M’Cheyne Bible Reading Plan
10 Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon, sapagkat aking pinatigas ang puso niya at ng kanyang mga lingkod, upang aking maipakita itong aking mga tanda sa gitna nila,
2 at upang iyong maisalaysay sa mga pandinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Ehipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila, upang inyong malaman na ako ang Panginoon.”
3 Kaya't pinuntahan nina Moises at Aaron ang Faraon at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka tatangging magpakumbaba sa harap ko? Payagan mo nang umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin.
4 Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin ang aking bayan, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong lupain.
5 Kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupain, kaya't walang makakakita ng lupa. Kanilang kakainin ang naiwan sa inyo pagkaraan ng yelong ulan at kanilang kakainin ang bawat punungkahoy mo sa parang.
6 Ang inyong mga bahay ay mapupuno, ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Ehipcio, na hindi nakita ng inyong mga magulang ni ng inyong mga ninuno, mula nang araw na sila'y mapasa daigdig hanggang sa araw na ito.’” At siya'y tumalikod at nilisan ang Faraon.
7 Sinabi ng mga lingkod ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan magiging isang bitag sa atin ang taong ito? Hayaan mo nang umalis ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa Panginoon nilang Diyos; hindi mo pa ba nauunawaan na ang Ehipto ay wasak na?”
8 Kaya't sina Moises at Aaron ay pinabalik sa Faraon at kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Diyos; subalit sinu-sino ang aalis?”
9 Sinabi ni Moises, “Kami ay aalis kasama ang aming mga bata at matatanda, kasama ang aming mga anak na lalaki at babae, mga kawan at mga baka, sapagkat kami ay kailangang magdiwang ng isang pista sa Panginoon.”
10 Kanyang sinabi sa kanila, “Sumainyo nawa ang Panginoon, kung kayo'y aking papayagan, at ang inyong maliliit na umalis! Tingnan ninyo, mayroon kayong masamang binabalak.
11 Hindi, hindi kailanman! Maaaring umalis ang inyong mga kalalakihan at sumamba sa Panginoon, sapagkat iyan ang inyong hinihingi.” At sila'y ipinagtabuyan mula sa harap ng Faraon.
Ang Salot ng mga Balang
12 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Ehipto, upang dumating dito ang mga balang at kainin ang lahat ng halaman sa lupain, maging ang lahat ng iniwan ng yelong ulan.”
13 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod sa lupain ng Ehipto, at ang Panginoon ay nagpahihip ng hanging amihan sa lupain ng buong araw na iyon at ng buong gabi; at nang mag-umaga ay dinala ng hanging amihan ang mga balang.
14 Ang(A) mga balang ay lumapag sa buong lupain ng Ehipto at dumagsa sa lahat ng hangganan ng Ehipto; totoong napakakapal ng mga balang na hindi nangyari noon at hindi na mangyayari pa.
15 Sapagkat tinakpan ng mga iyon ang ibabaw ng buong lupain, kaya't ang lupain ay nagdilim. Kinain nila ang lahat ng halaman sa lupain at ang lahat na bunga ng mga punungkahoy na iniwan ng yelong ulan at walang natirang anumang sariwang bagay, maging sa punungkahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Ehipto.
16 Pagkatapos ay nagmamadaling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos at laban sa inyo.
17 Ipatawad mo ang aking kasalanan, ngayon na lamang at hilingin ninyo sa Panginoon ninyong Diyos, ilayo man lamang sa akin ang nakakamatay na bagay na ito.”
18 Kaya't iniwan niya ang Faraon at nakiusap sa Panginoon.
19 Pinabalik ng Panginoon ang isang napakalakas na hanging habagat na siyang tumangay sa mga balang, at itinaboy ang mga ito sa Dagat na Pula; walang natira kahit isang balang sa buong nasasakupan ng Ehipto.
20 Subalit pinatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon at hindi niya pinayagang umalis ang mga anak ni Israel.
Ang Salot na Kadiliman
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit, upang magdilim sa lupain ng Ehipto ng isang kadilimang mararamdaman.”
22 Kaya't(B) iniunat ni Moises ang kanyang kamay paharap sa langit, at nagkaroon ng makapal na kadiliman sa buong lupain ng Ehipto ng tatlong araw.
23 Sila'y hindi magkakitaan, at walang tumindig na sinuman sa kinaroroonan niya sa loob ng tatlong araw; ngunit lahat ng mga anak ni Israel ay may liwanag sa kanilang tirahan.
