Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 19

Ang Israel sa Bundok ng Sinai

19 Sa ikatlong bagong buwan, pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay makaalis sa lupain ng Ehipto, dumating sila nang araw ding iyon sa ilang ng Sinai.

Nang sila'y umalis sa Refidim at dumating sa ilang ng Sinai, humimpil sila sa ilang; at doo'y nagkampo ang Israel sa harap ng bundok.

Si Moises ay umakyat tungo sa Diyos, at tinawag siya ng Panginoon mula sa bundok, na sinasabi, “Ganito ang sasabihin mo sa sambahayan ni Jacob, at sasabihin mo sa mga anak ni Israel:

Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Ehipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin.

Kaya't(A) (B) ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan, kayo ay magiging aking sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan; sapagkat ang buong daigdig ay akin.

Sa(C) akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa. Ito ang mga salitang sasabihin mo sa mga anak ni Israel.”

Kaya't dumating si Moises at ipinatawag ang matatanda sa bayan at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng Panginoon sa kanya.

Ang buong bayan ay nagkaisang sumagot at nagsabi, “Ang lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.” At iniulat ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ako'y darating sa iyo sa isang makapal na ulap, upang marinig ng bayan kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo, at paniwalaan ka rin nila magpakailanman.” At sinabi ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumaroon ka sa bayan at italaga mo sila ngayon at bukas, at labhan nila ang kanilang mga kasuotan,

11 at humanda sa ikatlong araw, sapagkat sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.

12 Lalagyan(D) mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, at iyong sasabihin, ‘Mag-ingat kayo, kayo'y huwag umakyat sa bundok, o humipo sa hangganan; sinumang humipo sa bundok ay papatayin.

13 Walang kamay na hihipo sa kanya, kundi siya'y babatuhin o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay!’ Kapag ang tambuli ay tumunog nang mahaba, aakyat sila sa bundok.”

14 Bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinabanal ang bayan, at nilabhan nila ang kanilang mga kasuotan.

15 Kanyang sinabi sa bayan, “Humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong lalapit sa babae.”

16 Sa(E) (F) umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig.

17 Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok.

18 Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok.

19 Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog.

20 Ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat.

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka, balaan mo ang bayan, baka sila'y lumampas upang panoorin ang Panginoon, at mamatay ang marami sa kanila.

22 Gayundin ang mga pari na lumalapit sa Panginoon ay pabanalin mo, baka ang Panginoon ay hindi makapagpigil sa kanila.”

23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Ang bayan ay hindi makakaakyat sa bundok ng Sinai, sapagkat ikaw mismo ang nagbilin sa amin na iyong sinasabi, ‘Lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal ito.’”

24 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumaba ka, at ikaw ay umakyat kasama si Aaron, ngunit ang mga pari at ang taong-bayan ay huwag mong palampasin sa mga hangganan upang umakyat sa Panginoon, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila.”

25 Sa gayo'y bumaba si Moises sa taong-bayan at sinabi sa kanila.

Lucas 22

Ang Pakana Laban kay Jesus(A)

22 Ang(B) pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskuwa, ay papalapit na.

Naghahanap ng paraan ang mga punong pari at ang mga eskriba kung paano nila maipapapatay si Jesus[a] sapagkat natatakot sila sa mga tao.

Sumang-ayon si Judas na Ipagkanulo si Jesus(C)

Pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na isa sa labindalawa.

Siya'y umalis at nakipag-usap sa mga punong pari at mga punong-kawal kung paanong kanyang maipagkakanulo siya sa kanila.

At sila'y natuwa at nagkasundong bigyan siya ng salapi.

Kaya't pumayag siya at humanap ng tamang pagkakataon upang kanyang maipagkanulo siya sa kanila na hindi kaharap ang maraming tao.

Ang Paghahanda para sa Paskuwa(D)

Dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na noon ay kailangang ihandog ang kordero ng Paskuwa.

Kaya't isinugo ni Jesus[b] sina Pedro at Juan, na sinasabi, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang paskuwa para sa atin, upang ating kainin ito.”

At kanilang sinabi sa kanya, “Saan mo gustong ihanda namin ito?”

10 At kanyang sinabi sa kanila, “Narito, pagpasok ninyo sa lunsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kanyang papasukan.

