M’Cheyne Bible Reading Plan
Ipinanganak si Isaac
21 Dinalaw ng Panginoon si Sara ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kanyang pangako.
2 Si(A) Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalaki kay Abraham sa kanyang katandaan, sa takdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya.
3 Tinawag ni Abraham na Isaac ang anak na ipinanganak sa kanya ni Sara.
4 At(B) tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac pagkaraan ng walong araw gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya.
5 Si Abraham ay isandaang taong gulang nang ipanganak si Isaac na kanyang anak.
6 Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Diyos, sinumang makarinig ay makikitawa sa akin.”
7 At sinabi niya, “Sino ang magsasabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng mga anak? Ngunit ako'y nagkaanak pa sa kanya ng isang lalaki sa kanyang katandaan.”
Pinalayas sina Hagar at Ismael
8 Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac.
9 Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac.
10 Kaya't(C) sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac.”
11 Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak.
12 Sinabi(D) ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi.
13 Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi.”
14 Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba.
15 Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno.
16 At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, “Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata.” At pag-upo niya sa tapat ng bata,[a] siya'y nagsisigaw at umiiyak.
17 Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, “Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan.
18 Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa.”
19 Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata.
20 Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana.
21 Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto.
Ang Pagtatalo nina Abraham at Abimelec
22 Nang(E) panahong iyon, si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, “Sumasaiyo ang Diyos sa lahat mong ginagawa.
23 Ngayon nga'y isumpa mo rito sa akin alang-alang sa Diyos, na di ka magsisinungaling sa akin, sa aking anak, at sa aking tagapagmana. Ayon sa kagandahang-loob na ipinakita ko sa iyo ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong tinitirhan.”
24 At sinabi ni Abraham, “Sumusumpa ako.”
25 Nang sumbatan ni Abraham si Abimelec dahil sa isang balon ng tubig na sinamsam sa kanya ng mga tauhan ni Abimelec,
26 ay sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sinong gumawa ng bagay na ito. Hindi mo naman sinabi sa akin, at hindi ko naman nabalitaan kundi ngayon.”
27 Kaya't kumuha si Abraham ng mga tupa at baka at ibinigay kay Abimelec; at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan.
28 Nagbukod si Abraham ng pitong babaing kordero sa kawan.
29 At sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Ano itong pitong babaing kordero na iyong ibinukod?”
30 Sinabi niya, “Itong pitong babaing kordero ay iyong kukunin sa akin upang ikaw ay maging saksi ko na hinukay ko ang balong ito.”
31 Kaya't tinawag niya ang lugar na iyon bilang Beer-seba; sapagkat doon sila kapwa sumumpa.
32 Pagkatapos nilang gumawa ng isang tipan sa Beer-seba, tumindig si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo at bumalik sa lupain ng mga Filisteo.
33 Nagtanim si Abraham ng isang punungkahoy ng tamarisko sa Beer-seba, at doon ay tinawag niya ang pangalan ng Panginoon, ang Walang Hanggang Diyos.
34 At si Abraham ay tumira ng maraming araw bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo.
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na pinuno ng sambahayan, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan.
2 Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario sa isang araw ay kanyang isinugo sila sa kanyang ubasan.
3 At paglabas niya nang ikatlong oras,[a] nakita niya ang iba sa pamilihan na nakatayong walang ginagawa.
4 at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at anumang nararapat ay ibibigay ko sa inyo.’ At pumunta sila.
5 Paglabas niyang muli nang malapit na ang ikaanim[b] na oras at ikasiyam,[c] gayundin ang ginawa niya.
6 At nang malapit na ang ikalabing-isang oras,[d] lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayo; at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’
7 Sinabi nila sa kanya, ‘Sapagkat walang umuupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’
8 Nang(A) magdadapit-hapon na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng mga upa mula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’
9 Nang lumapit ang mga inupahan nang ikalabing-isang oras,[e] tumanggap ang bawat isa sa kanila ng isang denario.
10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y tatanggap sila ng mas malaking halaga; ngunit tumanggap din ang bawat isa sa kanila ng isang denario.
11 At nang tanggapin nila ito ay nagreklamo sila sa pinuno ng sambahayan,
12 na nagsasabi, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, at ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.’
13 Ngunit sumagot siya at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya; hindi ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denario?
14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Nais kong ibigay sa huling nagtrabaho ang kagaya ng ibinigay ko sa iyo.
15 Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba[f] sapagkat ako'y mabuti?’
16 Kaya't(B) ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.”[g]
Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)
17 Habang umaahon si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila,
18 “Narito, umaahon tayo patungong Jerusalem. Ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba; at kanilang hahatulan siya ng kamatayan.
19 At kanilang ibibigay siya sa mga Hentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus; at siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(D)
20 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus[h] ang ina ng mga anak ni Zebedeo, na kasama ang kanyang mga anak na lalaki. Siya'y lumuhod sa kanya at may hiniling na isang bagay sa kanya.
