M’Cheyne Bible Reading Plan
Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng mga Bilanggo
40 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang katiwala ng kopa ng hari at ang kanyang panadero ay nagkasala laban sa kanilang panginoon na hari ng Ehipto.
2 Nagalit ang Faraon laban sa kanyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng kopa at sa puno ng mga panadero.
3 Sila'y ibinilanggo sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinapipiitan ni Jose.
4 Si Jose ay inatasan ng kapitan ng bantay na mamahala sa kanila at sila'y kanyang pinaglingkuran. Sila'y nasa bilangguan nang maraming mga araw.
5 Isang gabi, ang katiwala ng kopa at ang panadero ng hari sa Ehipto na nasa bilangguan ay kapwa nanaginip, at ang bawat panaginip ay may kanya-kanyang kahulugan.
6 Kinaumagahan, dumating si Jose sa kanila. Siya'y tumingin sa kanila at nakita niyang sila'y balisa.
7 Kaya't tinanong niya ang mga tagapamahala ng Faraon na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kanyang panginoon, “Bakit balisa kayo ngayon?”
8 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay nanaginip at walang sinumang makapagpaliwanag.” Sinabi sa kanila ni Jose, “Hindi ba mula sa Diyos ang mga paliwanag? Sabihin ninyo sa akin.”
9 Kaya't isinalaysay ng puno ng mga katiwala ng kopa ang kanyang panaginip kay Jose at sinabi sa kanya, “Sa aking panaginip ay may isang puno ng ubas sa aking harapan.
10 Sa puno ng ubas ay may tatlong sanga. Sa pagsipot ng dahon nito, ito ay namulaklak at ang mga buwig niyon ay naging mga ubas na hinog.
11 Ang kopa ng Faraon ay nasa aking kamay; at kinuha ko ang mga ubas at aking piniga ang mga ito sa kopa ng Faraon, at ibinigay ko ang kopa sa kamay ng Faraon.”
12 At sinabi ni Jose sa kanya, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong sanga ay tatlong araw.
13 Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibabalik ka sa iyong katungkulan, at ibibigay mo ang kopa ni Faraon sa kanyang kamay, gaya ng karaniwang dati mong ginagawa nang ikaw ay kanyang katiwala.
14 Subalit alalahanin mo ako kapag ikaw ay napabuti na, at hinihiling ko sa iyo na gumawa ka ng mabuti sa akin, at banggitin mo ako sa Faraon, at ako'y ilabas mo sa bahay na ito.
15 Ako'y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo, at dito naman ay wala akong ginagawang anuman upang ako'y ilagay nila sa bilangguan.”
16 Nang makita ng puno ng mga panadero na ang kahulugan ay mabuti ay sinabi niya kay Jose, “Ako'y nanaginip din, at may tatlong kaing ng maputing tinapay ang nasa ibabaw ng aking ulo.
17 Sa ibabaw ng kaing ay naroon ang lahat ng uri ng pagkain para sa Faraon. Subalit ito ay kinakain ng mga ibon mula sa kaing na nasa ibabaw ng aking ulo.”
18 Si Jose ay sumagot, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong kaing ay tatlong araw.
19 Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibibitin ka sa isang punungkahoy, at kakainin ng mga ibon ang iyong laman.”
20 Nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan ng Faraon, gumawa siya ng isang handaan para sa lahat ng kanyang mga lingkod. Ipinatawag niya[a] ang puno ng mga katiwala ng kopa, at ang puno ng mga panadero.
21 At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng kopa sa kanyang pagiging katiwala ng kopa, at ibinigay niya ang kopa sa kamay ng Faraon.
22 Subalit ang puno ng mga panadero ay ibinitin niya, gaya ng ipinakahulugan sa kanila ni Jose.
23 Gayunma'y hindi na naalala si Jose ng puno ng mga katiwala ng kopa, kundi nakalimutan siya.
Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
10 Mula roon, siya'y umalis at pumunta sa lupain ng Judea at sa kabila ng Jordan. At muling nagtipon ang napakaraming tao sa paligid niya at tulad ng kanyang nakaugalian, muli niyang tinuruan sila.
