M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tipan ng Diyos kay Abram
15 Pagkatapos ng mga bagay na ito, dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila.”
2 Ngunit sinabi ni Abram, “O Panginoong Diyos, anong ibibigay mo sa akin, yamang ako'y patuloy na walang anak at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damasco?”
3 At sinabi ni Abram, “Hindi mo ako binigyan ng anak at isang alipin na ipinanganak sa aking bahay ang magiging tagapagmana ko.”
4 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, “Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo.”
5 Siya'y(A) dinala niya sa labas at sinabi, “Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo.” At sinabi sa kanya, “Magiging ganyan ang iyong binhi.”
6 Sumampalataya(B) siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kanya.
7 At sinabi niya sa kanya, “Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito para angkinin.”
8 Sinabi niya, “O Panginoong Diyos, paano ko malalaman na mamanahin ko iyon?”
9 At sinabi sa kanya, “Magdala ka rito ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, isang inakay na batu-bato, at isang inakay na kalapati.”
10 Dinala niya ang lahat ng ito sa kanya at hinati niya sa gitna, at kanyang inihanay na magkakatapat ang isa't isa subalit hindi niya hinati ang mga ibon.
11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit sa mga bangkay, ang mga iyon ay binugaw ni Abram.
12 Nang(C) lulubog na ang araw, nakatulog si Abram nang mahimbing; isang makapal at nakakatakot na kadiliman ang dumating sa kanya.
13 Sinabi(D) ng Panginoon kay Abram, “Tunay na dapat mong malaman na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila'y magiging mga alipin doon, at sila'y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon;
14 ngunit(E) ang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian.
15 Subalit ikaw ay payapang tutungo sa iyong mga ninuno, at ikaw ay malilibing sa panahong lubos na ang iyong katandaan.
16 Sa ikaapat na salin ng iyong binhi, muli silang babalik rito sapagkat hindi pa nalulubos ang kasamaan ng mga Amoreo.”
17 Nang lumubog na ang araw at madilim na, isang hurnong umuusok at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.
18 Nang(F) araw na iyon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, “Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates,
19 ang lupain ng mga Kineo, Kenizeo, at ng mga Cadmoneo,
20 ng mga Heteo, Perezeo, at Refaim,
21 at ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo, at ng mga Jebuseo.”
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Nang panahong iyon ay narinig ng tetrarkang[a] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus.
2 At sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Ito ay si Juan na Tagapagbautismo na muling binuhay[b] sa mga patay; kaya't nagagawa niya ang mga kababalaghang ito.”
3 Sapagkat(B) dinakip ni Herodes si Juan, iginapos niya ito at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[c]
4 Sapagkat(C) sinabi ni Juan sa kanya, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo siya.”
5 Bagama't ibig niyang ipapatay si Juan, natakot siya sa mga tao sapagkat kanilang itinuturing si Juan[d] na isang propeta.
6 Ngunit nang dumating ang pagdiriwang ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna nila ang anak na babae ni Herodias, at ito ay ikinatuwa ni Herodes.
7 Kaya't siya'y nangako na may sumpa na kanyang ibibigay ang anumang hilingin nito.
8 Sa udyok ng kanyang ina ay sinabi niya, “Ibigay mo sa akin dito sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!”
9 Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang mga sumpa at sa mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay iyon.
10 Nagsugo siya at pinapugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.
11 Dinala na nasa isang pinggan ang kanyang ulo at ibinigay sa dalaga, at dinala naman nito sa kanyang ina.
12 Dumating ang mga alagad ni Juan,[e] kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita kay Jesus.
Ang Pagpapakain sa Limang Libo(D)
13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng isang bangka tungo sa isang ilang na lugar na wala siyang kasama. Nang mabalitaan ito ng maraming tao, naglakad silang sumunod sa kanya mula sa mga bayan.
14 Pagdating niya sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.
15 Nang nagtatakipsilim na, lumapit sa kanya ang mga alagad niya, na nagsasabi, “Ilang na lugar ito, at lumipas na ang maghapon. Papuntahin mo na ang mga tao sa mga nayon upang makabili sila ng kanilang makakain.”
