Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 24

Asawa para kay Isaac

24 Si Abraham ay matanda na at lipas na sa panahon; at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay.

At sinabi ni Abraham sa kanyang alipin, sa pinakamatanda sa kanyang bahay na namamahala ng lahat niyang ari-arian, “Pakilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita,[a]

at ikaw ay aking panunumpain sa ngalan ng Panginoon, ang Diyos ng langit at lupa, na hindi mo ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang aking tinitirhan,

kundi ikaw ay pupunta sa aking lupain, at sa aking kamag-anak, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak na si Isaac.”

Sinabi sa kanya ng alipin, “Sakaling hindi pumayag ang babae na sumama sa akin sa lupaing ito; dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?”

Sinabi naman sa kanya ni Abraham, “Huwag mong ibabalik doon ang aking anak.

Ang Panginoon, ang Diyos ng langit, na kumuha sa akin sa sambahayan ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan ay nagsalita at sumumpa sa akin na nagsasabi, ‘Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito;’ magsusugo siya ng kanyang anghel sa unahan mo, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak.

Subalit kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ikaw ay magiging malaya sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon.”

Inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kanyang panginoon, at sumumpa sa kanya tungkol sa bagay na ito.

10 Kumuha ang alipin ng sampung kamelyo mula sa kanyang panginoon, at umalis na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kanyang panginoon. At pumunta siya sa Mesopotamia, sa bayan ni Nahor.

11 Kanyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig nang papalubog na ang araw, panahon nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig.

12 At kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aking panginoong si Abraham, hinihiling ko sa iyong pagkalooban mo ako ng tagumpay ngayon, at ikaw ay magmagandang-loob sa aking panginoong si Abraham.

13 Ako'y nakatayo sa tabi ng balon ng tubig at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan ay darating upang umigib ng tubig.

14 At mangyari na ang dalagang aking pagsabihan, ‘Pakibaba mo ang iyong banga upang ako'y makainom;’ at kanyang sasabihin, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo;’ ay siyang pinili mo para sa iyong lingkod na si Isaac; at sa ganito ay malalaman kong nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa aking panginoon.”

15 Bago pa man siya nakatapos ng pagsasalita, si Rebecca na ipinanganak kay Betuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham ay lumabas na pasan ang banga sa kanyang balikat.

16 Ang babae ay may magandang anyo, dalaga na hindi pa nasisipingan ng lalaki. Siya ay lumusong sa bukal, pinuno ang kanyang banga, at umahon.

17 Tumakbo ang alipin upang salubungin siya at sinabi, “Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga.”

18 At sinabi niya, “Uminom ka, panginoon ko.” Nagmadali niyang ibinaba ang banga sa kanyang kamay, at pinainom siya.

19 Pagkatapos na siya'y kanyang mapainom, siya ay nagsabi, “Iiigib ko naman ang iyong mga kamelyo, hanggang silang lahat ay makainom na.”

20 Kaagad na ibinuhos ang kanyang banga sa inuman at tumakbong muli sa balon upang umigib at siya'y umigib para sa lahat niyang kamelyo.

21 Ang lalaki ay nanatiling tahimik na tinitingnan siya upang malaman kung pinagpala ng Panginoon ang kanyang paglalakbay o hindi.

22 Nang makainom ang mga kamelyo, kumuha ang lalaki ng isang singsing na ginto, na may kalahating siklo ang timbang, at dalawang pulseras para sa kanyang mga kamay, na may timbang na sampung siklong ginto.

23 Kanyang itinanong, “Kanino kang anak? Sabihin mo sa akin, may lugar ba sa bahay ng iyong ama na aming matutuluyan?”

24 At sinabi niya sa kanya, “Anak ako ni Betuel, na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor.”

25 Sinabi rin niya sa kanya, “Sagana kami sa dayami at pagkain sa hayop, at mayroon ding lugar na matutuluyan.”

26 At lumuhod ang lalaki at sumamba sa Panginoon.

27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kanyang habag at ang kanyang katapatan sa aking panginoon. Nang ako ay nasa daan, pinatnubayan ako ng Panginoon hanggang sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.”

