Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 24

Ang Dugo ng Tipan

24 Kanyang sinabi kay Moises, “Umakyat ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at sina Aaron, Nadab at Abihu, at pitumpu sa matatanda sa Israel, at sumamba kayo mula sa malayo.

Si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; subalit ang iba ay huwag lalapit, at ang bayan ay huwag aakyat na kasama niya.”

Dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon at ang lahat ng mga tuntunin; at ang buong bayan ay sumagot na may isang tinig, at nagsabi, “Lahat ng mga salita na sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.”

Isinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon siya ng maaga kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labindalawang haligi, ayon sa labindalawang lipi ng Israel.

Kanyang sinugo ang mga kabataang lalaki mula sa mga anak ni Israel, na nag-alay ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga baka bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.

Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay sa mga palanggana, at ang kalahati ng dugo ay iwinisik sa ibabaw ng dambana.

Kanyang kinuha ang aklat ng tipan, binasa sa pandinig ng bayan, at kanilang sinabi, “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin.”

At(A) kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa bayan, at sinabi, “Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo ayon sa lahat ng mga salitang ito.”

Nang magkagayo'y umakyat sina Moises, Aaron, Nadab, at Abihu, at ang pitumpung matatanda sa Israel,

10 at kanilang nakita ang Diyos ng Israel. Sa ilalim ng kanyang mga paa ay mayroong parang isang tuntungan na yari sa mga batong zafiro, at tulad ng langit sa kaliwanagan.

11 Hindi ipinatong ng Diyos[a] ang kanyang kamay sa mga pinuno ng mga anak ni Israel; nakita rin nila ang Diyos, at sila'y kumain at uminom.

Muling Umakyat si Moises sa Bundok

12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin sa bundok, at maghintay ka roon at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng bato at ang batas at ang kautusan na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila.”

13 Kaya't tumindig si Moises, at si Josue na kanyang lingkod; at si Moises ay umakyat sa bundok ng Diyos.

14 Kanyang sinabi sa matatanda, “Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo, at sina Aaron at Hur ay kasama ninyo; sinumang magkaroon ng usapin ay lumapit sa kanila.”

15 Umakyat nga si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok.

16 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanatili sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ito ng ulap ng anim na araw; at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap.

17 Noon, ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay tulad ng apoy na nagliliyab sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa paningin ng mga anak ni Israel.

18 Pumasok(B) si Moises sa ulap, at umakyat sa bundok. Si Moises ay nasa bundok sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.

Juan 3

Si Jesus at si Nicodemo

May isang lalaking kabilang sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio.

Siya ay pumunta kay Jesus[a] nang gabi na, at sinabi sa kanya, “Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na mula sa Diyos; sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, malibang kasama niya ang Diyos.”

Sumagot sa kanya si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ‘Malibang ang isang tao'y ipanganak na muli[b] ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’”

Sinabi sa kanya ni Nicodemo, “Paanong maipapanganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa tiyan ng kanyang ina, at ipanganak?”

Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.

Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu.

Huwag kang magtaka na aking sinabi sa iyo, ‘Kailangang kayo'y ipanganak na muli.’

Humihihip ang hangin kung saan nito ibig at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo nalalaman kung saan ito nanggagaling at kung saan tutungo. Ganoon ang bawat isang ipinapanganak ng Espiritu.

Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paanong mangyayari ang mga bagay na ito?”

10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ikaw ay isang guro sa Israel at hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito?

11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, kami ay nagsasalita tungkol sa nalalaman namin, at nagpapatotoo sa nakita namin, subalit hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.

12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na makalupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paano ninyong paniniwalaan kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na makalangit?

13 Wala pang umakyat sa langit, maliban sa kanya na bumabang galing sa langit, ang Anak ng Tao.[c]

14 Kung(A) paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao;

15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

17 Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.

18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan; ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagkat hindi siya sumampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos.

19 At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama.

20 Sapagkat ang bawat isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang ang kanyang mga gawa ay huwag malantad.

21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang malinaw na mahayag na ang kanyang mga gawa ay naaayon[d] sa Diyos.”

