Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 49

Mga Huling Salita ni Jacob

49 Pagkatapos ay tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak, at sinabi, “Magtipun-tipon kayo at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga araw na darating.

Magtipun-tipon kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob;
    at inyong pakinggan si Israel na inyong ama.

Ruben, ikaw ang aking panganay,
    ang aking kalakasan, ang siyang pasimula ng aking kapangyarihan,
    ang pinakamataas sa karangalan at kalakasan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.
Kagaya ng kumukulong tubig, ikaw ay hindi mangingibabaw;
    sapagkat, sumampa ka sa higaan ng iyong ama:
    pagkatapos ay dinumihan mo ito—sumampa sa aking tulugan.

Si Simeon at si Levi ay magkapatid;
    ang kanilang mga sandata ay mga kasangkapan ng karahasan.
Huwag nawang pumasok ang aking kaluluwa sa kanilang payo;
    huwag isama ang aking espiritu sa kanilang kapisanan;
Sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng tao,
    at sa kanilang sariling kalooban ay nilumpo nila ang baka.
Sumpain ang kanilang galit, sapagkat ito ay mabangis;
    at ang kanilang poot, sapagkat ito ay malupit.
Hahatiin ko sila sa Jacob,
    at ikakalat ko sila sa Israel.

Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid;
    ang iyong kamay ay malagay sa leeg ng iyong mga kaaway;
    ang mga anak ng iyong ama nawa ay yumukod sa harapan mo.
Si(A) Juda'y isang anak ng leon.
    Aking anak, ikaw ay umahon mula sa pagkahuli,
siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon;
    at gaya ng isang babaing leon, sinong makakagising sa kanya?
10 Ang setro ay hindi mahihiwalay kay Juda,
    ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa,
hanggang sa ang Shilo ay dumating;[a]
    at ang pagtalima ng mga bayan sa kanya.
11 Itinali ang kanyang batang asno sa puno ng ubas,
    at ang guya ng kanyang asno sa piling puno ng ubas;
nilabhan niya ang kanyang suot sa alak,
    at ang kanyang damit sa dugo ng ubas.
12 Ang kanyang mga mata ay namumula sa alak,
    at ang kanyang mga ngipin ay namumuti sa gatas.

13 Si Zebulon ay tatahan sa dalampasigan,
    at siya'y magiging kanlungan ng mga sasakyang-dagat;
    at ang kanyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.

14 Si Isacar ay isang malakas na asno,
    na nahihiga sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
15 at nakakita siya ng dakong pagpapahingahan, na ito ay mabuti,
    at ang lupain ay maganda;
at kanyang iniyuko ang kanyang balikat upang pasanin,
    at naging aliping sapilitang pinagagawa.

16 Si Dan ay hahatol sa kanyang bayan,
    bilang isa sa mga lipi ni Israel.
17 Si Dan ay magiging ahas sa daan,
    isang ulupong sa landas,
na nangangagat ng mga sakong ng kabayo,
    kaya't nahuhulog sa likuran ang sakay niyon.

18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, O Panginoon.

19 Si Gad ay sasalakayin ng isang pulutong ng mandarambong,
    ngunit siya ang sasalakay sa kanilang mga sakong.

20 Mula kay Aser, ang kanyang tinapay ay tataba,
    at siya ay magbibigay ng pagkaing-hari.

21 Si Neftali ay isang babaing usa na pinakawalan,
    na nagbibigay ng isang magandang pananalita.

22 Si Jose ay isang mabungang supling,
    isang mabungang supling sa tabi ng bukal;
    ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa ibabaw ng pader.
23 Ginigipit siya ng mga bihasa sa pana,
    at namamana, at naghihintay na tambangan siya.
24 Ngunit ang kanyang busog ay nananatili sa kalakasan,
    at ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas
ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob
    (sa pangalan ng Pastol, ang Bato ng Israel),
25 sa pamamagitan ng Diyos ng iyong ama, na tutulong sa inyo,
    ng Makapangyarihan sa lahat na magpapala sa inyo,
    pagpapala ng langit mula sa itaas,
mga pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba,
    mga pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.
26 Ang mga pagpapala ng iyong ama
    ay higit na malakas kaysa pagpapala ng walang hanggang kabundukan,
    sa kasaganaan ng mga burol na walang hanggan;
nawa ang mga iyon ay mapasaulo ni Jose,
    at para sa kilay niya na ibinukod mula sa mga kapatid.

