M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Gintong Guya(A)
32 Nang(B) makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, “Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.”
2 At sinabi ni Aaron sa kanila, “Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa tainga ng inyu-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalaki at babae, at dalhin ninyo sa akin.”
3 Kaya't inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nasa kanilang mga tainga, at dinala ang mga ito kay Aaron.
4 Kanyang(C) tinanggap ang ginto mula sa kanila at hinubog ito sa pamamagitan ng isang kagamitang panlilok, at ginawang isang hinulmang guya. At kanilang sinabi, “Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!”
5 Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyon. Nagpahayag si Aaron at sinabi, “Bukas ay isang pista sa Panginoon.”
6 Kinaumagahan,(D) sila'y bumangon nang maaga, nag-alay ng mga handog na sinusunog at nagdala ng mga handog pangkapayapaan; at ang taong-bayan ay naupo upang kumain at mag-inuman at bumangon upang magkatuwaan.
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka agad! Ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto ay nagpapakasama.
8 Sila'y madaling lumihis sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila'y gumawa ng isang hinulmang guya at kanilang sinamba, at hinandugan ito, at kanilang sinabi, ‘Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!’”
9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Aking nakita ang bayang ito, napakatigas ng kanilang ulo.
10 Kaya ngayo'y hayaan mo ako upang ang aking poot ay mag-alab laban sa kanila, at aking lipulin sila. Ngunit ikaw ay aking gagawing isang dakilang bansa.”
11 Ngunit(E) nagsumamo si Moises sa Panginoon niyang Diyos, at sinabi, “ Panginoon, bakit ang iyong poot ay pinag-aalab mo laban sa iyong bayan na iyong inilabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?
12 Bakit kailangang sabihin ng mga Ehipcio, ‘Dahil sa masamang layunin ay kanyang inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila mula sa balat ng lupa?’ Iurong mo ang iyong mabangis na poot, at baguhin mo ang iyong isip sa kasamaang ito laban sa iyong bayan.
13 Alalahanin(F) mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod. Sa kanila ay sumumpa ka sa iyong sarili, at sinabi mo sa kanila, ‘Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking ipinangako ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin ito magpakailanman.’”
14 At nagbago ang isip ng Panginoon sa masama na kanyang sinabing gagawin niya sa kanyang bayan.
Nagalit si Moises
15 Si Moises ay tumalikod at bumaba sa bundok, dala ang dalawang tapyas ng tipan sa kanyang mga kamay, mga tapyas na may sulat sa magkabilang panig niyon, sa isang panig at sa kabilang panig ay nakasulat ang mga iyon.
16 Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos, na nakaukit sa mga tapyas.
17 Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan habang sila'y nagsisigawan, sinabi niya kay Moises, “May ingay ng digmaan sa kampo.”
18 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi iyon ingay ng sigaw ng pagtatagumpay, o ingay man ng sigaw ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig.”
19 Nang makalapit siya sa kampo, at kanyang makita ang guya at ang pagsasayawan, ang galit ni Moises ay nag-alab, at kanyang ibinato ang mga tapyas na nasa kanyang mga kamay at binasag ang mga ito sa paanan ng bundok.
20 Kanyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, sinunog ng apoy, giniling hanggang sa naging pulbos, isinaboy sa tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.
21 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking kasalanan?”
22 Sinabi ni Aaron, “Huwag mag-alab ang galit ng aking Panginoon; kilala mo ang taong-bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.
23 Sapagkat kanilang sinabi sa akin, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.’
24 At aking sinabi sa kanila, ‘Sinumang may ginto ay hubarin ito,’ at kanila namang ibinigay sa akin, at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito!”
Pinarusahan ang mga Tao
25 Nang makita ni Moises na ang bayan ay nagwawala (sapagkat pinabayaan sila ni Aaron na magwala, sa kanilang kahihiyan sa gitna ng kanilang mga kaaway),
26 tumayo si Moises sa pintuan ng kampo, at nagsabi, “Sino ang nasa panig ng Panginoon? Lumapit kayo sa akin.” At lahat ng mga anak ni Levi ay nagtipon sa kanya.
27 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Ilagay ng bawat lalaki ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran. Humayo kayong paroo't parito sa mga pintuan sa buong kampo, at patayin ng bawat lalaki ang kanyang kapatid na lalaki, ng bawat lalaki ang kanyang kasama, at ng bawat lalaki ang kanyang kapwa.’”
28 Ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises; at nabuwal ang halos tatlong libong katao sa mamamayan nang araw na iyon.
29 Sinabi ni Moises, “Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa Panginoon, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya't kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito.”
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan, “Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan. Ngayo'y aakyat ako sa Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan.”
31 Kaya't bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, “O, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto.
32 Ngunit(G) ngayon, kung maaari ay patawarin mo ang kanilang kasalanan—at kung hindi, ay burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.”
33 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang sinumang nagkasala laban sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat.
34 Subalit ngayo'y humayo ka, iyong pangunahan ang bayan patungo sa dakong aking sinabi sa iyo; ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo. Gayunman kapag dumating ang araw ng pagpaparusa, aking parurusahan sila sa kanilang mga kasalanan.”
