Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 13

13 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

“Italaga(A) mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anumang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel, maging sa tao at maging sa hayop ay akin.”

Ang Tuntunin ng Paskuwa ng Tinapay na Walang Pampaalsa

Sinabi ni Moises sa bayan, “Alalahanin ninyo ang araw na ito na lumabas kayo sa Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kayo ng Panginoon mula sa dakong ito, walang kakain ng tinapay na may pampaalsa.

Sa araw na ito, na buwan ng Abib, ay lalabas kayo.

Kapag dinala ka na ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Heveo, at Jebuseo, na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno na ibibigay sa iyo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, iyong iingatan ang pangingilin na ito.

Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang kapistahan sa Panginoon.

Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw; at dapat walang makitang tinapay na may pampaalsa sa iyo ni makakita ng pampaalsa sa iyo, sa lahat ng iyong nasasakupan.

Sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, ‘Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin nang ako'y umalis sa Ehipto.’

Iyon ay magsisilbing isang tanda para sa iyo sa ibabaw ng iyong kamay, at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng Panginoon ay sumaiyong bibig sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay inilabas ka ng Panginoon sa Ehipto.

10 Kaya't ingatan mo ang tuntuning ito sa takdang panahon nito taun-taon.

Ang Pagtatalaga ng Panganay

11 “Kapag dinala ka na ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, gaya ng ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, at pagkabigay niyon sa iyo,

12 ibubukod(B) mo para sa Panginoon ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata. Lahat ng panganay na lalaki ng iyong mga hayop ay sa Panginoon.

13 Bawat panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang kordero;[a] at kung hindi mo tutubusin ito, iyong babaliin ang leeg nito. Lahat ng mga panganay na lalaki sa iyong mga anak ay iyong tutubusin.

14 At kapag nagtanong sa iyo ang iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, ‘Ano ito?’ iyong sasabihin sa kanya, ‘Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

15 Nang magmatigas ang Faraon na hindi kami payagang umalis ay pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, ang panganay ng tao at gayundin ang panganay ng hayop. Kaya't aking inihahandog sa Panginoon ang lahat ng mga lalaki na nagbubukas ng bahay-bata; ngunit lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.’

16 Ito ay magiging tanda sa iyong kamay at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto.”

17 Nang payagan ng Faraon na umalis ang bayan, hindi sila dinala ng Diyos sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit iyon sapagkat sinabi ng Diyos, “Baka ang bayan ay magsisi kapag nakakita ng digmaan at magbalikan sa Ehipto.”

18 Kundi pinatnubayan ng Diyos ang taong-bayan paikot sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula.[b] Ang mga anak ni Israel ay umahon mula sa lupain ng Ehipto na handa sa pakikipaglaban.

19 Dinala(C) ni Moises ang mga buto ni Jose sapagkat mahigpit niyang pinapanumpa ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Tiyak na bibigyang-pansin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.”

20 Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang.

21 Ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi.

22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan.

Lucas 16

Ang Tusong Katiwala

16 Sinabi rin ni Jesus[a] sa mga alagad, “May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan.

At kanyang tinawag siya, at sa kanya'y sinabi, ‘Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’

Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos.

Naipasiya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.’

Kaya't nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’

At sinabi niya, ‘Isang daang takal na langis.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.’

Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, ‘Magkano ang utang mo?’ Sinabi niya, ‘Isang daang takal na trigo.’ Sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.’

At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya'y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag.

At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito'y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan.[b]

10 “Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami.

11 Kung kayo nga'y hindi naging tapat sa kayamanan ng kalikuan, sino ang magtitiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan?

12 At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sarili ninyong pag-aari.

13 Walang(A) aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya'y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.”[c]

Ang Kautusan at ang Kaharian ng Diyos(B)

14 Narinig ng mga Fariseo na pawang maibigin sa salapi ang lahat ng mga bagay na ito at kanilang tinuya si Jesus.[d]

15 At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga nagmamatuwid sa inyong sarili sa paningin ng mga tao, subalit nalalaman ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos.

16 “Ang(C) kautusan at ang mga propeta ay hanggang kay Juan; mula noon, ang magandang balita ng kaharian ng Diyos ay ipinangangaral, at ang bawat isa ay sapilitang pumapasok doon.[e]

17 Ngunit(D) mas madali pa para sa langit at lupa na lumipas, kaysa maalis ang isang kudlit sa kautusan.

18 “Ang(E) bawat humihiwalay sa kanyang asawang babae at nag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang nag-aasawa sa babaing hiniwalayan ng kanyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.

Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro

19 “Mayroong isang taong mayaman na nagsusuot ng kulay ube at pinong lino at nagpipista araw-araw sa maraming pagkain.

