M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paggawa ng Dambana ng Handog na Sinusunog(A)
38 Ginawa rin niya ang dambana ng handog na sinusunog na yari sa kahoy na akasya: limang siko ang haba at limang siko ang luwang niyon, parisukat; at tatlong siko ang taas.
2 Kanyang iginawa ng mga sungay iyon sa ibabaw ng apat na sulok niyon; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon; at kanyang binalot iyon ng tanso.
3 Kanyang ginawa ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana, ang mga palayok, ang mga pala, ang mga palanggana, ang malalaking tinidor, at ang mga apuyan: lahat ng mga kasangkapan ay kanyang ginawang yari sa tanso.
4 At kanyang iginawa ang dambana ng isang parilya, na sala-salang tanso, sa ilalim ng gilid ng dambana, na umaabot hanggang sa kalahatian paibaba.
5 Siya ay naghulma ng apat na argolya para sa apat na sulok ng parilyang tanso, bilang suotan ng mga pasanan;
6 ginawa niya ang mga pasanan na yari sa kahoy na akasya, at binalot ng tanso ang mga ito.
7 Kanyang isinuot ang mga pasanan sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng dambana, upang mabuhat iyon; ginawa niya itong may guwang na may mga tabla.
8 Kanyang(B) ginawa ang hugasang yari sa tanso, at ang patungan niyon ay tanso, mula sa mga salamin ng mga babaing lingkod na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan.
9 Kanyang ginawa ang bulwagan, sa gawing timog ang mga tabing ng bulwagan ay mga hinabing pinong lino na may isang daang siko.
10 Ang mga haligi ng mga iyon ay dalawampu, at ang mga patungan ay dalawampu, yari sa tanso; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga kawit ay pilak.
11 Sa dakong hilaga ay isang daang siko, ang mga haligi ay dalawampu, at ang mga patungan ay dalawampu, yari sa tanso; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak.
12 At sa gawing kanluran ay may mga tabing na may limampung siko, ang mga haligi ay sampu, at ang mga patungan ay sampu; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak.
13 Sa harapan hanggang gawing silangan ay may limampung siko.
14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuan ay labinlimang siko; ang mga haligi ay tatlo, at ang mga patungan ay tatlo;
15 gayundin sa kabilang dako—sa dakong ito at sa dakong iyon ng pintuan ng bulwagan ay may mga tabing na tiglalabinlimang siko; ang mga haligi niyon ay tatlo, at ang mga patungan niyon ay tatlo.
16 Lahat ng mga tabing ng bulwagan sa palibot ay pinong lino.
17 Ang mga patungan para sa mga haligi ay tanso, ngunit ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak; at ang mga balot ng mga itaas ay pilak; at ang lahat ng haligi ng bulwagan ay may taling pilak.
18 At ang tabing sa pasukan ng bulwagan ay binurdahan na telang asul, kulay-ube at pula, at pinong lino at may dalawampung siko ang haba, ang luwang ay may limang siko, na kasukat ng mga tabing sa bulwagan.
19 Ang mga haligi ay apat, at ang mga patungan ay apat, tanso; ang mga kawit ay pilak, at ang mga balot ng itaas nito, at ang mga panali ay pilak.
20 At lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng bulwagan sa palibot ay tanso.
Ang Kabuuan ng Nagamit na Metal
21 Ito ang kabuuan ng mga bagay sa tabernakulo, ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa pagbilang nila, alinsunod sa utos ni Moises para sa paglilingkod ng mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ng paring si Aaron.
22 Ginawa ni Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda, ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
23 At kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan, na mang-uukit, at bihasang manggagawa, at mambuburda sa telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.
24 Lahat ng ginto na ginamit sa buong gawain sa santuwaryo, samakatuwid ay ang gintong handog, ay dalawampu't siyam na talento, at pitong daan at tatlumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo.
25 Ang(C) pilak mula sa kapisanan na binilang ay sandaang talento, at isang libo't pitong daan at pitumpu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo:
26 tig-isang(D) beka bawat ulo, samakatuwid, kalahati ng isang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo, sa bawat isa na nasali sa mga nabilang, magmula sa dalawampung taong gulang pataas, sa anim na raan at tatlong libo at limang daan at limampung lalaki.
27 Ang isandaang talentong pilak ay ginamit sa pagbubuo ng mga patungan ng santuwaryo, at ng mga patungan ng mga haligi ng tabing; sandaang patungan sa sandaang talento, isang talento sa bawat patungan.
