M’Cheyne Bible Reading Plan
Pagtutuli ang Tanda ng Tipan
17 Nang si Abram ay siyamnapu't siyam na taon, ang Panginoon ay nagpakita kay Abram, at sa kanya'y nagsabi, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Lumakad ka sa harapan ko, at maging walang kapintasan;
2 at ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking labis na pararamihin.”
3 At nagpatirapa si Abram, at sinabi ng Diyos sa kanya,
4 “Para sa akin, ito ang aking pakikipagtipan sa iyo: Ikaw ang magiging ama ng maraming bansa.
5 Ang(A) pangalan mo ay hindi na tatawaging Abram,[a] kundi Abraham ang magiging pangalan mo; sapagkat ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.
6 Ikaw ay gagawin kong mayroong napakaraming anak at magmumula sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari.
7 Aking(B) itatatag ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi.
8 At(C) ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo ang lupaing kung saan ka ngayon ay isang dayuhan, ang buong lupain ng Canaan bilang pag-aaring walang hanggan; at ako ang magiging Diyos nila.”
9 Sinabi ng Diyos kay Abraham, “At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, ikaw at ang iyong binhi pagkamatay mo sa buong lahi nila.
10 Ito(D) ang aking tipan na inyong iingatan, ang tipan natin at ng iyong binhi pagkamatay mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin.
11 Inyong tutuliin ang balat ng inyong maselang bahagi, at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo.
12 Sa inyong buong lahi, bawat lalaking may gulang na walong araw sa inyo ay tutuliin, maging ang aliping ipinanganak sa inyong bahay, o ang binili ng salapi sa sinumang taga-ibang lupa na hindi sa iyong lahi.
13 Ang aliping ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi ay dapat tuliin; at ang aking tipan ay makikita sa iyong laman bilang tipang walang hanggan.
14 Ang sinumang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang balat ng maselang bahagi ay ititiwalag sa kanyang bayan; sinira niya ang aking tipan.”
Ang Panganganak kay Isaac ay Ipinangako
15 At sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol kay Sarai na iyong asawa, huwag siyang tatawaging Sarai, kundi Sara[b] ang magiging pangalan niya.
16 Siya'y aking pagpapalain, at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Siya'y aking pagpapalain, at siya'y magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya.”
17 Nang magkagayo'y nagpatirapa at tumawa si Abraham, at sinabi sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa kaya ang isang tao na isandaang taong gulang na? Manganak pa kaya si Sara na siyamnapung taong gulang na?”
18 At sinabi ni Abraham sa Diyos, “Bakit hindi na lang si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”[c]
19 Sinabi ng Diyos, “Hindi! Ang iyong asawang si Sara ay tiyak na magkakaanak sa iyo, at tatawagin mo siya sa pangalang Isaac. Itatatag ko ang aking tipan sa kanya bilang isang walang hanggang tipan, at sa kanyang lahi pagkamatay niya.
20 Tungkol kay Ismael ay narinig kita. Pinagpala ko siya at siya'y gagawin kong mabunga at lubos kong pararamihin. Labindalawang prinsipe ang kanyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa.
21 Aking itatatag ang aking tipan kay Isaac na ipapanganak sa iyo ni Sara sa panahong ito sa taong darating.”
22 Pagkatapos makipag-usap sa kanya, ang Diyos ay pumaitaas na mula kay Abraham.
23 Ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kanyang anak, at ang lahat ng ipinanganak sa kanyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kanyang salapi, ang lahat ng lalaki sa mga kasambahay ni Abraham, at kanyang tinuli ang balat ng maselang bahagi ng kanilang katawan nang araw ding iyon, ayon sa sinabi ng Diyos sa kanya.
24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taong gulang nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.
25 At si Ismael ay labintatlong taon nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.
26 Nang araw ding iyon ay tinuli si Abraham at si Ismael na kanyang anak.
27 At lahat ng lalaking kasambahay niya, maging ang mga aliping ipinanganak sa bahay niya at ang mga binili ng salapi sa taga-ibang lupain ay tinuling kasama niya.
