M’Cheyne Bible Reading Plan
Ibinigay ang Sampung Utos(A)
20 Binigkas ng Diyos ang lahat ng salitang ito, na sinasabi,
2 “Ako ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.
3 “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap[a] ko.
4 “Huwag(B) kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan o ng anumang kawangis ng anumang nasa langit sa itaas, o ng nasa lupa sa ibaba, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa.
5 Huwag(C) mo silang yuyukuran, o paglingkuran man sila; sapagkat akong Panginoon mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na aking pinarurusahan ang mga anak dahil sa kasamaan ng mga magulang hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi ng mga napopoot sa akin;
6 ngunit pinagpapakitaan ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.
7 “Huwag(D) mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan, sapagkat hindi pawawalang-sala ng Panginoon ang sinumang gumagamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan.
8 “Alalahanin(E) mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal.
9 Anim(F) na araw kang gagawa at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain;
10 ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawain, ikaw o ang iyong anak na lalaki, ang iyong anak na babae, ang iyong aliping lalaki, ang iyong aliping babae, ang iyong mga baka, ang dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan;
11 sapagkat(G) sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; kaya't binasbasan ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal.
12 “Igalang(H) mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
13 “Huwag(I) kang papatay.
14 “Huwag(J) kang mangangalunya.
15 “Huwag(K) kang magnanakaw.
16 “Huwag(L) kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa.
17 “Huwag(M) mong iimbutin ang bahay ng iyong kapwa; huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa, o ang kanyang aliping lalaki o ang kanyang aliping babae, o ang kanyang baka, o ang kanyang asno, o ang anumang bagay ng iyong kapwa.”
18 Nang(N) masaksihan ng buong bayan ang mga kulog at kidlat, ang tunog ng trumpeta at ang bundok na umuusok, ay natakot sila at nanginig, at sila'y tumayo sa malayo.
19 Sinabi nila kay Moises, “Magsalita ka sa amin, at aming papakinggan, subalit huwag mong pagsalitain ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay.”
20 Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, sapagkat ang Diyos ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa kanya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala.”
21 Ang taong-bayan ay tumayo sa malayo at si Moises ay lumapit sa makapal na kadiliman na kinaroroonan ng Diyos.
Ang Utos tungkol sa mga Idolo at mga Altar
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel: ‘Kayo ang nakakita na ako'y nakipag-usap sa inyo mula sa langit.
23 Huwag kayong gagawa ng mga diyos na pilak na iaagapay sa akin ni huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyos na ginto.
24 Isang dambanang lupa ang iyong gagawin para sa akin, at iyong iaalay doon ang iyong mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, mga tupa, at mga baka. Sa lahat ng dakong aking ipapaalala ang aking pangalan ay pupunta ako sa iyo at pagpapalain kita.
25 Kung(O) igagawa mo ako ng isang dambanang bato ay huwag mong itatayo ito na may mga tapyas na bato, sapagkat kung iyong gamitin ang iyong patalim doon ay iyong nilapastangan iyon.
26 Huwag kang aakyat sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang iyong kahubaran ay huwag mahayag sa ibabaw niyon.’
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
23 Tumindig ang buong karamihan at dinala si Jesus[a] sa harap ni Pilato.
2 Nagsimula silang ipagsakdal siya na sinasabi, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa, at pinagbabawalan kaming magbuwis kay Cesar, at sinasabi na siya mismo ang Cristo, ang hari.”
3 At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya at sinabi, “Ikaw ang nagsasabi.”
4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”
5 Subalit sila'y lalong nagpipilit na sinasabi, “Ginugulo niya ang sambayanan at nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito.”
Si Jesus sa Harapan ni Herodes
6 Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung ang taong iyon ay taga-Galilea.
7 At nang kanyang malaman na siya'y sakop ni Herodes, kanyang ipinadala siya kay Herodes, na nang panahong iyon ay nasa Jerusalem din.
8 Nang makita ni Herodes si Jesus, siya ay tuwang-tuwa, sapagkat matagal na niyang nais na makita siya sapagkat nakabalita siya ng tungkol sa kanya; at siya'y umaasang makakita ng ilang himalang ginawa niya.
