M’Cheyne Bible Reading Plan
Ibinabala ang Huling Salot
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May isa pa akong salot na dadalhin sa Faraon at sa Ehipto. Pagkatapos nito ay papahintulutan niya kayong umalis dito. Kapag pumayag na siyang kayo'y umalis, kayo'y itataboy niyang papalayo.
2 Magsalita ka ngayon sa pandinig ng bayan at humingi ang bawat lalaki sa kanyang kapwa, at bawat babae sa kanyang kapwa ng mga alahas na pilak, at ng mga alahas na ginto.”
3 Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio. Bukod dito, ang lalaking si Moises ay naging dakila sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ng Faraon, at sa paningin ng mga tao.
4 Sinabi ni Moises, “Ganito ang sinasabi ng Panginoon: Sa hatinggabi ay lalabas ako sa gitna ng Ehipto.
5 Lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay mamamatay, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan, at ang lahat ng mga panganay ng mga hayop.
6 Magkakaroon ng malakas na panaghoy sa buong lupain ng Ehipto, na hindi pa nagkaroon ng tulad nito at hindi na muling magkakaroon pa.
7 Subalit sa bayan ng Israel, maging tao o hayop ay walang uungol kahit aso, upang inyong malaman na naglalagay ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga Ehipcio at sa Israel.
8 Ang lahat ng mga lingkod mong ito ay dudulog at yuyukod sa akin, na sinasabi, ‘Umalis ka at ang buong bayan na sumusunod sa iyo.’ Pagkatapos niyon ay aalis ako.” At siya'y umalis sa harap ng Faraon na may matinding galit.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hindi kayo papakinggan ng Faraon, upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Ehipto.”
10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ng Faraon; ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain.
Ang Paskuwa ng Panginoon
12 Ang(A) Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron sa lupain ng Ehipto, na sinasabi,
2 “Ang buwang ito'y magiging pasimula ng inyong mga buwan; ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo.
3 Sabihin ninyo sa buong kapulungan ng Israel: sa ikasampung araw ng buwang ito ay kukuha ang bawat lalaki sa kanila ng isang kordero,[a] ayon sa mga sambahayan ng kani-kanilang mga ninuno, isang kordero sa bawat sambahayan.
4 Kung ang sambahayan ay napakaliit para sa isang kordero, siya at ang kanyang malapit na kapitbahay ay magsasalu-salo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; gagawin ninyo ang pagbilang sa kordero ayon sa makakain ng bawat tao.
5 Ang inyong kordero ay walang kapintasan, isang lalaki na isang taong gulang; inyong kukunin ito sa mga tupa o sa mga kambing.
6 Iyon ay inyong iingatan hanggang sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel ang kanilang mga kordero sa paglubog ng araw.
7 Pagkatapos, kukuha sila ng dugo, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan.
8 Kanilang kakainin sa gabing iyon ang kordero; kanilang kakainin ito na inihaw sa apoy, kasama ang tinapay na walang pampaalsa at mapapait na gulay.
9 Huwag ninyo itong kakaining hilaw, o pinakuluan man sa tubig, kundi inihaw sa apoy, pati ang ulo, ang paa at mga lamang loob nito.
10 Huwag kayong magtitira ng anuman nito hanggang sa kinaumagahan; ang matitira hanggang sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy.
11 Sa ganitong paraan ninyo kakainin ito: may bigkis ang inyong baywang, ang mga sandalyas ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay nasa inyong kamay; at dali-dali ninyong kakainin ito. Ito ang paskuwa ng Panginoon.
12 Sapagkat ako'y dadaan sa lupain ng Ehipto sa gabing iyon at aking pupuksain ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, maging tao man at hayop; at ilalapat ko ang hatol laban sa lahat ng mga diyos ng Ehipto: Ako ang Panginoon.
13 Ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan; kapag aking nakita ang dugo, lalampasan ko kayo at walang salot na papatay sa inyo, kapag pinuksa ko ang lupain ng Ehipto.
14 “Ang(B) araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdiriwang bilang pista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong mga salinlahi ay inyong ipagdiriwang bilang isang tuntunin magpakailanman.
Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa
15 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw ay inyong aalisin sa inyong mga bahay ang pampaalsa, sapagkat sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ititiwalag sa Israel.