28 Tumakbo ang dalaga at isinalaysay ang mga bagay na ito sa sambahayan ng kanyang ina.

29 Si Rebecca ay may isang kapatid na ang pangalan ay Laban. Tumakbong papalabas si Laban patungo sa lalaki na nasa bukal.

30 Nang makita niya ang singsing at mga pulseras sa mga kamay ng kanyang kapatid, at pagkarinig sa mga salita ni Rebecca na kanyang kapatid, na sinasabi, “Gayon ang sinabi sa akin ng lalaki;” ay lumapit siya sa lalaki at nakitang ito'y nakatayo sa tabi ng mga kamelyo sa bukal.

31 At sinabi niya, “Pumasok ka, pinagpala ng Panginoon. Bakit ka nakatayo sa labas? Naihanda ko na ang bahay at ang lugar para sa mga kamelyo.”

32 Pumasok ang lalaki sa bahay at kinalagan ang mga kamelyo. Binigyan ni Laban ng dayami at pagkain ang mga kamelyo, at ng tubig upang ipaghugas ng kanyang mga paa at mga paa ng mga taong kasama niya.

33 At siya'y hinainan nila ng pagkain, ngunit sinabi niya, “Hindi ako kakain hanggang hindi ko nasasabi ang aking sadya.” At sinabi ni Laban, “Magsalita ka.”

34 At kanyang sinabi, “Ako ay alipin ni Abraham.

35 Pinagpalang mabuti ng Panginoon ang aking panginoon at siya'y naging dakila. Siya'y binigyan ng kawan at bakahan, pilak at ginto, mga aliping lalaki at babae, mga kamelyo at mga asno.

36 At si Sara na asawa ng aking panginoon ay nagkaanak ng lalaki sa aking panginoon nang siya'y matanda na, at kanyang ibinigay sa kanya ang lahat niyang pag-aari.

37 Pinapanumpa ako ng aking panginoon, na sinasabi, ‘Huwag mong ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang lupaing aking tinitirhan;

38 kundi pumunta ka sa bahay ng aking ama at sa aking mga kamag-anak at ikuha mo roon ng asawa ang aking anak.’

39 Kaya't sinabi ko sa aking panginoon, ‘Baka hindi sumama sa akin ang babae!’

40 At sinabi niya sa akin, ‘Ang Panginoon, na lagi kong sinusunod[b] ay magsusugo ng kanyang anghel upang makasama mo, at kanyang pagpapalain ang iyong lakad, at ikukuha mo ng asawa ang aking anak mula sa aking mga kamag-anak at sa angkan ng aking ama.

41 Makakalaya ka sa aking sumpa, kapag ikaw ay dumating sa aking mga kamag-anak; kahit hindi nila ibigay sa iyo ang babae ay makakalaya ka sa aking sumpa.’

42 “Dumating ako nang araw na ito sa bukal at aking sinabi, ‘O Panginoon, na Diyos ng aking panginoong si Abraham, kung kalooban mo, idinadalangin ko na iyong pagpalain ang daan na malapit ko nang tahakin.

43 Nakatayo ako sa tabi ng bukal ng tubig at kapag ang dalaga ay dumating upang umigib at sinabi ko sa kanya, “Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga;”

44 at sinabi niya sa akin, “Uminom ka, at iiigib ko rin ang iyong mga kamelyo,” ay siyang maging babaing pinili ng Panginoon sa anak ng aking panginoon.’

45 “Bago ako nakatapos sa pagsasalita sa aking puso, nakita ko si Rebecca na lumalabas na pasan ang kanyang banga sa kanyang balikat. Siya ay lumusong sa bukal at umigib at aking sinabi sa kanya, ‘Makikiinom ako sa iyo.’