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo

22 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon ay nanatili siyang kasama nila at nagbabautismo.

23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat doo'y maraming tubig. Ang mga tao'y pumunta roon at nabautismuhan.

24 Sapagkat(B) si Juan ay hindi pa ipinapasok sa bilangguan.

25 Noon ay nagkaroon ng isang pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paglilinis.

26 Sila'y lumapit kay Juan, at sa kanya'y sinabi, “Rabi, iyong kasama mo sa kabila ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo at ang lahat ay lumalapit sa kanya.”

27 Sumagot si Juan, “Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kanya mula sa langit.

28 Kayo(C) mismo ay aking mga saksi na sinabi kong, ‘Hindi ako ang Cristo, kundi ako'y sinugong una sa kanya.’

29 Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ngunit ang kaibigan ng lalaking ikakasal na nakatayo at nakikinig sa kanya ay lubos na nagagalak dahil sa tinig ng lalaking ikakasal. Kaya't ang kaligayahan kong ito ay ganap na.

30 Siya'y kailangang tumaas, nguni't ako'y kailangang bumaba.”[e]

Siya na Mula sa Langit

31 Ang nanggagaling sa itaas ay mataas sa lahat, ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa; ang nanggagaling sa langit ay mataas sa lahat.

32 Nagpapatotoo siya ng kanyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap ng kanyang patotoo.

33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay[f] dito na ang Diyos ay totoo.

34 Sapagkat siya na sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi niya sinusukat ang pagbibigay niya ng Espiritu.

35 Minamahal(D) ng Ama ang Anak at inilagay sa kanyang kamay ang lahat ng mga bagay.

36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya.

Job 42

Kinilala ni Job ang Kanyang Pagkakamali

42 Pagkatapos ay sumagot si Job sa Panginoon, at sinabi,

“Alam kong magagawa mo ang lahat ng mga bagay,
    at wala kang layunin na mahahadlangan.
‘Sino(A) itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman?’
Kaya't aking nasambit ang hindi ko nauunawaan,
    mga bagay na lubhang kahanga-hanga para sa akin, na hindi ko nalalaman.
‘Makinig(B) ka at magsasalita ako;
    tatanungin kita at sa akin ay ipahayag mo.’
Narinig kita sa pakikinig ng tainga,
    ngunit ngayo'y nakikita ka ng aking mata,
kaya't ako'y namumuhi sa sarili ko,
    at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”

Pagkatapos na masabi ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay Elifaz na Temanita, “Ang aking poot ay nag-aalab laban sa iyo at sa iyong dalawang kaibigan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.

Kaya't kumuha kayo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at pumunta kayo sa aking lingkod na si Job. Maghandog kayo para sa inyo ng handog na sinusunog, at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job. Tatanggapin ko ang kanyang panalangin na huwag kayong pakitunguhan ayon sa inyong kamangmangan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng aking lingkod na si Job.”

Sa gayo'y humayo si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon, at tinanggap ng Panginoon ang panalangin ni Job.

Muling Pinagpala ng Diyos si Job

10 At(C) ibinalik ng Panginoon ang kayamanan ni Job, nang kanyang idalangin ang kanyang mga kaibigan. At dinoble ng Panginoon ang dating kayamanan ni Job.

11 Nang magkagayo'y pumunta sa kanya ang lahat niyang mga kapatid na lalaki at babae, at lahat na naging kakilala niya nang una, at kumain ng tinapay na kasalo niya sa kanyang bahay. Nakiramay sila sa kanya, at inaliw siya tungkol sa lahat ng kasamaan na ibinigay sa kanya ng Panginoon. Bawat tao'y nagbigay sa kanya ng isang pirasong salapi,[a] at singsing na ginto.

12 Sa gayo'y pinagpala ng Panginoon ang mga huling araw ni Job na higit kaysa kanyang pasimula. Siya'y nagkaroon ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, isang libong magkatuwang na baka, at isang libong asnong babae.

13 Siya'y nagkaroon din ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.

14 Tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima, ang ikalawa ay Keziah, at ang ikatlo ay Keren-hapuch.

15 At sa buong lupain ay walang mga babaing natagpuang kasingganda ng mga anak na babae ni Job, at binigyan sila ng kanilang ama ng mana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki.

