Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 37

Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid

37 Nanirahan si Jacob sa lupain kung saan tumira ang kanyang ama, sa lupain ng Canaan.

Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob: Si Jose, na may labimpitong taong gulang, ay nagpapastol ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid. Siya ay kasama ng mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila.

Minahal ni Israel si Jose nang higit kaysa lahat niyang anak, sapagkat siya ang anak ng kanyang katandaan at siya'y gumawa ng isang mahabang damit na kanyang suot.[a]

Nakita ng kanyang mga kapatid na siya'y minahal ng kanilang ama nang higit kaysa lahat niyang mga kapatid; at siya'y kinapootan nila at hindi sila nakipag-usap nang payapa sa kanya.

Minsan ay nanaginip si Jose at nang isalaysay niya ito sa kanyang mga kapatid, lalo pa silang napoot sa kanya.

Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyo ngayon itong aking napanaginip.

Tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, nang tumayo ang aking bigkis at tumindig nang matuwid. At ang inyong mga bigkis ay pumalibot at yumuko sa aking bigkis.”

Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Maghahari ka ba sa amin o mamamahala sa amin?” At lalo pa silang napoot sa kanya dahil sa kanyang mga panaginip at mga salita.

Nagkaroon pa siya ng ibang panaginip at isinalaysay sa kanyang mga kapatid, at sinabi, “Ako'y nagkaroon ng isa pang panaginip: ang araw, ang buwan, at ang labing-isang bituin ay yumuko sa akin.”

10 Subalit nang kanyang isalaysay ito sa kanyang ama at mga kapatid, siya ay pinagalitan ng kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Ano itong iyong napanaginip? Tunay bang ako, ang iyong ina, at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo?”

11 At(A) ang kanyang mga kapatid ay nainggit sa kanya, subalit pinag-isipan ng kanyang ama ang bagay na iyon.

Si Jose ay Ipinagbili at Dinala sa Ehipto

12 Umalis ang kanyang mga kapatid upang pastulin ang kawan ng kanilang ama sa Shekem.

13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ba nagpapastol ng kawan sa Shekem ang iyong mga kapatid? Halika, at isusugo kita sa kanila.” Sinabi niya sa kanya, “Narito ako.”

14 Sinabi niya sa kanya, “Humayo ka, tingnan mo kung mabuti ang kalagayan ng iyong mga kapatid at ng kawan, at balitaan mo ako.” Siya'y kanyang isinugo mula sa libis ng Hebron, at dumating siya sa Shekem.

15 Nakita siya ng isang tao na gumagala sa parang at siya'y tinanong ng taong iyon, “Anong hinahanap mo?”

16 At sinabi niya, “Hinahanap ko ang aking mga kapatid; hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol.”

17 Sinabi ng tao, “Umalis na sila dito, sapagkat narinig kong sinabi nila, ‘Tayo na sa Dotan.’” Sinundan ni Jose ang kanyang mga kapatid, at natagpuan niya sila sa Dotan.

18 Kanilang natanawan siya sa malayo, at bago siya nakalapit sa kanila ay nagsabwatan sila laban sa kanya na siya'y patayin.

19 At sinabi nila sa isa't isa, “Tingnan ninyo, dumarating ang mahilig managinip.

20 Halikayo, patayin natin siya at itapon natin sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, ‘Nilapa siya ng isang masamang hayop;’ at tingnan natin kung anong mangyayari sa kanyang mga panaginip.”

21 Subalit nang ito ay narinig ni Ruben, kanyang iniligtas siya sa kanilang mga kamay, at sinabi, “Huwag nating patayin.”[b]

22 Sinabi ni Ruben sa kanila, “Huwag kayong magpadanak ng dugo. Ihulog ninyo siya sa balong ito na nasa ilang, subalit huwag ninyong pagbuhatan ng kamay;” upang siya'y kanyang mailigtas sa kanilang kamay at maibalik sa kanyang ama.

23 Nang dumating si Jose sa kanyang mga kapatid, siya'y kanilang hinubaran ng kanyang mahabang damit na kanyang suot.[c]

24 Kanilang sinunggaban siya at inihulog sa balon. Ang balon ay tuyo at walang lamang tubig.

25 Pagkatapos ay umupo sila upang kumain ng tinapay; at sa pagtingin nila ay nakita nila ang isang pulutong na mga Ismaelita na nanggaling sa Gilead kasama ang kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, mga mabangong langis, at mga mira na kanilang dadalhin sa Ehipto.

