Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 23

Namatay si Sara at Bumili si Abraham ng Paglilibingan

23 Ang buhay ni Sara ay tumagal ng isandaan at dalawampu't pitong taon. Ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara.

At namatay si Sara sa Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan, at pumaroon si Abraham upang ipagluksa si Sara at umiyak para sa kanya.

Tumindig si Abraham sa harap ng kanyang patay at nagsalita sa mga anak ni Het,

“Ako'y(A) taga-ibang bayan at dayuhan sa gitna ninyo. Bigyan ninyo ako ng pag-aaring libingan sa gitna ninyo upang mapaglilibingan ng aking patay at mawala ito sa aking paningin.”

Ang mga anak ni Het ay sumagot kay Abraham,

“Pakinggan mo kami, panginoon ko. Ikaw ay isang makapangyarihang prinsipe sa gitna namin. Ilibing mo ang iyong patay sa pinakamabuti sa aming mga libingan. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan upang paglibingan ng iyong patay.”

At tumindig si Abraham, at yumuko sa mga mamamayan ng lupain, sa mga anak ni Het.

Ang Pagbili ng Parang sa Macpela

At sinabi niya sa kanila, “Kung sang-ayon kayo na ilibing ko ang aking patay upang mawala ito sa aking paningin ay pakinggan ninyo ako, at mamagitan kayo para sa akin kay Efron na anak ni Zohar,

upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kanyang pag-aari na nasa hangganan ng kanyang parang. Sa kabuuang halaga ay ibigay niya iyon sa akin sa harap ninyo bilang isang pag-aari na paglilibingan.”

10 Si Efron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Het at sumagot si Efron na Heteo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Het, na naririnig ng lahat ng pumapasok sa pintuan ng bayan,

11 “Hindi, panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo. Sa harapan ng mga anak ng aking bayan ay ibinibigay ko sa iyo, ilibing mo ang iyong patay.”

12 Kaya't si Abraham ay yumukod sa harapan ng mga mamamayan ng lupain.

13 At sinabi niya kay Efron sa pandinig ng mga mamamayan ng lupain, “Kung nais mo ay pakinggan mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo iyon sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay.”

14 Sumagot si Efron kay Abraham,

15 “Panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang halaga ng isang pirasong lupa ay apatnaraang siklong pilak. Gaano na lamang iyon sa iyo at sa akin? Ilibing mo na nga ang iyong patay.”

16 At nakinig naman si Abraham kay Efron; at tinimbang ni Abraham para kay Efron ang salaping kanyang sinabi sa harapan ng mga anak ni Het, apatnaraang siklong pilak, sang-ayon sa timbang na karaniwan sa mga mangangalakal.

17 Kaya't ang parang ni Efron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punungkahoy na nasa parang at ang lahat ng hangganan sa palibot nito,

18 ay naging pag-aari ni Abraham sa harapan ng mga anak ni Het, sa harapan ng lahat ng pumasok sa pintuang-daan ng kanyang bayan.

19 Pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kanyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan.

20 Ang parang at ang yungib na naroroon ay naging pag-aari ni Abraham upang maging lugar ng libingan mula sa mga anak ni Het.

Mateo 22

Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)

22 Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi,

“Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki.

Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo.

Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.’

Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila'y humayo, ang isa'y sa kanyang sariling bukid, ang isa'y sa kanyang pangangalakal.

Hinuli naman ng iba ang kanyang mga alipin at ginawan ng masama at pinagpapatay.

Kaya't nagalit ang hari. Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lunsod.

Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.

Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’

10 Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang kasalan.

11 “Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang tao na hindi nakadamit pangkasal.

12 Sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal?’ Ngunit hindi siya nakapagsalita.

13 Kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.’

14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ang Pagbabayad ng Buwis(C)

15 Pagkatapos ay umalis ang mga Fariseo at pinag-uusapan nila kung paano siyang mabibitag sa kanyang pananalita.

16 Kaya't sinugo nila ang kanilang mga alagad sa kanya, kasama ng mga Herodiano,[a] na nagsasabi, “Guro, alam naming ikaw ay tapat, at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan at wala kang pinapanigang sinuman, sapagkat hindi ka nagtatangi ng tao.[b]

17 Sabihin mo nga sa amin, ano sa palagay mo? Matuwid bang magbuwis kay Cesar,[c] o hindi?”

18 Ngunit batid ni Jesus ang kanilang kasamaan, sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari?

19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At dinala sa kanya ang isang denario.

