M’Cheyne Bible Reading Plan
22 Kayo'y kumuha ng isang bigkis na isopo, inyong ilubog sa dugo na nasa palanggana, at inyong pahiran ng dugo ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto ng dugong nasa palanggana; sinuman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kanyang bahay hanggang sa kinaumagahan.
23 Sapagkat(A) ang Panginoon ay daraan upang patayin ang mga Ehipcio; pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, lalampasan ng Panginoon ang pintong iyon at hindi niya hahayaang pumasok ang mamumuksa sa inyong mga bahay upang patayin kayo.
24 Inyong iingatan ang bagay na ito bilang tuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman.
25 Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kanyang ipinangako, inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.
26 Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak, ‘Anong ibig ninyong sabihin sa pagdiriwang na ito?’
27 Inyong sasabihin, ‘Ito ang paghahandog ng paskuwa ng Panginoon, sapagkat kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang kanyang patayin ang mga Ehipcio at iniligtas ang ating mga bahay.’” At ang taong-bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.
28 Ang mga anak ni Israel ay humayo at gayon ang ginawa; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayon ang ginawa nila.
Nilipol ang Lahat ng mga Panganay sa Ehipto
29 Pagsapit(B) ng hatinggabi, pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan, at lahat ng panganay sa mga hayop.
30 Ang Faraon ay bumangon nang gabi, pati ang lahat ng kanyang mga lingkod at lahat ng mga Ehipcio; at nagkaroon ng isang malakas na panaghoy sa Ehipto sapagkat walang bahay na walang namatay.
31 Kanyang ipinatawag sina Moises at Aaron nang gabi at sinabi, “Maghanda kayo, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at ang mga anak ni Israel! Umalis na kayo at sambahin ninyo ang Panginoon, gaya ng inyong sinabi.
32 Dalhin ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y umalis na; at idalangin ninyo na ako ay pagpalain!”
33 Pinapagmadali ng mga Ehipcio ang taong-bayan, at madaliang pinaalis sila sa lupain, sapagkat kanilang sinabi, “Kaming lahat ay mamamatay.”
34 Kaya't dinala ng taong-bayan ang kanilang minasang harina bago ito nilagyan ng pampaalsa, na nakabalot pa ang kanilang mga pang-masa sa kani-kanilang damit at ipinasan sa kanilang mga balikat.
35 Ginawa(C) ng mga anak ni Israel ang ayon sa sinabi sa kanila ni Moises; sila'y humingi sa mga Ehipcio ng mga alahas na pilak, mga alahas na ginto, at mga damit.
36 Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio, kaya't ibinigay sa kanila ang anumang hingin nila. Kaya't kanilang sinamsaman ang mga Ehipcio.
Ang Pag-alis sa Ehipto
37 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Sucot, na may animnaraang libong lalaki na naglakad, bukod pa sa mga babae at mga bata.
38 Iba't ibang lahi, mga kawan, mga baka, at napakaraming hayop ang umahon ding kasama nila.
39 Kanilang niluto ang mga tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na kanilang dinala mula sa Ehipto. Ito ay hindi nilagyan ng pampaalsa, sapagkat sila'y itinaboy sa Ehipto at hindi na makapaghintay pa o makapaghanda man ng anumang pagkain para sa kanilang sarili.
40 Ang(D) panahon na nanirahan ang mga anak ni Israel sa Ehipto ay apatnaraan at tatlumpung taon.
41 Sa katapusan ng apatnaraan at tatlumpung taon, nang araw ding iyon, ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Ehipto.
42 Ito ay isang gabi ng pagbabantay ng Panginoon upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto; kaya't ang gabing iyon ay gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.
43 Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Ito ang tuntunin ng paskuwa: walang sinumang banyaga na kakain niyon.
44 Subalit ang bawat alipin na binili ng salapi ay maaaring makakain niyon kapag tuli na siya.
45 Ang dayuhan at ang alilang upahan ay hindi maaaring kumain niyon.
46 Sa(E) loob ng isang bahay kakainin iyon; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni huwag ninyong babaliin kahit isang buto niyon.