9 Kaya't kanyang tinanong siya ng matagal subalit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman.
10 Ang mga punong pari at ang mga eskriba ay nanatili, at marahas siyang pinagbibintangan.
11 At hinamak siya at nilibak ni Herodes at ng mga kawal na kasama niya. Sinuotan siya ng maringal na damit at ibinalik kay Pilato.
12 Nang araw ding iyon ay naging magkaibigan si Herodes at si Pilato sa isa't isa; sapagkat sila'y dating magkagalit.
Si Jesus ay Hinatulang Mamatay(B)
13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno at ang mga taong-bayan,
14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nag-uudyok na maghimagsik ang bayan. At narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, hindi ko nakitang nagkasala ang taong ito ng alinman sa mga bagay na ibinibintang ninyo laban sa kanya.
15 Maging si Herodes man, sapagkat kanyang ibinalik siya sa atin at tingnan ninyo, wala siyang ginawang anumang nararapat sa kamatayan.
16 Kaya't siya'y aking ipapahagupit at palalayain.”[b]
18 Subalit silang lahat ay sama-samang sumigaw, “Alisin ang taong ito, palayain si Barabas para sa amin.”
19 Ito'y isang taong nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na nangyari sa lunsod, at dahil sa pagpatay ng tao.
20 Si Pilato'y muling nagsalita sa kanila sa kagustuhang palayain si Jesus.
21 Subalit sila'y nagsigawan, “Ipako sa krus, ipako siya sa krus.”
22 Sa ikatlong pagkakataon ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa ng taong ito? Wala akong nakitang anumang batayan para sa parusang kamatayan. Kaya't siya'y aking ipapahagupit at saka palalayain.”
23 Subalit pinipilit nilang hingin na ipinagsisigawan na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig.
24 At ipinasiya ni Pilato na ipagkaloob ang kanilang hinihingi.
25 Pinalaya niya ang taong kanilang hinihiling, ang taong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, subalit kanyang ibinigay si Jesus gaya ng nais nila.
Ipinako si Jesus(C)
26 Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.
27 Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.
28 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.
29 Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, ‘Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!’
30 At(D) sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami.’
31 Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?
32 Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal.
33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.
34 [Sinabi(E) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.
35 Nakatayong(F) nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.”
36 Nililibak(G) din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,
37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”
38 Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.”
39 Patuloy siyang pinagtawanan[c] ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”
40 Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?
41 Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.”
42 Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”
43 At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”
Ang Kamatayan ni Jesus(H)
44 Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon,
45 habang(I) madilim ang araw; at napunit sa gitna ang tabing ng templo.
46 Si(J) Jesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, “Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu.” At pagkasabi nito ay nalagot ang kanyang hininga.
47 Nang makita ng senturion ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay na ito'y isang taong matuwid.”
48 At ang lahat ng mga taong nagkatipon upang makita ang panoorin, nang makita nila ang mga bagay na nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
49 At(K) ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya'y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang mga bagay na ito.
Ang Paglilibing kay Jesus(L)
50 Mayroong isang mabuti at matuwid na lalaking ang pangalan ay Jose, na bagaman kaanib ng sanggunian,
51 ay hindi sang-ayon sa kanilang panukala at gawa. Siya'y mula sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at siya'y naghihintay sa kaharian ng Diyos.
52 Ang taong ito'y lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.
53 At ito'y ibinaba niya, binalot ng isang telang lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang naililibing.
54 Noo'y araw ng Paghahanda, at malapit na ang Sabbath.
55 Ang mga babae na sumama sa kanya mula sa Galilea ay sumunod at tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay.
56 Sila'y(M) umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan.
Ang Tugon ng Diyos kay Job
38 At mula sa ipu-ipo'y sumagot ang Panginoon kay Job:
2 “Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman?
3 Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang,
tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay.
4 “Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa?
Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa.
5 Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon—tiyak na alam mo!
O sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito?
6 Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon?
