M’Cheyne Bible Reading Plan
Sina Juda at Tamar
38 Nang panahong iyon, lumusong si Juda papalayo sa kanyang mga kapatid, at tumira malapit sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.
2 Doon ay nakita ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo na tinatawag na Shua. Siya ay naging asawa niya at kanyang sinipingan.
3 Siya ay naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Er.
4 At naglihi uli, at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Onan.
5 Muling naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Shela; at si Juda ay nasa Chezib nang siya'y manganak.
6 Pinapag-asawa ni Juda si Er na kanyang panganay, at ang pangalan niyon ay Tamar.
7 Subalit si Er na panganay ni Juda ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon.
8 Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Pumunta ka sa asawa ng iyong kapatid, at pakasalan mo siya, at ipagbangon mo ng lahi[a] ang iyong kapatid.”
9 Subalit yamang nalalaman ni Onan na hindi magiging kanya ang anak, tuwing sisiping siya sa asawa ng kanyang kapatid, itinatapon niya sa lupa ang kanyang binhi upang huwag niyang mabigyan ng anak ang kanyang kapatid.
10 Ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, kaya't siya rin ay pinatay niya.
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Tamar na kanyang manugang na babae, “Mabuhay kang isang balo sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Shela na aking anak,” sapagkat natakot siya na baka ito rin ay mamatay gaya ng kanyang mga kapatid. At humayo si Tamar at nanirahan sa bahay ng kanyang ama.
12 Sa pagdaan ng maraming araw, namatay ang anak na babae ni Shua na asawa ni Juda. Nang tapos na ang pagluluksa ni Juda, siya at ang kanyang kaibigang si Hira na Adullamita ay umahon sa Timna sa mga manggugupit ng kanyang mga tupa.
13 Nang ibalita kay Tamar na “Ang iyong biyenang lalaki ay umaahon sa Timna upang pagupitan ang kanyang mga tupa,”
14 siya'y nagpalit ng kasuotan ng balo, tinakpan ang sarili ng isang belo, nagbalatkayo at naupo sa pasukan ng Enaim na nasa daan ng Timna. Kanyang nakikita na si Shela ay malaki na ngunit hindi ibinibigay sa kanya bilang asawa.
15 Nang makita siya ni Juda ay inakalang siya'y upahang babae, sapagkat nagtakip ng kanyang mukha.
16 Lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan, at sinabi, “Halika, sisiping ako sa iyo;” sapagkat siya'y hindi niya nakilalang kanyang manugang. Sinabi niya, “Anong ibibigay mo sa akin upang ikaw ay makasiping sa akin?”
17 Kanyang sinabi, “Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan.” At kanyang sinabi, “Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo ito?”
18 Sinabi niya, “Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot siya, “Ang iyong singsing, ang iyong pamigkis, at ang tungkod na nasa iyong kamay.” Kaya't ang mga iyon ay ibinigay sa kanya, at siya'y sumiping sa kanya, at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.
19 Pagkatapos siya'y bumangon, umalis at pagkahubad ng kanyang belo, ay isinuot ang mga kasuotan ng kanyang pagiging balo.
20 Nang ipadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kanyang kaibigang Adullamita, upang tanggapin ang sangla mula sa kamay ng babae, siya ay hindi niya natagpuan.
21 Kaya't tinanong niya ang mga tao sa lugar na iyon, “Saan naroon ang upahang babae na nasa tabi ng daan sa Enaim?” At kanilang sinabi, “Walang upahang babae rito.”
22 Kaya't nagbalik siya kay Juda, at sinabi, “Hindi ko siya natagpuan; at sinabi rin ng mga tao sa lugar na iyon, ‘Walang upahang babae rito.’”
23 Sinabi ni Juda, “Pabayaan mong ariin niya ang mga iyon, baka tayo'y pagtawanan. Tingnan mo, ipinadala ko itong anak ng kambing at hindi mo siya natagpuan.”
