Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 45

Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid

45 Kaya't(A) hindi nakapagpigil si Jose sa harapan ng mga nakatayo sa tabi niya, at siya ay sumigaw, “Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harapan.” Kaya't walang taong nakatayo sa harapan niya nang si Jose ay magpakilala sa kanyang mga kapatid.

Siya'y umiyak nang malakas, at ito ay narinig ng mga Ehipcio at ng sambahayan ng Faraon.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y si Jose. Buháy pa ba ang aking ama?” Ang kanyang mga kapatid ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila'y nanginig sa kanyang harapan.

Kaya't sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Lumapit kayo sa akin.” At sila'y lumapit, at kanyang sinabi, “Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Ehipto.

Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako'y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay.

Sapagkat ang taggutom ay dalawang taon na sa lupain; at limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid o pag-aani man.

Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magpanatili para sa inyo ng mga matitira sa daigdig at upang panatilihing buháy para sa inyo ang maraming nakaligtas.

Kaya't hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Diyos, at ginawa niya ako bilang ama kay Faraon, at bilang panginoon sa kanyang buong bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Ehipto.

Magmadali(B) kayo at pumunta kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa ako ng Diyos na panginoon sa buong Ehipto, pumarito ka sa akin, huwag kang magtagal.

10 Ikaw ay maninirahan sa lupain ng Goshen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, ang mga anak ng iyong mga anak, ang iyong mga kawan, mga bakahan, at ang iyong buong pag-aari.

11 At doo'y tutustusan kita, sapagkat may limang taong taggutom pa; baka ikaw, at ang iyong sambahayan, at ang lahat ng iyo ay maging dukha.’

12 Nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang bibig ko mismo ang nagsasalita sa inyo.

13 Inyong sabihin sa aking ama kung paanong ako'y iginagalang sa Ehipto, at ang lahat ng inyong nakita. Magmadali kayo at dalhin ninyo rito ang aking ama.”

14 Siya'y humilig sa leeg ng kanyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg.

15 Kanyang hinagkan ang lahat niyang mga kapatid, at umiyak sa kanila; at pagkatapos ay nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid.

16 Nang ang ulat ay naibalita sa sambahayan ng Faraon, “Dumating na ang mga kapatid ni Jose,” ito ay minabuti ni Faraon at ng kanyang mga lingkod.

17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa iyong mga kapatid, ‘Gawin ninyo ito: Kargahan ninyo ang inyong mga hayop, humayo kayo at umuwi sa lupain ng Canaan.

18 Kunin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan, at pumarito kayo sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Ehipto, at inyong tamasahin ang katabaan ng lupain.’

19 Ngayo'y inuutusan ka, ‘Gawin mo ito: kumuha kayo ng mga karwahe sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak, at sa inyong mga asawa, at kunin ninyo ang inyong ama at kayo'y pumarito.

20 Huwag na ninyong alalahanin pa ang inyong pag-aari, sapagkat ang pinakamabuti ng buong lupain ng Ehipto ay sa inyo.’”

21 Ganoon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at ayon sa sinabi ng Faraon ay binigyan sila ni Jose ng mga karwahe, at ng mababaon sa daan.

22 Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pampalit na bihisan; ngunit kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang pirasong pilak, at limang pampalit na bihisan.

23 Sa kanyang ama ay nagpadala siya ng ganito: sampung asnong may pasang mabuting mga bagay mula sa Ehipto, at sampung babaing asno na may pasang trigo, tinapay, at pagkain ng kanyang ama sa daan.

24 Kaya't kanyang pinahayo ang kanyang mga kapatid, at sila'y umalis at kanyang sinabi sa kanila, “Huwag kayong mag-aaway sa daan.”

25 Sila'y umahon mula sa Ehipto, at dumating sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama.

26 Kanilang sinabi sa kanya, “Si Jose ay buháy pa! Sa katunaya'y siya ang pinuno sa buong lupain ng Ehipto.” Siya ay nabigla; hindi siya makapaniwala sa kanila.

27 Subalit nang kanilang sabihin sa kanya ang lahat ng mga salita na sinabi ni Jose sa kanila, at nang kanyang makita ang mga karwahe na ipinadala ni Jose upang dalhin siya, ay nanauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama.

28 At sinabi ni Israel, “Sapat na! Si Jose na aking anak ay buháy pa. Dapat akong pumunta at makita siya bago ako mamatay.”

Marcos 15

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)

15 Kinaumagahan, nagsanggunian kaagad ang mga punong pari kasama ang matatanda at mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Ginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato.

Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”

Pinaratangan siya ng mga punong pari ng maraming bagay.

Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo kung gaano karami ang kanilang ibinibintang laban sa iyo.”

Ngunit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman, anupa't nanggilalas si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Sa bawat kapistahan ay nakaugalian na niyang pawalan sa kanila ang isang bilanggo na kanilang hilingin.