47 Ipapangilin iyon ng buong kapulungan ng Israel.
48 Kapag ang isang dayuhan ay maninirahang kasama mo, at mangingilin ng paskuwa ng Panginoon, tutuliin lahat ang kanyang mga kalalakihan at saka lamang siya makakalapit at makakapangilin. Siya'y magiging tulad sa ipinanganak sa lupain ninyo. Subalit sinumang hindi tuli ay hindi makakakain niyon.
49 May iisa lamang kautusan para sa ipinanganak sa lupain, at para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo.”
50 Gayon ang ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon ang ginawa nila.
51 Nang araw ding iyon, kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo.
Ang Nawalang Tupa(A)
15 Noon,(B) ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig.
2 Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.”
3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito:
4 “Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito'y kanyang matagpuan?
5 At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak.
6 Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay na sinasabi sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.’
7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu't siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.
Ang Nawalang Pilak
8 “O sinong babae na may sampung pirasong pilak,[a] na kung mawalan siya ng isang piraso, ay hindi ba magsisindi ng isang ilawan at magwawalis ng bahay, at naghahanap na mabuti hanggang ito'y matagpuan niya?
9 At kapag matagpuan niya ito ay tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na nagsasabi, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang pilak na nawala sa akin.’
10 Gayundin, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”
Ang Alibughang Anak
11 Sinabi ni Jesus,[b] “May isang tao na may dalawang anak na lalaki:
12 Sinabi ng nakababata sa kanila sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin.’ At hinati niya sa kanila ang kanyang pag-aari.
13 Makaraan ang ilang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kanya, at naglakbay patungo sa isang malayong lupain at doo'y nilustay ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay.
14 Nang magugol na niyang lahat ay nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at siya'y nagsimulang mangailangan.
15 Kaya't pumaroon siya at sumama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing iyon na nagpapunta sa kanya sa kanyang mga bukid upang magpakain ng mga baboy.
16 At siya'y nasasabik na makakain ng mga pinagbalatan na kinakain ng mga baboy at walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman.
17 Subalit nang siya'y matauhan ay sinabi niya, ‘Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, ngunit ako rito'y namamatay sa gutom?
18 Titindig ako at pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo.
19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod.”’
20 Siya'y tumindig at pumunta sa kanyang ama. Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama at ito'y awang-awa sa kanya. Ang ama'y[c] tumakbo, niyakap siya at hinagkan.
21 At sinabi ng anak sa kanya, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo; hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.’
22 Subalit sinabi ng ama sa kanyang mga alipin, ‘Dali, dalhin ninyo rito ang pinakamagandang kasuotan at isuot ninyo sa kanya. Lagyan ninyo ng singsing ang kanyang daliri, at mga sandalyas ang kanyang mga paa.
23 At kunin ninyo ang pinatabang guya at patayin ito, at tayo'y kumain at magdiwang.
24 Sapagkat ang anak kong ito ay patay na, at muling nabuhay; siya'y nawala, at natagpuan.’ At sila'y nagsimulang magdiwang.
25 Samantala, nasa bukid ang anak niyang panganay at nang siya'y dumating at papalapit sa bahay, nakarinig siya ng tugtugan at sayawan.
26 Tinawag niya ang isa sa mga alipin at itinanong kung ano ang kahulugan nito.
27 At sinabi niya sa kanya, ‘Dumating ang kapatid mo at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niyang ligtas at malusog.’
28 Subalit nagalit siya at ayaw pumasok. Lumabas ang kanyang ama, at siya'y pinakiusapan.
29 Subalit sumagot siya sa kanyang ama, ‘Tingnan mo, maraming taon nang ako'y naglingkod sa iyo, at kailanma'y hindi ako sumuway sa iyong utos. Gayunman ay hindi mo ako binigyan kailanman ng kahit isang batang kambing upang makipagsaya sa aking mga kaibigan.
