M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagkakapeste ng mga Baka
9 Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.
2 Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin sila, at sila'y pipigilin mo pa,
3 ang kamay ng Panginoon ay magbibigay ng matinding salot sa iyong hayop na nasa parang, sa mga kabayo, mga asno, mga kamelyo, mga baka, at sa mga kawan.
4 Ngunit gagawa ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga hayop ng Israel at sa mga hayop ng Ehipto, upang walang mamatay sa lahat ng nauukol sa mga anak ni Israel.’”
5 Ang Panginoon ay nagtakda ng panahon na sinasabi, “Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.”
6 Kinabukasan ay ginawa ng Panginoon ang bagay na iyon. Ang lahat ng hayop sa Ehipto ay namatay ngunit sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.
7 Ang Faraon ay nagsugo, at walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayagang umalis ang taong-bayan.
Ang Salot na Pigsa
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ito ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.
9 Ito'y magiging pinong alabok sa buong lupain ng Ehipto, at magiging pigsang susugat sa tao, at sa hayop sa buong lupain ng Ehipto.”
10 Kaya't(A) sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa himpapawid at naging pigsang sumusugat sa tao at sa hayop.
11 Ang mga salamangkero ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga pigsa; sapagkat nagkapigsa ang mga salamangkero at ang lahat ng mga Ehipcio.
12 Ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya dininig sila gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ng Faraon. Sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.
14 Sapagkat ngayo'y ibubuhos ko na ang lahat ng aking salot sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong malaman na walang tulad ko sa buong daigdig.
15 Sapagkat ngayo'y maaari ko nang iunat ang aking kamay upang dalhan ka ng salot at ang iyong bayan, at nawala ka na sana sa lupa.
16 Subalit(B) dahil sa layuning ito ay binuhay kita, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan, at ang aking pangalan ay mahayag sa buong daigdig.
17 Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, at ayaw mo silang paalisin?
18 Bukas, sa ganitong oras, ay magpapabagsak ako ng mabibigat na yelong ulan na kailanma'y hindi pa nangyari sa Ehipto mula nang araw na itatag ito hanggang ngayon.
19 Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong pag-aari sa parang; bawat tao at hayop na maabutan sa parang at hindi maisilong ay babagsakan ng yelong ulan at mamamatay.’”
20 Ang bawat natakot sa salita ng Panginoon sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwi ng kanyang mga alipin at ng kanyang hayop sa mga bahay;
21 ngunit ang nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay pinabayaan ang kanyang mga alipin at ang kanyang kawan sa parang.
Ang Mabibigat na Yelong Ulan
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit upang magkaroon ng yelong ulan sa buong lupain ng Ehipto na babagsak sa mga tao, sa mga hayop, at sa bawat mga halaman sa parang sa buong lupain ng Ehipto.”
23 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod paharap sa langit, at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at yelong ulan, at may apoy na bumagsak sa lupa. At ang Panginoon ay nagpaulan ng yelo sa lupain ng Ehipto.
24 Sa(C) gayo'y nagkaroon ng yelong ulan at ng apoy na sumisiklab sa gitna ng yelong ulan, at ang gayong napakabigat na yelong ulan ay di nangyari kailanman sa buong lupain ng Ehipto mula nang maging bansa ito.
25 Binagsakan ng yelong ulan ang buong lupain ng Ehipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, pati ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punungkahoy.
26 Sa lupain lamang ng Goshen na kinaroroonan ng mga anak ni Israel hindi nagkaroon ng yelong ulan.
27 Ang Faraon ay nagsugo at ipinatawag sina Moises at Aaron at sinabi sa kanila, “Ako'y nagkasala sa pagkakataong ito; ang Panginoon ay matuwid samantalang ako at ang aking bayan ay masama.
28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon, sapagkat nagkaroon na ng sapat na kulog at yelong ulan. Papayagan kong umalis na kayo at hindi na kayo mananatili pa.”