35 At ang Panginoon ay nagpadala ng isang salot sa bayan, sapagkat kanilang ginawa ang guya—yaong ginawa ni Aaron.
Namatay si Lazaro
11 Noon(A) ay mayroong isang tao na maysakit, si Lazaro na taga-Betania, ang nayon nina Maria at Marta na kanyang mga kapatid.
2 Si(B) Maria ang siyang nagbuhos sa Panginoon ng pabango, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang buhok. Ang kanyang kapatid na si Lazaro ay may sakit.
3 Kaya't ang magkapatid na babae ay nagbalita kay Jesus,[a] “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.”
4 Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi niya, “Ang sakit na ito'y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.”
5 Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro.
6 Nang mabalitaan niya na si Lazaro ay may sakit, siya'y nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya.
7 Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, “Pumunta tayong muli sa Judea.”
8 Sinabi sa kanya ng mga alagad, “Rabi, ngayo'y pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli kang pupunta roon?”
9 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ang maghapon ay may labindalawang oras? Ang lumalakad samantalang araw ay hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito.
10 Ngunit ang taong lumalakad samantalang gabi ay natitisod, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.
11 Pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y pupunta roon, upang gisingin siya.”
12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling.”
13 Subalit ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkamatay ni Lazaro,[b] subalit inakala nila na ang tinutukoy niya ay ang karaniwang pagtulog.
14 Kaya't pagkatapos ay maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus, “Namatay si Lazaro,
15 at ikinagagalak ko alang-alang sa inyo na ako'y wala roon, upang kayo'y sumampalataya. Gayunma'y tayo na sa kanya.”
16 Si Tomas na tinatawag na Kambal[c] ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”
Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay
17 Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.
18 Ang Betania ay malapit sa Jerusalem, na may layong tatlong kilometro.[d]
19 At maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang sila'y aliwin dahil sa kanilang kapatid.
20 Nang marinig ni Marta na si Jesus ay dumarating, siya ay pumunta at sinalubong siya, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay.
21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka sana hindi sana namatay ang kapatid ko.
22 Subalit kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”
23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid.”
24 Sinabi ni Marta sa kanya, “Alam kong siya'y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw.”
25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, ay mabubuhay.
26 At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?”
27 Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan.
Umiyak si Jesus
28 Nang masabi na niya ito ay umalis siya, at tinawag ang kapatid niyang si Maria at palihim na sinabi, “Ang Guro ay narito at tinatawag ka.”
29 Nang marinig niya ito, dali-dali siyang tumayo at pumunta sa kanya.
30 (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)
31 Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria,[e] lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,
34 at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”
35 Umiyak si Jesus.
36 Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”
37 Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”
Binuhay si Lazaro
38 Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.
39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.
42 At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”
43 At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”
44 Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”
Sabwatan Laban kay Jesus(C)
45 Kaya't marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakakita ng ginawa niya ang sumampalataya sa kanya.
46 Subalit ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo, at sinabi sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.
47 Kaya't ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpatawag ng pagpupulong at sinabi, “Ano ang gagawin natin? Ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.
48 Kung siya'y ating pabayaan ng ganito, ang lahat ng mga tao ay maniniwala sa kanya. Darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo[f] at ang ating bansa.”
49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na pinakapunong pari nang panahong iyon ay nagsabi sa kanila, “Wala talaga kayong nalalaman.
50 Hindi ba ninyo nauunawaan na mas mabuti para sa inyo na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?”
51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili, kundi bilang pinakapunong pari nang panahong iyon siya'y nagpropesiya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa;
52 at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin niya sa iisa ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay.
53 Kaya't mula nang araw na iyon ay binalak nilang siya'y patayin.
54 Mula noon, si Jesus ay hindi na naglalakad nang hayagan sa gitna ng mga Judio, kundi pumunta siya sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Siya'y nanirahan doon kasama ng mga alagad.
55 Ang Paskuwa nga ng mga Judio ay malapit na, at maraming umahon tungo sa Jerusalem mula sa lupaing iyon bago magpaskuwa, upang linisin ang kanilang mga sarili.
56 Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi sa isa't isa habang nakatayo sila sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?”
57 Ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nag-utos na sinumang nakakaalam ng kinaroroonan ni Jesus[g] ay dapat ipagbigay-alam sa kanila upang siya'y kanilang madakip.
Ang Panawagan ng Karunungan
8 Hindi(A) ba nananawagan ang karunungan,
at nagtataas ng tinig ang kaunawaan?
2 Sa matataas na dako sa tabi ng daan,
siya'y tumatayo sa mga sangandaan.
3 Sa tabi ng mga pintuan sa harapan ng bayan,
siya'y sumisigaw ng malakas sa pasukan ng mga pintuan:
4 “Sa inyo, O mga lalaki, tumatawag ako,
at ang aking sigaw ay sa mga anak ng mga tao.
5 O kayong mga walang muwang, matuto kayo ng katalinuhan;
at, maging maunawain kayo, kayong mga hangal.