2 Dumating ang mga Fariseo at upang subukin siya ay kanilang itinanong, “Ipinahihintulot ba sa lalaki na makipaghiwalay sa kanyang asawa?”
3 At sumagot siya sa kanila, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?”
4 Sinabi(B) nila, “Ipinahintulot ni Moises na sumulat ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at makipaghiwalay sa babae.”
5 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso, isinulat niya ang utos na ito sa inyo.
6 Ngunit(C) buhat pa sa pasimula ng paglikha, ‘ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.’
7 ‘Dahil(D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at makikipisan sa kanyang asawa;
8 at ang dalawa ay magiging isang laman!’ Kaya't hindi na sila dalawa, kundi isang laman.
9 Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag hayaang paghiwalayin ng tao.”
10 Sa bahay naman ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.
11 At(E) sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kanya.
12 Kung nakipaghiwalay siya sa kanyang asawang lalaki at mag-asawa sa iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)
13 At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad.
14 Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
15 Tunay(G) na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.”
16 At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Ang Lalaking Mayaman(H)
17 Nang siya'y naghahanda na sa kanyang paglalakbay, may isang lalaking patakbong lumapit sa kanya, at pagluhod sa kanyang harapan, siya'y tinanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
18 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
19 Nalalaman(I) mo ang mga utos: ‘Huwag kang pumatay; Huwag kang mangalunya; Huwag kang magnakaw; Huwag kang sumaksi sa kasinungalingan; Huwag kang mandaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
20 At sinabi niya sa kanya, “Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking tinupad mula pa sa aking kabataan.”
21 Si Jesus, pagtingin sa kanya ay minahal siya at sinabi, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi[a] sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.”
22 Subalit siya'y nanlumo sa sinabing ito, at siya'y umalis na nalulungkot sapagkat siya'y maraming ari-arian.
23 At sa pagtingin ni Jesus sa palibot ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakahirap para sa mga may kayamanan na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
24 At namangha ang mga alagad sa kanyang mga salita. Ngunit muling sumagot sa kanila si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos.
25 Mas madali pa para sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 Sila'y lalong nagtaka at sinabi sa kanya, “Sino nga kaya ang maliligtas?”
27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Sa mga tao, ito'y hindi maaaring mangyari ngunit hindi sa Diyos; sapagkat sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”
28 Si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kanya, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”
29 Sinabi ni Jesus, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga bukid, dahil sa akin, at dahil sa magandang balita,
30 ang hindi makakatanggap ng isandaang ulit, ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may mga pag-uusig; at sa darating na panahon ay walang hanggang buhay.
31 Ngunit(J) ang maraming nauuna ay mahuhuli, at ang huli ay mauuna.”
Ikatlong Pagbanggit ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(K)
32 Sila'y nasa daang paakyat sa Jerusalem at nauuna sa kanila si Jesus. Sila'y namangha at ang mga sumunod ay natakot. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay sa kanila ang mga bagay na mangyayari sa kanya
33 na sinasabi, “Tingnan ninyo, umaahon tayo patungo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay siya sa mga Hentil.
34 Siya'y kanilang tutuyain, at duduraan, siya'y hahampasin at papatayin. Pagkaraan ng tatlong araw siya ay muling mabubuhay.”
Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(L)
35 Lumapit sa kanya sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na nagsasabi sa kanya, “Guro, ibig naming gawin mo sa amin ang anumang aming hingin sa iyo.”
36 At sinabi niya sa kanila, “Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?”
37 Sinabi nila sa kanya, “Ipagkaloob mo sa amin na makaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.”
38 Subalit(M) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong uminom sa kopang aking iinuman; o mabautismuhan sa bautismo na ibinabautismo sa akin?”
