M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagiging Makasalanan ng Sodoma
19 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma nang nagtatakipsilim na. Si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma. Sila'y nakita ni Lot at tumindig upang salubungin sila; at iniyukod ang kanyang mukha sa lupa.
2 At sinabi, “Ngayon mga panginoon ko, hinihiling ko sa inyo na kayo'y bumalik at tumuloy sa bahay ng inyong lingkod, at magpalipas ng gabi, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsibangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad.” Kanilang sinabi, “Hindi, sa lansangan kami magpapalipas ng buong magdamag.”
3 Ngunit kanyang pinilit nang husto kaya't sila'y nagsipasok sa kanyang bahay. Sila'y kanyang ipinaghanda, ipinagluto ng mga tinapay na walang pampaalsa, at sila ay kumain.
4 Subalit bago sila nagsihiga, ang mga lalaki ng lunsod, ang mga lalaki sa Sodoma, maging mga bata at matanda, lahat ng mga tao hanggang sa pinakahuling tao, ay pumalibot sa bahay.
5 Kanilang(A) tinawagan si Lot at sinabi, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo nang gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang makilala namin sila.”
6 Lumabas si Lot sa pintuan upang humarap sa kanila, at isinara ang pinto sa likuran niya.
7 At sinabi niya, “Mga kapatid ko, nakikiusap ako na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan.
8 Narito, may dalawa akong anak na babae na hindi pa nasipingan ng lalaki. Sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang ayon sa inyong nais, huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat sila'y nasa ilalim ng aking bubungan.”
9 At sinabi nila, “Manatili ka diyan!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito'y naparito bilang dayuhan, at ibig niyang maging hukom! Ngayon, gagawan ka namin ng higit na masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.
10 Subalit iniunat ng mga lalaki ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.
11 At(B) binulag nila ang mga taong nasa pintuan ng bahay, maging maliit o malaki, anupa't hindi nila makita ang pintuan.
Umalis si Lot sa Sodoma
12 At sinabi ng mga lalaki kay Lot, “Mayroon ka pa ba ritong kasama? Paalisin mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae, o sinuman sa mga kasamahan mo sa lunsod.
13 Sapagkat malapit na naming lipulin ang lugar na ito dahil sa napakalakas na ng sigaw laban sa bayang ito sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang ito ay aming lipulin.”
14 Kaya't si Lot ay lumabas at kinausap ang kanyang mga manugang na noon ay mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae, at sinabi, “Tumindig kayo, magsialis kayo sa lugar na ito; sapagkat gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Subalit ang akala ng kanyang mga manugang ay nagbibiro siya.
15 Kinaumagahan, pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, “Bumangon ka, isama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan.”
16 Subalit(C) siya'y nagtagal. Kaya't dahil sa habag sa kanya ng Panginoon, hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay at ang kamay ng kanyang asawa, at ang kamay ng kanyang dalawang anak na babae; at siya'y inilabas nila at iniwan sa labas ng bayan.
17 Nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi nila, “Tumakas ka alang-alang sa iyong buhay. Huwag kang lumingon o huminto man sa buong libis; tumakas ka hanggang sa bundok, sapagkat kung hindi, ikaw ay mamamatay.”
18 At sinabi sa kanila ni Lot, “Huwag, mga panginoon ko!
19 Ang lingkod mo ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at nagpakita ka sa akin ng malaking awa sa pagliligtas ng aking buhay. Subalit hindi ko kayang tumakas sa bundok, baka ako'y abutan ng kapahamakan, at ako'y mamatay.
20 Tingnan mo, ang kasunod na lunsod ay malapit lamang upang matakasan at iyon ay maliit. Pahintulutan mo akong tumakas roon. Hindi ba iyon ay maliit lamang at ang aking buhay ay maliligtas?”
21 At sinabi niya sa kanya, “O sige, pinapayagan din kita sa bagay na ito at hindi ko na gugunawin ang lunsod na iyong binanggit.