O sinong naglagay ng batong panulok niyon;
7 nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga,
at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa?
8 “O(A) sinong nagsara ng mga pinto sa karagatan,
nang ito'y magpumiglas mula sa sinapupunan;
9 nang gawin ko ang mga ulap na bihisan niyon,
at ang malalim na kadiliman na pinakabalot niyon,
10 at nagtakda para doon ng mga hangganan,
at naglagay ng mga halang at mga pintuan,
11 at aking sinabi, ‘Hanggang doon ka makakarating, at hindi ka na lalayo,
at dito'y titigil ang iyong mga along palalo?’
12 “Nautusan mo na ba ang umaga buhat nang magsimula ang iyong mga araw,
at naipaalam mo ba sa bukang-liwayway ang kanyang kalalagyan;
13 upang mahawakan nito ang mga laylayan ng daigdig,
at ang masasama mula roon ay maliglig?
14 Parang luwad sa ilalim ng tatak ito'y nababago,
at ito'y kinukulayan na gaya ng isang baro.
15 Mula sa masama ay pinipigil ang kanilang ilaw,
at nabalian ang kanilang nakataas na kamay.
16 “Nakapasok ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
O nakalakad ka ba sa mga landas ng kalaliman?
17 Ipinahayag na ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan?
O nakita mo na ba ang mga pinto ng malalim na kadiliman?
18 Nabatid mo na ba ang kaluwangan ng daigdig?
Ipahayag mo, kung lahat ng ito'y iyong batid.
19 “Nasaan ang daan patungo sa tahanan ng tanglaw,
at saan naroon ang dako ng kadiliman,
20 upang ito'y iyong madala sa nasasakupan niyon,
at upang malaman mo ang mga landas patungo sa bahay niyon?
21 Nalalaman mo, sapagkat noon ikaw ay isinilang,
at marami ang bilang ng iyong mga araw!
22 “Nakapasok ka na ba sa mga tipunan ng niyebe,
o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo,
23 na aking inilalaan sa panahon ng kaguluhan,
para sa araw ng labanan at ng digmaan?
24 Ano ang daan patungo sa dakong ipinamamahagi ang ilaw?
O ang lugar na ikinakalat sa ibabaw ng lupa ang hanging silangan?
25 “Sinong humukay ng daluyan para sa mga agos ng ulan,
at para sa kislap ng kidlat ay gumawa ng daanan,
26 upang magpaulan sa lupang hindi tinatahanan ng tao,
sa disyerto na kung saan ay walang tao;
27 upang busugin ang giba at sirang lupa,
at upang sibulan ng damo ang lupa?
28 “Mayroon bang ama ang ulan?
O sa mga patak ng hamog ay sino ang nagsilang?
29 Sa kaninong bahay-bata ang yelo ay nagmula?
At sino ang sa namuong hamog sa langit ang nagsilang kaya?
30 Ang tubig ay nagiging sintigas ng bato,
at ang ibabaw ng kalaliman ay nabubuo.
31 “Ang(B) mga tanikala ng Pleyades ay iyo bang matatalian,
o ang mga tali ng Orion ay iyo bang makakalagan?
32 Maaakay mo ba ang pangkat ng mga bituin sa kanilang kapanahunan,
o ang Oso na kasama ng kanyang mga anak ay iyo bang mapapatnubayan?
33 Alam mo ba ang mga tuntunin ng langit?
Maitatatag mo ba ang kanilang kapangyarihan sa daigdig?
34 “Mailalakas mo ba hanggang sa mga ulap ang iyong tinig,
upang matakpan ka ng saganang tubig?
35 Makakapagsugo ka ba ng mga kidlat, upang sila'y humayo,
at magsabi sa iyo, ‘Kami'y naririto’?
36 Sinong naglagay sa mga ulap ng karunungan?
O sinong nagbigay sa mga ambon ng kaalaman?
37 Sinong makakabilang ng mga ulap sa pamamagitan ng karunungan?
O sinong makapagtatagilid ng mga sisidlang-tubig ng kalangitan,
38 kapag ang alabok ay nagkakabit-kabit,
at ang tigkal na lupa ay mabilis na naninikit?