16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.”
17 At sinabi nila sa kanya, “Mayroon lamang tayong limang tinapay at dalawang isda.”
18 Sinabi niya, “Dalhin ninyo rito sa akin.”
19 Ipinag-utos niya sa maraming tao na umupo sa damuhan. Pagkakuha niya sa limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, binasbasan niya ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa maraming tao.
20 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang mga lumabis na pinagputul-putol na tinapay, at napuno ang labindalawang kaing.
21 At ang mga kumain ay may limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(E)
22 Pagkatapos ay pinasakay niya kaagad ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna niya sa kabilang ibayo, habang pinapauwi niya ang maraming tao.
23 Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa.
24 Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan[f] na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin.
25 Nang madaling-araw na[g] ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.
26 At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, ‘Multo!’ Nagsigawan sila sa takot.
27 Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”
28 Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.”
29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.
30 Ngunit nang mapansin niya ang hangin,[h] natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!”
31 Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”
32 Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin.
33 Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, “Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos.”
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(F)
34 Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genesaret.
35 Nang makilala siya ng mga tao sa pook na iyon ay nagpakalat sila ng balita sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit.
36 Nakiusap sila sa kanya na mahipo man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng humipo nito ay gumaling.
Napagtagumpayan ni Nehemias ang Pagsalungat sa Kanyang Gawain
4 Nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinatayo ang pader, siya'y nagalit, labis na napoot at kanyang tinuya ang mga Judio.
2 At kanyang sinabi sa harapan ng kanyang mga kapatid at ng hukbo ng Samaria, “Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? Ibabalik ba nila ang mga bagay? Mag-aalay ba sila? Makakatapos ba sila sa isang araw? Kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng basura, bagaman nasunog na ang mga iyon?”
3 Si Tobias na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, “Kapag ang alinmang asong-ligaw ay umakyat roon, ibabagsak nito ang kanilang mga batong pader!”
4 Pakinggan mo, O aming Diyos, sapagkat kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pag-alipusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa isang lupain upang pagnakawan na doo'y mga bihag sila.
5 Huwag mong pagtakpan ang kanilang kasalanan, at huwag mong pawiin ang kanilang pagkakasala sa harapan mo sapagkat kanilang ginalit ka sa harapan ng mga manggagawa.
6 Kaya't aming itinayo ang pader at ito ay napagdugtong hanggang sa kalahati ng taas niyon. Sapagkat ang taong-bayan ay may isang pag-iisip sa paggawa.
7 Ngunit nang mabalitaan nina Sanballat, Tobias, ng mga taga-Arabia, mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na nagpapatuloy ang pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem at ang mga sira ay nagsisimulang masarhan, sila'y galit na galit.
8 Silang lahat ay magkakasamang nagbalak na puntahan at labanan ang Jerusalem at gumawa ng kaguluhan doon.
9 Kami ay nanalangin sa aming Diyos, at naglagay ng bantay laban sa kanila sa araw at gabi.
10 Ngunit sinabi ng Juda, “Ang lakas ng mga tagapasan ay nauubos, at marami pang basura, hindi kami makagawa sa pader.”
11 At sinabi ng aming mga kalaban, “Hindi nila malalaman o makikita hanggang sa kami ay makarating sa gitna nila, at patayin sila, at patigilin ang gawain.”
12 Nang dumating ang mga Judio na naninirahang kasama nila, sinabi nila sa amin nang sampung ulit, “Mula sa lahat ng mga lugar na kanilang tinitirhan, sila ay aahon laban sa atin.”
13 Kaya't sa mga pinakamababang bahagi ng pagitan ng likuran ng pader, sa mga bukas na dako, aking inilagay ang mga tao ayon sa kanilang mga angkan, na hawak ang kanilang mga tabak, mga sibat, at ang kanilang mga pana.
14 Ako'y tumingin, tumayo, at sinabi sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Huwag kayong matakot sa kanila. Inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kasindak-sindak, at ipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa, at ang inyong mga tahanan.”