20 At sa kanyang pintuan ay nakahandusay ang isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, na punô ng mga sugat,

21 na naghahangad na makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Maging ang mga aso ay lumalapit at hinihimuran ang kanyang mga sugat.

22 At nangyari, namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay din naman ang mayaman at inilibing.

23 At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya at nakita sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang kandungan.

24 Siya'y sumigaw at sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’

25 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na sa iyong buhay ay tinanggap mo ang iyong mabubuting bagay, at si Lazaro naman ay ang masasamang bagay. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito at ikaw ay nagdurusa.

26 Bukod dito, may isang malaking banging inilagay sa pagitan natin, upang ang mga nagnanais tumawid buhat dito patungo sa inyo ay hindi maaari at wala ring makatatawid mula riyan patungo sa amin.’

27 At sinabi niya, ‘Kung gayo'y ipinapakiusap ko sa iyo, ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama,

28 sapagkat ako'y may limang kapatid na lalaki, upang magpatotoo sa kanila nang hindi rin sila mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.

29 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, hayaan mo silang makinig sa kanila.’

30 Sinabi niya, ‘Hindi, amang Abraham, subalit kung ang isang mula sa mga patay ay pumunta sa kanila, sila'y magsisisi.’

31 At sinabi niya sa kanya, ‘Kung hindi nila pinapakinggan si Moises at ang mga propeta, hindi rin sila mahihikayat, kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’”

Job 31

Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan

31 “Ako'y nakipagtipan sa aking mga paningin;
    paano nga akong titingin sa isang birhen?
Ano ang bahagi ko mula sa Diyos sa itaas,
    at ang aking mana mula sa Makapangyarihan sa lahat sa kaitaasan?
Hindi ba dumarating ang kapahamakan sa taong masasama,
    at ang kapahamakan sa mga masasama ang gawa?
Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad,
    at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?

“Kung ako'y lumakad ng may kabulaanan,
    at ang aking paa ay nagmadali sa panlilinlang;
timbangin ako sa matuwid na timbangan,
    at hayaang malaman ng Diyos ang aking katapatan!
Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan,
    at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata,
    at kung ang anumang dungis ay kumapit sa aking mga kamay:
kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang iba ang kumain,
    at hayaang mabunot ang tumutubo para sa akin.

“Kung natukso sa babae ang puso ko,
    at ako'y nag-abang sa pintuan ng aking kapwa tao;
10 kung magkagayo'y hayaang iba ang ipaggiling ng aking asawa,
    at hayaang iba ang yumuko sa ibabaw niya.
11 Sapagkat isang napakabigat na pagkakasala iyon,
    isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom;
12 sapagkat iyo'y isang apoy na tumutupok hanggang sa Abadon,
    at susunugin nito hanggang sa ugat ang lahat ng aking bunga.

13 “Kung tinanggihan ko ang kapakanan ng aking aliping lalaki o babae,
    nang sila'y dumaing laban sa akin,
14 ano nga ang aking gagawin kapag ang Diyos ay bumangon?
    Kapag siya'y nagtatanong, anong sa kanya'y aking itutugon?
15 Hindi ba siya na lumalang sa akin sa bahay-bata ang sa kanya'y lumalang?
    At hindi ba iisa ang humugis sa atin sa sinapupunan?

16 “Kung pinagkaitan ko ng anumang kanilang nasa ang dukha,
    ang mga mata ng babaing balo ay aking pinapanghina,
17 o ang aking pagkain ay kinain kong mag-isa,
    at hindi nakakain niyon ang ulila—
18 dahil, mula sa kanyang pagkabata ay pinalaki ko siya, na gaya ng isang ama,
    at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng kanyang ina;
19 kung ako'y nakakita ng namatay dahil sa kakulangan ng suot,
    o ng taong dukha na walang saplot;
20 kung hindi ako binasbasan ng kanyang mga balakang,
    at kung sa balahibo ng aking mga tupa ay hindi siya nainitan;
21 kung laban sa ulila'y binuhat ko ang aking kamay,
    sapagkat nakakita ako ng tulong sa akin sa pintuan,
22 kung gayo'y malaglag nawa ang buto ng aking balikat mula sa balikat ko,
    at ang aking bisig ay mabali sa pinaglalagyan nito.
23 Sapagkat ang pagkasalanta mula sa Diyos ay aking kinatakutan,
    at hindi ko sana naharap ang kanyang kamahalan.

24 “Kung ako'y sa ginto nagtiwala,
    o tinawag ang dalisay na ginto na aking pag-asa,
25 kung ako'y nagalak sapagkat ang aking kayamanan ay malaki,
    o sapagkat ang aking kamay ay nagtamo ng marami;
26 kung ako'y tumingin sa araw kapag sumisilang,
    o sa buwan na gumagalaw na may karilagan,
27 at lihim na naakit ang aking puso,
    at hinagkan ng aking bibig ang kamay ko,
28 ito man ay kasamaang dapat parusahan ng mga hukom,
    sapagkat ako sana'y naging sinungaling sa Diyos na nasa itaas.