11 At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Sinasabi ng Guro sa iyo, “Saan ang silid para sa panauhin na doon ay aking kakainin ang Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?”’

12 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan. Doon kayo maghanda.”

13 At humayo sila, at natagpuan ito ayon sa sinabi niya sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa.

Ang Hapunan ng Panginoon(E)

14 Nang dumating ang oras ay naupo siya sa hapag, at ang mga apostol ay kasama niya.

15 Sinabi niya sa kanila, “Pinakahahangad kong kainin na kasalo kayo ang kordero ng Paskuwang ito bago ako magdusa,

16 sapagkat sinasabi ko sa inyo, ito'y hindi ko kakainin[c] hanggang sa ito'y ganapin sa kaharian ng Diyos.”

17 At siya'y tumanggap ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat, sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at inyong paghati-hatian.

18 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.”

19 At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, “Ito'y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”

20 Gayundin(F) naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo.[d]

21 Subalit(G) tingnan ninyo, ang nagkakanulo sa akin ay kasama ko, at ang kamay niya ay nasa hapag.

22 Sapagkat ang Anak ng Tao ay patungo ayon sa itinakda, subalit kahabag-habag ang taong nagkakanulo sa kanya!”

23 At sila'y nagsimulang magtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa nito.

Ang Pagtatalu-talo tungkol sa Kadakilaan

24 Nagkaroon(H) ng isang pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinakadakila.

25 At(I) kanyang sinabi sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay nagpapapanginoon sa kanila; at ang mga may awtoridad sa kanila'y tinatawag na mga tagapagpala.

26 Subalit(J) sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod.

27 Sapagkat(K) alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod.

28 “Kayo'y yaong patuloy na kasama ko sa mga pagsubok sa akin.

29 At inilalaan ko sa inyo kung paanong ang Ama ay naglaan para sa akin ng isang kaharian,

30 upang(L) kayo'y kumain at uminom sa aking hapag sa kaharian ko, at kayo'y umupo sa mga trono, na hinuhukuman ang labindalawang lipi ni Israel.”

Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(M)

31 “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo,

32 subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.”

33 At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”

34 Sinabi ni Jesus,[e] “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ang manok ay hindi titilaok sa araw na ito hanggang hindi mo ako naipagkakaila ng tatlong ulit.”

Walang Supot, Pagkain, Sandalyas

35 At(N) sinabi niya sa kanila, “Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, o supot ng pagkain, at mga sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” At kanilang sinabi, “Hindi.”

36 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayundin ang supot ng pagkain. At ang walang tabak ay ipagbili niya ang kanyang balabal, at bumili ng isang tabak.

37 Sapagkat(O) sinasabi ko sa inyo na ang kasulatang ito ay kailangang matupad sa akin, ‘At ibinilang siya sa mga suwail’; sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad.”

38 At sinabi nila, “Panginoon, tingnan ninyo, narito ang dalawang tabak.” Sinabi naman niya sa kanila, “Tama na iyan.”

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(P)

39 At siya'y lumabas at pumaroon, gaya ng kanyang nakaugalian, sa bundok ng mga Olibo at sumunod naman sa kanya ang mga alagad.

40 Nang siya'y dumating sa pook na iyon, ay sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo pumasok sa panahon ng pagsubok.”[f]

41 Siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang pukol ng bato. Siya'y lumuhod at nanalangin,

42 “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma'y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”

[43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya.

44 Sa kanyang matinding paghihirap ay nanalangin siya ng higit na taimtim, at ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa.]

45 Pagtayo niya mula sa pananalangin, lumapit siya sa mga alagad at naratnan silang natutulog dahil sa kalungkutan,

46 at sinabi sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.”

Ang Pagdakip kay Jesus(Q)

47 Samantalang nagsasalita pa siya, dumating ang maraming tao, at ang lalaking tinatawag na Judas, na isa sa labindalawa ay nangunguna sa kanila. Siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan;

48 subalit sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”

49 Nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari ay kanilang sinabi, “Panginoon, mananaga ba kami sa pamamagitan ng tabak?”

50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang kanang tainga nito.

