M’Cheyne Bible Reading Plan
Naghanda si Jacob upang Salubungin si Esau
32 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos.
2 Nang makita sila ni Jacob ay sinabi niya sa kanila, “Ito'y kampo ng Diyos!” Kaya't tinawag niya ang pangalan ng lugar na iyon na Mahanaim.[a]
3 Si Jacob ay nagpasugo kay Esau na kanyang kapatid sa lupain ng Seir, sa bayan ng Edom.
4 Sila'y kanyang inutusan na sinasabi, “Ganito ang inyong sasabihin kay Esau na aking panginoon. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, ‘Ako'y tumigil ng ilang panahon kay Laban at namalagi roon hanggang ngayon.
5 Mayroon akong mga baka, mga asno, mga kawan, at mga aliping lalaki at babae; at ako'y nagpasugo sa aking panginoon, upang ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin.’”
6 Ang mga sugo ay bumalik kay Jacob, na nagsasabi, “Nakarating kami sa iyong kapatid na si Esau, at siya ay darating din upang sumalubong sa iyo, at kasama niya ang apatnaraang tao.”
7 Kaya't natakot nang husto at nabahala si Jacob; at kanyang hinati sa dalawa ang mga taong kasama niya, ang mga kawan, ang mga bakahan, at ang mga kamelyo.
8 At kanyang sinabi, “Kung dumating si Esau sa isang pulutong at kanyang puksain ito, ang pulutong na natitira ay tatakas.”
9 Sinabi ni Jacob, “O Diyos ng aking amang si Abraham, at Diyos ng aking amang si Isaac, O Panginoon, na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anak at gagawa ako ng mabuti sa iyo.’
10 Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng kaawaan, at lahat ng katotohanan na iyong ginawa sa iyong lingkod sapagkat dumaan ako sa Jordang ito na dala ang aking tungkod, at ngayo'y naging dalawang pulutong ako.
11 Hinihiling ko sa iyo na iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Ako'y natatakot sa kanya, baka siya'y dumating at kaming lahat ay pagpapatayin niya, ang mga ina pati ang mga anak.
12 Hindi(A) ba't ikaw ang nagsabi, ‘Gagawa ako ng mabuti sa iyo at ang iyong binhi ay gagawin kong parang buhangin sa dagat na hindi mabibilang dahil sa karamihan.’”
13 Siya'y namalagi roon nang gabing iyon, at kumuha siya ng panregalo mula sa kanya para sa kanyang kapatid na si Esau;
14 dalawang daang kambing na babae, dalawampung lalaking kambing, dalawang daang tupang babae, at dalawampung tupang lalaki,
15 tatlumpung kamelyong inahin, kasama ng kanilang mga anak, apatnapung baka, at sampung toro, dalawampung babaing asno at sampung lalaking asno.
16 Ang mga ito ay ibinigay niya sa kanyang mga alipin, ang bawat kawan ay nakabukod at sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Lumampas kayo sa aking unahan at lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.”
17 Iniutos niya sa una, “Kapag ikaw ay natagpuan ni Esau na aking kapatid, at tanungin ka, ‘Kanino ka? Saan ka pupunta? At kanino itong nasa unahan mo?’
18 Kung magkagayo'y sasabihin mo, ‘Sa iyong lingkod na si Jacob. Ito ay isang regalo na padala para sa aking panginoong si Esau; at bukod dito, siya'y nasa hulihan namin.’”
19 Gayundin, iniutos niya sa ikalawa, sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, “Sasabihin ninyo ang gayunding bagay kay Esau, kapag nakasalubong ninyo siya,
20 at sasabihin ninyo, ‘Bukod dito, ang iyong lingkod na si Jacob ay nasa hulihan namin.’” Sapagkat kanyang iniisip, “Baka mapaglubag ko ang kanyang galit sa pamamagitan ng regalo na ipinauna ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kanyang mukha, marahil ay tatanggapin niya ako.”
21 Kaya't ang regalo ay ipinadala na nauna sa kanya; at siya'y nanatili sa kampo nang gabing iyon.
Nakipagbuno si Jacob sa Peniel
22 Nang gabing iyon, siya'y bumangon at isinama niya ang kanyang dalawang asawa, ang kanyang dalawang aliping babae, at ang kanyang labing-isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.
23 Sila'y kanyang isinama at itinawid sa batis, at kanya ring itinawid ang lahat ng kanyang ari-arian.
24 Naiwang(B) nag-iisa si Jacob at nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa magbukang-liwayway.
25 Nang makita ng lalaki na hindi siya manalo laban kay Jacob,[b] hinawakan niya ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, at ang kasu-kasuan ni Jacob ay nalinsad samantalang nakikipagbuno sa kanya.
26 Sinabi niya, “Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.” At sinabi ni Jacob,[c] “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo.”