26 At sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid. “Anong ating mapapakinabang kung patayin natin ang ating kapatid, at ilihim ang kanyang dugo?

27 Halikayo, atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay, sapagkat siya'y ating kapatid, at ating laman.” At pinakinggan siya ng kanyang mga kapatid.

28 Dumaan(B) ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang iniahon si Jose sa balon, at siya'y ipinagbili sa mga Ismaelita sa halagang dalawampung pirasong pilak. At dinala nila si Jose sa Ehipto.

29 Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang si Jose ay wala na sa balon, kanyang pinunit ang kanyang mga suot.

30 Siya'y nagbalik sa kanyang mga kapatid, at kanyang sinabi, “Wala ang bata; at ako, saan ako pupunta?”

31 Kaya't kanilang kinuha ang mahabang damit[d] ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang mahabang damit[e] sa dugo.

32 Kanilang ipinadala ang mahabang damit na kanyang suot sa kanilang ama, at kanilang sinabi, “Ito'y aming natagpuan, kilalanin mo kung ito'y mahabang damit ng iyong anak o hindi.”

33 Nakilala niya ito kaya't kanyang sinabi, “Ito nga ang mahabang damit ng aking anak! Sinakmal siya ng isang mabangis na hayop; tiyak na siya'y nilapa.”

34 Pinunit ni Jacob ang kanyang mga suot, at nilagyan niya ng damit-sako ang kanyang mga balakang, at ipinagluksa ng maraming araw ang kanyang anak.

35 Lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay nagtangkang siya'y aliwin; subalit tumanggi siyang maaliw, at kanyang sinabi, “Lulusong akong tumatangis para sa aking anak hanggang sa Sheol.” At tinangisan siya ng kanyang ama.

36 Samantala, ipinagbili siya ng mga Midianita sa Ehipto kay Potifar, isang pinuno ni Faraon na kapitan ng bantay.

Marcos 7

Ang mga Tradisyon(A)

Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,

kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.

(Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.

Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)[a]

Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”

At(B) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,

    ‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
    subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’

Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”

Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.

10 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’

11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’

12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,

13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.

Ang Nagpaparumi sa Tao(D)

14 Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.

15 Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”

16 [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]

17 Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.

18 Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,

19 sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”

20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.

21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,

22 ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.

23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”

Ang Pambihirang Pananampalataya ng Isang Babae(E)

24 Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin.

25 Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan.

26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus[b] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae.

27 At sinabi niya sa kanya, “Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.”

28 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak.”

29 Sinabi naman ni Jesus sa kanya, “Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”

30 Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo.

Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi

31 Pagkatapos, siya'y bumalik mula sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, na tinahak ang lupain ng Decapolis.

32 Dinala nila sa kanya ang isang bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at siya'y pinakiusapan nila na ipatong ang kanyang kamay sa kanya.

33 At siya'y inilayo niya ng bukod mula sa maraming tao at isinuot ang kanyang mga daliri sa kanyang mga tainga. Siya'y dumura at hinipo ang kanyang dila.

34 Pagtingala niya sa langit, siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kanya, “Effata,” na nangangahulugang “Mabuksan.”

35 Agad nabuksan ang kanyang mga tainga, nakalag ang tali ng kanyang dila, at siya'y nakapagsalita nang malinaw.

36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag nilang sabihin ito kaninuman; ngunit habang lalo niyang ipinagbabawal sa kanila, lalo namang masigasig nilang ipinamamalita ito.

37 Sila'y labis na namangha na nagsasabi, “Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kanya pang ginagawang makarinig ang bingi at pinapagsasalita ang pipi.”

Job 3

Ang Unang Pagsasalita ni Job

Pagkatapos(A) nito'y ibinuka ni Job ang kanyang bibig at sinumpa ang araw ng kanyang kapanganakan.

Sinabi ni Job:

“Maglaho nawa ang araw nang ako'y isilang,
    at ang gabi na nagsabi,
    ‘May batang lalaking ipinaglihi.’
Magdilim nawa ang araw na iyon!
    Huwag nawang hanapin iyon ng Diyos sa itaas,
    ni silayan man iyon ng liwanag.
Hayaang angkinin iyon ng mapanglaw at pusikit na kadiliman.
    Tirahan nawa iyon ng ulap;
    takutin nawa iyon ng kadiliman ng araw.
Ang gabing iyon—sakmalin nawa ng makapal na kadiliman!
    Huwag itong magsaya na kasama ng mga araw ng taon,
    huwag nawa itong mapasama sa bilang ng mga buwan.
Oo, ang gabing iyon nawa ay maging baog,
    huwag marinig doon ang tinig ng kagalakan.
Sumpain nawa iyon ng mga sumusumpa sa araw,
    ng mga bihasa sa paggising sa Leviatan.[a]
Magdilim nawa ang mga bituin ng pagbubukang-liwayway niyon;
    hayaang umasa ito ng liwanag, ngunit hindi magkakaroon,
    ni mamalas ang mga talukap-mata ng umaga,
10 sapagkat hindi nito tinakpan ang mga pinto ng sinapupunan ng aking ina,
    o ikinubli man ang kaguluhan sa aking mga mata.