46 Dali-dali niyang ibinaba ang kanyang banga sa kanyang balikat, at sinabi, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo,’ sa gayo'y uminom ako, at pinainom niya pati ang mga kamelyo.

47 At siya'y aking tinanong, ‘Kanino kang anak?’ At kanyang sinabi, ‘Anak ako ni Betuel, na anak ni Nahor, na ipinanganak sa kanya ni Milca.’ At inilagay ko ang singsing sa kanyang ilong, at ang mga pulseras sa kanyang mga kamay.

48 At aking iniyuko ang aking ulo at sumamba ako sa Panginoon at pinuri ang Panginoon, na Diyos ng aking panginoong si Abraham, na pumatnubay sa akin sa tunay na daan upang kunin ang anak ng kapatid ng aking panginoon, para sa kanyang anak.

49 Ngayon, kung kayo ay gagawa ng kagandahang-loob at katapatan sa aking panginoon ay sabihin ninyo sa akin, at kung hindi, ay sabihin din ninyo sa akin upang malaman ko kung ako ay liliko sa kanan o sa kaliwa.”

50 Nang magkagayo'y sumagot sina Laban at Betuel at sinabi, “Sa Panginoon ito nagmumula. Kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti.

51 Narito, si Rebecca ay nasa harap mo, dalhin mo, at humayo ka. Siya'y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.”

52 Nang marinig ng alipin ni Abraham ang kanilang mga salita, siya ay nagpatirapa sa lupa sa harap ng Panginoon.

53 At naglabas ang alipin ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit, at ibinigay kay Rebecca. Nagbigay rin siya ng mahahalagang bagay sa kanyang kapatid na lalaki at sa kanyang ina.

54 At sila'y nagsikain at nagsiinom, siya at ang mga taong kasama niya, at doon nagpalipas ng magdamag. Bumangon sila nang umaga at kanyang sinabi, “Pabalikin na ninyo ako sa aking panginoon.”

55 At sinabi ng kanyang kapatid na lalaki at ng kanyang ina, “Hayaan muna ninyong manatili sa amin ang dalaga ng ilang araw, sampung araw man lamang; pagkatapos ay maaari na siyang umalis.”

56 At sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyo akong patagalin, yamang pinagpala ng Panginoon ang aking lakad. Pabalikin na ninyo ako upang ako'y makauwi sa aking panginoon.”

57 Sinabi nila, “Tatawagin namin ang dalaga at tatanungin siya.”

58 At kanila ngang tinawag si Rebecca at kanilang sinabi sa kanya, “Sasama ka ba sa lalaking ito?” At sinabi niya, “Sasama ako.”

59 Kaya't kanilang pinasama si Rebecca na kanilang kapatid at ang kanyang tagapag-alaga kasama ang alipin ni Abraham at ang kanyang mga tauhan.

60 At kanilang binasbasan si Rebecca at sinabi nila sa kanya, “Kapatid namin, maging ina ka nawa ng libu-libo at makamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng mga napopoot sa kanila.”

61 Tumindig si Rebecca at ang kanyang mga abay, at sila ay sumakay sa mga kamelyo, at sumunod sa lalaki; at dinala ng alipin si Rebecca at humayo.

62 Ngayon, si Isaac ay nanggaling sa daang Beer-lahai-roi at siya'y nakatira sa lupain ng Negeb.

63 Lumabas si Isaac sa parang upang maglakad-lakad ng dapit-hapon. Itinaas niya ang kanyang mga paningin at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo.

64 Tumingin naman si Rebecca at kanyang nakita si Isaac. Mabilis siyang bumaba sa kamelyo.

65 Sinabi ni Rebecca sa alipin, “Sino ang taong ito na naglalakad sa parang upang sumalubong sa atin?” At sinabi ng alipin, “Iyon ang aking panginoon.” Kinuha niya ang kanyang belo, at siya'y nagtakip.