16 Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at sa ikapitong araw ay magkakaroon din kayo ng isang banal na pagtitipon. Walang anumang gawa na gagawin sa mga araw na iyon; ang nararapat lamang kainin ng bawat tao ang maaaring ihanda ninyo.
17 Inyong ipapangilin ang pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, sapagkat sa araw na ito ay kinuha ko ang inyong mga hukbo mula sa lupain ng Ehipto. Inyong ipapangilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong mga salinlahi bilang isang tuntunin magpakailanman.
18 Sa paglubog ng araw sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, hanggang sa ikadalawampu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw.
19 Pitong araw na walang matatagpuang pampaalsa sa inyong mga bahay; sinumang kumain ng may pampaalsa ay ititiwalag sa kapulungan ng Israel, siya man ay banyaga o ipinanganak sa lupain.
20 Huwag kayong kakain ng anumang bagay na may pampaalsa; sa lahat ng inyong mga tirahan ay kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa.”
21 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matatanda sa Israel, at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabas at kumuha ng mga kordero ayon sa inyu-inyong sambahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskuwa.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit
14 Isang Sabbath, nang pumasok si Jesus[a] sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain, kanilang minamatyagan siya.
2 At noon, sa kanyang harapan ay may isang lalaking namamanas.
3 Nakipag-usap si Jesus sa mga dalubhasa sa kautusan at sa mga Fariseo, na sinasabi, “Ipinahihintulot ba o hindi na magpagaling sa Sabbath?”
4 Subalit sila'y hindi umimik. At siya'y hinawakan ni Jesus,[b] pinagaling, at pinahayo.
5 At(A) sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo, kung ang anak[c] o bakang lalaki ay nahulog sa hukay, hindi ba agad ninyo iaahon sa araw ng Sabbath?”
6 At hindi sila nakasagot sa mga bagay na ito.
Kapakumbabaan at Pagpapatuloy ng Panauhin
7 Nang mapansin niya na pinipili ng mga panauhin ang mga upuang pandangal; siya ay nagsalaysay sa kanila ng isang talinghaga.
8 “Kapag(B) inanyayahan ka ng sinuman sa kasalan, huwag kang uupo sa upuang pandangal; baka mayroon siyang inanyayahang higit na kilalang tao kaysa iyo,
9 at ang nag-anyaya sa inyong dalawa ay lumapit at nagsabi sa iyo, ‘Ibigay mo sa taong ito ang lugar mo.’ Sa gayon, ay magsisimula kang pumunta na napapahiya sa pinakamababang lugar.
10 Sa halip, kapag inaanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakamababang lugar upang kung dumating ang nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, pumunta ka sa mas mataas.’ Kung gayo'y magkakaroon ka ng karangalan sa harap ng lahat ng mga kasalo mong nakaupo sa hapag.
11 Sapagkat(C) ang bawat nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”
12 Sinabi rin naman niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o mayayamang kapitbahay, baka ikaw naman ay kanilang anyayahan at ikaw ay gantihan.
13 Subalit kung naghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, ang mga bulag,
14 at pagpapalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Talinghaga ng Malaking Hapunan(D)
15 Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.”
16 Subalit sinabi ni Jesus[d] sa kanya, “May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan.
17 At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.’
18 Ngunit silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, ‘Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
19 Sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
20 Sinabi ng iba, ‘Ako'y nagpakasal kaya't hindi ako makakarating.’
21 At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.’
22 At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.’
23 At sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay.’
24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan.”
Ang Halaga ng Pagiging Isang Alagad(E)
25 Noon ay sumama sa kanya ang napakaraming tao. Siya'y humarap sa kanila at sa kanila'y sinabi,
26 “Kung(F) ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, ina, asawang babae, mga anak, mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, at maging sa kanyang sariling buhay ay hindi maaaring maging alagad ko.
27 Sinumang(G) hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 Sapagkat sino sa inyo na nagnanais magtayo ng isang tore, ang hindi muna uupo at aalamin ang magugugol kung mayroon siyang sapat upang matapos ito?
29 Baka kung mailagay na niya ang pundasyon at hindi makayang tapusin, ang lahat ng mga makakakita ay magpapasimulang siya'y libakin,
30 na nagsasabi, ‘Nagsimula ang taong ito na magtayo, at hindi na kayang tapusin.’