21 At sinabi niya sa kanya, “Ano ang ibig mo?” Sinabi niya sa kanya, “Ipag-utos mo na itong dalawa kong anak ay umupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.”
22 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman? Sinabi nila sa kanya, “Kaya namin.”
23 Sinabi niya sa kanila, “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa, ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob, kundi iyon ay para sa kanila na pinaglalaanan ng aking Ama.”
24 Nang marinig ito ng sampu ay nagalit sila sa dalawang magkapatid.
25 Ngunit(E) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay nangingibabaw na panginoon sa kanila, at ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan sa kanila.
26 Hindi(F) maaaring magkagayon sa inyo, kundi ang sinuman sa inyo na nagnanais maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo;
27 at sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging alipin ninyo,
28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(G)
29 Nang sila'y papalabas na sa Jerico, sumunod sa kanya ang napakaraming tao.
30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng lansangan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y sumigaw na nagsasabi, “Mahabag[i] ka sa amin, Anak ni David!”
31 Ngunit sinaway sila ng maraming tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw na nagsasabi, “Mahabag ka sa amin Panginoon, Anak ni David!”
32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Anong nais ninyong gawin ko sa inyo?”
33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, mabuksan nawa ang mga mata namin.”
34 Dahil sa habag ay hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata. Kaagad, nakakita silang muli at sila'y sumunod sa kanya.
10 Yaong mga naglagay ng kanilang tatak ay sina Nehemias na tagapamahala, na anak ni Hachalias, at si Zedekias,
2 Seraya, Azarias, Jeremias,
3 Pashur, Amarias, Malkia,
4 Hatus, Sebanias, Malluc,
5 Harim, Meremot, Obadias,
6 si Daniel, Gineton, Baruc,
7 Mesulam, Abias, Mijamin,
8 Maasias, Bilgai at si Shemaya: ang mga ito'y mga pari.
9 Ang mga Levita: sina Jeshua na anak ni Azanias, si Binui sa mga anak ni Henadad, si Cadmiel,
10 at ang kanilang mga kapatid na sina Sebanias, Hodias, Kelita, Pelaia, Hanan,
11 Mica, Rehob, Hashabias,
12 Zacur, Sherebias, Sebanias,
13 Hodias, Bani, at si Beninu.
14 Ang mga puno ng bayan: sina Paros, Pahat-moab, Elam, Zatu, Bani,
15 Buni, Azgad, Bebai,
16 Adonias, Bigvai, Adin,
17 Ater, Hezekias, Azur,
18 Hodias, Hasum, Bezai,
19 Arif, Anatot, Nebai,
20 Magpias, Mesulam, Hezir,
21 Mesezabel, Zadok, Jadua,
22 Pelatias, Hanan, Anaias,
23 Hosheas, Hananias, Hashub,
24 Hallohes, Pilha, Sobec,
25 Rehum, Hasabna, si Maasias,
26 Ahijas, Hanan, Anan,
27 Malluc, Harim, at si Baana.
Ang Kasunduan
28 At ang iba pa sa taong-bayan, ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pinto, mga mang-aawit, mga lingkod sa templo, at lahat ng humiwalay sa mga mamamayan ng mga lupain sa kautusan ng Diyos, ang kanilang mga asawa, ang kanilang mga anak na lalaki at babae, lahat ng may kaalaman at pagkaunawa,
29 ay sumama sa kanilang mga kapatid, sa kanilang mga maharlika, at nanumpa na may panata na lalakad sa kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises na lingkod ng Diyos, at upang ganapin at gawin ang lahat ng utos ng Panginoon na aming Panginoon, at ang kanyang mga batas at mga tuntunin.
30 Hindi(A) ibibigay ang aming mga anak na babae sa mga mamamayan ng lupain, o papag-aasawahin man ang kanilang mga anak na babae sa aming mga anak na lalaki.
31 Kung(B) ang mga mamamayan ng lupain ay magdala ng mga kalakal o ng anumang butil sa araw ng Sabbath upang ipagbili, kami ay hindi bibili sa kanila sa Sabbath, o sa isang banal na araw. Aming hahayaan ang mga anihin sa ikapitong taon at ang pagsingil ng bawat utang.
32 Ipinapataw(C) din namin sa aming sarili ang katungkulang singilin ang aming sarili sa taun-taon ng ikatlong bahagi ng isang siklo para sa paglilingkod sa bahay ng aming Diyos:
33 para sa tinapay na handog, sa patuloy na handog na butil, sa patuloy na handog na sinusunog, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, sa mga takdang kapistahan, sa mga banal na bagay, at sa mga handog pangkasalanan upang itubos sa Israel at sa lahat ng gawain sa bahay ng aming Diyos.
34 Kami ay nagpalabunutan din na kasama ang mga pari, mga Levita, at ang taong-bayan, para sa kaloob na panggatong upang dalhin ito sa bahay ng aming Diyos, ayon sa mga sambahayan ng aming mga ninuno sa mga panahong itinakda, taun-taon, upang sunugin sa ibabaw ng dambana ng Panginoon naming Diyos, gaya ng nakasulat sa kautusan.