51 At sumagot si Jesus, “Tigil! Tama na!” At hinawakan niya ang tainga at pinagaling siya.

52 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga punong-kawal sa templo, at sa matatanda, na dumating laban sa kanya, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas?

53 Nang(R) ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, hindi ninyo binuhat ang inyong mga kamay laban sa akin. Subalit ito ang inyong oras, at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(S)

54 At kanilang dinakip siya, inilayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Si Pedro ay sumunod mula sa malayo.

55 At nang makapagpaningas sila ng apoy sa gitna ng patyo at makaupong magkakasama, si Pedro ay nakiupong kasama nila.

56 Samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, nakita siya ng isang alilang babae, tumitig sa kanya at nagsabi, “Ang taong ito ay kasama rin niya.”

57 Subalit itinanggi niya ito at sinabi, “Babae, hindi ko siya nakikilala.”

58 Pagkaraan ng isang sandali ay nakita siya ng isa pa at sinabi, “Ikaw ay isa rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ako.”

59 Nang makaraan ang may isang oras, may isa pa na nagpipilit na nagsasabi, “Tiyak na ang taong ito'y kasama rin niya, sapagkat siya'y taga-Galilea.”

60 Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.” At kaagad, samantalang siya'y nagsasalita pa, tumilaok ang isang manok.

61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”

62 At siya'y lumabas, at umiyak nang buong pait.

Nilibak at Hinampas si Jesus(T)

63 Nilibak at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kanya.

64 Siya'y piniringan din nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?”

65 Nagsalita pa sila ng maraming mga panlalait laban sa kanya.

Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(U)

66 Nang mag-umaga na, nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga punong pari, at gayundin ang mga eskriba. Kanilang dinala siya sa kanilang Sanhedrin, at sinabi nila,

67 “Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Subalit sinabi niya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi ninyo ako paniniwalaan;

68 at kung kayo'y aking tanungin ay hindi kayo sasagot.

69 Ngunit magmula ngayon ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.”

70 Sinabi nilang lahat, “Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?” At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.”

71 Sinabi nila, “Kailangan pa ba natin ng saksi? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig.”

Job 37

37 “Dahil din dito'y nanginginig ang aking puso,
    at lumulundag sa kinalalagyan nito.
Dinggin ninyo ang tunog ng kanyang tinig,
    at ang sigaw na lumalabas sa kanyang bibig.
Kanyang ipinapadala mula sa silong ng buong langit,
    at ang kanyang kidlat sa mga sulok ng daigdig.
Kasunod nito'y dumadagundong ang kanyang tinig,
    siya'y kumukulog sa pamamagitan ng kanyang marilag na tinig,
    hindi niya pinipigil ang pagkulog kapag naririnig ang kanyang tinig.
Ang Diyos ay kumukulog na kagila-gilalas sa pamamagitan ng kanyang tinig;
    gumagawa siya ng mga dakilang bagay, na hindi natin mauunawaan.
Sapagkat sinasabi niya sa niyebe, ‘Sa lupa ikaw ay bumagsak,’
    at sa ambon at sa ulan, ‘Kayo ay lumakas.’
Ang kamay ng bawat tao ay tinatatakan niya,
    upang malaman ng lahat ng mga tao ang kanyang gawa.
Kung gayo'y papasok ang mga hayop sa kanilang tirahan,
    at namamalagi sa kanilang mga kublihan.
Mula sa silid nito ang ipu-ipo'y nanggagaling,
    at ang ginaw mula sa nangangalat na mga hangin.
10 Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ay ibinibigay ang yelo;
    at ang malawak na tubig ay mabilis na mamumuo.
11 Kanyang nilalagyan ng halumigmig ang makapal na ulap,
    pinangangalat ng mga ulap ang kanyang kidlat.
12 Sila'y umiikot sa pamamagitan ng kanyang patnubay,
    upang ang lahat na iutos niya sa kanila ay kanilang magampanan,
    sa ibabaw ng natatahanang sanlibutan.
13 Maging sa saway, o para sa kanyang lupa,
    o dahil sa pag-ibig iyon ay pinangyayari niya.