15 Nang mabalitaan ng aming mga kaaway na iyon ay nalalaman na namin at binigo ng Diyos ang kanilang balak, kaming lahat ay nagbalik sa pader, bawat isa'y sa kanyang gawain.
16 Mula nang araw na iyon, kalahati sa aking mga lingkod ay gumawa sa pagtatayo, at ang kalahati ay humawak ng mga sibat, mga kalasag, mga pana, at mga baluti; at ang mga pinuno ay nasa likuran ng buong sambahayan ng Juda,
17 na gumagawa sa pader. Yaong mga nagpapasan ay pinagpapasan sa paraang ang bawat isa'y gumagawa sa pamamagitan ng isang kamay habang ang isa nama'y may hawak na sandata.
18 Bawat isa sa mga manggagawa ay may kanyang tabak na nakasukbit sa kanyang tagiliran habang gumagawa. Ang lalaking nagpapatunog ng trumpeta ay katabi ko.
19 Sinabi ko sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Ang gawain ay malaki at malawak ang nasasaklaw, at tayo'y hiwa-hiwalay sa pader, malayo sa isa't-isa.
20 Sa lugar na inyong marinig ang tunog ng trumpeta, magsama-sama tayo roon. Ang Diyos natin ang lalaban para sa atin.”
21 Kaya't gumawa kami sa gawain, at kalahati sa kanila ay naghawak ng mga sibat mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa lumitaw ang mga bituin.
22 Sinabi ko rin nang panahong iyon sa taong-bayan, “Bawat lalaki at ang kanyang lingkod ay magpalipas ng gabi sa Jerusalem upang sila ay maging bantay para sa atin sa gabi at makagawa sa araw.”
23 Kaya't maging ako, ni ang aking mga kapatid, ang aking mga lingkod, at ang mga lalaking bantay na sumusunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, bawat isa'y iningatan ang kanyang sandata sa kanyang kamay.
Sa Iconio
14 Ang gayunding bagay ay nangyari din sa Iconio, na doon sina Pablo at Bernabe[a] ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at nagsalita ng gayon na sumampalataya ang marami sa mga Judio at sa mga Griyego.
2 Ngunit inudyukan ng mga hindi nananampalatayang Judio ang mga Hentil, at nilason ang kanilang isipan laban sa mga kapatid.
3 Kaya't nanatili sila ng mahabang panahon na nagsasalita ng buong katapangan para sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanda at mga kababalaghan na gawin ng kanilang mga kamay.
4 Ngunit nagkabaha-bahagi ang mga taong-bayan sa lunsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, at ang iba ay sa mga apostol.
5 Nang magtangka ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y saktan at batuhin,
6 nalaman ito ng mga apostol[b] at sila'y tumakas patungo sa Listra at Derbe, na mga lunsod ng Licaonia at sa palibot na lupain,
7 at doon nila ipinangaral ang magandang balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak.
9 Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,
10 ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki[c] ay lumukso at nagpalakad-lakad.
11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”
12 Tinawag nilang Zeus[d] si Bernabe at Hermes[e] si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.
13 Ang pari ni Zeus[f] na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.
14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,
15 “Mga(A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.
16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.
17 Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”
18 Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.
19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang mahikayat nila ang maraming tao, kanilang pinagbabato si Pablo at kanilang kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na.
20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe.
Bumalik Sila sa Antioquia
21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia,
22 na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.
23 Nang makapagtalaga na sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya, matapos manalangin na may pag-aayuno, ay kanilang ipinagtagubilin sila sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan.
24 At sila'y dumaan sa Pisidia at nagtungo sa Pamfilia.
25 Nang maipahayag na nila ang salita sa Perga ay lumusong sila sa Atalia;
26 at buhat doon ay naglayag sila patungong Antioquia. Doon ay itinagubilin sila sa biyaya ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na.
27 Nang sila'y dumating, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya para sa mga Hentil ang pinto ng pananampalataya.
28 Nanatili sila roon na kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001