16 Pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isandaan at apatnapung taon, at nakita niya ang kanyang mga anak, at ang mga anak ng kanyang mga anak, hanggang sa apat na salinlahi.

17 At namatay si Job, matanda na at puspos ng mga araw.

2 Corinto 12

Mga Pangitain at Pagpapahayag

12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit ito'y hindi kapaki-pakinabang, ngunit ako ay magpapatuloy sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon.

Kilala ko ang isang lalaki kay Cristo, mayroon nang labing-apat na taon ang nakakaraan, dinala sa ikatlong langit (kung nasa katawan man, o kung nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam).

At nalalaman ko na ang taong iyon (kung nasa katawan man, o nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam),

ay dinala paitaas patungo sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang hindi dapat sabihin, na hindi ipinahihintulot sa tao na ulitin.

Alang-alang sa taong iyon ako'y magmamalaki, ngunit alang-alang sa aking sarili ay hindi ako magmamalaki, maliban sa aking mga kahinaan.

Ngunit kung nais kong magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit nagpipigil ako upang walang sinumang mag-isip ng higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin,

lalo na dahil sa kalabisan ng mga pahayag. Kaya't upang ako'y huwag magyabang ng labis, binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang ako'y saktan, upang ako'y huwag magmalaki ng labis.

Tatlong ulit akong nanalangin sa Panginoon tungkol dito na lumayo sana ito sa akin.

Subalit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Ako'y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin.

10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y nasisiyahan sa mga kahinaan, paglait, kahirapan, pag-uusig, at mga sakuna, sapagkat kapag ako'y mahina, ako nga'y malakas.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Ako'y naging hangal! Pinilit ninyo ako, sapagkat ako ay dapat ninyong purihin: sapagkat ako'y hindi hamak na mababa sa mga dakilang apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan.

12 Tunay na ang mga tanda ng isang tunay na apostol ay isinagawa sa inyo na may buong pagtitiyaga, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan.

13 Sapagkat sa ano kayo naging huli sa ibang mga iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pasanin ninyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito.

14 Narito ako, handang pumariyan sa inyo sa ikatlong pagkakataon. Ako'y hindi magiging pasanin, sapagkat hindi ko hinahanap ang sa inyo, kundi kayo, sapagkat hindi nararapat ipag-impok ng mga anak ang mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak.

15 Ako'y may malaking kagalakan na gugugol at gugugulin para sa inyo. Kung kayo'y iniibig ko nang lalong higit, ako ba'y dapat ibigin nang kaunti?

16 Ako'y hindi naging pasanin sa inyo; gayunman sabi ninyo, yamang ako ay tuso, napaglalangan ko kayo sa pamamagitan ng daya.

17 Kayo ba'y aking dinaya sa pamamagitan ng sinuman na aking sinugo sa inyo?

18 Hinimok ko si Tito na humayo at sinugo kong kasama niya ang kapatid. Kayo ba'y dinaya ni Tito? Hindi ba kami kumilos sa iisang espiritu? Hindi ba gayundin ang aming naging mga hakbang?

19 Iniisip ninyo na sa buong panahon ay ipinagtatanggol namin ang aming sarili sa harapan ninyo. Sa paningin ng Diyos kami ay nagsasalita kay Cristo. At ang lahat ng mga bagay ay para sa inyong ikatitibay, mga minamahal.

20 Sapagkat natatakot ako na baka pagdating ko ay matagpuan ko kayong hindi gaya ng nais ko, at ako ay inyong matagpuang hindi gaya ng nais ninyo; na baka mayroong pag-aaway, paninibugho, galit, pagiging makasarili, paninirang-puri, tsismis, mga kapalaluan, at kaguluhan.

21 Ako'y natatakot na kapag ako'y dumating na muli, ako'y gawing mapagpakumbaba ng Diyos sa harapan ninyo, at ako'y kailangang magdalamhati dahil sa marami na nagkasala noong una at hindi nagsisi sa karumihan, pakikiapid, at sa kahalayang ginawa nila.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001