14 “Dinggin mo ito, O Job;
    tumigil ka, at bulayin mo ang kahanga-hangang mga gawa ng Diyos.
15 Alam mo ba kung paano sila inuutusan ng Diyos,
    at pinasisikat ang kidlat ng kanyang ulap?
16 Alam mo ba ang mga pagtitimbang sa mga ulap,
    ang mga kahanga-hangang gawa niya na sa kaalaman ay ganap?
17 Ikaw na mainit ang kasuotan
    kapag tahimik ang lupa dahil sa hangin mula sa timog?
18 Mailalatag mo ba, na gaya niya, ang himpapawid,
    na sintigas ng isang hinulmang salamin?
19 Ituro mo sa amin kung anong sa kanya'y aming sasabihin,
    dahil sa dilim ay hindi namin maayos ang aming usapin.
20 Sasabihin ba sa kanya na nais kong magsalita?
    Ninasa ba ng isang tao na malunok siya?

21 “At ngayo'y hindi makatingin ang mga tao sa liwanag,
    kapag maliwanag ang kalangitan,
    kapag ang hangin ay nakaraan, at ang mga iyon ay pinaram.
22 Mula sa hilaga ay nagmumula ang ginintuang karilagan,
    ang Diyos ay nadaramtan ng kakilakilabot na kadakilaan.
23 Ang Makapangyarihan sa lahat—hindi natin siya matatagpuan;
    siya'y dakila sa kapangyarihan at katarungan,
    at hindi niya susuwayin ang saganang katuwiran.
24 Kaya't kinatatakutan siya ng mga tao;
    hindi niya pinapahalagahan ang sinumang pantas sa sarili nilang kayabangan.”

2 Corinto 7

Mga minamahal, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na ginagawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo

Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong mga puso; hindi namin inapi ang sinuman, hindi namin sinira ang sinuman, hindi namin pinagsamantalahan ang sinuman.

Hindi ko sinasabi ito upang hatulan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa na kayo'y nasa aming mga puso, upang mamatay at mabuhay na kasama ninyo.

Ako ay may malaking pagtitiwala sa inyo, ako ay may malaking pagmamapuri sa inyo, ako'y punô ng kaaliwan. Ako'y nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian.

Sapagkat(A) maging nang kami ay dumating sa Macedonia, ang aming mga katawan ay hindi nagkaroon ng kapahingahan, kundi pinipighati sa bawat paraan—sa labas ay labanan, sa loob ay takot.

Subalit ang Diyos na umaaliw sa nalulungkot ay nagpasigla sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito,

at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi maging sa kaaliwang ibinigay ninyo sa kanya, na ibinabalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong kapanglawan, ang inyong sigasig para sa akin, anupa't ako'y lalo pang nagalak.

Sapagkat bagaman pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam: (bagama't aking dinamdam, sapagkat aking nalaman na ang sulat na ito ay nakapagpalungkot sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang).

Ngayon, ako'y nagagalak hindi sapagkat kayo'y nalungkot, kundi sapagkat kayo'y nalungkot tungo sa pagsisisi, sapagkat kayo'y pinalumbay nang naaayon sa Diyos, upang kayo'y huwag magdusa ng kalugihan sa pamamagitan namin.

10 Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan.

11 Sapagkat tingnan ninyo ang ibinunga sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos, kung anong pagtatanggol sa inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong takot, pananabik, sigasig, at kaparusahan! Sa bawat bagay ay pinatunayan ninyo ang inyong pagiging malinis sa bagay na ito.

12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, o dahil doon sa ginawan ng kamalian, kundi upang ang inyong pagmamalasakit para sa amin ay mahayag sa inyo sa paningin ng Diyos.

13 Kaya't kami'y naaliw. At sa aming kaaliwan ay lalo pa kaming nagalak dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat ang kanyang espiritu ay pinayapa ninyong lahat.

14 Sapagkat kung ako ay nagpahayag sa kanya ng anumang pagmamalaki sa inyo, ay hindi ako nalagay sa kahihiyan; subalit kung paanong ang lahat ng aming sinabi ay totoo, kaya't ang aming pagmamalaki sa harap ni Tito ay napapatunayang totoo.

15 At ang damdamin niya ay lalo pang sumagana para sa inyo, na kanyang naaalala ang pagtalima ninyong lahat, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig.

16 Ako'y nagagalak sapagkat ako'y mayroong buong pagtitiwala sa inyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001