66 At isinalaysay ng alipin kay Isaac ang lahat ng kanyang ginawa.

Ang Pag-aasawa ni Isaac

67 Dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kanyang ina. Kinuha niya si Rebecca at siya'y naging asawa niya, at siya'y kanyang minahal. Kaya't naaliw si Isaac pagkamatay ng kanyang ina.

Mateo 23

Babala Laban sa mga Eskriba at mga Fariseo(A)

23 Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad,

na sinasabi, “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises.

Kaya't gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.

Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin,[a] at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri.

Ginagawa(B) nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[b] at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit.

Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga,

at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, ‘Rabi.’

Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid.

At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, siya na nasa langit.

10 Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo.

11 Ang(C) pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.

12 Sinumang(D) nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas.

Tinuligsa ni Jesus ang mga Eskriba at mga Fariseo(E)

13 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga pumapasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok.

[14 Kahabag-habag kayo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.]

15 Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang magkaroon ng isang mahihikayat, at kung siya'y nahikayat na ay ginagawa ninyo siyang makalawang-ulit pang anak ng impiyerno kaysa inyong mga sarili.

16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya ay may pananagutan.’

17 Kayong mga mangmang at mga bulag! Alin ba ang higit na dakila, ang ginto, o ang templo na nagpapabanal sa ginto?

18 At sinasabi ninyo, ‘Kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, siya ay may pananagutan.’

19 Kayong mga bulag! Sapagkat alin ba ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog?

20 Kaya't ang gumagamit sa dambana sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw nito.

21 At ang gumagamit sa templo sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa kanya na tumatahan sa loob nito.

22 Ang(F) gumagamit sa langit sa pagsumpa ay nanunumpa sa trono ng Diyos at sa kanya na nakaupo doon.

23 “Kahabag-habag(G) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nag-iikapu kayo ng yerbabuena, ng anis at ng komino, at inyong pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan: ang katarungan, ang habag, at ang pananampalataya. Subalit dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba.

24 Kayong mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!

25 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô sila ng kasakiman at kalayawan.

26 Ikaw na bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[c] upang luminis din naman ang labas nito.

27 “Kahabag-habag(H) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo sa mga pinaputing libingan na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng uri ng karumihan.

28 Gayundin naman kayo, na sa labas ay mistulang matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay punô kayo ng pagkukunwari at kasamaan.

Paunang Sinabi ni Jesus ang Kanilang Magiging Kaparusahan(I)

29 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at pinapalamutian ninyo ang mga bantayog ng mga matuwid,

30 at sinasabi ninyo, ‘Kung nabuhay sana kami sa mga araw ng aming mga ninuno, hindi kami makikibahagi sa kanila sa dugo ng mga propeta.’

31 Kaya't kayo'y nagpapatotoo na rin laban sa inyong sarili, na kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta.

32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.

33 Kayong(J) mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong, paano kayo makakatakas sa kahatulan sa impiyerno?[d]

34 Kaya't, narito, nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng mga pantas, at ng mga eskriba, na ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus, at ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at inyong uusigin sa bayan-bayan,

35 upang(K) mapasainyong lahat ang matuwid na dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa buhat sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na inyong pinaslang sa pagitan ng templo at ng dambana.

36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(L)

37 “O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!

38 Masdan(M) ninyo, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.[e]

39 Sapagkat(N) sinasabi ko sa inyo na mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.’”

Nehemias 13

Paghiwalay sa mga Taga-ibang Bansa

13 Nang(A) araw na iyon ay bumasa sila sa aklat ni Moises sa pandinig ng taong-bayan; at doo'y natagpuang nakasulat na walang Ammonita o Moabita na dapat pumasok sa kapulungan ng Diyos magpakailanman;

sapagkat(B) hindi nila pinasalubungan ang mga anak ni Israel ng tinapay at tubig, kundi inupahan si Balaam laban sa kanila, upang sumpain sila—gayunma'y ginawang pagpapala ng aming Diyos ang sumpa.