30 Subalit nang dumating ang anak mong ito na lumustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae ay ipinagpatay mo pa siya ng pinatabang guya.’
31 At sinabi niya sa kanya, ‘Anak, ikaw ay palagi kong kasama, ang lahat ng sa akin ay sa iyo.
32 Ngunit nararapat lamang na magsaya at magalak, sapagkat ang kapatid mong ito ay patay at muling nabuhay; siya'y nawala at natagpuan.’”
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
30 “Ngunit ngayo'y pinagtatawanan nila ako,
mga kalalakihang mas bata kaysa akin,
na ang mga magulang ay di ko ilalagay
na kasama ng mga aso ng kawan ko.
2 Ano ang mapapakinabang ko sa lakas ng kanilang mga kamay?
Lumipas na ang kanilang lakas.
3 Dahil sa matinding gutom at kasalatan,
nginunguya nila pati ang tuyo at lupang tigang.
4 Kanilang pinupulot ang halaman sa dawagan sa tabi ng mabababang puno,
at pinaiinit ang sarili sa pamamagitan ng ugat ng enebro.
5 Sila'y itinataboy papalabas sa lipunan,
sinisigawan sila ng taong-bayan na gaya ng isang magnanakaw.
6 Kailangan nilang manirahan sa mga nakakatakot na daluyan,
sa mga lungga ng lupa at ng mga batuhan.
7 Sa gitna ng mabababang puno ay nagsisiangal,
sa ilalim ng mga tinikan ay nagsisiksikan.
8 Isang lahing walang bait at kapurihan,
mula sa lupain sila'y ipinagtabuyan.
9 “At ngayon ako ay naging awit nila,
oo, ako'y kawikaan sa kanila.
10 Ako'y kanilang kinasusuklaman, ako'y kanilang nilalayuan,
hindi sila nag-aatubiling lumura kapag ako'y namamataan.
11 Sapagkat kinalag ng Diyos ang aking panali, at ginawa akong mababang-loob,
inalis na nila ang pagpipigil sa harapan ko.
12 Sa aking kanan ay tumatayo ang gulo,
itinutulak nila ako,
at sila'y gumagawa ng mga daan para sa ikapapahamak ko.
13 Kanilang sinisira ang aking daraanan,
ang aking kapahamakan ay kanilang isinusulong,
at wala namang sa kanila'y tumutulong.
14 Tila pumapasok sila sa isang maluwang na pasukan;
at gumugulong sila sa gitna ng kasiraan.
15 Ang mga pagkasindak sa akin ay dumadagan,
hinahabol na gaya ng hangin ang aking karangalan,
at lumipas na parang ulap ang aking kasaganaan.
16 “At ngayo'y nanlulupaypay ang kaluluwa ko sa aking kalooban,
pinapanghina ako ng mga araw ng kapighatian.
17 Pinahihirapan ng gabi ang aking mga buto,
at ang kirot na ngumangatngat sa akin ay hindi humihinto.
18 May dahas nitong inaagaw ang aking kasuotan,
sa kuwelyo ng aking damit ako'y kanyang sinunggaban.
19 Inihagis ako ng Diyos sa lusak,
at ako'y naging parang alabok at abo.
20 Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot;
ako'y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan.
21 Sa akin ikaw ay naging malupit,
sa kapangyarihan ng kamay mo, ako'y iyong inuusig.
22 Itinataas mo ako sa hangin, doon ako'y pinasasakay mo,
sinisiklot mo ako sa dagundong ng bagyo.
23 Oo, alam ko na dadalhin mo ako sa kamatayan,
at sa bahay na itinalaga para sa lahat ng nabubuhay.
24 “Gayunma'y di dapat tumalikod laban sa nangangailangan,
kapag sila'y humihingi ng tulong dahil sa kapahamakan.
25 Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan?
Hindi ba ang aking kaluluwa ay tumangis para sa mga dukha?
26 Ngunit nang ako'y humanap ng mabuti, ang dumating ay kasamaan;
nang ako'y naghintay ng liwanag, ang dumating ay kadiliman.