28 Sa isang libo't pitong daan at pitumpu't limang siklo ay naigawa ng kawit ang mga haligi at binalot ang mga itaas, at iginawa ng mga panali.
29 Ang tansong ipinagkaloob ay pitumpung talento, at dalawang libo at apatnaraang siklo,
30 na siyang ginawang mga patungan sa pintuan ng toldang tipanan, at ng dambanang tanso, at ng parilyang tanso niyon, at ng lahat ng kasangkapan ng dambana,
31 at ng mga tungtungan ng bulwagan sa palibot, at ng mga patungan sa pintuan ng bulwagan, at ng lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng lahat ng mga tulos ng bulwagan sa palibot.
Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga Alagad
17 Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak,
2 yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya.
3 At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo.
4 Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin.
5 At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan.
6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.
7 Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo;
8 sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.
9 Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo.
10 Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang sa iyo ay akin, at ako'y naluluwalhati sa kanila.
11 At ngayon ay wala na ako sa sanlibutan, subalit ang mga ito ay nasa sanlibutan, at ako'y papariyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
12 Habang(A) ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan.
13 Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili.
14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga-sanlibutan, gaya ko naman na hindi taga-sanlibutan.
15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.
16 Hindi sila taga-sanlibutan, na gaya ko na hindi taga-sanlibutan.
17 Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.
18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan.
19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan.
20 Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita,
21 upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.
22 At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
23 Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal.
24 Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan.
25 O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin.
26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila.”
14 Ang matalinong babae[a] ay nagtatayo ng kanyang bahay,
ngunit binubunot ito ng hangal ng sarili niyang mga kamay.
2 Ang lumalakad sa katuwiran sa Panginoon ay gumagalang,
ngunit ang suwail sa kanyang mga lakad sa kanya'y lumalapastangan.
3 Ang pagsasalita ng hangal ay pamalo sa kanyang likod[b]
ngunit ang mga labi ng pantas ang sa kanila'y magtataguyod.
4 Kung saan walang baka ay wala ring butil,
ngunit ang saganang ani sa lakas ng baka nanggagaling.
5 Hindi nagsisinungaling ang tapat na saksi,
ngunit ang bulaang saksi ay mga kasinungalingan ang sinasabi.
6 Ang manlilibak ay humahanap ng karunungan at walang natatagpuan,
ngunit ang kaalaman ay madali sa taong may kaunawaan.
7 Umalis ka sa harapan ng isang taong hangal,
sapagkat doo'y hindi mo matatagpuan ang mga salita ng kaalaman.
8 Ang karunungan ng matalino ay ang makaunawa ng kanyang daan,
ngunit ang kahangalan ng mga hangal ay mapanlinlang.
9 Hinahamak ng hangal ang handog para sa kasalanan,
ngunit tinatamasa ng matuwid ang mabuting kalooban.
10 Nalalaman ng puso ang kanyang sariling kapaitan,
at walang dayuhang nakikibahagi sa kanyang kagalakan.
11 Ang bahay ng masama ay magigiba,
ngunit ang tolda ng matuwid ay sasagana.
12 Mayroong(A) daan na tila matuwid sa isang tao,
ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
13 Maging sa pagtawa ang puso ay mapanglaw,
at ang wakas ng kasayahan ay kalungkutan.
14 Bubusugin ang masama sa bunga ng sariling mga lakad niya,
at ang mabuting tao sa bunga ng kanyang mga gawa.
15 Ang bawat salita'y pinaniniwalaan ng walang muwang,
ngunit tinitingnan ng marunong ang kanyang patutunguhan.
16 Ang matalinong tao'y maingat at sa masama'y umiiwas,
ngunit iwinawaksi ng hangal ang pagpipigil at siya'y walang ingat.
17 Ang taong magagalitin ay gumagawang may kahangalan,
ngunit ang taong may unawa ay may katiyagaan.
18 Ang walang muwang ay nagmamana ng kahangalan,
ngunit ang matalino ay nakokoronahan ng kaalaman.
19 Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti,
at ang masama sa mga pintuan ng matuwid.
20 Inaayawan ang dukha maging ng kanyang kapitbahay,
ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kanyang kapwa ay nagkakasala,
ngunit ang mabait sa mga dukha ay masaya.
22 Hindi ba nagkakamali silang kumakatha ng kasamaan?
Ngunit katapatan at katotohanan ay sasakanila na kumakatha ng kabutihan.
23 Sa lahat ng pagsisikap ay may pakinabang,
ngunit ang pagsasalita lamang ay naghahatid sa kahirapan.