20 Sinabi niya sa kanila, “Kaninong larawan ito at ang nakasulat?”

21 Sinabi nila sa kanya, “Kay Cesar.” Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.”

22 Nang marinig nila ito ay namangha sila. Kanilang iniwan siya at sila'y umalis.

Tungkol sa Muling Pagkabuhay(D)

23 Nang(E) araw ding iyon ay lumapit kay Jesus[d] ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay na muli; at kanilang tinanong siya,

24 na(F) sinasabi, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang tao na walang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang asawa niya, at magkakaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’

25 Ngayon, mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. Sapagkat hindi siya nagkaroon ng anak ay iniwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki.

26 Gayundin naman ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito.

27 At kahuli-hulihan sa lahat ay namatay ang babae.

28 Kaya sa muling pagkabuhay, alin sa pito ang magiging asawa ng babae? Yamang siya'y napangasawa nilang lahat.”

29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos.

30 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay hindi sila nag-aasawa o pinag-aasawa pa kundi sila'y tulad sa mga anghel sa langit.

31 At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos,

32 ‘Ako(G) ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.”

33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral.

Ang Dakilang Utos(H)

34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus[e] ang mga Saduceo, ay nagtipon sila.

35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin.

36 “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?”

37 At(I) sinabi sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’

38 Ito ang dakila at unang utos.’

39 At(J) ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’

40 Sa(K) dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(L)

41 Habang nagkakatipon ang mga Fariseo ay tinanong sila ni Jesus,

42 na sinasabi, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kanya, “Kay David.”

43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit si David nang nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,

44 ‘Sinabi(M) ng Panginoon sa aking Panginoon,

“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa”’?

45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y naging kanyang anak?”

46 Walang nakasagot sa kanya kahit isang salita, at wala na ring sinumang nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman buhat sa araw na iyon.

Nehemias 12

Ang Talaan ng mga Pari at mga Levita

12 Ang mga ito ang mga pari at ang mga Levita na umahong kasama ni Zerubabel na anak ni Shealtiel, at ni Jeshua: sina Seraya, Jeremias, Ezra;

Amarias; Malluc, Hatus;

Shecanias, Rehum, Meremot;

Iddo, Ginetoi, Abias;

Mijamin, Maadias, Bilga;

Shemaya, Joiarib, Jedias;

Sallu, Amok, Hilkias, at si Jedias. Ang mga ito ang mga puno ng mga pari at ng kanilang mga kapatid sa mga araw ni Jeshua.

At ang mga Levita: sina Jeshua, Binui, Cadmiel, Sherebias, Juda, at Matanias, na kasama ng kanyang mga kapatid na namahala sa mga awit ng pasasalamat.

Sina Bakbukias at Uni na kanilang mga kapatid ay tumayong kaharap nila sa paglilingkod.

10 Si Jeshua ay siyang ama ni Joiakim, si Joiakim ay ama ni Eliasib, si Eliasib ang ama ni Joiada,

11 si Joiada ang ama ni Jonathan at si Jonathan ang ama ni Jadua.

Mga Puno ng Angkan ng mga Pari

12 At sa mga araw ni Joiakim ay ang mga pari, na mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang: kay Seraya, si Meraias; kay Jeremias, si Hananias;

13 kay Ezra, si Mesulam; kay Amarias, si Jehohanan;

14 kay Melica, si Jonathan; kay Sebanias, si Jose;

15 kay Harim, si Adna; kay Meraiot, si Helcai;

16 kay Iddo, si Zacarias; kay Gineton, si Mesulam;

17 kay Abias, si Zicri; kay Miniamin, kay Moadias, si Piltai;

18 kay Bilga, si Samua; kay Shemaya, si Jonathan;

19 at kay Joiarib, si Matenai; kay Jedias, si Uzi;

20 kay Sallai, si Kallai; kay Amok, si Eber;

21 Kay Hilkias, si Hashabias; kay Jedias, si Natanael.

Talaan ng Sambahayan ng mga Pari at mga Levita

22 Tungkol sa mga Levita, sa mga araw nina Eliasib, Joiada, Johanan, at ni Jadua, ay naitala ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno; gayundin ang mga pari hanggang sa paghahari ni Dario na taga-Persia.

23 Ang mga anak ni Levi, na mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan hanggang sa mga araw ni Johanan na anak ni Eliasib.

Ang Pagbabaha-bahagi ng mga Gawain sa Templo

24 Ang mga puno ng mga Levita: sina Hashabias, Sherebias, at si Jeshua na anak ni Cadmiel, at ang kanilang mga kapatid na naglingkod sa tapat nila upang magpuri at magpasalamat, ayon sa utos ni David na tao ng Diyos, pangkat sa bawat pangkat.

