M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagkaroon ng Napakaraming Palaka
8 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumunta ka kay Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Pahintulutan mong umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin.
2 Kung ayaw mo silang paalisin, aking sasalutin ng mga palaka ang iyong buong lupain.
3 Ang ilog ay mapupuno ng mga palaka na aahon at papasok sa iyong bahay, tulugan, higaan, sa bahay ng iyong mga lingkod, sa iyong bayan, mga hurno, at sa iyong mga masahan ng tinapay.
4 Aakyatin ka ng mga palaka at ang iyong bayan, at ang lahat ng iyong mga lingkod.’”
5 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, ‘Iunat mo ang iyong kamay na hawak ang iyong tungkod sa mga ilog, sa mga bambang, sa mga lawa, at magpaahon ka ng mga palaka sa lupain ng Ehipto!’”
6 Iniunat ni Aaron ang kanyang kamay sa tubig sa Ehipto at ang mga palaka ay nag-ahunan at tinakpan ang lupain ng Ehipto.
7 Ngunit ang mga salamangkero ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na karunungan at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Ehipto.
8 Nang magkagayo'y tinawag ni Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Pakiusapan ninyo ang Panginoon na alisin ang mga palaka sa akin at sa aking bayan, at aking papayagang umalis ang bayan upang sila'y makapaghandog sa Panginoon.”
9 Sinabi ni Moises kay Faraon, “Pakisabi mo sa akin kung kailan ako makikiusap para sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang ang mga palaka ay maalis mula sa iyo at sa inyong mga bahay, at manatili na lamang sa Nilo.”
10 Kanyang sinabi, “Bukas.” Sinabi ni Moises, “Mangyayari ayon sa iyong salita upang iyong malaman na walang tulad ng Panginoon naming Diyos.
11 Ang mga palaka ay aalis sa iyo at sa iyong mga bahay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mananatili na lamang sila sa Nilo.”
12 Kaya't sina Moises at Aaron ay umalis sa harapan ni Faraon; at si Moises ay nanawagan sa Panginoon tungkol sa mga palaka na kanyang dinala kay Faraon.
13 Ginawa ng Panginoon ang ayon sa salita ni Moises; at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga kabukiran.
14 Kanilang tinipon ang mga ito nang buntun-bunton at ang lupain ay bumaho.
15 Ngunit nang makita ni Faraon na nagkaroon ng sandaling ginhawa, pinagmatigas niya ang kanyang puso, at hindi niya dininig sila, gaya ng sinabi ng Panginoon.
Ang Salot ng Kuto at Langaw
16 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron; ‘Iunat mo ang iyong tungkod, at hampasin mo ang alabok ng lupa, upang ito ay maging mga kuto sa buong lupain ng Ehipto.’”
17 Gayon ang ginawa nila. Iniunat ni Aaron ang kanyang kamay hawak ang kanyang tungkod, at hinampas ang alabok ng lupa, at nagkaroon ng kuto sa tao at sa hayop. Ang lahat ng alabok ng lupa ay naging mga kuto sa buong lupain ng Ehipto.
18 Ang mga salamangkero ay nagsikap sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman na magpalabas ng mga kuto, ngunit hindi nila nagawa. Kaya't nagkaroon ng kuto sa tao at sa hayop.
19 Nang(A) magkagayo'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ito ay daliri ng Diyos.” Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinakinggan sila, gaya nang sinabi ng Panginoon.
20 Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harapan ni Faraon habang siya ay patungo sa tubig, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, “Pahintulutan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.
21 Sapagkat kung hindi mo papayagang umalis ang aking bayan ay magsusugo ako ng pulu-pulutong na langaw sa iyo, sa iyong mga lingkod, sa iyong bayan, at sa loob ng inyong mga bahay. Ang mga bahay ng mga Ehipcio ay mapupuno ng pulu-pulutong na langaw, at gayundin ang lupang kinaroroonan nila.
