M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Hagar at si Ismael
16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kanya; at siya'y may isang alilang babae na taga-Ehipto, na ang pangalan ay Hagar.
2 Sinabi ni Sarai kay Abram, “Ako'y hinadlangan ng Panginoon na magkaanak. Sumiping[a] ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya.” At pinakinggan ni Abram ang sinabi ni Sarai.
3 Kaya't pagkaraan ng sampung taong paninirahan ni Abram sa lupain ng Canaan, kinuha ni Sarai na asawa ni Abram si Hagar na taga-Ehipto, na kanyang alila, at ibinigay kay Abram na kanyang asawa upang maging asawa niya.
4 Siya'y sumiping kay Hagar at naglihi; at nang makita ni Hagar na siya'y naglihi, tiningnan niya na may paghamak ang kanyang panginoong babae.
5 At sinabi ni Sarai kay Abram, “Mapasaiyo nawa ang kasamaang ginawa sa akin, ibinigay ko ang aking alila sa iyong kandungan; at nang kanyang makita na siya'y naglihi ay hinamak ako sa kanyang paningin. Ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo.”
6 Subalit sinabi ni Abram kay Sarai, “Ang iyong alila ay nasa iyong kapangyarihan. Gawin mo sa kanya ang mabuti sa iyong paningin.” Pinagmalupitan siya ni Sarai at si Hagar ay tumakas.
7 Natagpuan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur.
8 At sinabi niya, “Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” At kanyang sinabi, “Ako'y tumatakas kay Sarai na aking panginoon.”
9 Sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Magbalik ka sa iyong panginoon, at pasakop ka sa kanyang mga kamay.”
10 Sinabi din sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Pararamihin kong lubos ang iyong binhi, at sila'y hindi mabibilang dahil sa karamihan.”
11 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Ngayon, ikaw ay nagdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Ang itatawag mo sa kanyang pangalan ay Ismael, sapagkat pinakinggan ng Panginoon ang iyong dalamhati.”
12 Siya'y magiging isang taong gaya ng mailap na asno, ang kanyang kamay laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kanya; at habang nabubuhay ay kalaban ng lahat niyang mga kapatid.
13 Kaya't kanyang pinangalanan ang Panginoon na nagsalita sa kanya, “Ikaw ay Diyos na nakakakita;”[b] sapagkat sinabi niya, “Talaga bang nakita ko ang Diyos at nanatiling buháy pagkatapos na makita siya?”
14 Kaya't pinangalanan ang balong iyon na Balon ng Nabubuhay na Nakakakita sa Akin;[c] ito'y nasa pagitan ng Kadesh at Bered.
15 At(A) nanganak si Hagar ng isang lalaki kay Abram at ang itinawag ni Abram sa kanyang anak na ipinanganak ni Hagar ay Ismael.
16 Si Abram ay walumpu't anim na taon nang ipanganak ni Hagar si Ismael sa kanya.
Mga Minanang Turo(A)
15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,
2 “Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”
3 Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?
4 Sapagkat(B) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’
5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.
6 Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[a] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.
7 Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang(C) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Pinalapit ni Jesus[b] sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain.
11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.”
12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?”
13 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.
14 Hayaan(E) ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay.[c] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”
15 Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.”
16 At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa?
17 Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
18 Ngunit(F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao.
19 Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan.
20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”
Ang Pananalig ng Babaing Cananea(G)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.
22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”
23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”
24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”
25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”
26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”
27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”
28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.
30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.
31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(H)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”
33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”
35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.
36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.
37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.
38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[d]
Ang Pang-aapi sa mga Dukha
5 Nagkaroon ng malakas na pagtutol ang taong-bayan at ang kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio.
2 Sapagkat may nagsabi, “Kasama ang ating mga anak na lalaki at babae, tayo ay marami; kumuha tayo ng trigo upang tayo'y may makain at manatiling buháy.”
3 May nagsabi rin, “Aming isinasangla ang aming mga bukid, mga ubasan, at mga bahay upang makakuha ng butil dahil sa taggutom.”