29 Sinabi ni Moises sa kanya, “Pagkalabas ko sa lunsod, aking iuunat ang aking mga kamay sa Panginoon; ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng yelong ulan upang iyong malaman na ang daigdig ay sa Panginoon.
30 Ngunit tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, alam ko na hindi pa kayo natatakot sa Panginoong Diyos.”
31 Ang lino at ang sebada ay nasira sapagkat ang sebada ay nag-uuhay na at ang lino ay namumulaklak na.
32 Subalit ang trigo at ang espelta ay hindi nasira sapagkat hindi pa tumutubo.
33 Kaya't si Moises ay lumabas sa lunsod mula sa Faraon, at iniunat ang kanyang mga kamay sa Panginoon. Ang mga kulog at ang yelong ulan ay tumigil at ang ulan ay hindi na bumuhos sa lupa.
34 Ngunit nang makita ng Faraon na ang ulan, ang yelong ulan at ang mga kulog ay tumigil, muli siyang nagkasala at nagmatigas ang kanyang puso, pati ang kanyang mga lingkod.
35 Ang puso ng Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinayagang umalis ang bayan ng Israel; gaya ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(A)
12 Samantala,(B) nang magkatipon ang libu-libong tao, na anupa't sila'y nagkakatapakan na sa isa't isa, nagpasimula siyang magsalita muna sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagkukunwari.
2 Walang(C) bagay na natatakpan na hindi mabubunyag, at walang bagay na natatago na hindi malalaman.
3 Kaya't ang anumang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa mga lihim na silid ay ipagsisigawan sa mga bubungan.
Ang Dapat Katakutan(D)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos ay wala na silang magagawa.
5 Subalit ipapakita ko sa inyo kung sino ang inyong dapat katakutan; katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang magtapon sa impiyerno.[a] Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan.
6 Hindi ba ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos.
7 Ngunit maging ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.
Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(E)
8 “At sinasabi ko sa inyo, ang bawat kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos.
9 Subalit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ipagkakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos.
10 At(F) ang bawat bumigkas ng salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang magsalita ng kalapastanganan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 Kapag(G) kayo'y dinala nila sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapangyarihan ay huwag kayong mag-alala kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin,
12 sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal
13 Sinabi sa kanya ng isa sa maraming tao, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.”
14 Subalit sinabi niya sa kanya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin upang maging hukom o tagapamahagi sa inyo?”
15 Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”
16 Nagsalaysay siya sa kanila ng isang talinghaga: “Ang lupain ng taong mayaman ay namunga ng sagana.
17 Inisip niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani?’
18 Sinabi niya, ‘Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari.’
19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa ‘Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.’
20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’
21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos.”
Pagtitiwala sa Diyos(H)
22 At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.
23 Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain at ang katawan ay higit kaysa damit.
24 Pansinin ninyo ang mga uwak. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas man. Sila'y walang imbakan ni kamalig man, subalit sila'y pinapakain ng Diyos. Gaano pang higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!
25 At sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay?[b]
26 Kung hindi nga ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit mag-aalala kayo tungkol sa mga ibang bagay?
27 Pansinin(I) ninyo ang mga liryo, kung paano silang tumutubo. Hindi sila nagpapagal o humahabi man, subalit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagbihis na gaya ng isa sa mga ito.
28 Ngunit kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang damo sa parang na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo na kanyang dadamitan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
29 At huwag ninyong laging hanapin kung ano ang inyong kakainin, kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabalisa.
30 Sapagkat ang mga bagay na ito ang siyang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.
31 Subalit, hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.
Kayamanan sa Langit(J)
32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nakakalugod sa inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.
33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at kayo'y magbigay ng limos. Gumawa kayo para sa inyong mga sarili ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nauubos, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang bukbok.
34 Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso.
Mga Lingkod na Handa
35 “Bigkisan(K) ninyo ang inyong mga baywang at paliwanagin ninyo ang inyong mga ilawan.