27 Si Benjamin ay isang lobong mabangis;
    sa umaga'y nilalamon niya ang nasila,
    at sa gabi ay paghahatian niya ang samsam.”

28 Ang lahat ng ito ang labindalawang lipi ng Israel. At ito ang sinalita ng kanilang ama sa kanila, at sila'y binasbasan niya, ang bawat isa ayon sa basbas sa kanya.

Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob

29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,

30 sa(B) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.

31 Doon(C) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,

32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”

33 Pagkatapos(D) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.

Lucas 2

Ang Kapanganakan ni Jesus(A)

Nang mga araw na iyon ay lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar upang magpatala ang buong daigdig.

Ito ang unang pagtatala na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.

Pumunta ang lahat upang magpatala, bawat isa sa kanyang sariling bayan.

Umahon din si Jose mula sa Galilea mula sa bayan ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Bethlehem, sapagkat siya'y mula sa sambahayan at lipi ni David,

upang magpatalang kasama ni Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay malapit nang manganak.

Samantalang sila'y naroroon, dumating ang panahon ng kanyang panganganak.

At kanyang isinilang ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin,[a] at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ang mga Pastol at ang mga Anghel

Sa lupaing iyon ay may mga pastol ng tupa na nasa parang na nagbabantay sa kanilang kawan sa gabi.

Tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila, at sila'y lubhang natakot.

10 Kaya't sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot, sapagkat narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan.

11 Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.

12 Ito ang magiging palatandaan ninyo: Matatagpuan ninyo ang isang sanggol na balot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

13 At biglang sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi,

14 “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan,
at sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”[b]

15 Nang iwan sila ng mga anghel patungo sa langit, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, “Pumunta tayo ngayon sa Bethlehem at tingnan natin ang nangyaring ito na ipinaalam sa atin ng Panginoon.”

16 At sila'y nagmamadaling pumunta at kanilang natagpuan sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.

17 Nang makita nila ito, ipinaalam nila sa kanila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito;

18 at lahat nang nakarinig nito ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastol.

19 Subalit iningatan ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, na pinagbulay-bulay sa kanyang puso.

20 Pagkatapos ay bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, ayon sa sinabi sa kanila.

Binigyan ng Pangalan si Jesus

21 Makaraan(B) ang walong araw, dumating ang panahon upang tuliin ang bata.[c] Tinawag siyang Jesus, ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi sa sinapupunan.

Dinala si Jesus sa Templo

22 Nang(C) sumapit na ang mga araw ng kanilang paglilinis ayon sa kautusan ni Moises, kanilang dinala siya sa Jerusalem upang iharap siya sa Panginoon

23 (ito ay ayon(D) sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay tatawaging banal sa Panginoon”).

24 Sila'y naghandog ng alay alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato, o dalawang batang kalapati.”

25 Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan na naghihintay sa kaaliwan ng Israel at nasa kanya ang Espiritu Santo.

26 Ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo na hindi niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.

