M’Cheyne Bible Reading Plan
Bumili ng Pagkain ang mga Kapatid ni Jose sa Ehipto
42 Nabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Bakit kayo nagtitinginan?”
2 Kanyang(A) sinabi, “Aking narinig na may trigo sa Ehipto. Bumaba kayo roon, at bumili kayo ng para sa atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay.”
3 Kaya't ang sampung kapatid ni Jose ay bumaba upang bumili ng trigo sa Ehipto.
4 Subalit si Benjamin na kapatid ni Jose ay hindi pinasama ni Jacob sa kanyang mga kapatid, sapagkat sabi niya, “Baka may mangyaring kapahamakan sa kanya.”
5 Kaya't ang mga anak ni Israel ay kasama ng iba pang nagsidating upang bumili ng trigo, sapagkat ang taggutom ay nakarating na sa lupain ng Canaan.
6 Si Jose noon ang tagapamahala sa lupain. Siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain. At dumating ang mga kapatid ni Jose at sila'y yumuko sa kanya na ang kanilang mga mukha ay nakasubsob sa lupa.
7 Nakita ni Jose ang kanyang mga kapatid at nakilala sila, subalit siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at nagsalita ng marahas na mga bagay sa kanila. Sinabi niya sa kanila, “Saan kayo nanggaling?” Sinabi nila, “Mula sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.”
8 Nakilala ni Jose ang kanyang mga kapatid, subalit siya'y hindi nila nakilala.
9 Naalala(B) ni Jose ang kanyang napanaginip tungkol sa kanila; at sinabi sa kanila, “Kayo'y mga espiya, naparito kayo upang tingnan ang kahubaran[a] ng lupain.”
10 Kanilang sinabi sa kanya, “Hindi, panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.
11 Kaming lahat ay mga anak ng isa lamang lalaki. Kami ay mga taong tapat; ang iyong mga lingkod ay hindi mga espiya.”
12 Kanyang sinabi sa kanila, “Hindi! Pumarito kayo upang tingnan ang kahubaran[b] ng lupain.”
13 Ngunit kanilang sinabi, “Kaming iyong mga lingkod ay labindalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalaki sa lupain ng Canaan. Ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa ay wala na.”
14 Sinabi sa kanila ni Jose, “Iyan ang sinabi ko sa inyo, ‘Kayo'y mga espiya!’
15 Sa pamamagitan nito ay masusubok kayo: Kung paanong nabubuhay si Faraon, hindi kayo aalis dito malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.
16 Suguin ninyo ang isa sa inyo at dalhin dito ang inyong kapatid, habang kayo ay nasa bilangguan upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo; at kung wala, kung paanong nabubuhay ang Faraon, ay tunay na mga espiya nga kayo.”
17 Silang lahat ay kanyang inilagay na magkakasama sa bilangguan sa loob ng tatlong araw.
18 Nang ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Gawin ninyo ito at kayo'y mabubuhay; sapagkat may takot ako sa Diyos.
19 Kung kayo'y mga taong tapat, maiwan ang isa sa inyong magkakapatid kung saan kayo nakabilanggo; at ang iba ay humayo upang magdala ng trigo dahil sa taggutom sa inyong mga sambahayan.
20 Dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y mapapatotohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay.” At kanilang ginawa ang gayon.
21 Sinabi nila sa isa't isa, “Talagang tayo ay nagkasala dahil sa ating kapatid, sapagkat nakita natin ang kanyang pighati nang siya'y makiusap sa atin, ngunit hindi natin siya pinakinggan. Dahil dito'y dumating sa atin ang pighating ito.”
22 Si(C) Ruben ay sumagot sa kanila, “Hindi ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? Kaya ngayon ay dumating ang pagtutuos para sa kanyang dugo.”
23 Hindi nila nalalaman na naiintindihan sila ni Jose, yamang siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng isang tagapagsalin.
24 Kaya't siya'y lumayo sa kanila at umiyak; at siya'y bumalik at nakipag-usap sa kanila. Kinuha niya sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harapan ng kanilang mga paningin.
25 Ipinag-utos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sisidlan at ibalik ang salapi ng bawat isa sa kanya-kanyang sako at sila'y bigyan ng mababaon sa daan. At ito ay ginawa para sa kanila.
26 Pagkatapos ay kanilang ipinapasan ang trigo sa kanilang mga asno at umalis mula roon.
27 Sa pagbubukas ng isa sa kanyang sako upang bigyan ng pagkain ang kanyang asno sa tuluyan, nakita niya ang kanyang salapi, at nakita niya na ito ay nasa ibabaw ng kanyang sako.
28 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Ang salapi ko ay isinauli at tingnan din ninyo ang aking sako.” Sila'y nanlupaypay at bawat isa ay takot na nagsasabi sa kanyang kapatid, “Ano itong ginawa ng Diyos sa atin?”
29 Nang sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila, na sinasabi;
30 “Ang lalaking pinuno sa lupaing iyon ay marahas na kinausap kami at itinuring kaming mga espiya sa lupain.