24 Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; iwan lamang ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka. Isama na rin ninyo ang inyong mga anak.”
25 Ngunit sinabi ni Moises, “Dapat ding magbigay ka sa aming kamay ng mga alay at mga handog na sinusunog upang aming maihandog sa Panginoon naming Diyos.
26 Ang aming hayop ay isasama rin namin; wala kahit isang paa na maiiwan, sapagkat kailangang pumili kami ng ilan sa mga iyon para sa pagsamba sa Panginoon naming Diyos. Hindi namin nalalaman kung ano ang aming gagamitin sa pagsamba sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.”
27 Subalit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya pinayagang umalis sila.
28 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Umalis ka sa harap ko! Tiyakin mong huwag nang makitang muli ang aking mukha, sapagkat sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.”
29 Sinabi ni Moises, “Gaya ng sinabi mo! Hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.”
Magsisi o Mamatay
13 Nang panahong iyon, mayroong ilan na naroon na nagsabi sa kanya tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga iyon ay inihalo ni Pilato sa mga alay nila.
2 At sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo na ang mga taga-Galileang iyon ay higit na makasalanan kaysa lahat ng mga taga-Galilea, dahil sila'y nagdusa nang gayon?
3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila.
4 O ang labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam at sila'y napatay, inaakala ba ninyo na sila'y higit na maysala kaysa lahat ng taong naninirahan sa Jerusalem?
5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, kayong lahat ay mapapahamak ding tulad nila.”
Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga
6 Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Ang isang tao ay may isang puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Siya'y pumunta upang maghanap ng bunga roon, subalit walang nakita.
7 Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan ninyo, tatlong taon na akong pumaparito na humahanap ng bunga sa punong igos na ito, at wala akong makita. Putulin mo ito. Bakit sinasayang nito ang lupa?’
8 At sumagot siya sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna sa taóng ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot at malagyan ng pataba.
9 At kung ito ay magbunga sa susunod na taon, ay mabuti; subalit kung hindi, maaari mo na itong putulin.”
Pinagaling ni Jesus nang Araw ng Sabbath ang Babaing may Sakit
10 Noon ay nagtuturo siya sa isa sa mga sinagoga nang araw ng Sabbath.
11 At naroon ang isang babae na may espiritu ng karamdaman sa loob ng labingwalong taon. Siya ay baluktot at hindi niya kayang tumayo ng talagang matuwid.
12 Nang siya'y makita ni Jesus, kanyang tinawag siya at sinabi sa kanya, “Babae, pinalaya ka na sa iyong sakit.”
13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa kanya at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.
14 Subalit(A) ang pinuno ng sinagoga, na galit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa Sabbath, ay nagsabi sa maraming tao, “May anim na araw na dapat gumawa, pumarito kayo sa mga araw na iyon at kayo'y pagagalingin at hindi sa araw ng Sabbath.”
15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo sa Sabbath ang kanyang bakang lalaki o ang kanyang asno mula sa sabsaban at ito'y inilalabas upang painumin?
16 At hindi ba dapat na ang babaing ito na anak ni Abraham, na ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon ay kalagan sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabbath?”
17 Nang sabihin niya ang mga bagay na ito, napahiya ang lahat ng kanyang mga kaaway at nagalak ang maraming tao dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kanyang ginawa.
Talinghaga ng Butil ng Mustasa(B)
18 Sinabi niya, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos at sa ano ko ito ihahambing?
19 Ito ay tulad sa isang butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang halamanan. Ito'y tumubo, naging isang punungkahoy at dumapo sa mga sanga nito ang mga ibon sa himpapawid.”
Talinghaga ng Pampaalsa(C)
20 At muling sinabi niya, “Sa ano ko ihahambing ang kaharian ng Diyos?
21 Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nahaluang lahat ng pampaalsa.”
Ang Makipot na Pintuan(D)
22 Si Jesus[b] ay nagpatuloy sa kanyang lakad sa mga bayan at mga nayon na nagtuturo habang naglalakbay patungo sa Jerusalem.
23 At may nagsabi sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” At sinabi niya sa kanila,
24 “Magsikap kayong pumasok sa makipot na pintuan, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magsisikap na pumasok at hindi makakapasok.