27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok siya sa templo. Nang ipasok ng mga magulang sa templo ang sanggol na si Jesus upang gawin sa kanya ang naaayon sa kaugalian sa ilalim ng kautusan,

28 inilagay niya ang sanggol sa kanyang mga bisig, pinuri ang Diyos, at sinabi,

29 “Panginoon, ngayon ay hayaan mong ang iyong alipin ay pumanaw na may kapayapaan,
    ayon sa iyong salita,
30 sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 na iyong inihanda sa harapan ng lahat ng mga tao,
32 isang(E) ilaw upang magpahayag sa mga Hentil,
    at para sa kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”

33 Ang ama at ina ng bata[d] ay namangha sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kanya.

34 Sila'y binasbasan ni Simeon at sinabi kay Maria na kanyang ina, “Ang batang ito ay itinalaga para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel at pinakatanda na sasalungatin,

35 at tatagos ang isang tabak sa iyong sariling kaluluwa upang mahayag ang iniisip ng marami.”

36 Mayroong isang babaing propeta, si Ana na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay napakatanda na at may pitong taong namuhay na kasama ng kanyang asawa mula nang sila ay ikasal,

37 at bilang isang balo hanggang walumpu't apat na taong gulang. Hindi siya umalis sa templo kundi sumamba roon na may pag-aayuno at panalangin sa gabi at araw.

38 Pagdating niya sa oras ding iyon, siya'y nagpasalamat sa Diyos at nagsalita nang tungkol sa sanggol[e] sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.

Ang Pagbabalik sa Nazaret

39 Nang(F) magampanan na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.

40 At lumaki ang bata, lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Templo

41 Noon,(G) taun-taon ay nagtutungo ang kanyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng Paskuwa.

42 Nang siya'y labindalawang taon na, umahon sila ayon sa kaugalian patungo sa kapistahan.

43 Nang matapos na ang kapistahan, sa pagbabalik nila ay nanatili ang batang si Jesus sa Jerusalem, ngunit hindi ito alam ng kanyang mga magulang.

44 Ngunit sa pag-aakala nilang siya'y kasama ng mga manlalakbay, nagpatuloy sila ng isang araw na paglalakbay. Pagkatapos ay kanilang hinahanap siya sa mga kamag-anak at mga kakilala,

45 at nang di nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya.

46 Pagkalipas ng tatlong araw, kanilang natagpuan siya sa templo na nakaupo sa gitna ng mga guro na nakikinig at nagtatanong sa kanila.

47 Ang lahat ng nakikinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan at sa kanyang mga sagot.

48 Nang siya'y makita nila ay nagtaka sila at sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganito? Tingnan mo, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo na may pag-aalala.”

49 Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo nalalaman na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?”[f]

50 At hindi nila naunawaan ang salitang sinabi niya sa kanila.

51 Umuwi siyang kasama nila, at dumating sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kanyang ina ang mga bagay na ito sa kanyang puso.

52 Lumago(H) si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Job 15

Pinagsabihan ni Elifaz si Job

15 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,

“Sasagot ba ang isang pantas ng may mahanging kaalaman,
    at pupunuin ang kanyang sarili ng hanging silangan?
Makikipagtalo ba siya sa walang kabuluhang pag-uusap,
    o ng mga salita na hindi siya makakagawa ng mabuti?
Ngunit inaalis mo ang takot sa Diyos,
    at iyong pinipigil ang pagbubulay-bulay sa harap ng Diyos.
Sapagkat ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa bibig mo,
    at iyong pinipili ang dila ng tuso.
Ang iyong sariling bibig ang humahatol sa iyo, at hindi ako;
    ang iyong sariling mga labi ang nagpapatotoo laban sa iyo.

“Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak?
    O lumabas ka bang una kaysa mga burol?
Nakinig ka na ba sa lihim na payo ng Diyos?
    At iyo bang hinahangganan ang karunungan sa iyong sarili?
Anong nalalaman mo na di namin nalalaman?
    Anong nauunawaan mo na sa amin ay hindi malinaw?
10 Kasama namin kapwa ang mga may uban at ang matatanda,
    mas matanda pa kaysa iyong ama.
11 Ang mga pag-aliw ba ng Diyos ay napakaliit para sa iyo,
    o ang salitang napakabuti sa iyo?
12 Bakit ka napadadala sa iyong puso,
    at bakit kumikindat ang iyong mga mata,
13 na lumalaban sa Diyos ang iyong espiritu,
    at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa bibig mo?
14 Ano(A) ang tao na siya'y magiging malinis?
    O siyang ipinanganak ng babae, na siya'y magiging matuwid?
15 Ang Diyos ay hindi nagtitiwala sa kanyang mga banal;
    at ang langit ay hindi malinis sa kanyang paningin.
16 Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak,
    ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!