27 Sinabi ng lalaki kay Jacob, “Ano ang pangalan mo?” At kanyang sinabi, “Jacob.”
28 Sinabi(C) niya, “Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
29 Siya'y(D) tinanong ni Jacob, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” At kanyang sinabi, “Bakit itinatanong mo ang aking pangalan?” At siya'y binasbasan doon.
30 Tinawag ni Jacob ang pangalan ng lugar na iyon na Peniel na sinasabi, “Sapagkat nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.”
31 Sinikatan siya ng araw nang siya'y dumaraan sa Penuel; at siya'y papilay-pilay dahil sa kanyang hita.
32 Dahil dito, hanggang ngayon ay hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasu-kasuan ng hita, sapagkat dito hinampas ng taong nakipagbuno ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng balakang.
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(A)
3 Muli siyang pumasok sa sinagoga at doo'y may isang lalaking paralisado[a] ang isang kamay.
2 Kanilang minamatyagan si Jesus[b] kung kanyang pagagalingin ang lalaki[c] sa araw ng Sabbath upang siya'y maparatangan nila.
3 Sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Lumapit ka.”
4 At sinabi niya sa kanila, “Ipinahihintulot ba na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama, magligtas ng buhay, o pumuksa nito?” Ngunit sila'y tahimik.
5 Sila'y tiningnan niya ng may galit. Nalulungkot siya sa katigasan ng kanilang puso at sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat niya ito at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.
6 Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kanya kung paanong siya'y mapupuksa nila.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 At si Jesus ay umalis kasama ng kanyang mga alagad patungo sa lawa. Sumunod ang napakaraming tao mula sa Galilea.
8 Nang kanilang mabalitaan ang lahat ng kanyang ginawa, napakaraming tao ang pumaroon sa kanya mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon.
9 At(B) sinabi niya sa kanyang mga alagad na ihanda para sa kanya ang isang bangka dahil sa napakaraming tao, baka siya'y kanilang siksikin.
10 Sapagkat siya'y nagpagaling ng marami, siniksik siya ng lahat ng maysakit upang siya'y mahipo.
11 At tuwing makikita siya ng masasamang espiritu, sila'y nagpapatirapa sa kanyang harapan, at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos.”
12 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na siya'y huwag nilang ipahayag.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(C)
13 Siya'y umahon sa bundok, at tinawag niya ang kanyang mga naibigan at lumapit sila sa kanya.
14 Humirang siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol[d] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral,
15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo:
16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:] si Simon na kanyang pinangalanang Pedro;
17 si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago na tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay mga Anak ng Kulog;
18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo;
19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya.
Si Jesus at si Beelzebul(D)
20 At pumasok siya sa isang bahay, at muling nagkatipon ang maraming tao, kaya't sila'y hindi man lamang makakain.
21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, lumabas sila upang siya'y pigilan sapagkat sinasabi ng mga tao, “Wala siya sa sarili.”
22 At(E) sinabi ng mga eskriba na bumaba mula sa Jerusalem, “Nasa kanya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”
23 Sila'y kanyang pinalapit sa kanya at nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, “Paanong mapapalayas ni Satanas si Satanas?
24 Kung ang isang kaharian ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang kahariang iyon.
25 At kung ang isang bahay naman ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang bahay na iyon.
26 Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi, hindi siya makakatayo, kundi siya'y magwawakas.
27 Ngunit walang makakapasok sa bahay ng malakas na tao upang samsamin ang kanyang mga ari-arian, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y malolooban niya ang bahay nito.
28 “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng anak ng mga tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin.
29 Ngunit(F) sinumang magsalita ng paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailanman, kundi nagkakasala ng isang kasalanang walang hanggan,”
30 sapagkat sinabi nila, “Siya'y may masamang espiritu.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(G)
31 Dumating ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki. At nakatayo sila sa labas, nagpasugo sa kanya, at siya'y tinawag.
32 Nakaupo ang maraming tao sa palibot niya at sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid, at hinahanap ka.”
33 Sumagot siya sa kanila, “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?”
34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!
35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”
Hinirang si Mordecai
8 Nang araw na iyon ay ibinigay ni Haring Ahasuerus kay Esther ang bahay ni Haman na kaaway ng mga Judio. At si Mordecai ay humarap sa hari; sapagkat sinabi ni Esther kung ano ang kaugnayan niya sa kanya.
2 At hinubad ng hari ang kanyang singsing na inalis niya kay Haman, at ibinigay kay Mordecai. At ipinamahala ni Esther kay Mordecai ang bahay ni Haman.
Ang Bagong Kahilingan ni Esther
3 At si Esther ay muling nagsalita sa harapan ng hari, at nagpatirapa sa kanyang mga paa, at nagsumamo sa kanya na may mga luha na hadlangan ang masamang panukala ni Haman na Agageo, at ang pakana na kanyang binalak laban sa mga Judio.