Mayroong isa na kung tawagin ay Barabas, na nakakulong kasama ng mga manghihimagsik na sa panahon ng paghihimagsik ay pumatay ng tao.

Kaya't lumapit ang karamihan at nagpasimulang hilingin sa kanya na sa kanila'y gawin ang ayon sa kanyang nakaugalian.

Sinagot naman sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

10 Sapagkat batid niya na dahil sa inggit ay ipinadakip siya ng mga punong pari.

11 Ngunit inudyukan ng mga punong pari ang taong-bayan na sa halip ay palayain niya si Barabas para sa kanila.

12 Ngunit muling sumagot si Pilato at sa kanila'y sinabi, “Ano ngayon ang nais ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”

13 At sila'y muling nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”

14 Ngunit sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong kasamaan ang kanyang ginawa?” Subalit sila'y lalong nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”

15 At sa pagnanais ni Pilato na bigyang-kasiyahan ang taong-bayan, pinalaya si Barabas para sa kanila. Pagkatapos na ipahagupit si Jesus, siya'y ibinigay niya upang ipako sa krus.

Nilibak si Jesus ng mga Kawal(C)

16 Pagkatapos ay dinala siya ng mga kawal sa bulwagan na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong batalyon.

17 Siya'y kanilang dinamitan ng kulay-ube, at nang makapagtirintas ng isang koronang tinik ay ipinutong nila ito sa kanya.

18 At pinasimulan nilang pagpugayan siya, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”

19 Hinampas nila ang kanyang ulo ng isang tungkod, dinuraan siya at lumuhod sa harapan niya.

20 Pagkatapos na siya'y kanilang libakin, inalis nila sa kanya ang kulay-ube na balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus(D)

21 Pinilit(E) nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus.[a]

22 Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay ‘Ang pook ng bungo.’

23 At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon.

24 Siya'y(F) kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa.

25 Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus.

26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, “Ang Hari ng mga Judio.”

27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa.

28 [At(G) natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.]

29 Siya'y(H) nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, “Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw,

30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”

31 Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili.

32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan.” At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.

Ang Pagkamatay ni Jesus(I)

33 Nang dumating ang tanghaling tapat, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon.

34 (J) Nang ikatlo ng hapon ay sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

35 Nang marinig ito ng ilang nakatayo roon, ay sinabi nila, “Tingnan ninyo, tinatawag niya si Elias.”

36 Tumakbo(K) ang isa, binasa ng suka ang isang espongha, inilagay sa isang tungkod, at ipinainom sa kanya na sinasabi, “Pabayaan ninyo; tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y ibaba.”

37 Si Jesus ay sumigaw nang malakas at nalagutan ng hininga.

38 Ang(L) tabing ng templo ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.

39 Ang senturion na nakatayong malapit sa harap niya, nang makitang nalagot ang kanyang hininga sa ganitong paraan ay nagsabi, “Tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos.”[b]

40 At(M) mayroon din namang mga babae na nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago na mas bata at ni Jose, at si Salome;

41 na nang siya'y nasa Galilea, ay sumunod sa kanya at naglingkod sa kanya; at marami pang ibang mga babae na umahong kasama niya sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(N)

42 Nang magtakip-silim na, sapagkat noon ay araw ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath,

43 si Jose na taga-Arimatea, isang marangal na kagawad, na naghihintay rin ng kaharian ng Diyos ay may katapangang pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.

44 At nagtaka si Pilato na siya'y patay na. Ipinatawag niya ang senturion at itinanong niya sa kanya kung patay na nga siya.

45 Nang malaman niya sa senturion, ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.

46 At bumili si Jose[c] ng isang telang lino at pagkababa sa kanya sa krus ay binalot siya ng telang lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato. At iginulong niya ang isang bato sa pintuan ng libingan.

47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya inilagay.

Job 11

Ang Sinabi ni Zofar Tungkol kay Job

11 Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi,

“Hindi ba sasagutin ang karamihan ng mga salita?
    At mapawalang-sala ang lalaking madada?
Patatahimikin ba ang mga tao ng iyong kangangawa,
    wala bang hihiya sa iyo kapag ikaw ay nanunuya?
Sapagkat iyong sinasabi, ‘Ang aking aral ay dalisay,
    at ako'y malinis sa iyong mga mata!’
Ngunit ang Diyos nawa'y magsalita,
    at ibuka ang kanyang mga labi sa iyo;
at ipakilala nawa sa iyo ang mga lihim ng karunungan!
    Pagka't siya ay sagana sa kaunawaan.
Alamin mo na sinisingil ka ng Diyos ng kulang pa kaysa nararapat sa iyong kasalanan.