35 Itinatakda(D) namin sa aming sarili na dalhin ang mga unang bunga ng aming lupa at ang mga unang bunga ng lahat ng bunga ng bawat punungkahoy, taun-taon, sa bahay ng Panginoon;
36 at(E) upang dalhin din sa bahay ng aming Diyos, sa mga pari na nangangasiwa sa bahay ng aming Diyos, ang panganay sa aming mga anak na lalaki at ng aming hayop, gaya ng nakasulat sa kautusan, at ang mga panganay ng aming bakahan at ng aming mga kawan;
37 at(F) upang aming dalhin ang mga unang bahagi ng aming harina, ang aming mga ambag, ang bunga ng bawat punungkahoy, ang alak at ang langis, sa mga pari, sa mga silid ng bahay ng aming Diyos; at upang dalhin ang mga ikasampung bahagi ng aming lupa sa mga Levita; sapagkat ang mga Levita ang lumilikom ng mga ikasampung bahagi sa lahat ng aming mga bayan sa kabukiran.
38 Ang(G) pari na anak ni Aaron ay sasama sa mga Levita kapag tumatanggap ang mga Levita ng mga ikasampung bahagi. At iaakyat ng mga Levita ang ikasampung bahagi ng mga ikasampung bahagi sa bahay ng aming Diyos, sa mga silid ng bahay-imbakan.
39 Sapagkat dadalhin ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Levi ang mga handog na trigo, alak, at langis sa mga silid na kinaroroonan ng mga sisidlan ng santuwaryo, at ng mga pari na nangangasiwa at ng mga bantay-pinto at mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang bahay ng aming Diyos.
Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia
20 Pagkatapos na tumigil ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pagkatapos na mapangaralan sila ay nagpaalam sa kanila, at umalis patungo sa Macedonia.
2 Nang malakbay na niya ang mga lupaing ito, at mapalakas ang loob nila sa pamamagitan ng maraming salita ay nagtungo siya sa Grecia.
3 Doon ay nanatili siya ng tatlong buwan. Nang siya'y maglalakbay na patungong Siria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasiya niyang bumalik na dumaan sa Macedonia.
4 Siya'y sinamahan ni Sopatro na taga-Berea, na anak ni Pirro; ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo.
5 Nauna ang mga ito at hinintay kami sa Troas,
6 ngunit naglakbay kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa kanila sa Troas, kung saan kami tumigil ng pitong araw.
Ang Huling Dalaw ni Pablo sa Troas
7 Nang unang araw ng sanlinggo, nang kami ay nagtitipon upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nagsalita sa kanila; yamang nagbabalak siya na umalis kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatinggabi.
8 Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin.
9 At may isang binata na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. Nakatulog siya nang mahimbing samantalang si Pablo ay nagsasalita nang mahaba; at dahil natalo ng antok ay nahulog siya mula sa ikatlong palapag, at siya'y patay na binuhat.
10 Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, “Huwag kayong mabahala sapagkat nasa kanya ang kanyang buhay.”
11 Nang si Pablo ay makapanhik na at makapagputul-putol na ng tinapay at makakain na, nakipag-usap siya sa kanila nang matagal hanggang sa sumikat ang araw, pagkatapos siya'y umalis na.
12 Kanilang dinalang buháy ang binata, at lubusan silang naaliw.
Mula sa Troas Patungo sa Mileto
13 Ngunit nang nauna kami sa barko, naglakbay kami patungo sa Asos, na mula roon ay binabalak naming isama si Pablo, sapagkat gayon ang kanyang ipinasiya, na binalak niyang sa lupa maglakbay.
14 Nang salubungin niya kami sa Asos, siya'y isinama namin, at nakarating kami sa Mitilene.
15 Sa paglalakbay namin mula roon, dumating kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chios. Nang sumunod na araw ay tumawid kami patungong Samos, at nakarating kami sa Mileto nang sumunod na araw.
16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang gumugol ng panahon sa Asia; sapagkat siya'y nagmamadali na makarating sa Jerusalem, kung maaari ay sa araw ng Pentecostes.
Nagpaalam si Pablo sa Matatanda sa Efeso
17 Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya.
18 Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila,
“Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia,
19 na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio.
20 Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay,
21 na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
22 At ngayon, bilang bihag sa Espiritu[a] ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon;
23 maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin.
24 Ngunit(A) hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos.
25 “At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha.
26 Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo,[b]
27 sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos.
28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa[c] upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[d] na binili niya ng kanyang sariling dugo.
29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan;
30 at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.
31 Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.
32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal.
33 Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman.
34 Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko.
35 Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”
36 Pagkatapos niyang magsalita ay lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat.
37 At silang lahat ay nag-iyakan, niyakap si Pablo at siya'y hinagkan,
38 na ikinalulungkot higit sa lahat ang salitang sinabi niya, na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Pagkatapos ay kanilang inihatid siya sa barko.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001