27 Ang aking puso'y nababagabag at hindi natatahimik,
ang mga araw ng kapighatian ay dumating upang ako'y salubungin.
28 Ako'y humahayong nangingitim, ngunit hindi sa araw;
ako'y tumatayo sa kapulungan at humihingi ng pagdamay.
29 Ako'y kapatid ng mga asong-gubat,
at kasama ng mga avestruz.
30 Ang aking balat ay nangingitim at natutuklap,
at ang aking mga buto sa init ay nagliliyab.
31 Kaya't ang aking lira ay naging panangis,
at ang aking plauta ay naging tinig ng umiiyak.
Ambagan para sa mga Banal
16 Ngayon,(A) tungkol sa ambagan para sa mga banal, ay gawin din ninyo gaya ng aking itinagubilin sa mga iglesya sa Galacia.
2 Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa sa inyo ay magbukod at maglaan ayon sa kanyang makakaya, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan pagdating ko.
3 At pagdating ko, ang sinumang inyong pipiliin, ay sila ang aking isusugo na may mga sulat upang makapagdala ng inyong abuloy sa Jerusalem.
4 Kung nararapat na ako ay pumaroon din ay sasamahan nila ako.
Plano ni Pablo sa Paglalakbay
5 Ako'y(B) dadalaw sa inyo pagkaraan ko sa Macedonia, sapagkat balak kong dumaan sa Macedonia;
6 at marahil ako'y titigil sa inyo o maaaring magpalipas ng tagginaw, upang ako'y matulungan ninyo, saan man ako pumunta.
7 Ayaw kong makita kayo ngayon na dadaanan lamang, sapagkat ako'y umaasa na makagugol ng ilang panahon na kasama ninyo, kung itutulot ng Panginoon.
8 Subalit(C) ako'y titigil sa Efeso hanggang sa Pentecostes,
9 sapagkat(D) isang maluwag na pintuan para sa mabisang paggawa ang nabuksan sa akin, at marami ang mga kaaway.
10 Kapag(E) si Timoteo ay dumating, sikapin ninyo na wala siyang anumang kinakatakutan sa gitna ninyo, sapagkat siya'y gumagawa ng gawain ng Panginoon, na gaya ko.
11 Sinuman ay huwag humamak sa kanya. Suguin ninyo siya sa kanyang paglalakbay na may kapayapaan upang siya'y makarating sa akin, sapagkat inaasahan ko siyang kasama ng mga kapatid.
12 Tungkol naman kay kapatid na Apolos, pinakiusapan ko siyang mabuti na dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid, subalit hindi pa niya nais na pumariyan ngayon. Ngunit siya'y darating kapag mayroon na siyang pagkakataon.
Pagwawakas at Pagbati
13 Magmatyag kayo, manindigan kayong matibay sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakatatag kayo.
14 Lahat ng inyong ginagawa ay gawin ninyo sa pag-ibig.
15 Mga(F) kapatid, ngayon ay nakikiusap ako sa inyo. Nalalaman ninyo na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang bunga ng Acaia, at kanilang itinalaga ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga banal.
16 Hinihiling ko sa inyo na kayo ay pasakop sa gayong mga tao at sa bawat isa na gumagawang kasama nila.
17 Ako'y natutuwa sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat ang kakulangan ninyo ay pinunan nila.
18 Sapagkat pinaginhawa nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Kaya't magbigay kayo ng pagkilala sa gayong mga tao.
19 Binabati(G) kayo ng mga iglesya sa Asia. Kayo'y buong pusong binabati sa Panginoon nina Aquila at Prisca[a] kasama ng iglesyang nasa kanilang bahay.
20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Magbatian kayo ng banal na halik.
21 Akong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito sa aking sariling kamay.
22 Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoon ay sumpain siya. Maranatha.[b]
23 Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawa.
24 Ang aking pag-ibig kay Cristo Jesus ay sumainyo nawang lahat. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001