Nang marinig ng taong-bayan ang kautusan, inihiwalay nila sa Israel ang lahat ng nagmula sa ibang mga bansa.

Mga Pagbabagong Isinagawa ni Nehemias

Bago nangyari ito, ang paring si Eliasib, na hinirang na mangasiwa sa mga silid ng bahay ng aming Diyos, at isang kamag-anak ni Tobias,

ay naghanda para kay Tobias ng isang malaking silid na dati nilang pinag-iimbakan ng mga handog na butil, mga kamanyang, mga sisidlan, mga ikasampung bahagi ng trigo, alak, at ng langis, na ibinigay sa pamamagitan ng utos sa mga Levita, sa mga mang-aawit, at sa mga bantay-pinto; at ang mga kaloob para sa mga pari.

Nang mangyari ito ay wala ako sa Jerusalem, sapagkat sa ikatatlumpu't dalawang taon ni Artaxerxes na hari ng Babilonia ay pumaroon ako sa hari. At pagkatapos ng ilang araw ay nagpaalam ako sa hari

at dumating sa Jerusalem. Doon ko natuklasan ang kasamaang ginawa ni Eliasib para kay Tobias, na ipinaghanda niya ito ng isang silid sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos.

Ako'y galit na galit, kaya't aking inihagis ang lahat ng kasangkapan ni Tobias sa labas ng silid.

Pagkatapos ay nag-utos ako at nilinis nila ang mga silid; at aking ibinalik roon ang mga kagamitan mula sa bahay ng Diyos, pati ang mga handog na butil at ang kamanyang.

10 Natagpuan(C) ko rin na ang bahagi ng mga Levita ay hindi naibigay sa kanila; kaya't ang mga Levita at ang mga mang-aawit na nagsigawa ng gawain ay tumakas sa kanya-kanyang bukid.

11 Kaya't nakipagtalo ako sa mga pinuno, at sinabi ko, “Bakit pinababayaan ang bahay ng Diyos?” At tinipon ko sila at inilagay sa kani-kanilang mga lugar.

12 Nang(D) magkagayo'y dinala ng buong Juda ang ikasampung bahagi ng trigo, ng alak, at ng langis sa mga bahay-imbakan.

13 Hinirang kong mga ingat-yaman sa mga bahay-imbakan sina Shelemias na pari, si Zadok na eskriba, at sa mga Levita, si Pedaya; at kasunod nila ay si Hanan na anak ni Zacur, na anak ni Matanias: sapagkat sila'y ibinilang na mga tapat; at ang kanilang katungkulan ay mamahagi sa kanilang mga kapatid.

14 Alalahanin mo ako, O aking Diyos, tungkol dito, at huwag mong pawiin ang aking mabubuting gawa na aking ginawa para sa bahay ng aking Diyos at para sa kanyang paglilingkod.

15 Nang(E) mga araw na iyon ay nakakita ako sa Juda ng mga lalaking nagpipisa sa mga ubasan sa araw ng Sabbath, at nagdadala ng mga uhay, at isinasakay sa mga asno, gayundin ng alak, mga ubas, mga igos, at lahat ng uri ng pasan, na kanilang ipinapasok sa Jerusalem sa araw ng Sabbath. Binalaan ko sila nang panahong iyon laban sa pagtitinda ng pagkain.

16 Gayundin ang mga lalaki mula sa Tiro, na naninirahan sa lunsod, ay nagpasok ng isda at ng lahat ng uri ng kalakal, at ipinagbili sa araw ng Sabbath sa mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem.

17 Kaya't nakipagtalo ako sa mga maharlika sa Juda, at sinabi ko sa kanila, “Ano itong masamang bagay na inyong ginagawa, na inyong nilalapastangan ang araw ng Sabbath?