31 Ngunit aming sinabi sa kanya, ‘Kami ay mga tapat, hindi kami mga espiya.
32 Kami ay labindalawang magkakapatid, mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.’
33 Sinabi sa amin ng lalaking iyon na pinuno ng lupain, ‘Sa pamamagitan nito ay makikilala ko kung kayo'y mga tapat. Iwan ninyo sa akin ang isa sa inyong mga kapatid; umalis kayo at magdala ng butil para sa taggutom sa inyong mga sambahayan.
34 Dalhin ninyo rito sa akin ang inyong bunsong kapatid upang aking malaman na kayo'y hindi mga espiya, kundi kayo'y mga tapat. Saka ko isasauli sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y makakapangalakal sa lupain.’”
Nakita ang Salapi sa Kanilang Sisidlan
35 Nang inaalisan nila ng laman ang kanilang mga sako, sa sako ng bawat isa ay nakalagay ang kanya-kanyang bungkos ng salapi. Nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga bungkos ng salapi, sila ay natakot.
36 Sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, “Pinangulila ninyo ako; si Jose ay wala na, at si Simeon ay wala na, at kukunin pa ninyo si Benjamin. Lahat ng ito ay nangyari sa akin!”
37 Nagsalita si Ruben sa kanyang ama, “Maaari mong ipapatay ang aking dalawang anak kung hindi ko siya maibabalik sa iyo. Ibigay mo siya sa akin at siya'y ibabalik ko sa iyo.”
38 Sinabi niya, “Hindi aalis ang aking anak na kasama ninyo sapagkat ang kanyang kapatid ay patay na, at siya na lamang ang natitira. Kung mangyari sa kanya ang anumang kapahamakan sa paglalakbay na inyong gagawin, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban na may kapanglawan sa Sheol.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Katiwala(A)
12 Nagsimula(B) siyang magsalita sa kanila sa mga talinghaga. “Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay ng pisaan ng ubas, nagtayo ng isang tore, pinaupahan iyon sa mga magsasaka, at nagpunta siya sa ibang lupain.
2 Nang dumating ang kapanahunan, nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang kunin sa kanila ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan.
3 Ngunit siya'y kanilang sinunggaban, binugbog at pinaalis na walang dala.
4 Siya'y muling nagsugo sa kanila ng isa pang alipin at ito'y kanilang pinalo sa ulo at nilait.
5 Nagsugo siya ng isa pa at ito'y kanilang pinatay; gayundin sa marami pang iba. Binugbog ang ilan at ang iba'y pinatay.
6 Mayroon pa siyang isa, isang minamahal na anak na lalaki. Sa kahuli-hulihan siya'y kanyang isinugo sa kanila na sinasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’
7 Ngunit sinabi ng mga magsasakang iyon sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at magiging atin ang mana.’
8 At siya'y kanilang sinunggaban, pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.
9 Ano kaya ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Siya'y darating at pupuksain ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba.
10 Hindi(C) pa ba ninyo nababasa ang kasulatang ito:
‘Ang batong itinakuwil ng mga nagtayo ng gusali,
ay siyang naging batong panulukan.
11 Ito'y gawa ng Panginoon,
at ito'y kagila-gilalas sa ating mga mata?’”
12 Nang kanilang mahalata na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang hulihin siya, ngunit sila'y natakot sa maraming tao at siya'y iniwan nila at sila'y umalis.
Ang Pagbabayad ng Buwis(D)
13 Kanila namang sinugo sa kanya ang ilang Fariseo at Herodiano, upang siya'y mahuli nila sa pananalita.
14 At nang sila'y lumapit ay kanilang sinabi sa kanya, “Guro, nalalaman naming ikaw ay tapat at hindi ka nangingimi kaninuman; sapagkat hindi ka nagtatangi ng mga tao, kundi itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Matuwid bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? Dapat ba kaming magbayad o hindi?”
15 Ngunit dahil alam niya ang kanilang pagkukunwari ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubok? Magdala kayo rito sa akin ng isang denario upang makita ko.”
16 Nagdala nga sila ng isa at sinabi niya sa kanila, “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit?” Sinabi nila sa kanya, “Kay Cesar.”
17 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.” At sila'y namangha sa kanya.
Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(E)
18 Lumapit(F) sa kanya ang mga Saduceo na nagsasabi na walang muling pagkabuhay at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi.
19 “Guro,(G) isinulat para sa amin ni Moises na kung ang kapatid na lalaki ng isang lalaki ay mamatay at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid ang kanyang asawa, at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.
20 May pitong lalaking magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at nang mamatay siya ay walang naiwang anak.
21 Pinakasalan ng pangalawa ang balo at namatay na walang naiwang anak at gayundin naman ang pangatlo.
22 At ang pito ay walang iniwang anak. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay.
23 Sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? Sapagkat siya'y naging asawa ng pito.”
24 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba't ito ang dahilan kaya kayo nagkakamali, hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos?
25 Sapagkat sa pagkabuhay nilang muli mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin pa; kundi tulad sila ng mga anghel sa langit.
26 Ngunit(H) tungkol sa mga patay, na sila'y muling bubuhayin, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol sa mababang punungkahoy, kung paanong sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob?’