36 At(L) maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon na magbalik mula sa kasalan upang agad nilang mapagbuksan siya kapag siya ay dumating na at tumuktok.
37 Mapapalad ang mga aliping iyon na madatnan ng panginoon na nagbabantay kapag siya ay dumating. Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, bibigkisan niya ang kanyang baywang, sila'y papaupuin sa hapag-kainan at siya ay lalapit at paglilingkuran sila.
38 At kung siya'y dumating sa hatinggabi, o sa magmamadaling-araw na, at matagpuan silang gayon ay mapapalad ang mga aliping iyon.
39 Subalit(M) alamin ninyo ito, kung nalalaman ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y[c] hindi magpapabayang mapasok ang kanyang bahay.
40 Dapat din kayong maging handa, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Tapat at Di-tapat na Alipin(N)
41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi mo ba ang talinghagang ito para sa amin, o para sa lahat?”
42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala na pagkakatiwalaan ng kanyang panginoon sa kanyang mga alipin, upang sila'y bigyan ng kanilang bahaging pagkain sa tamang panahon?
43 Mapalad ang aliping iyon, na maratnan ng kanyang panginoon na gayon ang ginagawa.
44 Tunay na sinasabi ko sa inyo, sa kanya ipagkakatiwala ang lahat niyang ari-arian.
45 Subalit kung sabihin ng alipin iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagdating ng aking panginoon;’ at pinasimulan niyang bugbugin ang mga aliping lalaki at mga aliping babae; at siya'y kumain, uminom, at naglasing,
46 ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman. Siya'y pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat.
47 At ang aliping iyon na nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda at hindi ginawa ang ayon sa kalooban nito ay papaluin nang marami.
48 Subalit ang hindi nakakaalam at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga palo ay papaluin ng kaunti. Ngunit sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya, at sa kanya na pinagkatiwalaan ng marami ay higit na marami ang kanilang hihingin sa kanya.
Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(O)
49 “Ako'y naparito upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sana na ito ay nagniningas na!
50 Ako'y(P) mayroong bautismo na ibabautismo sa akin, at ako'y nababagabag hanggang hindi ito nagaganap!
51 Sa palagay ba ninyo ay pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Hindi! Sinasabi ko sa inyo, sa halip ay pagkakabaha-bahagi.
52 Sapagkat mula ngayon ang lima sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi; tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.
53 Sila'y(Q) magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa kanyang ina; ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”
Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(R)
54 Sinabi rin niya sa napakaraming tao, “Kapag may nakita kayong ulap na tumataas sa kanluran ay agad ninyong sinasabi na may darating na malakas na ulan, at gayon nga ang nangyayari.
55 At kapag nakikita ninyong humihihip ang hanging habagat ay sinasabi ninyo, na magkakaroon ng matinding init, at ito'y nangyayari.
56 Kayong mga mapagkunwari! Marunong kayong magbigay ng kahulugan sa anyo ng lupa at ng langit, subalit bakit hindi kayo marunong magbigay ng kahulugan sa kasalukuyang panahon?
Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(S)
57 At bakit hindi ninyo hatulan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid?
58 Kaya habang patungo ka sa hukom na kasama ang sa iyo'y nagsakdal, sa daan ay sikapin mo nang makipag-ayos sa kanya, kung hindi ay kakaladkarin ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa punong-tanod, at ipapasok ka ng punong-tanod sa bilangguan.
59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang kusing.”
Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama
27 At muling itinuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2 “Habang buháy ang Diyos, na siyang nag-alis ng aking karapatan,
at ang Makapangyarihan sa lahat, na siyang sa kaluluwa ko'y nagpapanglaw;
3 habang nasa akin pa ang aking hininga,
at ang espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong;
4 ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kabulaanan,
at ang aking dila ay di magsasabi ng kadayaan.
5 Malayo nawa sa akin na sabihing kayo'y tama;
hanggang sa ako'y mamatay, hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan.
6 Ang pagiging matuwid ko ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan,
hindi ako sinisisi ng aking puso sa alinman sa aking mga araw.