Hiningan ng Tanda si Jesus(A)
16 Dumating(B) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin siya, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit.
2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “[Sa dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, sapagkat mapula ang langit.’
3 At sa umaga, ‘Magiging maunos ngayon, sapagkat mapula ang langit at nagbabanta.’ Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit; ngunit hindi ninyo makilala ang mga tanda ng mga panahon.]
4 Ang(C) isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda, ngunit hindi ito bibigyan ng tanda, maliban sa tanda ni Jonas.” Kanyang iniwan sila at siya ay umalis.
Ang Lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(D)
5 Nang makarating ang mga alagad sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.
6 Sinabi(E) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”
7 Nag-usap sila sa isa't isa na nagsasabi, “Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay.”
8 Ngunit alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “O kayong maliliit ang pananampalataya, bakit kayo'y nagtatalo na wala kayong tinapay?
9 Hindi(F) pa ba ninyo nauunawaan o natatandaan ang limang tinapay para sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
10 O(G) iyong pitong tinapay para sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
11 Paanong hindi ninyo naunawaan na ang sinabi ko ay hindi tungkol sa tinapay? Ngunit mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo!”
12 Kaya't naunawaan nila na ang sinabi ni Jesus[a] ay hindi sa pampaalsa ng tinapay mag-ingat kundi sa mga aral ng mga Fariseo at Saduceo.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)
13 Nang dumating si Jesus sa nasasakupan ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?”
14 At(I) sinabi nila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”
16 Sumagot(J) si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”
17 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit.
18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[b] at sa ibabaw ng batong[c] ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.
19 Ibibigay(K) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”
20 Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Ipinahayag ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(L)
21 Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw.
22 At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, “Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo.”
23 Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
24 Pagkatapos(M) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
25 Sapagkat(N) ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[d] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
26 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?
27 Sapagkat(O) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.
28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian.”
Mga Pakana Laban kay Nehemias
6 Nang maibalita kina Sanballat, Tobias, at Gesem na taga-Arabia, at sa iba pa naming mga kaaway na naitayo ko na ang pader at wala nang sirang naiiwan doon; (bagaman hanggang sa panahong iyon ay hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga pintuang-bayan),
2 sina Sanballat at Gesem ay nagsugo sa akin, na nagpapasabi, “Pumarito ka, magkita tayo sa isa sa mga nayon sa kapatagan ng Ono.” Ngunit nagbabalak silang gawan ako ng masama.
3 At ako'y nagpadala ng mga sugo sa kanila, na nagsasabi, “Ako'y gumagawa ng isang dakilang gawain at hindi ako makakababa. Bakit kailangang itigil ang gawain, habang wala ako upang makababa lamang sa inyo?”
4 At sila'y nagsugo sa akin nang apat na ulit sa ganitong paraan at sinagot ko sila sa gayunding paraan.
5 Sa gayunding paraan isinugo ni Sanballat ang kanyang lingkod sa akin sa ikalimang pagkakataon na may bukas na sulat sa kanyang kamay.
6 Doon ay nakasulat: “Naibalita sa mga bansa, at sinasabi rin ni Gasmu na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik na siyang dahilan kung bakit nagtatayo ka ng pader. At nais mong maging hari nila, ayon sa ulat na ito.
7 At naglagay ka rin ng mga propeta upang magpahayag tungkol sa iyo sa Jerusalem, ‘May isang hari sa Juda.’ At ngayo'y ibabalita ito sa hari ayon sa mga salitang ito. Kaya't pumarito ka ngayon, at mag-usap tayo.”
8 Nang magkagayo'y nagsugo ako sa kanya, na sinasabi, “Walang ganyang mga bagay na gaya ng iyong sinasabi ang ginawa. Kinatha mo lamang ang mga iyan mula sa sarili mong pag-iisip.”
