M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Tanda at Pangako
4 Si Moises ay sumagot at nagsabi, “Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay hindi nagpakita sa iyo.’”
2 Sinabi naman sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang nasa iyong kamay?” Kanyang sinabi, “Isang tungkod.”
3 Kanyang sinabi, “Ihagis mo sa lupa.” Kanyang inihagis ito sa lupa at ito'y naging isang ahas. Si Moises ay lumayo sa ahas.
4 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay at hawakan mo sa buntot.” Kanyang iniunat ang kanyang kamay, kanyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kanyang kamay.
5 “Nangyari ito upang sila'y maniwala na ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob ay nagpakita sa iyo.”
6 Sinabi pa sa kanya ng Panginoon, “Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe.
7 Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman.
8 “Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda.
9 Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”
10 Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila.”
11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?
12 Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin.”
13 Ngunit kanyang sinabi, “O Panginoon, iba na ang iyong suguin.”
14 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban kay Moises at kanyang sinabi, “Wala ba si Aaron, ang kapatid mong Levita? Alam kong siya'y nakakapagsalitang mabuti. Siya'y dumarating upang salubungin ka. Pagkakita niya sa iyo ay matutuwa ang kanyang puso.
15 Ikaw ay magsasalita sa kanya at iyong ilalagay sa kanyang bibig ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakanyang bibig. Aking ituturo sa inyo kung ano ang inyong gagawin.
16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao; siya'y magiging bibig para sa iyo at ikaw ay magiging parang Diyos sa kanya.
17 Dadalhin mo sa iyong kamay ang tungkod na ito na gagamitin mo sa paggawa ng mga tanda.”
Nagbalik si Moises sa Ehipto
18 Si Moises ay bumalik kay Jetro na kanyang biyenan at nagsabi sa kanya, “Pahintulutan mo akong bumalik sa aking mga kapatid sa Ehipto at titingnan ko kung sila'y buháy pa.” Sinabi ni Jetro kay Moises, “Humayo kang payapa.”
19 Sinabi ng Panginoon kay Moises sa Midian, “Humayo ka, bumalik ka sa Ehipto; sapagkat patay na ang lahat ng tao na nagtatangka sa iyong buhay.”
20 Kaya't isinama ni Moises ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak; kanyang pinasakay sila sa isang asno at siya'y bumalik sa lupain ng Ehipto. Dinala ni Moises ang tungkod ng Diyos sa kanyang kamay.
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pagkabalik mo sa Ehipto, iyong gawin sa harap ng Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking ipinagkatiwala sa iyong kamay. Ngunit aking papatigasin ang kanyang puso at hindi niya papayagang umalis ang bayan.
22 Iyong sasabihin sa Faraon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Israel ang aking panganay na anak,
23 at(A) aking sinasabi sa iyo, “Pahintulutan mong umalis ang aking anak upang siya'y makasamba sa akin.” Kung ayaw mo siyang paalisin, aking papatayin ang iyong anak na panganay.’”
24 Sa daan, sa isang lugar na pinagpalipasan nila ng gabi, sinalubong siya ng Panginoon at tinangka siyang patayin.
25 Ngunit kumuha si Zifora ng isang batong matalim, pinutol ang balat sa ari ng kanyang anak na lalaki at ipinahid sa mga paa ni Moises. Kanyang sinabi, “Tunay na ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin.”
26 Sa gayo'y kanyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin, sa pamamagitan ng pagtutuli.”
Sinalubong ni Aaron si Moises
27 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Pumaroon ka sa ilang upang salubungin si Moises.” Siya'y pumaroon at kanyang nasalubong si Moises sa bundok ng Diyos, at kanyang hinagkan ito.
28 Isinalaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon na ipinagbilin sa kanya na sabihin, at ang lahat ng mga tandang ipinagbilin sa kanyang gawin.
29 Sina Moises at Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matatanda sa mga anak ni Israel.
30 Sinabi ni Aaron ang lahat ng salita na sinabi ng Panginoon kay Moises at ginawa ang mga tanda sa harap ng taong-bayan.
31 Ang taong-bayan ay naniwala at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel at kanyang nakita ang kanilang paghihirap, sila'y yumukod at sumamba.
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Senturion(A)
7 Nang matapos na ni Jesus[a] ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
2 May isang senturion[b] doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.
3 Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.
4 Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,
5 sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”
6 At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;
7 kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.
8 Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”
9 Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan[c] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[d] sa kanyang ina.
16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(B)
18 Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.
19 Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”
20 At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”
21 Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus[e] ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.
22 At(C) sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.
23 At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”
24 Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?
25 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.
26 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
27 Ito(D) yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,
‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan[f]
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’
28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”
29 (Nang(E) marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.
30 Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)
31 “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?
32 Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,
‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
tumangis kami at hindi kayo umiyak.’
33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’
34 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’
35 Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”
Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo
36 Isa sa mga Fariseo ay humiling kay Jesus[g] na kumaing kasalo niya, at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo siya'y naupo sa hapag.
37 Nang(F) malaman ng isang babaing makasalanan sa lunsod na siya'y nakaupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, nagdala ito ng isang sisidlang alabastro na may pabango.
38 At tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus.[h] Pinasimulan niyang basain ang kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Patuloy niyang hinagkan ang mga paa ni Jesus[i] at binuhusan ang mga ito ng pabango.
39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya'y makasalanan.”
40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”
41 May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa'y umutang ng limang daang denario[j] at ang isa'y limampu.
42 Nang sila'y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko ay iyong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi niya sa kanya, “Tama ang hatol mo.”
44 At pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok.
45 Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako'y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.
47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”
48 At sinabi niya sa babae,[k] “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 Pagkatapos, ang mga kasalo niya sa hapag ay nagpasimulang nagsabi sa isa't isa, “Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?”