7 “Maging gaya nawa ng masama ang aking kaaway,
at ang nag-aalsa laban sa akin ay maging gaya nawa ng makasalanan.
8 Sapagkat ano ang pag-asa ng masasama, kapag siya'y itiniwalag ng Diyos,
kapag kinuha ng Diyos ang kanyang buhay?
9 Diringgin ba ng Diyos ang kanyang pagdaing,
kapag ang kabagabagan sa kanya ay dumating?
10 Sa Makapangyarihan sa lahat siya kaya'y masisiyahan?
Tatawag kaya siya sa Diyos sa lahat ng kapanahunan?
11 Ang tungkol sa kamay ng Diyos sa inyo'y aking ituturo;
kung anong nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko itatago.
12 Ito'y mismong nasaksihan ninyong lahat,
bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan?
13 “Ito ang bahagi ng masamang tao sa Diyos,
at ang manang tinatanggap ng mga nang-aapi mula sa Makapangyarihan sa lahat.
14 Kung dumami ang kanyang mga anak, iyon ay para sa tabak,
at ang kanyang supling ay hindi magkakaroon ng sapat na pagkain.
15 Ang kanyang mga naiwan ay ililibing ng salot,
at ang kanyang mga balo ay hindi nananaghoy.
16 Bagaman siya'y magbunton ng pilak na parang alabok,
at magparami ng damit na parang luwad;
17 mapaparami niya iyon, ngunit ang matuwid ang magsusuot niyon,
at paghahatian ng walang sala ang pilak na natipon.
18 Gaya ng sapot ng gagamba ang itinatayo niyang bahay,
gaya ng isang kubol na ginagawa ng isang bantay.
19 Siya'y nahihigang mayaman, ngunit hindi na niya iyon magagawa,
imumulat niya ang kanyang mga mata, ngunit ang kanyang kayamanan ay nawala.
20 Inaabutan siya ng pagkasindak na gaya ng baha,
sa gabi'y ipu-ipo ang tumatangay sa kanya.
21 Tinatangay siya ng hanging silangan, at siya'y nawawala,
pinapalis siya sa kinaroroonan niya.
22 Ito'y humahampas sa kanya nang walang kaawaan;
at pinagsikapan niyang tumakas mula sa kanyang kapangyarihan.
23 Ipinapalakpak nito ang kanyang mga kamay sa kanya,
at sinisigawan siya mula sa kinaroroonan nito.
Ang Pag-ibig
13 Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, subalit wala akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw.
2 At(A) kung mayroon akong kaloob ng propesiya, at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at kung mayroon akong buong pananampalataya, upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.
3 At kung ipamigay ko ang lahat ng aking ari-arian, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] subalit walang pag-ibig, wala akong mapapakinabang.
4 Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob; ang pag-ibig ay hindi maiinggitin, o mapagmalaki o hambog;
5 hindi magaspang ang kilos. Hindi nito ipinipilit ang sariling kagustuhan, hindi mayayamutin, hindi nagtatala ng mga pagkakamali.
6 Hindi ito natutuwa sa masamang gawa, kundi natutuwa sa katotohanan.
7 Pinapasan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay.
8 Ang pag-ibig ay walang katapusan. Subalit maging mga propesiya ay matatapos; maging mga wika ay titigil; maging kaalaman ay lilipas.
9 Sapagkat ang nalalaman natin ay bahagi lamang at nagsasalita tayo ng propesiya nang bahagi lamang;
10 subalit kapag ang sakdal ay dumating, ang bahagi lamang ay magwawakas.
11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata. Ngayong ganap na ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.
12 Sapagkat ngayo'y malabo nating nakikita sa isang salamin, ngunit pagkatapos nito ay makikita natin nang mukhaan. Ngayo'y bahagi lamang ang nalalaman ko, ngunit pagkatapos ay lubos kong mauunawaan kung papaanong ako ay lubos na nakikilala.
13 At ngayon ay nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001