39 Sumagot sila, “Kaya namin.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinabautismo sa akin ay babautismuhan kayo.
40 Ngunit ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob; subalit ito'y para sa kanila na pinaghandaan nito.”
41 Nang marinig ito ng sampu, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan.
42 Kaya't(N) sila'y tinawag ni Jesus at sinabi sa kanila, “Nalalaman ninyo na ang mga kinikilala upang mamuno sa mga Hentil ay tumatayong panginoon sa kanila; at ang mga dakila sa kanila ang siyang nasusunod sa kanila.
43 Subalit(O) hindi gayon sa inyo, ngunit ang sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo;
44 at ang sinumang nais na maging una ay kailangang maging alipin ng lahat.
45 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”
Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(P)
46 At dumating sila sa Jerico. Habang nililisan niya ang Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at ng napakaraming tao, isang pulubing bulag, si Bartimeo na anak ni Timeo, ay nakaupo sa tabi ng daan.
47 Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, “Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin!”
48 At sinaway siya ng marami na siya'y tumahimik, ngunit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag ka sa akin!”
49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nila ang lalaking bulag na sinasabi sa kanya, “Matuwa ka. Tumayo ka; tinatawag ka niya.”
50 Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus.
51 Pagkatapos sinabi sa kanya ni Jesus, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng lalaking bulag, “Rabboni,[b] ibig kong muling makakita.”
52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Agad na nagbalik ang kanyang paningin at siya'y sumunod sa kanya sa daan.
Inilarawan ni Job ang Kanyang Kasawian
6 Pagkatapos ay sumagot si Job at sinabi,
2 “O tinimbang sana ang aking pagkayamot,
at lahat ng aking mga sakuna ay inilagay sana sa mga timbangan.
3 Sapagkat kung gayon iyon ay magiging mas mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya't ang aking mga salita ay naging padalus-dalos.
4 Sapagkat ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasa akin,
iniinom ng aking espiritu ang kanilang lason;
ang mga kilabot ng Diyos ay nakahanay laban sa akin.
5 Umuungal ba ang mailap na asno kapag mayroon siyang damo?
O inuungalan ba ng baka ang kanyang pagkain?
6 Ang wala bang lasa ay makakain nang walang asin?
O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Wala akong ganang hawakan ang mga iyon;
ang mga iyon ay parang nakakapandiring pagkain sa akin.
8 “Makamit ko nawa ang aking kahilingan;
at ipagkaloob nawa ng Diyos ang aking minimithi;
9 na kalugdan nawa ng Diyos na durugin ako;
na ibitaw niya ang kanyang kamay, at putulin ako!
10 Ito nga ang magiging kaaliwan ko;
magsasaya pa ako sa walang tigil na sakit;
sapagkat hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, upang ako'y maghintay?
At ano ang aking wakas upang ako'y magtiis?
12 Ang lakas ko ba ay lakas ng mga bato,
o ang laman ko ba ay tanso?
13 Sa totoo ay walang tulong sa akin,
at anumang mapagkukunan ay inilayo sa akin.
Ang Daya at Lupit ng Kanyang mga Kaibigan
14 “Siyang nagkakait ng kagandahang-loob sa kanyang kaibigan
ay nagtatakuwil ng takot sa Makapangyarihan sa lahat.
15 Ang aking mga kapatid ay mapandayang tulad sa batis,
na parang daluyan ng mga batis na lumilipas,
16 na madilim dahil sa yelo,
malabo dahil sa natutunaw na niyebe.
17 Sa panahon ng init, sila'y nawawala;
kapag mainit, sila'y nawawala sa kanilang kinalalagyan.
18 Ang mga pangkat ng manlalakbay ay lumilihis sa kanilang daan;
umaakyat sila sa pagkapahamak at namamatay.
19 Tumitingin ang mga pulutong ng manlalakbay mula sa Tema,
umaasa ang mga manlalakbay mula sa Sheba.