“Matatagpuan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos?
    Matatagpuan mo ba ang hangganan ng Makapangyarihan sa lahat?
Ito ay mataas kaysa langit; anong iyong magagawa?
    Malalim kaysa Sheol—anong iyong malalaman?
Ang sukat nito ay mas mahaba kaysa lupa,
    at mas malawak kaysa dagat.
10 Kung siya'y dumaan, at magbilanggo,
    at tumawag ng paglilitis, sinong makakapigil sa kanya?
11 Sapagkat nakikilala niya ang mga taong walang kabuluhan,
    kapag nakakita siya ng kasamaan, hindi ba niya ito isasaalang-alang?
12 Ngunit ang taong hangal ay magkakaroon ng pagkaunawa,
    kapag ang asno ay ipinanganak na tao.

Pinapaglilinis ni Zofar si Job sa mga Kasalanan

13 “Kung itutuwid mo ang iyong puso,
    iuunat mo ang iyong kamay sa kanya.
14 Kung ang kasamaan ay nasa iyong kamay, ilayo mo ito,
    at huwag nawang manirahan ang kasamaan sa iyong mga tolda.
15 Walang pagsala ngang itataas mo ang iyong mukha na walang kapintasan;
ikaw ay hindi matatakot at magiging tiwasay.
16 Malilimutan mo ang iyong kahirapan,
iyong maaalala ito na parang tubig na umagos.
17 At ang iyong buhay ay magiging lalong maliwanag kaysa katanghalian
at magiging gaya ng umaga ang kanyang kadiliman.
18 At ikaw ay mapapanatag sapagkat may pag-asa;
ikaw ay mapapangalagaan, at tiwasay kang magpapahinga.
19 Ikaw nama'y hihiga at walang mananakot sa iyo;
maraming hihingi ng kalinga mo.
20 Ngunit ang mga mata ng masama ay manghihina,
    at mawawalan sila ng daang tatakasan,
    at ang kanilang pag-asa ay hininga'y malagutan.”

Roma 15

Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.

Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya.

Sapagkat(A) si Cristo man ay hindi nagbigay-lugod sa kanyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, “Ang mga pag-alipusta ng mga umaalipusta sa iyo ay nahulog sa akin.”

Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.

Ngayon, ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan, na kayo ay magkaisa ng pag-iisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus,

upang kayo na may isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ebanghelyo sa mga Hentil

Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,

at(B) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,

“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(C) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(D) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(E) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
    siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
    sa kanya aasa ang mga Hentil.”

13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang Dahilan ng Ganitong Sulat ni Pablo

14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo man ay punung-puno ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na may kakayahang magturo sa isa't isa.

15 Ngunit sa ibang bahagi ay sinulatan ko kayong may katapangan bilang pagpapaalala sa inyo, dahil sa biyayang sa akin ay ibinigay ng Diyos,

16 upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Hentil, na naglilingkod sa banal na gawain sa ebanghelyo ng Diyos, upang ang paghahandog ng mga Hentil ay maging kalugud-lugod, yamang ito'y ginawang banal ng Espiritu Santo.

17 Kay Cristo Jesus, kung magkagayon, ay mayroon akong dahilan upang ipagmalaki ang tungkol sa aking gawain para sa Diyos.

18 Sapagkat hindi ako mangangahas magsalita ng anumang bagay, maliban sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, upang sumunod ang mga Hentil, sa salita at sa gawa,

19 sa kapangyarihan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos;[a] kaya't buhat sa Jerusalem at sa palibot-libot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang ebanghelyo ni Cristo.

20 Kaya't ginawa kong mithiin na maipangaral ang ebanghelyo hindi doon sa naipakilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba,

21 kundi,(F) gaya ng nasusulat,
“Silang hindi pa nabalitaan tungkol sa kanya ay makakakita, at silang hindi pa nakarinig ay makakaunawa.”

Ang Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma

22 Ito(G) ang dahilan kaya't madalas akong nahahadlangan sa pagpunta sa inyo.

23 Subalit ngayon, yamang ako ay wala nang lugar para sa gawain sa mga lupaing ito, at yamang matagal ko nang nais na pumunta sa inyo,

24 inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay patungo sa Espanya, at ako'y tutulungan ninyo patungo doon, pagkatapos makasama kayo na may kasiyahan nang kaunting panahon.

25 Ngunit(H) ngayon, ako'y patungong Jerusalem, upang maglingkod sa mga banal.

26 Sapagkat minabuti ng Macedonia at ng Acaia na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.

27 Ito'y(I) kalugud-lugod sa kanila; at sila ay may utang na loob sa kanila, sapagkat kung ang mga Hentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na espirituwal, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga iyon sa mga bagay na ayon sa laman.

28 Kapag nagampanan ko na ito, at aking maibigay na sa kanila ang nalikom, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya.

29 At nalalaman ko na pagpunta ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo.

30 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo'y magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos para sa akin,

31 upang ako'y mailigtas sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugud-lugod sa mga banal;

32 upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at makapagpahingang kasama ninyo.

33 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001