17 “Ipapakilala ko sa iyo, dinggin mo ako;
    at ang aking nakita ay ipahahayag ko.
18 (Ang isinaysay ng mga pantas,
    at hindi inilingid ng kanilang mga magulang,
19 sa mga iyon lamang ibinigay ang lupain,
    at walang dayuhan na dumaan sa gitna nila.)
20 Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit sa lahat ng kanyang araw,
    sa lahat ng mga taon na itinakda sa malulupit.
21 Ang mga nakakatakot na ugong ay nasa kanyang mga pakinig;
    sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mangwawasak.
22 Siya'y hindi naniniwala na babalik siya mula sa kadiliman,
    at siya'y nakatakda para sa tabak.
23 Siya'y lumalaboy dahil sa tinapay, na nagsasabi: ‘Nasaan iyon?’
    Kanyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kanyang kamay;
24 kahirapan at dalamhati ang tumatakot sa kanya;
    sila'y nananaig laban sa kanya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipaglaban.
25 Sapagkat iniunat niya ang kanyang kamay laban sa Diyos,
    at hinamon ang Makapangyarihan sa lahat;
26 tumatakbo na may katigasan laban sa kanya
    na may makapal na kalasag;
27 sapagkat tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang katabaan,
    at nagtipon ng taba sa kanyang mga pigi;
28 at siya'y tumahan sa mga sirang bayan,
    sa mga bahay na walang taong dapat tumahan,
    na nakatakdang magiging mga bunton ng guho;
29 hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kanyang kayamanan,
    ni di lalawak sa lupa ang kanyang mga ari-arian.
30 Siya'y hindi tatakas sa kadiliman;
    tutuyuin ng apoy ang kanyang mga sanga,
    at ang kanyang bulaklak ay tatangayin ng hangin.
31 Huwag siyang magtiwala sa kawalang kabuluhan, na dinadaya ang sarili;
    sapagkat ang kahungkagan ay magiging ganti sa kanya.
32 Ganap itong mababayaran bago dumating ang kanyang kapanahunan,
    at ang kanyang sanga ay hindi mananariwa.
33 Lalagasin niya ang kanyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas,
    at lalagasin ang kanyang bulaklak na gaya ng punong olibo.
34 Sapagkat ang pulutong ng masasama ay baog,
    at tutupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
35 Sila'y nag-iisip ng kapilyuhan at naglalabas ng kasamaan,
    at naghahanda ng pandaraya ang kanilang kalooban.”

1 Corinto 3

Tungkol sa Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya

Subalit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga makalaman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.

Pinainom(A) ko kayo ng gatas at hindi ng matigas na pagkain, sapagkat hindi pa ninyo kaya ito. Hanggang ngayon ay hindi pa ninyo kaya,

sapagkat kayo ay makalaman pa. Sapagkat habang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi ba kayo'y makalaman, at kayo'y lumalakad ayon sa pamantayan ng mga tao?

Sapagkat(B) kapag sinasabi ng isa, “Ako ay kay Pablo,” at ang iba, “Ako ay kay Apolos,” hindi ba kayo'y mga tao?

Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa.

Ako(C) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.

Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.

Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa.

Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.

11 Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.

12 Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,

13 ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.

14 Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.

15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.

16 Hindi(D) ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo?

17 Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, ay magpakahangal siya, upang siya ay maging marunong.

19 Ang(E) karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.”

20 At(F) muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pangangatuwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”

21 Kaya't huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.

22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay sa inyo,

23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001