18 Hindi ba ganito ang ginawa ng inyong mga ninuno, at hindi ba dinala ng ating Diyos ang lahat ng kasamaang ito sa atin, at sa lunsod na ito? Gayunma'y nagdadala kayo ng higit pang poot sa Israel sa pamamagitan ng paglapastangan sa Sabbath.”

19 Nang nagsisimula nang dumilim sa mga pintuan ng Jerusalem bago ang Sabbath, aking iniutos na ang mga pintuan ay dapat sarhan at nagbigay ng mga utos na ang mga iyon ay huwag buksan hanggang sa lumipas ang Sabbath. Inilagay ko ang ilan sa aking mga lingkod sa mga pintuan upang walang maipasok na pasan sa araw ng Sabbath.

20 Sa gayo'y ang mga mangangalakal at mga nagtitinda ng lahat ng uri ng kalakal ay nagpalipas ng magdamag sa labas ng Jerusalem minsan o makalawa.

21 Ngunit binalaan ko sila at sinabi sa kanila, “Bakit kayo'y nagpalipas ng magdamag sa harapan ng pader? Kapag muli ninyong ginawa ang ganyan, pagbubuhatan ko kayo ng kamay.” Mula nang panahong iyon ay hindi na sila dumating pa nang Sabbath.

22 Inutusan ko ang mga Levita na sila'y maglinis ng sarili, at pumaroon at bantayan ang mga pintuan upang ipangilin ang araw ng Sabbath. Alalahanin mo rin ito alang-alang sa akin, O aking Diyos, at kahabagan mo ako ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig.

23 Nang(F) mga araw ding iyon ay nakita ko ang mga Judio na nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon, at Moab;

24 at kalahati sa kanilang mga anak ay nagsasalita ng wikang Asdod, at hindi sila makapagsalita sa wika ng Juda, kundi ayon sa wika ng bawat bayan.

25 At ako'y nakipagtalo sa kanila, sinumpa ko sila, sinaktan ko ang iba sa kanila, sinabunutan ko sila, at pinasumpa ko sila sa pangalan ng Diyos, na sinasabi, “Huwag ninyong ibibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kukunin man ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, o para sa inyong mga sarili.

26 Hindi(G) ba't nagkasala si Solomon na hari ng Israel dahil sa ganyang mga babae? Sa gitna ng maraming bansa ay walang haring gaya niya, at siya'y minahal ng kanyang Diyos, at ginawa siya ng Diyos na hari sa buong Israel, gayunma'y ibinunsod siya sa pagkakasala ng mga babaing banyaga.

27 Makikinig ba kami sa inyo at gagawin ang lahat ng ganitong malaking kasamaan at magtataksil laban sa ating Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa sa mga babaing banyaga?”

28 At(H) isa sa mga anak ni Jehoiada, na anak ni Eliasib na pinakapunong pari, ay manugang ni Sanballat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa aking harapan.

29 Alalahanin mo sila, O Diyos ko, sapagkat kanilang dinumihan ang pagkapari, ang tipan ng pagkapari at ang mga Levita.

30 Sa gayo'y nilinis ko sila sa lahat ng mga bagay na banyaga, at itinatag ko ang mga katungkulan ng mga pari at ng mga Levita, bawat isa'y sa kanyang gawain;

31 at naglaan ako para sa kaloob na panggatong, sa mga takdang panahon, at para sa mga unang bunga. Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.

Mga Gawa 23

23 Habang nakatitig na mabuti si Pablo sa Sanhedrin, ay sinabi niya, “Mga ginoo, mga kapatid, hanggang sa mga araw na ito, ako'y nabuhay nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos.”

Pagkatapos, ipinag-utos ng pinakapunong paring si Ananias sa mga nakatayong malapit sa kanya na siya'y hampasin sa bibig.

Nang(A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang ako'y hatulan ayon sa kautusan, ngunit ako'y ipinahahampas mo nang labag sa kautusan?”

Sinabi ng mga nakatayo sa malapit, “Nilalait mo ba ang pinakapunong pari ng Diyos?”