27 Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay; maling-mali kayo.”
Ang Pangunahing Utos(I)
28 Lumapit(J) ang isa sa mga eskriba, at narinig niya ang kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila ay tinanong siya, “Alin ang pangunahing utos sa lahat?”
29 Sumagot(K) si Jesus, “Ang pangunahin ay, ‘Pakinggan mo Israel: Ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa.
30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.’
31 Ang(L) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito.’”
32 Sinabi(M) sa kanya ng eskriba, “Tama ka, Guro; katotohanan ang sinabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba maliban sa kanya.
33 Ang(N) siya'y ibigin nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ibigin ang kapwa niya na gaya ng kanyang sarili, ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na sinunog at mga alay.”
34 Nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos noon, wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya ng anuman.
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(O)
35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, ay sinabi niya, “Paanong nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?
36 Si(P) David mismo ang nagpahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway
sa ilalim ng iyong mga paa.”’
37 Tinawag din siya ni David na Panginoon; kaya't paano siyang magiging anak ni David?” At ang napakaraming tao ay tuwang-tuwa na nakikinig sa kanya.
Babala Laban sa mga Eskriba(Q)
38 Sinabi niya sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba, na ibig magpalakad-lakad na may mahahabang damit, at batiin na may paggalang sa mga pamilihan.
39 At ibig nila ang pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan.
40 Sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing balo at bilang pakitang-tao, nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”
Ang Pagbibigay ng Babaing Balo(R)
41 Umupo siya sa tapat ng kabang-yaman at minasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi sa kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga.
42 Dumating ang isang babaing balo at siya'y naghulog ng dalawang kusing na ang halaga'y halos isang pera.
43 Pinalapit niya sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat nang naghuhulog sa kabang-yaman.
44 Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan.”
Ang Unang Pagsasalita ni Bildad
8 Pagkatapos ay sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,
2 “Hanggang kailan mo sasabihin ang mga bagay na ito,
at ang mga salita ng iyong bibig na gaya ng malakas na hangin?
3 Binabaluktot ba ng Diyos ang katarungan?
O nililiko ba ng Makapangyarihan sa lahat ang matuwid?
4 Kung ang iyong mga anak ay nagkasala laban sa kanya,
sa kapangyarihan ng kanilang pagsalangsang ay kanyang ibinigay sila.
5 Kung hahanapin mo ang Diyos,
at dadaing ka sa Makapangyarihan sa lahat;
6 kung ikaw ay dalisay at matuwid;
tiyak na gigising siya dahil sa iyo,
at ibabalik ka sa iyong matuwid na tirahan.
7 At bagaman maliit ang iyong pasimula,
ang iyong huling wakas ay magiging napakadakila.
8 “Sapagkat magsiyasat ka sa mga nagdaang panahon, hinihiling ko sa iyo,
at isaalang-alang mo ang natuklasan ng mga ninuno;
9 sapagkat tayo'y sa kahapon lamang, at walang nalalaman,
sapagkat ang ating mga araw sa lupa ay isang anino.
10 Hindi ka ba nila tuturuan, at sasabihin sa iyo,
at bibigkas ng mga salita mula sa kanilang pang-unawa?
11 “Lalago ba ang yantok kung walang latian?
Tutubo ba ang tambo kung walang tubig?
12 Habang namumukadkad pa at hindi pa pinuputol,
una silang nalalanta kaysa alinmang halaman.
13 Gayon ang mga landas ng lahat ng lumilimot sa Diyos;
ang pag-asa ng masamang tao ay maglalaho.
14 Ang kanyang pagtitiwala ay masisira,
at sapot ng gagamba ang kanyang tiwala.
15 Siya'y sasandal sa kanyang bahay, ngunit ito'y hindi tatayo;
siya'y hahawak dito, ngunit hindi ito magtatagal.
16 Siya'y nananariwa sa harap ng araw,
at ang kanyang mga suwi ay sumisibol sa kanyang halamanan.
17 Ang kanyang mga ugat ay kumapit sa palibot ng bunton,
kanyang minamasdan ang dako ng mga bato.
18 Kung siya'y nawasak sa kanyang kinalalagyan,
kung magkagayo'y ikakaila siya nito, na sinasabi: ‘Hindi kita kailanman nakita.’
19 Tingnan mo, ito ang kagalakan ng landas niya;
at mula sa lupa ay sisibol ang iba.
20 “Tingnan mo, hindi itatakuwil ng Diyos ang taong walang kapintasan,
ni aalalayan man ang kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
21 Kanya namang pupunuin ng pagtawa ang iyong bibig,
at ang iyong mga labi ng pagsigaw.
22 Silang napopoot sa iyo ay mabibihisan ng kahihiyan,
at ang tolda ng masama ay mapaparam.”
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]
2 Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.
3 Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.
4 Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;
5 kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.
6 Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;
7 kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;
8 o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.
9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.
10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,
11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.
12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.
13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.
14 Pagpalain(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.
15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.
16 Magkaisa(D) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.
17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.
18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.
19 Mga(E) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”
20 Kaya't(F) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”
21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001