29 “Kung ako'y nagalak sa pagkawasak niyong sa akin ay nasuklam,
    o natuwa nang datnan siya ng kasamaan—
30 hindi ko hinayaang ang bibig ko'y magkasala,
    sa paghingi na may sumpa ng buhay niya—
31 kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi,
    ‘Sino bang hindi nabusog sa kanyang pagkain?’
32 ang dayuhan ay hindi tumigil sa lansangan;
    binuksan ko ang aking mga pinto sa manlalakbay—
33 kung aking ikinubli sa mga tao ang aking mga paglabag,
    sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan;
34 sapagkat aking kinatakutan ang napakaraming tao,
    at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan,
    na anupa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan—
35 o sana'y may duminig sa akin!
    (Narito ang aking pirma! Sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat!)
    At sana'y nasa akin ang sakdal na isinulat ng aking kaaway!
36 Tiyak na papasanin ko ito sa aking balikat;
    itatali ko sa akin na gaya ng isang korona;
37 aking ipahahayag sa kanya ang lahat kong mga hakbang,
    gaya ng isang pinuno ay lalapitan ko siya.

38 “Kung ang aking lupain ay sumigaw laban sa akin,
    at ang mga bungkal niyon ay umiyak na magkakasama;
39 kung kumain ako ng bunga niyaon na hindi nagbabayad,
    at naging dahilan ng pagkamatay ng mga may-ari niyon;
40 tubuan nawa ng dawag sa halip ng trigo,
    at ng masasamang damo sa halip ng sebada.”

Ang mga salita ni Job ay natapos.

2 Corinto 1

Pagbati

Si(A) Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kaawaan at Diyos ng lahat ng kaaliwan;

na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.

Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga pagdurusa ni Cristo, sa pamamagitan ni Cristo ay sumasagana rin sa atin ang kaaliwan.

Subalit kung kami man ay pinahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan, na inyong dinanas kapag kayo'y matiyagang nagtitiis ng gayunding paghihirap na aming dinaranas.

Ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matatag, sapagkat nalalaman namin na habang kayo'y karamay sa aming pagdurusa, kayo ay karamay din sa aming kaaliwan.

Hindi(B) namin ibig na di ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa mga kapighatian na naranasan namin sa Asia, sapagkat lubha kaming nabigatan ng higit sa aming kaya, anupa't kami ay nawalan na ng pag-asang mabuhay.

Tunay na nadama namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.

10 Siya na nagligtas sa amin mula sa kakilakilabot na kamatayan at patuloy na magliligtas; sa kanya ay inilalagak namin ang ating pag-asa na muli niya kaming ililigtas.

11 Dapat din ninyo kaming tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin para sa pagpapalang ipinagkaloob sa amin bilang kasagutan sa maraming mga panalangin.

Pagbabago sa Paglalakbay ni Pablo

12 Sapagkat ang aming ipinagmamalaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan[a] at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos.

13 Sapagkat hindi kami sumusulat sa inyo ng ibang mga bagay kundi kung ano ang inyong mababasa at mauunawaan; umaasa ako na lubos ninyong mauunawaan hanggang sa wakas.

14 Gaya ng inyong bahagyang pagkakilala sa amin, na kami ay inyong maipagmalaki gaya ninyo na aming ipinagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.

15 Dahil sa pagtitiwalang ito, nais kong pumunta muna sa inyo, upang kayo'y magkaroon ng pangalawang biyaya.

16 Nais(C) kong dalawin kayo sa aking paglalakbay patungong Macedonia, at buhat sa Macedonia ay bumalik sa inyo, at nang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungong Judea.

17 Ako kaya ay nag-aatubili nang naisin kong gawin ito? Ginagawa ko ba ang aking mga panukala na gaya ng taong makasanlibutan, na nagsasabi ng “Oo, oo” at gayundin ng “Hindi, hindi?”

18 Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, ang aming sinasabi sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.”

19 Sapagkat(D) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin sa inyo sa pamamagitan ko, ni Silvano at ni Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ay palaging “Oo.”

20 Sapagkat ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa kanya ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos.

21 Subalit ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid[b] sa amin ay ang Diyos,

22 inilagay rin niya ang kanyang tatak sa amin, at ibinigay sa amin ang Espiritu sa aming mga puso bilang paunang bayad.

23 Subalit tinatawagan ko ang Diyos upang sumaksi laban sa akin; upang hindi kayo madamay, hindi na ako muling pumunta sa Corinto.

24 Hindi sa nais naming maging panginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ninyo para sa inyong kagalakan, sapagkat kayo'y nakatayong matatag sa inyong pananampalataya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001