Mga Anak ni Juda kay Tamar
24 Pagkaraan ng halos tatlong buwan, ibinalita kay Juda na sinasabi, “Ang iyong manugang na si Tamar ay nagpaupa, at siya'y buntis sa pagpapaupa.” Sinabi ni Juda, “Ilabas siya upang sunugin.”
25 Nang siya'y inilabas, nagpasabi siya sa kanyang biyenan, “Nagdalang-tao ako sa lalaking nagmamay-ari ng mga ito.” At sinabi pa niya, “Nakikiusap ako sa inyo, inyong kilalanin kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.”
26 Ang mga iyon ay kinilala ni Juda, at sinabi, “Siya'y higit na matuwid kaysa akin; yamang hindi ko ibinigay sa kanya si Shela na aking anak.” Hindi na siya muling sumiping sa kanya.
27 Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang tiyan.
28 Sa kanyang panganganak, inilabas ng isa ang kanyang kamay at hinawakan ito ng hilot at tinalian sa kamay ng isang pulang sinulid, na sinasabi, “Ito ang unang lumabas.”
29 Ngunit nang iurong niya ang kanyang kamay, ang kanyang kapatid ang lumabas. At kanyang sinabi, “Paano ka nakagawa ng butas para sa iyong sarili?” Kaya't tinawag ang pangalan niyang Perez.[b]
30 Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid na may pulang sinulid sa kamay; at tinawag na Zera[c] ang kanyang pangalan.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
8 Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila,
2 “Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain.
3 Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.”
4 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?”
5 At sila'y tinanong niya, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”
6 Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao.
7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito.
8 Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno.
9 Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila.
10 At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta.
11 Dumating(B) ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya na hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya.
12 At(C) nagbuntong-hininga siya nang malalim sa kanyang espiritu at sinabi, “Bakit humahanap ng tanda ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa salinlahing ito.”
13 Sila'y iniwan niya at sa muling pagsakay sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo.
Ang Lebadura ng mga Fariseo at ni Herodes(D)
14 Noon ay nakalimutan ng mga alagad[a] na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na nasa bangka.
15 Kanyang(E) binalaan sila na sinabi, “Mag-ingat kayo, iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ang lebadura ni Herodes.”
16 At sinabi nila sa isa't isa, “Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.”
17 Yamang batid ito ni Jesus, ay sinabi sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapan na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nalalaman ni nauunawaan man? Tumigas na ba ang inyong mga puso?
18 Mayroon(F) kayong mga mata, ngunit hindi nakakakita? Mayroon kayong mga tainga, ngunit hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo natatandaan?
19 Nang aking pagputul-putulin ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang inyong pinulot?” Sinabi nila sa kanya, “Labindalawa.”
20 “Nang pagputul-putulin ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.”
21 Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Bulag
22 Dumating sila sa Bethsaida. At dinala nila sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap sa kanyang hipuin siya.
23 Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala niya sa labas ng nayon. Nang maduraan ang kanyang mga mata at maipatong ang kanyang mga kamay sa kanya, kanyang tinanong siya, “May nakikita ka bang anuman?”
24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita ako ng mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad.”
25 Saka ipinatong na muli sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay; siya'y tumitig at bumalik ang kanyang paningin. Nakita niya ang lahat ng bagay na maliwanag.
26 At pinauwi niya siya sa kanyang bahay na sinasabi, “Huwag kang pumasok kahit sa nayon.”
Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(G)
27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at sa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?”
28 At(H) sinabi nila sa kanya, “Si Juan na Tagapagbautismo; at sabi ng iba, si Elias; at ng iba pa, isa sa mga propeta.”
29 At(I) tinanong niya sila, “Ngunit, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Ikaw ang Cristo.”[b]
30 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(J)
31 Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay.
32 At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin.
33 Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, “Umalis ka diyan,[c] Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao.”
34 Tinawag(K) niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.
35 Sapagkat(L) ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon.
36 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?