24 Ang korona ng pantas ay ang kanilang kayamanan,
ngunit kahangalan ang putong ng mga hangal.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,
ngunit taksil ang nagsasalita ng kasinungalingan.
26 Sa takot sa Panginoon ang tao'y may pagtitiwalang matibay,
at ang kanyang mga anak ay magkakaroon ng kanlungan.
27 Ang takot sa Panginoon ay bukal ng buhay,
upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan.
28 Ang kaluwalhatian ng isang hari ay nasa dami ng taong-bayan,
ngunit napapahamak ang pinuno kapag walang sambayanan.
29 Ang makupad sa galit ay may malaking kaunawaan,
ngunit ang madaling magalit ay nagbubunyi ng kahangalan.
30 Ang tiwasay na puso ay nagbibigay-buhay sa laman,
ngunit ang pagnanasa, sa mga buto ay kabulukan.
31 Ang umaapi sa dukha ay humahamak sa kanyang Lumalang,
ngunit ang mabait sa mahirap, sa kanya'y nagpaparangal.
32 Ang masama ay ibinabagsak dahil sa kanyang gawang kasamaan,
ngunit ang matuwid ay may kanlungan dahil sa kanyang katapatan.
33 Ang karunungan ay nananatili sa puso ng may kaunawaan,
ngunit nalalaman ang nasa mga puso ng hangal.
34 Ang katuwiran ay nagtataas sa isang bansa,
ngunit ang kasalanan sa alinmang bayan ay pagkutya!
35 Ang pagpapala ng hari ay nasa lingkod na gumagawang may katalinuhan,
ngunit ang kanyang poot ay dumarating sa nagdudulot ng kahihiyan.
Pagbati
1 Si(A) Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga obispo at ang mga diakono:[a]
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Ako'y nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing kayo'y aking naaalala,
4 na laging nananalanging may kagalakan sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat,
5 dahil sa inyong pakikibahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon.
6 Ako'y panatag sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ay siyang magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.
7 Matuwid na aking isipin ang gayon tungkol sa inyong lahat, sapagkat kayo'y nasa aking puso,[b] yamang kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, sa aking mga tanikala, at sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo.
8 Sapagkat saksi ko ang Diyos, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa pagmamahal[c] ni Cristo Jesus.
9 Idinadalangin ko na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa;
10 upang inyong makilala ang mga bagay na magaling; at kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo;
11 na mapuspos ng mga bunga ng katuwiran, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.
Ang Mabuhay ay si Cristo
12 Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nakatulong sa paglago ng ebanghelyo,
13 anupa't(B) ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba pa,
14 at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na nagkaroon ng tiwala dahil sa aking mga tanikala ay lalong nagkaroon ng katapangang ipahayag ng walang takot ang salita ng Diyos.
15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo dahil sa pagkainggit at sa pakikipagpaligsahan, ngunit ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban.
16 Ang huli ay gumagawa dahil sa pag-ibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo;
17 ngunit ipinangangaral ng una si Cristo dahil sa pagkakampi-kampi, hindi sa katapatan, na ang hangarin ay dagdagan ng hirap ang aking mga tanikala.
18 Ano nga? Kahit sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, ay ipinahahayag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako. Oo, at ako'y patuloy na magagalak,
19 sapagkat nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa saganang tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo.
20 Ayon sa aking lubos na inaasahan at pag-asa, na sa anuman ay hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayundin naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng buhay, o sa pamamagitan ng kamatayan.
21 Sapagkat sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.
22 Ngunit kung ako ay mabubuhay sa laman, ito'y magiging mabungang pagpapagal para sa akin. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin.
23 Sapagkat ako'y naiipit sa pagitan ng dalawa: ang aking nais ay umalis at makasama si Cristo, sapagkat ito'y higit na mabuti.
24 Gayunma'y ang manatili sa laman ay higit na kailangan dahil sa inyo.
25 At sa paniniwalang ito, aking nalalaman na ako'y mananatili at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya;
26 upang sumagana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking muling pagharap sa inyo.
27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo, na kahit ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang mga bagay patungkol sa inyo na kayo'y naninindigan sa isang espiritu, na may isang isipan na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo,
28 at sa anuman ay huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang kapahamakan, ngunit ng inyong kaligtasan, at ito'y mula sa Diyos.
29 Sapagkat sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang sa kanya,
30 yamang(C) taglay ninyo ang gayunding pakikipaglaban na inyong nakita sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyo tungkol sa akin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001