22 Subalit aking ibubukod sa araw na iyon ang lupain ng Goshen na tinitirhan ng aking bayan, upang huwag magkaroon doon ng pulu-pulutong na langaw, upang iyong malaman na ako ang Panginoon sa lupaing ito.
23 Lalagyan ko ng pagkakaiba ang aking bayan at ang iyong bayan. Kinabukasan, mangyayari ang tandang ito.” ’ ”
24 Gayon ang ginawa ng Panginoon, at pumasok ang pulu-pulutong na langaw sa bahay ng Faraon, sa bahay ng kanyang mga lingkod; at sa buong lupain ng Ehipto ay nasira ang lupain dahil sa mga pulu-pulutong na langaw.
25 Pagkatapos, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Humayo kayo, maghandog kayo sa inyong Diyos sa loob ng lupain.”
26 Ngunit sinabi ni Moises, “Hindi tama na gayon ang aming gawin, sapagkat aming iaalay sa Panginoon naming Diyos ang mga handog na karumaldumal sa mga Ehipcio. Kung ihahandog ba namin ang mga handog na karumaldumal sa mga Ehipcio sa harap ng kanilang paningin, hindi ba nila kami babatuhin?
27 Kami ay hahayo sa tatlong araw na paglalakbay sa ilang at maghahandog sa Panginoon naming Diyos, ayon sa kanyang ipag-uutos sa amin.”
28 Kaya't sinabi ni Faraon, “Papayagan kong umalis kayo upang kayo'y makapaghandog sa Panginoon ninyong Diyos sa ilang. Huwag lamang kayong masyadong lalayo. Idalangin ninyo ako.”
29 Sinabi ni Moises, “Pagkaalis ko sa harapan mo ay aking hihilingin sa Panginoon na bukas ay umalis ang mga pulu-pulutong na langaw mula sa Faraon, sa kanyang mga lingkod, at sa kanyang bayan; ngunit huwag nang mandaya pang muli ang Faraon sa hindi pagpayag na humayo ang bayan upang maghandog sa Panginoon.”
30 Kaya't iniwan ni Moises ang Faraon at nanalangin sa Panginoon.
31 Ginawa ng Panginoon ang ayon sa salita ni Moises: inalis niya ang mga pulu-pulutong na langaw mula sa Faraon, sa kanyang mga lingkod, at sa kanyang bayan; walang natira kahit isa.
32 Ngunit pinatigas na muli ng Faraon ang kanyang puso at hindi pinayagang umalis ang taong-bayan.
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Panalangin(A)
11 Siya'y nanalangin sa isang lugar at nang siya'y makatapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin, gaya ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.”
2 Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin,
‘Ama,[a] sambahin nawa ang pangalan mo.
Dumating nawa ang kaharian mo.
3 Ibigay mo sa amin sa bawat araw ang aming pang-araw-araw na pagkain.
4 At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin,
at huwag mo kaming dalhin sa tukso.’”
5 Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hatinggabi at magsabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay;
6 sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’
7 At siyang nasa loob ay sasagot, ‘Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!’
8 Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya'y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya.
9 At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan.
10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.
11 Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng[b] isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda?
12 O kung siya'y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan?
13 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya?”
Jesus at Beelzebul(B)
14 At noon ay nagpalayas si Jesus[c] ng isang demonyong pipi. Nang makalabas na ang demonyo, ang dating pipi ay nagsalita at namangha ang maraming tao.
15 Subalit(C) sinabi ng ilan sa kanila, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, na pinuno ng mga demonyo.”
16 At(D) ang iba naman upang siya ay subukin ay hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.
17 Subalit dahil batid niya ang kanilang iniisip ay sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay nawawasak at ang bahay na laban sa sarili[d] ay nagigiba.
18 At kung si Satanas ay nahahati rin laban sa kanyang sarili, paanong tatatag ang kanyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul.