31 O sinong hari, na pupunta sa pakikidigma laban sa ibang hari, ang hindi muna uupo at mag-iisip kung siya na may sampung libo ay kayang humarap sa may dalawampung libo na dumarating laban sa kanya?
32 At kung hindi, samantalang malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng isang sugo at hihilingin ang mga kasunduan sa kapayapaan.
33 Kaya't ang sinuman sa inyo na hindi magtakuwil sa lahat ng kanyang tinatangkilik ay hindi maaaring maging alagad ko.
Asin na Walang Halaga(H)
34 “Mabuti ang asin, subalit kung ang asin ay mawalan ng kanyang lasa, paano maibabalik ang alat nito?
35 Ito ay hindi nababagay maging sa lupa o sa tambakan man ng dumi; itinatapon nila ito. Ang may mga taingang ipandirinig ay makinig!”
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2 “O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
3 nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
4 gaya noong ako'y namumukadkad pa,
noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
5 nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
6 noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
7 Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
8 nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
at ang matatanda ay tumayo;
9 ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11 Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12 Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14 Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15 Sa bulag ako'y naging mga mata,
at sa pilay ako'y naging mga paa.
16 Sa dukha ako'y naging isang ama,
at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17 Aking binali ang mga pangil ng masama,
at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19 Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20 sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’
21 “Sa akin ay nakikinig at naghihintay ang mga tao,
at tumatahimik para sa aking payo.
22 Pagkatapos ng aking pagsasalita, ay hindi na sila muling nagsalita,
at ang aking salita ay bumagsak sa kanila.
23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan,
at kanilang ibinuka ang kanilang bibig na gaya sa huling ulan.
24 Kapag sila'y hindi nagtitiwala, ako sa kanila'y ngumingiti,
at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila pinababa.
25 Pinili ko ang kanilang daan, at umupo bilang puno,
at namuhay gaya ng hari sa gitna ng kanyang hukbo,
gaya ng isang umaaliw sa mga nagdadalamhati.
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
15 Ngayon, mga kapatid, ipinaaalala ko sa inyo ang magandang balita[a] na ipinangaral ko sa inyo, na inyo nang tinanggap, na siya naman ninyong pinaninindigan,
2 na sa pamamagitan nito kayo ay ligtas, kung matatag ninyo itong panghahawakan—malibang kayo'y sumampalataya nang walang kabuluhan.
3 Sapagkat(A) ibinigay ko sa inyo una sa lahat ang akin ding tinanggap: na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan,
4 at(B) siya'y inilibing; at muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan,
5 at(C) siya'y nagpakita kay Cefas, at pagkatapos ay sa labindalawa.
6 Pagkatapos ay nagpakita siyang minsanan sa mahigit na limang daang kapatid na ang karamihan sa mga ito ay buháy pa hanggang ngayon, bagaman ang mga iba'y namatay[b] na.
7 Pagkatapos ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol.
8 At(D) sa katapusan, tulad sa isang ipinanganak nang wala sa panahon ay nagpakita rin siya sa akin.
9 Sapagkat(E) ako ang pinakahamak sa mga apostol, at hindi karapat-dapat na tawaging apostol sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos.
10 Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako ay ako, at ang kanyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan. Sa halip, ako'y naglingkod nang higit kaysa kanilang lahat, bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin.
11 Dahil dito, maging ako o sila, sa gayon kami ay nangangaral at kayo naman ay nanampalataya.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 At kung si Cristo ay ipinangangaral na binuhay mula sa mga patay, paanong ang ilan sa inyo ay nagsasabi na walang pagkabuhay na muli ng mga patay?
13 Subalit kung walang pagkabuhay na muli ng mga patay, si Cristo man ay hindi muling binuhay,
14 at kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ang aming pangangaral ay walang kabuluhan, at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan.
15 At kami ay napatunayan pang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatunay tungkol sa Diyos, na kanyang muling binuhay si Cristo, na hindi naman niya muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay.
16 Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, si Cristo man ay hindi muling binuhay.
17 Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo'y nananatili pa rin sa inyong mga kasalanan.