25 Sina Matanias, Bakbukias, Obadias, Mesulam, Talmon, at Akub ay mga bantay-pinto, na nagbabantay sa mga kamalig na nasa malapit sa pintuan.

26 Ang mga ito'y sa mga araw ni Joiakim na anak ni Jeshua, na anak ni Josadak, at sa mga araw ni Nehemias na tagapamahala at ng paring si Ezra na eskriba.

Itinalaga ni Nehemias ang Pader ng Lunsod

27 Sa pagtatalaga ng pader ng Jerusalem ay kanilang hinanap ang mga Levita sa lahat nilang mga dako, upang dalhin sila sa Jerusalem at ipagdiwang ang pagtatalaga na may kagalakan, may mga pagpapasalamat at may mga awitan, may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa.

28 Ang mga anak ng mga mang-aawit ay sama-samang nagtipon mula sa kapatagan ng palibot ng Jerusalem at mula sa mga nayon ng mga Netofatita;

29 at mula rin naman sa Bet-gilgal at mula sa mga bahagi ng Geba at ng Azmavet: sapagkat nagtayo para sa kanilang sarili ang mga mang-aawit ng mga nayon sa palibot ng Jerusalem.

30 At ang mga pari at ang mga Levita ay naglinis ng kanilang mga sarili; at nilinis nila ang taong-bayan at ang mga pintuan at ang pader.

31 Pagkatapos ay isinama ko ang mga pinuno ng Juda sa ibabaw ng pader, at humirang ng dalawang malaking pulutong na nagpasalamat at sunud-sunod na lumakad. Ang isa'y tumungo sa kanan sa ibabaw ng pader sa dako ng Pintuan ng Tapunan ng Dumi;

32 at sumusunod sa kanila si Hoshaias at ang kalahati sa mga pinuno ng Juda,

33 at sina Azarias, Ezra, Mesulam,

34 Juda, Benjamin, Shemaya, at Jeremias,

35 at ang iba sa mga anak ng mga pari na may mga trumpeta: si Zacarias na anak ni Jonathan, na anak ni Shemaya, na anak ni Matanias, na anak ni Micaya, na anak ni Zacur, na anak ni Asaf;

36 at ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Natanael, Juda, at si Hanani, na may mga kagamitang panugtog ni David na tao ng Diyos; at si Ezra na eskriba ay nasa unahan nila.

37 Sa Pintuang Bukal, sa harapan nila, ay umakyat sila sa pamamagitan ng mga baytang ng lunsod ni David, sa akyatan sa pader, sa ibabaw ng bahay ni David, hanggang sa Pintuan ng Tubig sa dakong silangan.

38 Ang isa pang pulutong ng mga nagpapasalamat ay nagtungo sa kaliwa, at ako'y sumunod sa hulihan nila na kasama ko ang kalahati ng taong-bayan, sa ibabaw ng pader, sa itaas ng Tore ng mga Pugon, hanggang sa Maluwang na Pader;

39 at sa ibabaw ng Pintuan ng Efraim, at sa tabi ng Matandang Pintuan at sa may Pintuan ng Isda, at sa Tore ng Hananel, at sa Tore ng Isandaan, hanggang sa Pintuan ng mga Tupa; at sila'y huminto sa Pintuan ng Bantay.

40 Kaya't ang mga pulutong na nagpasalamat ay parehong tumayo sa bahay ng Diyos, at ako at ang kalahati sa mga pinuno na kasama ko;

41 at ang mga paring sina Eliakim, Maasias, Miniamin, Micaya, Elioenai, Zacarias, at si Hananias, na may mga trumpeta;

42 at si Maasias, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at si Eser. At ang mga mang-aawit ay nagsiawit na kasama si Jezrahias bilang kanilang pinuno.

43 At sila'y naghandog ng malalaking alay nang araw na iyon, at nagalak, sapagkat sila'y pinagalak ng Diyos ng malaking pagkagalak. Ang mga babae at ang mga bata ay nagalak din. At ang kagalakan ng Jerusalem ay narinig hanggang sa malayo.

44 Nang araw na iyon ay hinirang ang mga lalaki upang mangasiwa sa mga silid para sa mga imbakan, sa mga ambag, sa mga unang bunga, at sa mga ikasampung bahagi, upang tipunin sa mga iyon ang mga bahaging itinakda ng kautusan para sa mga pari at sa mga Levita ayon sa mga bukid ng mga bayan; sapagkat ang Juda ay nagalak sa mga pari at sa mga Levita na naglingkod.