At(B) sinabi ni Pablo, “Hindi ko alam, mga kapatid, na siya'y pinakapunong pari, sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’”

Nang(C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, “Mga ginoo, mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Ako'y nililitis tungkol sa pag-asa at muling pagkabuhay ng mga patay.”

Nang sabihin niya ito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Fariseo at mga Saduceo; at nahati ang kapulungan.

(Sapagkat(D) sinasabi ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, o anghel, o espiritu; ngunit pinaniniwalaan ng mga Fariseo ang lahat ng ito.)

Pagkatapos ay nagkaroon ng malakas na sigawan, at tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainitang nagtalo na sinasabi, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?”

10 Nang lumalaki ang kaguluhan, sa takot ng pinunong kapitan na baka lurayin nila si Pablo, ay pinababa ang mga kawal, sapilitang ipinakuha siya at siya'y ipinasok sa himpilan.

11 Nang gabing iyon, lumapit sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”

Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagkatipon ang mga Judio, at nagsabwatan sa pamamagitan ng isang sumpa, na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo.

13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito.

14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatanda, at nagsabi, “Kami ay namanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo.

15 Kaya't kayo, pati ang Sanhedrin ay sabihan ninyo ang punong kapitan na kanyang ibaba siya sa inyo, na kunwari'y ibig ninyong siyasatin ng lalong ganap ang paratang tungkol sa kanya. At nakahanda na kaming patayin siya bago siya lumapit.”

16 Ngunit narinig ng anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo ang tungkol sa kanilang pag-aabang kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita kay Pablo.

17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, “Dalhin mo ang binatang ito sa punong kapitan sapagkat siya'y mayroong sasabihin sa kanya.”

18 Kaya't siya'y isinama at dinala sa punong kapitan, at sinabi, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito na mayroong sasabihin sa iyo.”

19 At hinawakan siya sa kamay ng punong kapitan at sa isang tabi ay lihim na tinanong siya, “Ano ang sasabihin mo sa akin?”

20 Sinabi niya, “Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipakiusap na iyong dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, na kunwari'y may sisiyasatin pa silang mabuti tungkol sa kanya.

21 Subalit huwag kang maniniwala sa kanila, sapagkat mahigit na apatnapu sa kanilang mga tao ang nag-aabang sa kanya. Sila'y namanata sa ilalim ng isang sumpa na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay. Ngayo'y handa na sila at naghihintay ng iyong pagsang-ayon.”

22 Kaya't pinaalis ng punong kapitan ang binata, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinagbigay-alam mo sa akin ang mga bagay na ito.”

Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix

23 Pagkatapos ay kanyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, “Sa ikatlong oras[a] ng gabi, ihanda ninyo ang dalawandaang kawal kasama ang pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea.

24 Ipaghanda rin ninyo sila ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ihatid na ligtas kay Felix na gobernador.”

25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:

26 “Si Claudio Lisias sa kagalang-galang na gobernador Felix, ay bumabati.

27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin sana nila, ngunit nang malaman kong siya'y mamamayan ng Roma dumating ako na may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko.

28 At sa pagnanais kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay dinala ko siya sa kanilang Sanhedrin.

29 Nalaman ko na siya'y kanilang isinasakdal tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang anumang paratang laban sa kanya na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.

30 Nang ipaalam sa akin na may banta laban sa taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at aking ipinag-utos din sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang laban sa kanya.”

31 Kaya't kinuha si Pablo ng mga kawal, ayon sa iniutos sa kanila, at nang gabi ay dinala siya sa Antipatris.

32 Nang sumunod na araw, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa himpilan.

33 Nang makarating sila sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, iniharap din nila si Pablo sa kanya.

34 At pagkabasa sa sulat, itinanong niya kung taga-saang lalawigan siya at nang malaman niya na siya'y taga-Cilicia,

35 ay sinabi niya, “Papakinggan kita pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niya na siya'y bantayan sa palasyo ni Herodes.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001