37 Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?
38 Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”
Ang Unang Pagsasalita ni Elifaz: Pinatunayan Niya ang Katarungan ng Diyos
4 Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi,
2 “Kung may isang mangahas magsalita sa iyo, magdaramdam ka ba?
Ngunit sinong makakapigil ng pagsasalita?
3 Tingnan mo, marami kang tinuruan,
at pinalakas mo ang mahihinang kamay.
4 Ang mga salita mo ay umalalay sa mga natitisod,
at pinalakas mo ang mahihinang tuhod.
5 Subalit ngayo'y inabutan ka nito, at ikaw ay naiinip;
ito'y nakarating sa iyo, at ikaw ay balisa.
6 Hindi ba ang iyong takot sa Diyos ay ang iyong tiwala,
at ang katapatan ng iyong mga lakad ang iyong pag-asa?
7 “Isipin mo ngayon, sino ba ang walang sala na napahamak?
O saan ang mga matuwid ay winasak?
8 Ayon sa aking nakita, ang mga nag-aararo ng kasamaan
at naghahasik ng kaguluhan ay gayundin ang inaani.
9 Sa hininga ng Diyos sila'y namamatay,
at sa bugso ng kanyang galit sila'y natutupok.
10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon,
at ang mga ngipin ng mga batang leon ay nababali.
11 Ang malakas na leon ay namamatay dahil walang nasisila,
at ang mga anak ng inahing leon ay nagkalat.
Ang Kawalang Kabuluhan ng Tao sa Harapan ng Diyos
12 “Ngayo'y may salitang dinala sa akin nang lihim,
at tinanggap ng aking tainga ang bulong niyon.
13 Sa(A) gitna ng mga pag-iisip mula sa mga panggabing pangitain,
kapag ang mahimbing na tulog sa mga tao ay dumarating;
14 ang takot ay dumating sa akin, at ang pangingilabot,
na nagpanginig sa lahat ng aking mga buto.
15 At dumaan ang isang espiritu sa harap ng aking mukha;
ang balahibo ng aking balat ay nagtindigan.
16 Tumayo iyon,
ngunit hindi ko mawari ang anyo niyon.
Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata;
nagkaroon ng katahimikan, at ako'y nakarinig ng isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang taong may kamatayan sa harapan ng Diyos?
Maaari bang maging malinis ang tao sa harapan ng kanyang Lumikha?
18 Maging sa kanyang mga lingkod ay hindi siya nagtitiwala,
at ang kanyang mga anghel ay pinaparatangan niya ng kamalian;
19 gaano pa kaya silang tumatahan sa mga bahay na putik,
na ang pundasyon ay nasa alabok,
na napipisang gaya ng gamu-gamo.
20 Sa pagitan ng umaga at gabi, sila ay nawawasak;
sila'y namamatay magpakailanman na walang pumapansin.
21 Kung nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila,
hindi ba sila'y namamatay na walang karunungan?’
Pamumuhay ayon sa Espiritu
8 Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.
2 Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin[a] mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.
3 Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,
4 upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.
5 Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.
6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.
7 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;
8 at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.
9 Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya.
10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran.
11 Ngunit(A) kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo[b] mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.
12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman;
13 sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay.
14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos.
15 Sapagkat(B) (C) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, “Abba![c] Ama!”
16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos.
17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya.
Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin
18 Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.
19 Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos.
20 Sapagkat(D) ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa
21 na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.
22 Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon.
23 At(E) hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan.
24 Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita?
25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis.
26 At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan[d] na may mga daing na hindi maipahayag;
27 ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.
28 At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.
29 Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid;
30 at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya.
Ang Pag-ibig ng Diyos
31 Ano nga ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?
32 Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?
33 Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap.
34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin.
35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?
36 Gaya(F) ng nasusulat,
“Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw;
kami ay itinuring na mga tupa sa katayan.”
37 Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo'y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig.
38 Sapagkat ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan,
39 ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001