19 At kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Kaya't sila ang inyong magiging mga hukom.
20 Ngunit kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ay nagbabantay sa kanyang sariling palasyo, ang kanyang mga ari-arian ay ligtas.
22 Subalit kung may dumating na mas malakas kaysa kanya at siya'y talunin, kukunin nito sa kanya ang lahat ng sandata na kanyang pinagtiwalaan at ipamimigay nito ang mga nasamsam niya.
23 Ang(E) hindi panig sa akin ay laban sa akin at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(F)
24 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala ito sa mga lugar na walang tubig at humahanap ng mapapagpahingahan; at kapag hindi nakatagpo ay sinasabi nito, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’
25 At pagdating nito ay natagpuan nitong nawalisan at maayos na.
26 Kaya't umaalis siya at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit pang masasama kaysa kanya. Sila'y pumapasok at tumitira roon at ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa noong una.”
Ang Tunay na Mapalad
27 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, isang babaing mula sa maraming tao ang nagsalita sa malakas na tinig at sinabi sa kanya, “Mapalad ang sinapupunang sa iyo'y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.”
28 Subalit sinabi niya, “Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito.”
Ang Tanda ni Jonas(G)
29 Nang(H) dumarami ang nagkakatipong mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Ang lahing ito'y isang masamang lahi. Ito'y humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas.
30 Kung(I) paanong si Jonas ay naging tanda sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito.
31 Ang(J) reyna ng Timog ay babangon sa paghuhukom kasama ang mga tao ng lahing ito at kanyang hahatulan sila. Sapagkat siya'y dumating galing sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon, at narito ang isang higit pang dakila kaysa kay Solomon.
32 Ang(K) mga tao sa Ninive ay babangon sa paghuhukom kasama ng lahing ito at ito'y kanilang hahatulan, sapagkat sila'y nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at narito, ang isang higit pang dakila kaysa kay Jonas.
Ang Liwanag ng Katawan(L)
33 Walang(M) sinuman na pagkatapos magsindi ng ilawan ay inilalagay ito sa isang tagong lugar o sa ilalim ng takalan, kundi sa patungan ng ilaw upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.
34 Ang ilawan ng katawan ay ang iyong mata. Kung malusog ang iyong mata, ang buong katawan mo ay punô ng liwanag. Subalit kung ito'y hindi malusog, ang katawan mo ay punô ng kadiliman.
35 Kaya't maging maingat kayo baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman.
36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay punô ng liwanag at walang bahaging madilim, ito'y mapupuno ng liwanag, gaya ng ilawang may liwanag na nagliliwanag sa iyo.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo at ang mga Dalubhasa sa Kautusan(N)
37 Samantalang siya'y nagsasalita, inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya. Kaya't siya'y pumasok at naupo sa hapag-kainan.
38 Ang Fariseo ay nagtaka nang makita si Jesus na hindi muna naghugas bago kumain.
39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, subalit sa loob kayo'y punô ng kasakiman at kasamaan.
40 Kayong mga hangal, di ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob?
41 Subalit ilimos ninyo ang mga bagay na nasa loob at ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.
42 Subalit(O) kahabag-habag kayong mga Fariseo! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, ng ruda[e] at ng bawat gulayin, ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, na hindi pinababayaan ang iba.
43 Kahabag-habag kayong mga Fariseo! Inyong iniibig ang upuang pandangal sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.
44 Kahabag-habag kayo! Sapagkat kayo'y tulad sa mga libingang walang palatandaan, at di nalalaman ng mga tao na sila'y lumalakad sa ibabaw nito.”
45 Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ay sumagot sa kanya, “Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong nilalait.”
46 Subalit sinabi niya, “Kahabag-habag din kayong mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasaning mahihirap dalhin, samantalang hindi man lamang hinahawakan ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasanin.
