat salinlahi, sa bawat angkan, lalawigan, at lunsod. At ang mga araw na ito ng Purim ay hindi lilipas sa mga Judio, o ang alaala man sa mga iyon ay lilipas sa kanilang mga anak.

29 Nang magkagayo'y si Reyna Esther na anak ni Abihail, at si Mordecai na Judio, ay nagbigay ng buong nakasulat na kapamahalaan, upang pagtibayin ang ikalawang sulat tungkol sa Purim.

30 Ang sulat ay ipinadala sa lahat ng mga Judio, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan ng kaharian ni Ahasuerus, na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan,

31 na ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiwang sa kanilang mga takdang panahon, ayon sa ibinilin sa mga Judio nina Mordecai na Judio at ni Reyna Esther, at ayon sa kanilang ipinasiya sa kanilang sarili at para sa kanilang mga anak, tungkol sa kanilang mga pag-aayuno at pagdaing.

32 At pinagtibay ng utos ni Reyna Esther ang mga kaugaliang ito ng Purim, at iyon ay itinala.

Ang Kadakilaan ni Mordecai

10 Si Haring Ahasuerus ay nagpataw ng buwis sa lupain at sa mga baybayin ng dagat.

At lahat ng mga gawa ng kanyang kapangyarihan at kalakasan, at ang buong kasaysayan ng mataas na karangalan ni Mordecai na ibinigay sa kanya ng hari, hindi ba nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia?

Sapagkat si Mordecai na Judio ay pangalawa kay Haring Ahasuerus, at siya ay makapangyarihan sa gitna ng mga Judio at bantog sa karamihan ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat inuna niya ang kapakanan ng kanyang bayan, at namagitan para sa ikabubuti ng lahat niyang mga kababayan.

Roma 4

Ang Halimbawa ni Abraham

Ano nga ang ating sasabihin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?

Sapagkat kung si Abraham ay itinuring na ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa Diyos.

Sapagkat(A) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran.”

Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi itinuturing na biyaya, kundi siyang talagang nararapat.

Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.

Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa:

“Mapapalad(B) ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa,
    at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan.
Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan.”

Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di-pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham.”

10 Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli.

11 Tinanggap(C) niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di-tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila,

12 gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli.

Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Sapagkat(D) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.

14 Sapagkat(E) kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.

15 Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.

16 Dahil(F) dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,

17 gaya(G) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa”) sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buháy noon ay binubuhay niya ngayon.

18 Umaasa(H) kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging “ama ng maraming bansa” ayon sa sinabi, “Magiging napakarami ang iyong binhi.”

19 Hindi(I) siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.

20 Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,

21 at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.

22 Kaya't ang kanyang pananampalataya[a] ay ibinilang na katuwiran sa kanya.

23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, “sa kanya'y ibinilang,”

24 kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,

25 na(J) ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001