25 Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at maisara na ang pinto, magsisimula kayong tumayo sa labas at tutuktok sa pintuan, na magsasabi, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’ At siya'y sasagot sa inyo, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling.’
26 Kaya't magsisimula kayong magsabi, ‘Kami ay kasama mong kumain at uminom at nagturo ka sa aming mga lansangan.’
27 Subalit(E) sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayas kayo, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’
28 Magkakaroon(F) ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin kapag nakita na ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Diyos, at kayo mismo'y inihahagis sa labas.
29 At(G) may mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa timog at hilaga, at uupo sa hapag sa kaharian ng Diyos.
30 Sa(H) katunayan, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.”
Ang Pag-ibig ni Jesus para sa Jerusalem(I)
31 Dumating nang oras ding iyon ang ilang Fariseo na nagsabi sa kanya, “Lumabas ka na at umalis dito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes.”
32 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at inyong sabihin sa asong-gubat na iyon, ‘Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos ko ang aking gawain.
33 Gayunma'y kailangang ako'y magpatuloy sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa, sapagkat hindi maaari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.’
34 O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!
35 Tingnan ninyo,(J) sa inyo'y iniwan ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’”
Papuri sa Karunungan
28 “Tunay na para sa pilak ay may minahan,
at sa ginto ay may dakong dalisayan.
2 Ang bakal ay kinukuha sa lupa,
at sa tinunaw na mahalagang bato, ang tanso ay nagmumula.
3 Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman,
at hinahanap hanggang sa pinakamalayong hangganan
ang mga bato sa kalungkutan at pusikit na kadiliman.
4 Sila'y nagbubukas ng lagusan sa libis na malayo sa tinatahanan ng mga tao;
sila'y nalimutan ng mga manlalakbay,
sila'y nakabitin na malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
5 Tungkol sa lupa, ang tinapay ay dito nanggagaling,
ngunit waring tinutuklap ng apoy sa ilalim.
6 Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro,
at ito ay may alabok na ginto.
7 “Yaong landas na walang ibong mandaragit na nakakaalam,
at hindi pa nakita maging ng mata ng falkon man.
8 Ang mga palalong hayop dito'y di pa nakakatuntong
ni nadaanan man ng mabangis na leon.
9 “Inilalagay ng tao ang kanyang kamay sa batong kiskisan,
at binabaligtad sa mga ugat ang mga kabundukan.
10 Sa gitna ng mga bato'y gumagawa siya ng daluyan,
at nakikita ng kanyang mata ang bawat mahalagang bagay.
11 Kanyang tinatalian ang mga batis upang huwag lumagaslas,
at ang bagay na nakakubli, sa liwanag ay kanyang inilalabas.
12 “Ngunit saan matatagpuan ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
13 Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon,[a]
at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buháy.
14 Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’
at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’
15 Hindi ito mabibili ng ginto,
ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
16 Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir,
ng mahalagang onix, o ng zafiro.
17 Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay,
ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay.
18 Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal;
higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
19 Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay,
ni mahahalagahan man sa gintong lantay.
20 “Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan?
At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
21 Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay,
at natatago sa mga ibon sa kalangitan.
22 Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi,
‘Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!’
23 “Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon,
at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon.
24 Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig,
at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit.
25 Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat,
at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat,
26 nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan,
at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan;
27 nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag;
ito'y kanyang itinatag, at siniyasat.
28 At(A) sa tao ay sinabi niya,
‘Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan;
at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.’”
Kaloob na Propesiya at Iba't ibang Wika
14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at pagsikapan ninyong mithiin ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapag-propesiya.
2 Sapagkat ang nagsasalita ng ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, yamang sa Espiritu siya nagsasalita ng mga hiwaga.
3 Subalit ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw.
4 Ang nagsasalita ng ibang wika ay pinapatibay ang sarili, ngunit ang nagsasalita ng propesiya ay pinapatibay ang iglesya.
5 Ngayon, nais ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika, subalit lalo na ang kayo ay magsalita ng propesiya. Ang nagsasalita ng propesiya ay higit na dakila kaysa nagsasalita ng mga wika, malibang mayroong nagpapaliwanag upang ang iglesya ay mapatibay.
6 Subalit ngayon, mga kapatid, kung ako'y dumating sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong mapapakinabang sa akin, malibang ako'y magsalita sa inyo sa pamamagitan ng pahayag, o kaalaman, o propesiya, o ng aral?