47 Kahabag-habag kayo! Sapagkat inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, gayong sila'y pinatay ng inyong mga ninuno.
48 Kayo nga'y mga saksi at sumang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno, sapagkat pinatay nila ang mga propeta at itinayo ninyo ang kanilang mga libingan.
49 Kaya't sinasabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at ang ilan sa kanila ay kanilang papatayin at uusigin,’
50 upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na dumanak mula pa nang itatag ang sanlibutan;
51 mula(P) sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.
52 Kahabag-habag kayong mga dalubhasa sa kautusan, sapagkat kinuha ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo ay hindi pumasok, at inyong hinadlangan ang mga pumapasok.”
53 Paglabas niya roon, nagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na pag-initan siya nang matindi at pagtatanungin siya tungkol sa maraming bagay,
54 na nag-aabang sa kanya upang hulihin siya sa kanyang sasabihin.
Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos
25 Nang magkagayo'y ang Suhitang si Bildad ay sumagot, at sinabi,
2 “Sa Diyos[a] ang pamamahala at pagkatakot,
gumagawa siya ng kapayapaan sa kanyang langit na matayog.
3 Ang kanya bang mga hukbo ay may bilang?
Ang kanyang liwanag ay kanino hindi sumisilang?
4 Paano ngang magiging ganap ang tao sa harapan ng Diyos?
O paanong magiging malinis ang ipinanganak ng isang babae?
5 Tingnan mo, maging ang buwan ay hindi maningning,
at hindi dalisay ang mga bituin sa kanyang paningin;
6 gaano pa nga kaliit ang tao, na isang uod!
At ang anak ng tao, na isang bulati!”
Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos
26 At sumagot si Job, at sinabi,
2 “Napakalaki ng tulong mo sa kanya na walang kapangyarihan!
Iniligtas mo ang kamay na walang kalakasan!
3 Napakabuti ng payo mo sa kanya na walang karunungan,
at saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman!
4 Sa kaninong tulong na ang mga salita'y iyong binigkas?
At kaninong espiritu ang sa iyo'y lumabas?
5 Ang mga lilim ay nangangatal,
at ang nasa ilalim ng tubig, pati ang mga doon ay naninirahan.
6 Hubad sa harapan ng Diyos ang Sheol,
walang saplot ang Abadon.
7 Iniuunat niya ang hilaga sa ibabaw ng walang laman,
at ibinibitin ang daigdig sa kawalan.
8 Ibinabalot niya ang tubig sa kanyang makapal na ulap,
at ang ulap ay hindi nito napupunit.
9 Kanyang tinatakpan ang mukha ng kabilugan ng buwan,
at inilaladlad ang kanyang mga ulap sa ibabaw niyon.
10 Siya'y gumuhit ng bilog sa ibabaw ng katubigan,
sa hangganan ng liwanag at kadiliman.
11 Ang mga haligi ng langit ay nayayanig,
at natitigilan sa kanyang saway.
12 Pinatahimik niya ang dagat sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
at sa kanyang kaunawaan ay kanyang ibinuwal ang Rahab.
13 Sa pamamagitan ng kanyang espiritu[b] gumanda ang kalangitan;
ang tumatakas na ahas ay sinaksak ng kanyang kamay.
14 Narito, ang mga ito ay mga gilid lamang ng kanyang mga daan;
at napakahinang bulong lamang ang sa kanya'y ating napapakinggan!
Ngunit sinong makakaunawa sa kulog ng kanyang kapangyarihan?”
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2 Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita.
3 Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 May(A) iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu.
5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon.
6 May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat.
8 Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu,
9 sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu.
10 Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.
Iisang Katawan—Maraming Bahagi
12 Sapagkat(B) kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.
13 Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy.
18 Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya.
19 At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan?
20 Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan.
21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”
22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan.
23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiyahiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan,
24 na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan;
25 upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa.
26 Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi.
28 At(C) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika.
29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala?
30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag?
31 Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001