50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama
21 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
at ito'y maging kaaliwan ninyo.
3 Pagtiisan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita,
at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay saka kayo manuya.
4 Sa ganang akin, ang sumbong ko ba ay laban sa tao?
Bakit hindi ako dapat mainip?
5 Tingnan ninyo ako, at manghilakbot kayo,
at ilagay ninyo ang inyong kamay sa bibig ninyo.
6 Kapag ito'y aking naaalala ay nanlulumo ako,
at nanginginig ang laman ko.
7 Bakit nabubuhay ang masama,
tumatanda, at nagiging malakas sa kapangyarihan?
8 Ang kanilang mga anak ay matatag sa kanilang paningin,
at nasa harapan ng kanilang mga mata ang kanilang supling.
9 Ligtas sa takot ang mga bahay nila,
ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila.
10 Ang kanilang baka ay naglilihi nang walang humpay,
ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kanyang guya.
11 Kanilang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan,
at ang kanilang mga anak ay nagsasayawan.
12 Sila'y nag-aawitan sa saliw ng tamburin at lira,
at nagkakatuwaan sa tunog ng plauta.
13 Ang kanilang mga araw sa kaginhawahan ay ginugugol,
at sila'y payapang bumababa sa Sheol.
14 At sinasabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin!
Hindi namin ninanasa na ang inyong mga lakad ay aming alamin.
15 Ano ang Makapangyarihan sa lahat, upang siya'y paglingkuran namin?
At anong pakinabang ang makukuha namin, kung kami sa kanya ay manalangin?’
16 Narito, hindi ba ang kanilang kaginhawahan ay nasa kanilang kamay?
Ang payo ng masama ay malayo sa akin.
17 “Gaano kadalas pinapatay ang ilaw ng masama?
Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating sa kanila?
Na ipinamamahagi ng Diyos ang sakit sa kanyang galit?
18 Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin,
at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
19 Inyong sinasabi, ‘Iniipon ng Diyos ang kanilang kasamaan para sa kanyang mga anak.’
Iganti nawa niya sa kanilang sarili, upang ito'y malaman nila.
20 Makita nawa ng kanilang mga mata ang kanilang pagkagiba,
at painumin nawa sila ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Sapagkat anong pinapahalagahan nila para sa kanilang bahay pagkamatay nila,
kapag ang bilang ng kanilang mga buwan ay natapos na?
22 May makakapagturo ba sa Diyos ng kaalaman?
Gayong ang nasa itaas ay kanyang hinahatulan?
23 Ang isa'y namamatay sa kanyang lubos na kasaganaan,
ganap na matatag at may katiwasayan.
24 Ang kanyang katawan ay punô ng taba,
at ang utak ng kanyang mga buto ay basa.
25 At ang isa pa'y namatay sa paghihirap ng kaluluwa,
at kailanman ay hindi nakatikim ng mabuti.
26 Sila'y nakahigang magkasama sa alabok,
at tinatakpan sila ng uod.
27 “Tingnan mo, aking nalalaman ang inyong haka,
at ang inyong mga balak na gawan ako ng masama.
28 Sapagkat inyong sinasabi, ‘Saan naroon ang bahay ng pinuno?
At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?’
29 Sa mga naglalakbay sa lansangan ay di ba itinanong ninyo?
At hindi ba ninyo tinatanggap ang kanilang mga patotoo?
30 Na ang masamang tao ay kaaawaan sa araw ng kapahamakan?
Na siya'y ililigtas sa araw ng kapootan?
31 Sinong magpapahayag ng kanyang lakad sa kanyang mukha?
At sinong maniningil sa kanya sa kanyang ginawa?
32 Kapag siya'y dinala sa libingan,
ay binabantayan ang kanyang himlayan.
33 Ang mga kimpal ng lupa ng libis ay mabuti sa kanya;
lahat ng tao ay susunod sa kanya,
at hindi mabilang ang mga nauna sa kanya.
34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan?
Walang naiiwan sa inyong mga sagot kundi kabulaanan.”
Tungkol sa mga Pagkaing Inihain sa Diyus-diyosan
8 Ngayon, tungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyus-diyosan: nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.
2 Kung ang sinuman ay nag-aakala na siya'y may nalalamang anuman, hindi pa niya nalalaman ang nararapat niyang malaman;
3 subalit kung ang sinuman ay nagmamahal sa Diyos, ang taong ito ay kilala niya.
4 Kaya, tungkol sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, nalalaman natin na ang diyus-diyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos liban sa iisa.
5 Sapagkat bagaman mayroong mga tinatawag na mga diyos, maging sa langit o sa lupa, gaya nang pagkakaroon ng maraming mga “diyos” at maraming mga “panginoon,”
6 ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kanya, at may isang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya.
7 Gayunman, hindi lahat ng mga tao ay nagtataglay ng kaalamang ito. Subalit ang ilan na hanggang ngayon ay namihasa sa diyus-diyosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diyus-diyosan, at ang kanilang budhi, palibhasa'y mahina, ay nadudungisan.
8 Subalit ang pagkain ay hindi maglalapit sa atin sa Diyos. Hindi tayo nagkukulang kung tayo'y hindi kumain, at hindi tayo higit na mabuti kung tayo'y kumain.
9 Subalit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging katitisuran sa mahihina.
10 Sapagkat kapag nakita ka ng iba na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diyus-diyosan, ikaw na nagtataglay ng kaalaman, hindi kaya sila maganyak na kumain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, yamang mahina ang kanilang budhi?
11 Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kanya'y namatay si Cristo.
12 Kaya't sa pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo.
13 Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailanman ay hindi ako kakain ng karne, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001