4 May nagsabi rin, “Kami'y nanghiram ng salapi para sa buwis ng hari na ipinataw sa aming mga bukid at aming mga ubasan.
5 Ngayon ang aming laman ay gaya rin ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak, ngunit aming pinipilit ang aming mga anak na lalaki at babae upang maging mga alipin, at ang ilan sa aming mga anak na babae ay naging alipin na. Ngunit wala kaming kakayahang makatulong, sapagkat nasa ibang mga tao ang aming bukid at mga ubasan.”
6 Ako'y galit na galit nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga pagtutol na ito.
7 Pagkatapos(A) na pag-isipan ito, pinaratangan ko ang mga maharlika at ang mga pinuno, at sinabi ko sa kanila, “Kayo'y nagpapatubo maging sa inyong sariling kapatid.” Ako'y nagpatawag ng malaking pagtitipon laban sa kanila.
8 Sinabi ko sa kanila, “Kami, sa abot ng aming makakaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio na ipinagbili sa mga bansa; ngunit inyo pang ipinagbili ang inyong mga kapatid upang sila'y maipagbili sa amin!” Sila'y tumahimik at walang masabing anuman.
9 Kaya't sinabi ko, “Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti. Hindi ba marapat na kayo'y lumakad na may takot sa ating Diyos, upang maiwasan ang pag-alipusta ng ating mga kaaway na bansa?
10 Gayundin, ako at ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nagpahiram sa kanila ng salapi at butil. Tigilan na natin ang ganitong pagpapatubo.
11 Isauli ninyo sa kanila sa araw ding ito ang kanilang mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, mga bahay, gayundin ang ika-isandaang bahagi ng salapi, trigo, alak, at langis na inyong ipinapataw sa kanila.”
12 Pagkatapos ay sinabi nila, “Isasauli namin ang mga ito at wala kaming hihingin sa kanila. Gagawin namin ang ayon sa iyong sinasabi.” Tinawag ko ang mga pari at pinanumpa ko sila na gawin ang ayon sa ipinangako nila.
13 Ipinagpag ko rin ang laylayan ng aking damit at sinabi, “Ganito nawa pagpagin ng Diyos ang bawat tao mula sa kanyang bahay at mula sa kanyang gawain na hindi tumupad ng pangakong ito. Ganito nawa siya maipagpag at mahubaran.” At ang buong kapulungan ay nagsabi, “Amen” at pinuri ang Panginoon. At ginawa ng taong-bayan ang ayon sa kanilang ipinangako.
Ang Pagiging Di-makasarili ni Nehemias
14 Bukod dito, mula nang panahong ako'y hirangin na maging tagapamahala nila sa lupain ng Juda, mula sa ikadalawampung taon hanggang sa ikatatlumpu't dalawang taon ni Haring Artaxerxes, samakatuwid ay labindalawang taon, ako at ang aking mga kapatid ay hindi kumain ng pagkaing panustos para sa tagapamahala.
15 Ang mga dating tagapamahalang nauna sa akin ay nagpataw ng mabigat na pasanin sa taong-bayan, at kumuha sa kanila ng pagkain at alak, bukod sa apatnapung siklong pilak. Maging ang kanilang mga lingkod ay nagmalupit sa taong-bayan. Ngunit iyon ay hindi ko ginawa, dahil sa takot sa Diyos.
16 Itinalaga ko ang aking sarili sa gawain sa pader na ito, at hindi bumili ng lupain; at ang lahat ng aking mga lingkod ay nagtipun-tipon doon para sa gawain.
17 Bukod dito'y nagkaroon sa aking hapag ng isandaan at limampung katao, mga Judio at mga pinuno, bukod sa pumunta sa amin mula sa mga bansang nasa palibot namin.
18 Ang inihahanda sa bawat araw ay isang baka at anim na tupang pinili; ang mga manok ay inihanda rin para sa akin, at bawat sampung araw ay maraming sari-saring alak. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito ay hindi ako humingi ng pagkaing panustos para sa tagapamahala, dahil sa mabigat na pasanin ng paggawa na nasa taong-bayan.
19 O aking Diyos, alalahanin mo para sa aking ikabubuti, ang lahat ng aking ginawa para sa bayang ito.
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May(A) ilang tao ang dumating mula sa Judea na nagtuturo sa mga kapatid, “Maliban na kayo'y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.”