45 Kanilang(A) ginawa ang paglilingkod sa kanilang Diyos, at ang paglilingkod ng paglilinis, gaya ng ginawa ng mga mang-aawit at mga bantay-pinto, ayon sa utos ni David, at ni Solomon na kanyang anak.

46 Sapagkat sa mga araw ni David at ni Asaf nang una ay may pinuno ng mga mang-aawit, at may mga awit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos.

47 Ang buong Israel sa mga araw ni Zerubabel at sa mga araw ni Nehemias ay nagbigay ng mga pang-araw-araw na bahagi sa mga mang-aawit at sa mga bantay-pinto, at kanilang itinalaga sa mga Levita; at ibinukod ng mga Levita ang para sa mga anak ni Aaron.

Mga Gawa 22

22 “Mga ginoo, mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.”

Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, ay lalo pa silang tumahimik. Pagkatapos ay sinabi niya,

“Ako'y(A) isang Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki sa lunsod na ito, sa paanan ni Gamaliel, at tinuruan alinsunod sa kahigpitan ng kautusan ng ating mga ninuno, na masigasig para sa Diyos, na tulad ninyong lahat ngayon.

Aking(B) pinag-usig ang Daang ito hanggang sa kamatayan, na ginagapos at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalaki at ang mga babae,

tulad ng mapapatotohanan ng pinakapunong pari ng tungkol sa akin at ng buong kapulungan ng matatanda. Mula sa kanila'y tumanggap ako ng mga sulat para sa mga kapatid sa Damasco at nagpunta ako roon upang gapusin ang mga naroroon at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan.

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(C)

“Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat na, biglang sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag sa palibot ko.

Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?’

Sumagot ako sa kanya, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.’

Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin.

10 Sinabi ko, ‘Anong gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Tumindig ka at pumunta ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gawin mo.’

11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, hinawakan ang aking kamay ng mga kasamahan ko, at dinala ako sa Damasco.

12 “Isang Ananias, na lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, at may magandang patotoo tungkol sa kanya ang mga Judio na naninirahan doon,

13 ang lumapit sa akin, tumayo sa tabi ko at nagsabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, muli mong tanggapin ang iyong paningin!’ Nang oras ding iyon, bumalik ang aking paningin at nakita ko siya.

14 Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita mo ang Matuwid, at marinig mo ang tinig mula sa kanyang bibig,

15 sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.

16 At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan.’

Isinugo si Pablo sa mga Hentil

17 “Pagbalik ko sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng malay,

18 at ang Panginoon[a] ay nakita ko na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.’

19 At aking sinabi, ‘Panginoon, sila mismo ay nakaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga nanampalataya sa iyo.

20 Nang(D) idanak ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit, na sumasang-ayon at nag-iingat sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’

21 At sinabi niya sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo sa mga Hentil.’”

22 Kanilang pinakinggan siya hanggang sa pagkakataong ito ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, “Alisin sa lupa ang ganyang tao! Sapagkat hindi siya karapat-dapat mabuhay.”

23 At samantalang sila'y nagsisigawan, na inihahagis ang kanilang mga damit, at nagsasabog ng alikabok sa hangin,

24 ay ipinag-utos ng pinunong kapitan na siya'y ipasok sa himpilan at sinabing siya'y siyasatin na may paghagupit upang malaman niya kung anong dahilan at sila'y nagsigawan nang gayon laban sa kanya.

25 Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling balat, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, “Matuwid ba sa inyo na hagupitin ang isang taong mamamayan ng Roma, na hindi pa nahahatulan?”

26 Nang iyon ay marinig ng senturion, pumunta siya sa pinunong kapitan at sa kanya'y sinabi, “Anong gagawin mo? Ang taong ito ay mamamayang Romano.”

27 Lumapit ang pinunong kapitan at tinanong si Pablo, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?” At sinabi niya, “Oo.”

28 Sumagot ang pinunong kapitan, “Sa malaking halaga ng salapi ay nakuha ko ang pagkamamamayan kong ito.” At sinabi ni Pablo, “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano.”

29 Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya; at ang pinunong kapitan ay natakot din sapagkat nalaman niyang si Pablo ay isang Romano, at siya'y ginapos niya.

Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin

30 Nang sumunod na araw, dahil sa pagnanais na malaman ang tunay na dahilan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio ay kanyang pinawalan siya at iniutos sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong. Pinababa niya si Pablo at iniharap sa kanila.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001