7 Maging ang mga bagay na walang buhay na tumutunog kagaya ng plauta, o alpa, kung hindi sila magbigay ng malinaw na tunog, paano malalaman kung ano ang tinutugtog?
8 Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di-malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan?
9 Gayundin naman kayo, kung sa isang wika ay nagsasalita kayo nang hindi nauunawaan, paanong malalaman ng sinuman kung ano ang sinabi? Sapagkat sa hangin kayo magsasalita.
10 Walang alinlangan na napakaraming uri ng mga wika sa sanlibutan, at walang isa man na walang kahulugan.
11 Subalit kung hindi ko nalalaman ang kahulugan ng wika, ako ay magiging isang banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging isang banyaga sa akin.
12 Gayundin naman kayo, yamang kayo'y sabik sa kaloob na espirituwal, pagbutihin ninyo ang paggamit sa mga iyon para sa ikatitibay ng iglesya.
13 Kaya't siyang nagsasalita ng wika ay dapat manalangin para sa kapangyarihang makapagpaliwanag.
14 Sapagkat kung ako'y nananalangin sa wika, ang aking espiritu ay nananalangin, ngunit ang aking isipan ay hindi mabunga.
15 Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at ako'y mananalangin din sa isipan; ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan.
16 Kung di gayon, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, paanong ang isang nasa kalagayang hindi naturuan ay makapagsasabi ng Amen sa iyong pagpapasalamat, gayong hindi niya nalalaman ang iyong sinasabi?
17 Sapagkat maaaring ikaw ay nagpapasalamat ng mabuti, subalit ang iba ay hindi napatitibay.
18 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kaysa inyong lahat,
19 ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang magsalita ng limang salita sa pamamagitan ng aking pag-iisip, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.
20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip bata; sa kasamaan ay maging sanggol kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging husto na sa gulang.
21 Sa(A) kautusan ay nakasulat, “Sa pamamagitan ng ibang mga wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga ay magsasalita ako sa bayang ito, gayunma'y hindi sila makikinig sa akin,” sabi ng Panginoon.
22 Kaya nga, ang mga wika ay tanda, hindi para sa mga sumasampalataya, kundi sa mga hindi mananampalataya. Subalit ang propesiya ay hindi sa mga hindi mananampalataya, kundi sa mga sumasampalataya.
23 Kaya't kung ang buong iglesya ay nagkakatipon at ang lahat ay nagsasalita ng mga wika, at pumasok ang mga hindi naturuan o hindi mga mananampalataya, hindi kaya nila sasabihing kayo'y mga nasisiraan ng isip?
24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at pumasok ang isang hindi mananampalataya, o hindi naturuan, siya ay hinatulan ng lahat, siya ay pinananagot ng lahat.
25 Pagkatapos na mabunyag ang mga lihim ng kanyang puso, ang taong iyon ay yuyukod,[a] at kanyang sasambahin ang Diyos at ipahahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”
Kaayusan sa Iglesya
26 Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay.
27 Kung nagsasalita ang sinuman ng wika, dapat ay dalawa o hanggang tatlo lamang, at sunud-sunod ang bawat isa, at may isang magpaliwanag.
28 Subalit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik ang bawat isa sa iglesya at magsalita sa kanyang sarili, at sa Diyos.
29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa mga propeta, at ang iba'y umunawa sa sinasabi.
30 Kung may ipinahayag na anuman sa isang nakaupo, tumahimik muna ang nauna.
31 Sapagkat kayong lahat ay isa-isang makapagpapahayag ng propesiya upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla.
32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasailalim ng mga propeta,
33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesya ng mga banal,
34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya, sapagkat sila'y hindi pinahihintulutang magsalita, kundi pasakop, gaya ng sinasabi ng kautusan.
35 Kung mayroong anumang bagay na nais nilang malaman, tanungin nila ang kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat kahiyahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya.
36 Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo? O kayo lamang ba ang dinatnan nito?
37 Kung iniisip ng sinuman na siya'y propeta, o taong espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang aking isinusulat sa inyo ay utos ng Panginoon.
38 Subalit kung ang sinuman ay hindi kumilala nito, siya ay hindi kikilalanin.
39 Kaya, mga kapatid ko, masikap ninyong naisin na makapagsalita ng propesiya at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika.
40 Subalit gawin ang lahat ng mga bagay nang nararapat at may kaayusan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001