2 Pagkatapos na magkaroon sina Pablo at Bernabe ng hindi maliit na pakikipagtalo at pakikipagsalungatan sa kanila, sina Pablo at Bernabe, at ang ilan sa iba pa ay inatasang pumunta sa Jerusalem, upang talakayin ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatanda.
3 Kaya't isinugo sila ng iglesya sa kanilang paglalakbay, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabagong-loob ng mga Hentil at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.
4 Nang sila'y makarating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesya at ng mga apostol at ng matatanda, at iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
5 Subalit ang ilang mananampalataya na kasapi sa sekta ng mga Fariseo ay tumayo at nagsabi, “Kailangang sila'y tuliin at utusang sundin ang kautusan ni Moises.”
6 Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito.
7 Pagkatapos(B) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga ginoo, mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga unang araw ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Hentil ang salita ng ebanghelyo, at sila'y manampalataya.
8 At(C) ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin;
9 at tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.
10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng pamatok sa batok ng mga alagad na kahit ang ating mga ninuno ni tayo ay hindi nakayang dalhin?
11 Ngunit naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila.”
12 Tumahimik ang buong kapulungan at kanilang pinakinggan sina Bernabe at Pablo na isinasalaysay ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Hentil.
13 Nang matapos na silang magsalita ay sumagot si Santiago, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.
14 Ipinaliwanag na ni Simeon kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan para sa kanyang pangalan.
15 At dito'y sumasang-ayon ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos(D) ng mga bagay na ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang tolda ni David na bumagsak;
muli kong itatatag ang guho nito,
at ito'y aking itatayo:
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
18 sabi ng Panginoon na nagpakilala ng mga bagay na ito mula ng una.’
19 Kaya't ang hatol ko ay huwag nating gambalain ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos.
20 Sa(E) halip ay sumulat tayo sa kanila, na sila'y lumayo sa mga bagay na pinarumi ng diyus-diyosan at pakikiapid, at sa anumang bagay na binigti, at sa dugo.
21 Sapagkat mula sa mga unang salinlahi si Moises ay mayroon sa bawat lunsod na nangangaral tungkol sa kanya, dahil binabasa siya nang malakas tuwing Sabbath sa mga sinagoga.”
Ang Sulat sa mga Mananampalatayang Hentil
22 Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesya, na pumili ng kalalakihan mula sa kanilang bilang at isugo sa Antioquia na kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, na mga nangungunang lalaki sa mga kapatid,
23 at isinulat sa pamamagitan ng kamay nila:
“Ang mga apostol at ang matatanda, ang mga kapatid, sa mga kapatid na nasa mga Hentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati.
24 Yamang aming nabalitaan na ang ilang tao mula sa amin ay nagsabi ng mga bagay upang bagabagin kayo at ginugulo ang inyong mga isip gayong hindi namin sila binigyan ng tagubilin,
25 ay may pagkakaisa naming ipinasiya na humirang ng mga lalaki at isugo sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na sina Bernabe at Pablo,
26 na mga lalaking nagsuong ng kanilang mga buhay sa panganib alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
27 Kaya't isinugo namin sina Judas at Silas na magsasabi sa inyo ng gayunding mga bagay sa pamamagitan ng salita ng bibig.
28 Sapagkat minabuti ng Espiritu Santo at namin na huwag kayong pagpasanin ng higit na mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kailangan:
29 na kayo'y umiwas sa mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa mga binigti, at sa pakikiapid. Kung kayo'y iiwas sa mga bagay na ito ay ikabubuti ninyo. Paalam.”
30 Kaya't nang sila'y makaalis na, pumunta sila sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat.
31 Nang ito'y kanilang mabasa, sila ay nagalak sa pangaral.
32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin naman, ay nagsalita ng marami upang pasiglahin at palakasin ang mga kapatid.
33 Pagkatapos na sila'y manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila.
[34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.]
35 Ngunit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon na kasama rin ang marami pang iba.
Naghiwalay sina Pablo at Bernabe
36 Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.”
37 Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag na Marcos.
38 Ngunit(F) minabuti ni Pablo na huwag isama ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain.
39 At nagkaroon ng mainitang pagtatalo, anupa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus.
40 Ngunit pinili ni Pablo si Silas, at sila'y umalis na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon.
41 Siya'y dumaan sa Siria at Cilicia at pinalakas ang mga iglesya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001