4 Nang magkagayo'y inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro.
5 Sa gayo'y tumindig si Esther at tumayo sa harapan ng hari. At sinabi niya, “Kung ikalulugod ng hari, at kung ako'y nakatagpo ng lingap sa kanyang paningin, at kung ang bagay ay inaakalang matuwid sa harapan ng hari, at ako'y nakakalugod sa kanyang mga mata, nawa'y isulat ang isang utos upang pawalang-bisa ang mga sulat na binalak ni Haman na anak ni Amedata, na Agageo, na kanyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nasa lahat ng lalawigan ng hari.
6 Sapagkat paano ko matitiis na makita ang kapahamakang darating sa aking mga kababayan? O paano ko matitiis na makita ang pagpatay sa aking mga kamag-anak?”
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kina Reyna Esther at Mordecai na Judio, “Tingnan ninyo, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Haman, at kanilang binigti siya sa bitayan, sapagkat kanyang binalak na patayin ang mga Judio.
8 Maaari kang sumulat ng ayon sa nais mo tungkol sa mga Judio, sa pangalan ng hari, at tatakan ito ng singsing ng hari; sapagkat ang utos na isinulat sa pangalan ng hari at natatakan ng singsing ng hari ay hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Ang mga kalihim ng hari ay ipinatawag nang panahong iyon, sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan. Iisang utos ang isinulat ayon sa lahat na iniutos ni Mordecai tungkol sa mga Judio, sa mga gobernador, at sa mga tagapamahala at mga pinuno ng mga lalawigan mula sa India hanggang sa Etiopia, na isandaan at dalawampu't pitong lalawigan. Ito ay para sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa pagsulat at wika nila.
10 Ang pagkasulat ay sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari, at ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugong mangangabayo na nakasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, na inalagaan mula sa kulungan ng hari.
11 Sa pamamagitan ng mga ito, pinahihintulutan ng hari ang mga Judio na nasa bawat lunsod, na magtipun-tipon at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang puksain, patayin, at lipulin ang anumang sandatahang lakas ng alinmang bayan at lalawigan na sasalakay sa kanila, kasama ang kanilang mga bata at mga babae, at samsamin ang kanilang ari-arian.
12 Ito ay sa isang araw sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
13 Isang sipi ng kasulatan ang ilalabas bilang utos sa bawat lalawigan, at ipahahayag sa lahat ng mga bayan, at ang mga Judio ay maghanda sa araw na iyon na maghiganti sa kanilang mga kaaway.
14 Sa gayo'y ang mga sugo na sumasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagmamadaling sumakay dahil sa utos ng hari; at ang utos ay pinalabas sa kastilyo ng Susa.
15 At si Mordecai ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakadamit-hari na asul at puti, at may malaking koronang ginto, at may balabal na pinong lino at kulay ube, samantalang ang bayan ng Susa ay sumigaw at natuwa.
16 Nagkaroon ang mga Judio ng kaginhawahan, kasayahan, kagalakan, at karangalan.
17 At sa bawat lalawigan at bayan, saanman dumating ang utos ng hari, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan, kagalakan, at kapistahan. At maraming mula sa mga tao ng lupain ay tinawag ang kanilang sarili na mga Judio; sapagkat ang takot sa mga Judio ay dumating sa kanila.
3 Ano nga ang kalamangan ng Judio? O ano ang pakinabang sa pagtutuli?
2 Napakarami. Ang una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Diyos.
3 Ano nga kung ang ilan ay hindi tapat? Ang kanila bang kawalan ng katapatan ay nagpapawalang saysay sa katapatan ng Diyos?
4 Huwag(A) nawang mangyari! Hayaang ang Diyos ay maging tapat, kahit na ang bawat tao'y sinungaling, gaya ng nasusulat,
“Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita,
at magtagumpay ka kapag ikaw ay hinatulan.”
5 Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katarungan ng Diyos, ano ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay di-makatarungan sa paglalapat ng parusa sa atin? (Nagsasalita ako sa paraan ng tao.)
6 Huwag nawang mangyari! Sapagkat kung gayo'y paano hahatulan ng Diyos ang sanlibutan?
7 Subalit kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana ang katotohanan ng Diyos sa ikaluluwalhati niya, bakit hinahatulan pa rin akong tulad sa isang makasalanan?
8 At bakit hindi sabihin (gaya ng paninirang-puri sa atin ng iba na nagpapatotoo na sinasabi raw natin), “Gumawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti?” Ang kahatulan sa kanila ay nararapat.
Walang Matuwid
9 Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,
10 gaya(B) ng nasusulat,
“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11 wala ni isang nakakaunawa,
wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
walang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(C) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14 “Ang(D) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(E) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16 pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18 “Walang(F) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”
19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.
20 Sapagkat(G) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[a] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
Ang Pag-aaring-ganap ng Diyos sa Tao
21 Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta;
22 ang(H) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,
23 yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;
24 sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus;
25 na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan;
26 upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring-ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus.[b]
27 Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.
28 Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, ng mga Hentil din naman;
30 yamang(I) iisa ang Diyos, na kanyang ituturing na ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di-pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.
31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001