6 Makinig kayo, sapagkat magsasalita ako ng mga bagay na marangal,
at mamumutawi sa aking mga labi ang matutuwid na bagay;
7 sapagkat ang aking bibig ay magsasabi ng katotohanan;
at karumaldumal sa aking mga labi ang kasamaan.
8 Ang mga salita ng aking bibig ay pawang katuwiran;
sa kanila'y walang liko o baluktot man.
9 Sa kanya na nakakaunawa ay pawang makatuwiran,
at wasto sa kanila na nakakatagpo ng kaalaman.
10 Sa halip na pilak, ang kunin mo'y ang aking aral;
at sa halip na dalisay na ginto ay ang kaalaman.
11 Sapagkat mabuti kaysa alahas ang karunungan,
at lahat ng maaari mong naisin, sa kanya'y di maipapantay.
12 Akong karunungan ay nakatirang kasama ng katalinuhan,
at natatagpuan ko ang kaalaman at tamang kahatulan.
13 Ang takot sa Panginoon ay pagkamuhi sa kasamaan.
Ang kapalaluan, kahambugan, landas ng kasamaan,
at ang masamang pananalita ay aking kinasusuklaman.
14 Mayroon akong payo at magaling na karunungan,
ako'y may kaunawaan, ako'y may kalakasan.
15 Naghahari ang mga hari sa pamamagitan ko,
at naggagawad ng katarungan ang mga pangulo.
16 Sa pamamagitan ko ay namumuno ang mga pangulo,
at namamahala sa lupa ang mararangal na tao.
17 Iniibig ko silang sa akin ay umiibig,
at ako'y natatagpuan ng humahanap sa aking masigasig.
18 Nasa akin ang mga kayamanan at dangal,
ang kayamanan at kasaganaang tumatagal.
19 Ang bunga ko ay mas mabuti kaysa ginto, kaysa gintong mainam,
at maigi kaysa piling pilak ang aking pakinabang.
20 Lumalakad ako sa daan ng katuwiran,
sa mga landas ng katarungan,
21 upang aking bigyan ng yaman ang sa aki'y nagmamahal,
at upang aking mapuno ang kanilang kabang-yaman.
Ang Bahagi ng Karunungan sa Paglikha
22 Inari(B) ako ng Panginoon sa pasimula ng lakad niya,
bago pinasimulan ang kanyang mga gawa ng una.
23 Ako'y inilagay mula ng walang pasimula,
noong una, bago pa man nilikha ang lupa.
24 Ako'y nailabas na nang wala pang mga kalaliman;
nang wala pang masaganang tubig mula sa mga bukal.
25 Bago pa ang mga bundok ay hinugisan,
bago ang mga burol, ako'y isinilang,
26 nang hindi pa niya nagagawa ang lupa, ni ang mga parang man,
ni ang pasimula man ng alabok ng sanlibutan.
27 Naroroon na ako nang kanyang itatag ang kalangitan,
nang siya'y maglagay ng bilog sa ibabaw ng kalaliman,
28 nang kanyang pagtibayin ang langit sa kaitaasan,
nang kanyang patatagin ang mga bukal ng kalaliman,
29 nang itakda niya sa dagat ang kanyang hangganan,
upang huwag suwayin ng tubig ang kanyang kautusan,
nang ang mga saligan ng lupa'y nilagyan niya ng palatandaan,
30 nasa tabi nga niya ako na gaya ng punong manggagawa;[a]
at ako ang kanyang pang-araw-araw na ligaya,
na laging nagagalak sa harapan niya,
31 nagagalak sa kanyang lupang tinatahanan,
at sa mga anak ng mga tao ay nasisiyahan.
32 At ngayon, mga anak ko, ako'y inyong pakinggan,
mapapalad ang nag-iingat ng aking mga daan.
33 Makinig kayo sa turo, at magpakatalino,
at huwag ninyong pababayaan ito.
34 Mapalad ang taong nakikinig sa akin,
na nagbabantay araw-araw sa aking mga tarangkahan,
na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.
35 Sapagkat ang nakakatagpo sa akin, ay nakakatagpo ng buhay,
at biyaya mula sa Panginoon ay kanyang makakamtan.
36 Ngunit siyang nagkakasala laban sa akin ay sarili niya ang sinasaktan;
lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan.”
Pagbati
1 Si(A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo
3 Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan,
4 ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.
5 Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban,
6 para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal.
7 Sa(B) kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,
8 na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,
9 na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,
10 bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;
11 sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban;
12 upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian.
13 Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo.
14 Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian.
Panalangin ni Pablo
15 Dahil dito, sapagkat narinig ko rin naman ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal,
16 hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat para sa inyo, na binabanggit kayo sa aking mga panalangin,
17 upang ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa kanya,
18 yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kanyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kanyang pamana sa mga banal,
19 at kung ano ang di-masukat na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas.
20 Kanyang(C) isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan,
21 higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon.
22 At(D) kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya,
23 na(E) siyang katawan niya, ang kapuspusan niya na pumupuspos ng lahat sa lahat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001