9 Sapagkat ibig nilang lahat na takutin kami, na nag-aakalang, “Hihinto ang mga kamay nila sa paggawa at hindi ito matatapos.” Ngunit ngayon, O Diyos, palakasin mo ang aking mga kamay.
10 Nang ako'y pumaroon sa bahay ni Shemaya na anak ni Delaias na anak ni Mehetabel na nakulong ay kanyang sinabi, “Tayo'y magtipon sa bahay ng Diyos, sa loob ng templo, at isara natin ang mga pinto ng templo; sapagkat sila'y darating upang patayin ka. Tiyak, sa gabi ay darating sila upang patayin ka.”
11 Ngunit aking sinabi, “Tatakas ba ang isang lalaking gaya ko? Ang tao bang gaya ko ay papasok sa templo upang iligtas ang buhay? Hindi ako papasok.”
12 At aking napag-alaman at nakita na hindi siya sinugo ng Diyos, kundi kanyang sinabi ang propesiya laban sa akin, sapagkat inupahan siya nina Tobias at Sanballat.
13 Para sa layuning ito ay inupahan siya, upang ako'y matakot at kumilos sa ganitong paraan at magkasala, upang mabigyan nila ako ng isang masamang pangalan at ako'y kanilang tuyain.
14 Alalahanin mo, O aking Diyos, sina Tobias at Sanballat ayon sa mga gawang ito na kanilang ginawa, gayundin ang babaing propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na nagnais na ako'y takutin.
Ang Pagtatapos ng Gawain
15 Sa gayo'y natapos ang pader sa ikadalawampu't limang araw ng buwan ng Elul, sa loob ng limampu't dalawang araw.
16 Nang ito'y mabalitaan ng lahat ng aming mga kaaway, ang lahat ng mga bansang nasa palibot namin ay natakot at napahiya sa kanilang sariling pagmamataas, sapagkat kanilang nabatid na ang gawang ito ay natapos sa tulong ng aming Diyos.
17 Bukod dito, sa mga araw na iyon ay nagpadala ng maraming sulat kay Tobias ang mga maharlika sa Juda at ang mga sulat ni Tobias ay dumating sa kanila.
18 Sapagkat marami sa Juda ang nanumpa sa kanya, sapagkat siya'y manugang ni Shecanias na anak ni Arah; at kinuha ng kanyang anak na si Jehohanan ang anak na babae ni Mesulam na anak ni Berequias upang maging kanyang asawa.
19 Nagsalita rin sila tungkol sa kanyang mabubuting gawa sa harapan ko, at ibinalita ang aking mga sinabi sa kanya. At si Tobias ay nagpadala ng mga sulat upang takutin ako.
Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas
16 Nakarating si Pablo[a] sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo, na anak ng isang babaing Judio na mananampalataya, ngunit Griyego ang kanyang ama.
2 Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio.
3 Nais ni Pablo na sumama sa kanya si Timoteo; at nang kanyang kunin siya ay kanyang tinuli dahil sa mga Judio na nasa mga lugar na iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kanyang ama ay isang Griyego.
4 At sa kanilang paglalakbay sa mga bayan-bayan, kanilang dinadala sa kanila ang mga utos na napagpasiyahan ng mga apostol at ng matatanda sa Jerusalem.
5 Kaya't ang mga iglesya ay lumakas sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.
Ang Pangitain ni Pablo sa Troas
6 At naglakbay sila sa lupain ng Frigia at Galacia, dahil pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na ipangaral ang salita sa Asia.
7 Nang sila'y dumating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus.
8 At paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas.
9 Nang gabing iyon ay lumitaw ang isang pangitain kay Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at nakikiusap sa kanya na sinasabi, “Tumawid ka patungo sa Macedonia, at tulungan mo kami.”
10 At pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming pumunta agad sa Macedonia, na naniniwalang kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral ang magandang balita sa kanila.