18 Kung gayon, ang mga namatay[c] kay Cristo ay napahamak.
19 Kung para sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Cristo, sa lahat ng mga tao ay tayo ang pinakakawawa.
20 Subalit ngayon, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, na siya ang unang bunga ng mga namatay.[d]
21 Sapagkat yamang sa pamamagitan ng isang tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang pagkabuhay na muli ng mga patay.
22 Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.
23 Subalit ang bawat isa'y ayon sa kanya-kanyang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kay Cristo sa kanyang pagdating.
24 Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibinigay ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos na lipulin niya ang lahat ng paghahari at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan.
25 Sapagkat(F) siya'y kailangang maghari hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang paa.
26 Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.
27 Sapagkat(G) ipinasakop ng Diyos[e] ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang paa. Subalit kung sinasabi, “Lahat ng mga bagay ay ipinasakop,” maliwanag na hindi siya kabilang na nagpasakop sa lahat ng bagay sa kanya.
28 Subalit kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa kanya, ang Anak ay pasasakop din sa kanya na nagpapasakop ng lahat ng mga bagay sa kanya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.
29 Kung hindi gayon, anong gagawin ng mga tumatanggap ng bautismo para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na muling bubuhayin, bakit pa sila binabautismuhan para sa kanila?
30 Bakit ba nanganganib kami bawat oras?
31 Ako'y namamatay araw-araw! Mga kapatid, iyon ay kasing-tiyak ng aking pagmamapuri sa inyo—isang pagmamapuri na aking ginagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
32 Kung(H) bilang isang tao lamang ay lumaban ako sa mga maiilap na hayop sa Efeso, ano ang aking mapapakinabang? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Tayo ay kumain at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”
33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang ugali.”
34 Magpakatino kayo at magkaroon ng matuwid na pag-iisip at huwag na kayong magkasala, sapagkat ang iba ay walang kaalaman tungkol sa Diyos. Sinasabi ko ito para sa inyong kahihiyan.
Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Subalit mayroong magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Sa anong uri ng katawan sila darating?”
36 Ikaw na hangal! Ang iyong inihahasik ay hindi nabubuhay malibang ito ay mamatay.
37 At ang iyong inihasik ay hindi ang siya na ngang naging katawan, kundi ang binhi lamang, marahil ay sa trigo, o ilan sa ibang mga butil.
38 Subalit ang Diyos ang nagbibigay dito ng katawan ayon sa kanyang nais, at sa bawat uri ng binhi ay ang sariling katawan nito.
39 Hindi lahat ng laman ay magkatulad, subalit may isang uri para sa mga tao, at ibang laman para sa mga hayop, ibang laman para sa mga ibon, at ibang laman para sa mga isda.
40 Mayroong mga katawang makalangit, at mga katawang makalupa, subalit iba ang kaluwalhatian ng makalangit, at iba naman ang makalupa.
41 Mayroong kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin, sapagkat ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.
42 Gayundin naman ang muling pagkabuhay ng mga patay. Itinanim na may pagkasira, binubuhay na muli na walang pagkasira.
43 Ito ay itinatanim na walang dangal, ito ay binubuhay na may kaluwalhatian, itinatanim na may kahinaan, muling binubuhay na may kapangyarihan.
44 Ito ay itinatanim na katawang laman, ito ay binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang makalupa ay mayroon ding espirituwal.
45 Kaya't(I) nasusulat, “Ang unang taong si Adan ay naging buháy na nilalang.”[f] Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.
46 Ngunit hindi una ang katawang espirituwal, kundi ang makalupa, pagkatapos ay ang espirituwal.
47 Ang unang tao ay mula sa lupa, isang taong mula sa alabok. Ang ikalawang tao ay mula sa langit.
48 Kung ano ang taong mula sa alabok, gayundin silang mula sa alabok, at kung ano ang taong mula sa langit ay gayundin silang makalangit.
49 At kung paanong taglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong makalangit.
50 Mga kapatid, sinasabi ko ito: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkasira ay magmamana ng walang pagkasira.
51 Makinig(J) kayo, sasabihin ko sa inyo ang isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay babaguhin,
52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo'y babaguhin.
53 Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.
54 Subalit(K) kapag itong may pagkasira ay mabihisan ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,
“Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay.”
55 “O(L) kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?
O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”
56 Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.
57 Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, kayo'y maging matatag, hindi nakikilos, na laging sagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001