39 “Maihuhuli mo ba ng biktima ang leon?
O mabubusog mo ba ang panlasa ng mga batang leon,
40 kapag sila'y yumuyuko sa kanilang mga lungga,
at nagtatago sa guwang upang mag-abang ng masisila?
41 Sinong nagbibigay sa uwak ng kanyang pagkain,
kapag ang kanyang mga inakay sa Diyos ay dumaraing,
at nagsisigala dahil sa walang pagkain?
Tungkol sa Pagbibigay
8 Ngayon,(A) nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa mga iglesya ng Macedonia;
2 kung paanong sa matinding pagsubok ng kapighatian, ang kasaganaan ng kanilang kagalakan at ang kanilang labis na kahirapan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob.
3 Ako ay makapagpapatunay na sila ay kusang-loob na nagbigay ayon sa kanilang kakayahan, at higit pa sa kanilang makakaya,
4 na nakikiusap sa amin nang matindi tungkol sa biyaya na makibahagi sa paglilingkod sa mga banal.
5 At ito ay hindi tulad sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.
6 Anupa't kami ay nakiusap kay Tito na yamang siya'y nagpasimula ay dapat din niyang tapusin sa inyo ang biyayang ito.
7 Ngunit, yamang kayo'y sumasagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa buong kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyayang ito.
8 Sinasabi ko ito hindi bilang isang utos, ngunit aking sinusubok ang pagiging tunay ng inyong pag-ibig kapag inihambing sa kasigasigan ng iba.
9 Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bagaman siya'y mayaman, subalit alang-alang sa inyo ay naging dukha, upang sa pamamagitan ng kanyang kadukhaan ay maging mayaman kayo.
10 At sa bagay na ito ay nagbibigay ako ng payo: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang upang gumawa kundi magkaroon ng pagnanais na gumawa.
11 At ngayon, tapusin ninyo ang paggawa, upang kung paanong may sigasig sa pagnanais ay gayundin sa pagtatapos, ayon sa inyong kakayahan.
12 Sapagkat kung mayroong pagnanais, tinatanggap ang kaloob ayon sa tinataglay, at hindi ayon sa hindi tinataglay.
13 Hindi ko ibig sabihin na ang iba ay maginhawahan at kayo'y mabigatan, kundi para sa pagkakapantay-pantay,
14 ang inyong kasaganaan sa kasalukuyang panahon ang magpuno sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan ay magpuno sa inyong pangangailangan, upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay.
15 Gaya(B) ng nasusulat,
“Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang.”
Si Tito at ang mga Sugo ng Iglesya
16 Subalit salamat sa Diyos na naglagay ng gayunding pagsisikap para sa inyo sa puso ni Tito.
17 Sapagkat tinanggap niya hindi lamang ang aming pakiusap at palibhasa siya'y lalong sumigasig, siya ay patungo sa inyo sa kanyang sariling kalooban.
18 Isinusugo namin kasama niya ang kapatid na tanyag sa mga iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng ebanghelyo.
19 At hindi lamang iyon, kundi siya ay hinirang ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin ukol sa biyayang ito na aming pinangangasiwaan, sa ikaluluwalhati ng Panginoon, at upang ipakita ang aming pagnanais.
20 Iniiwasan namin ito upang huwag kaming sisihin tungkol sa kasaganaang ito na aming pinangangasiwaan;
21 sapagkat(C) isinasaalang-alang namin ang mga bagay na kapuri-puri hindi lamang sa harapan ng Panginoon, kundi maging sa harapan ng mga tao.
22 At kasama nila ay isinusugo namin ang aming kapatid na maraming ulit naming napatunayang masikap sa maraming bagay, subalit ngayon ay higit pang masikap, dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo.
23 Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa sa paglilingkod sa inyo; at para sa aming mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo.
24 Kaya't ipakita ninyo sa kanila sa harapan ng mga iglesya ang katunayan ng inyong pag-ibig, at ng aming pagmamalaki tungkol sa inyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001