Nanampalataya si Lydia
11 Kaya't pagtulak mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at nang sumunod na araw ay sa Neapolis;
12 at mula roo'y sa Filipos, na pangunahing lunsod sa distrito ng Macedonia, at ito'y sakop ng Roma. Kami ay tumigil sa lunsod na ito nang ilang araw.
13 At sa araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng pintuan sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan, at kami'y umupo, at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon.
14 At nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia na sumasamba sa Diyos. Siya'y mula sa lunsod ng Tiatira at isang mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig na mabuti sa mga bagay na sinasabi ni Pablo.
15 Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, na sinasabi, “Kung inyong hinatulan na ako'y tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay, at doon tumigil.” At kami'y napilit niya.
Nabilanggo sina Pablo at Silas sa Filipos
16 Samantalang papunta kami sa dakong panalanginan, sinalubong kami ng isang aliping batang babae na may espiritu ng panghuhula at nagdadala ng maraming pakinabang sa kanyang mga amo sa pamamagitan ng panghuhula.
17 Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin, na sumisigaw, “Ang mga taong ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos, na nagpapahayag sa inyo ng daan ng kaligtasan.”
18 At ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mabagabag na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo na lumabas ka sa kanya.” At ito ay lumabas nang oras ding iyon.
19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang inaasahan nilang pakinabang ay hinuli nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga pinuno.
20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lunsod.
21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang hindi ipinahihintulot sa ating mga Romano na tanggapin at gawin.”
22 Ang maraming tao ay sama-samang tumindig laban sa kanila; at pinunit ng mga hukom ang mga damit nina Pablo at Silas,[b] at ipinag-utos na hagupitin sila.
23 Nang sila'y mahagupit na nila nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinagbilinan ang tanod ng bilangguan na sila'y bantayang mabuti.
24 Nang kanyang matanggap ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at ikinabit ang kanilang mga paa sa mga panggapos.
25 Ngunit nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at sila'y pinapakinggan ng mga bilanggo.
26 At biglang nagkaroon ng isang malakas na lindol, anupa't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig, agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nakalag ang mga tanikala ng bawat isa.
27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana dahil sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo.
28 Ngunit sumigaw si Pablo nang malakas, “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat naririto kaming lahat.”
29 At ang bantay[c] ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at nanginginig sa takot na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas.
30 Nang sila'y mailabas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang kailangan kong gawin upang maligtas?”
31 At kanilang sinabi, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.”
32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang bahay.
33 Sila'y kanyang kinuha nang oras ding iyon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga sugat, at agad siyang binautismuhan, pati ang buo niyang sambahayan.
34 Sila'y kanyang pinapanhik sa kanyang bahay at hinainan sila ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya siya sa Diyos.
35 Kinaumagahan, ang mga hukom ay nagsugo ng mga kawal, na nagsasabi, “Pakawalan mo ang mga taong iyon.”
36 At iniulat ng bantay ng bilangguan kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, “Ipinag-utos ng mga hukom na kayo'y pakawalan; kaya't ngayon ay lumabas kayo at humayo nang payapa.”
37 Subalit sinabi sa kanila ni Pablo, “Pinalo nila kami sa harap ng bayan, na hindi nahatulan, mga lalaking Romano, at kami'y itinapon sa bilangguan at ngayo'y lihim na kami'y pawawalan nila? Hindi maaari! Hayaan silang pumarito at kami'y pakawalan.”
38 Iniulat ng mga kawal ang mga salitang ito sa hukom at sila'y natakot nang kanilang marinig na sila'y mga mamamayang Romano;
39 kaya sila'y dumating at humingi sa kanila ng paumanhin. At sila'y kanilang inilabas at hiniling sa kanila na lisanin ang lunsod.
40 Nang sila'y makalabas sa bilangguan, pumunta sila kay Lydia; at nang makita nila ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, pagkatapos ay umalis.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001