11 “Bakit hindi pa ako namatay nang ako'y isilang?
    Bakit hindi ako nalagutan ng hininga nang ako'y iluwal?
12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod?
    O bakit ang mga dibdib, na aking sususuhan?
13 Sapagkat nahihimlay at natatahimik na sana ako,
    ako sana'y natutulog; nagpapahinga na sana ako;
14 kasama ng mga hari at ng mga tagapayo ng daigdig,
    na muling nagtayo ng mga guho para sa kanilang sarili,
15 o kasama ng mga prinsipeng may mga ginto,
    na pinuno ng pilak ang kanilang bahay.
16 Bakit hindi pa ako inilibing tulad ng batang patay nang isilang,
    gaya ng sanggol na hindi nakakita ng liwanag kailanman?
17 Doon ang masama ay tumitigil sa paggambala,
    at doo'y ang pagod ay nagpapahinga.
18 Doon ang mga bilanggo ay sama-samang nagiginhawahan,
    hindi nila naririnig ang tinig ng nag-aatang ng pasan.
19 Ang hamak at ang dakila ay naroroon,
    at ang alipin ay malaya sa kanyang panginoon.

20 “Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa kahirapan,
    at ng buhay ang kaluluwang nasa kapighatian,
21 na(B) nasasabik sa kamatayan, ngunit hindi ito dumarating;
    at naghuhukay dito ng higit kaysa mga kayamanang nakalibing;
22 na labis ang kagalakan,
    at natutuwa kapag natagpuan nila ang libingan?
23 Bakit ang liwanag ay ibibigay sa taong ang daan ay nakatago,
    at ang taong binakuran ng Diyos?
24 Sapagkat ang buntong-hininga ko ay dumarating na parang aking pagkain,[b]
    at ang aking mga daing ay bumubuhos na parang tubig.
25 Sapagkat ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin,
    at ang aking pinangingilabutan ay nangyayari sa akin.
26 Hindi ako mapalagay at hindi rin matahimik,
    wala akong kapahingahan; kundi dumarating ang kaguluhan.”

Roma 7

Paglalarawan mula sa Pag-aasawa

O hindi ba ninyo nalalaman, mga kapatid (sapagkat ako'y nagsasalita sa mga nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay umiiral lamang sa tao habang siya'y nabubuhay pa?

Sapagkat ang asawang babae ay itinali ng kautusan sa asawang lalaki habang ito ay nabubuhay; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay nakalagan na sa kautusan ng asawang lalaki.

Kaya nga, kung siya'y makikipisan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang asawang lalaki, siya'y tatawaging mangangalunya; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay malaya na sa kautusan, at siya'y hindi isang mangangalunya kung siya man ay makipisan sa ibang lalaki.

Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo'y namatay sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makipisan sa iba, samakatuwid ay sa kanya na bumangon mula sa mga patay upang tayo'y magbunga para sa Diyos.

Sapagkat nang tayo'y nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng mga kasalanan na pawang sa pamamagitan ng kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga para sa kamatayan.

Subalit ngayon tayo'y nakalagan sa kautusan, yamang tayo'y namatay doon sa umalipin sa atin, upang makapaglingkod sa bagong buhay sa Espiritu, at hindi sa lumang batas na nakasulat.

Ang Kautusan at ang Kasalanan

Ano(A) nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.”

Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.

Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan,

10 at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan.

11 Sapagkat(B) ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.

12 Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.

13 Kung gayon, ang mabuti ba ang nagdala ng kamatayan sa akin? Hindi, kailanman! Kundi ang kasalanan na gumagawa ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan ay maihayag na kasalanan, at sa pamamagitan ng utos ay maging lubos na makasalanan.

Ang Pagnanais ng Mabuti

14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

15 Sapagkat(C) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.

16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.

17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.

19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.

20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

21 Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.

22 Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.

23 Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.

24 Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?

25 Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001