20 Sila'y nabigo, sapagkat sila'y nagtiwala;
sila'y pumaroon at sila'y nalito.
21 Naging ganyan kayo ngayon sa akin,
nakikita ninyo ang aking kasawian at kayo'y natatakot.
22 Sinabi ko ba: ‘Bigyan ninyo ako ng kaloob?’
O, ‘Mula sa inyong yaman ay handugan ninyo ako ng suhol?’
23 O, ‘Iligtas ninyo ako mula sa kamay ng kaaway?’
O, ‘Tubusin ninyo ako mula sa kamay ng mga manlulupig?’
24 “Turuan ninyo ako, at ako'y tatahimik;
ipaunawa ninyo sa akin kung paano ako nagkamali.
25 Napakatindi ng mga tapat na salita!
Ngunit ang inyong saway, ano bang sinasaway?
26 Sa akala ba ninyo ay masasaway ninyo ang mga salita,
gayong ang mga salita ng taong sawi ay hangin?
27 Magpapalabunutan nga kayo para sa ulila,
at magtatawaran para sa inyong kaibigan.
28 “Subalit ngayon, tumingin kayo sa akin na may kaluguran,
sapagkat hindi ako magsisinungaling sa inyong harapan.
29 Bumalik kayo, isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kamalian.
Oo, kayo'y magsibalik, nakataya rito ang aking katuwiran.
30 May masama ba sa aking dila?
Hindi ba nakakabatid ng kasawian ang aking panlasa?
10 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang dalangin ko sa Diyos alang-alang sa kanila ay ang sila ay maligtas.
2 Ako'y makapagpapatotoo na sila'y may sigasig para sa Diyos, subalit hindi ayon sa kaalaman.
3 Sapagkat sa kanilang pagiging mangmang sa katuwiran ng Diyos, at sa pagsisikap nilang maitayo ang sariling pagiging matuwid ay hindi sila nagpasakop sa pagiging matuwid ng Diyos.
4 Sapagkat si Cristo ang kinauuwian ng kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya.
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
5 Sapagkat(A) sumusulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid na batay sa kautusan, na “ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa mga ito.”
6 Ngunit(B) sinasabi ng pagiging matuwid na batay sa pananampalataya ang ganito, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” (Ito ay upang ibaba si Cristo.)
7 “O, ‘Sino ang mananaog sa kailaliman?’” (Ito ay upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)
8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong bibig, at sa iyong puso.” Ito ay ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral.
9 Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka.
10 Sapagkat sa puso ang tao'y nananampalataya kaya't itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya't naliligtas.
11 Sapagkat(C) sinasabi ng kasulatan, “Ang bawat sumasampalataya sa kanya ay hindi malalagay sa kahihiyan.”
12 Sapagkat walang pagkakaiba sa Judio at Griyego; sapagkat ang Panginoon ay siya ring Panginoon ng lahat, at siya'y mapagbigay sa lahat ng tumatawag sa kanya.
13 Sapagkat,(D) “Ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.”
14 Ngunit paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral?
15 At(E) paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, “Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”
16 Subalit(F) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?”
17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.[a]
18 Ngunit(G) sinasabi ko, hindi ba nila narinig? Talagang narinig nila, sapagkat
“Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa,
at ang kanilang mga salita, hanggang sa mga dulo ng daigdig.”
19 Ngunit(H) sinasabi ko, hindi ba naunawaan ng Israel? Una ay sinasabi ni Moises,
“Papanibughuin ko kayo doon sa mga hindi isang bansa,
sa pamamagitan ng isang bansang hangal ay gagalitin ko kayo.”
20 At(I) si Isaias ay buong tapang na nagsasabi,
“Ako'y natagpuan nila na mga hindi humahanap sa akin;
ako'y nahayag sa kanila na hindi nagtatanong tungkol sa akin.”
21 Subalit(J) tungkol sa Israel ay sinasabi niya, “Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001