22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagkat wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon.” Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang iyon ay Zoar.[a]
Ang Pagkawasak ng Sodoma at Gomorra
23 Ang araw ay sumikat na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.
24 At(D) buhat sa langit ay nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy.
25 Ginunaw niya ang mga lunsod na iyon, at ang buong libis at ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang tumutubo sa lupa.
26 Subalit(E) ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran niya, at siya ay naging haliging asin.
27 Kinaumagahan, si Abraham ay maagang nagtungo sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.
28 Siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng libis. At kanyang nakita na ang usok ng lupain ay tumataas na parang usok ng isang hurno.
29 At nangyari, nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod ng libis, naalala ng Diyos si Abraham, at inilabas si Lot nang gunawin ang mga lunsod na tinirahan niya.[b]
Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita
30 Umahon si Lot papalabas sa Zoar at tumira sa bundok kasama ang kanyang dalawang anak na babae sapagkat siya'y takot na tumira sa Zoar. Siya'y tumira sa isang yungib kasama ang kanyang dalawang anak na babae.
31 At sinabi ng panganay sa bunso, “Ang ating ama ay matanda na at walang lalaki sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa kaugalian ng buong lupa.
32 Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”
33 At pinainom nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon at pumasok ang panganay at sumiping sa kanyang ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.
34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa bunso, “Tingnan mo, ako'y sumiping kagabi sa aking ama. Painumin din natin siya ng alak sa gabing ito. Pumasok ka at sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”
35 At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon. Tumindig ang bunso at sumiping sa ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.
36 Sa ganito'y kapwa nagdalang-tao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama.
37 Nanganak ang panganay ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Moab na siyang ama ng mga Moabita hanggang sa araw na ito.
38 At ang bunso ay nanganak din ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Benammi na siyang ama ng mga anak ni Ammon hanggang sa araw na ito.
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang(B) oras na iyon ay lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”
2 Tinawag niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila.
3 Sinabi(C) niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang kayo'y magbago at maging tulad sa mga bata, kailanma'y hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
4 Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
5 At sinumang tumanggap sa isang batang ganito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
Mga Batong Katitisuran(D)
6 “Ngunit sinumang maglagay ng batong katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y malunod sa kalaliman ng dagat.
7 Kahabag-habag ang sanlibutan dahil sa mga batong katitisuran! Ang mga pangyayaring magbubunga ng pagkatisod ay tiyak na darating. Ngunit kahabag-habag ang taong pagmumulan ng batong katitisuran!
8 “Kaya't(E) kung ang kamay mo o ang paa mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[a] na may kapansanan o lumpo kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon sa apoy na walang katapusan.
9 At(F) kung ang mata mo ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa dalawang mata na maitapon sa impiyerno[b] ng apoy.
Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(G)
10 “Pag-ingatan(H) ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng aking Ama na nasa langit.
[11 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawala.]
12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa kabundukan, at hahayo upang hanapin ang naligaw?
13 At kung matagpuan niya ito ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, magagalak siya rito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw.
14 Kaya't hindi kalooban ng inyong[c] Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung(I) magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid.
16 Ngunit(J) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat salita.
17 Kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesya; at kung ayaw niyang pakinggan maging ang iglesya, ay ituring mo siya bilang isang Hentil at maniningil ng buwis.
18 Katotohanang(K) sinasabi ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay yaong tatalian sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay yaong kakalagan sa langit.
19 Sinasabi ko rin naman sa inyo, na kapag nagkasundo ang dalawa sa inyo sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin para sa kanila ng aking Ama na nasa langit.
20 Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”
21 Pagkatapos(L) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya'y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?”
22 Sinabi(M) ni Jesus sa kanya, “Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito.[d]
Ang Talinghaga ng Lingkod na Hindi Nagpatawad
23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang hari, na nagnais na makipag-ayos sa kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang.
24 Nang pasimulan na niya ang pagkukuwenta, iniharap sa kanya ang isang nagkakautang sa kanya ng sampung libong talento.[e]
25 Palibhasa'y wala siyang maibayad, ipinag-utos ng panginoon niya na siya'y ipagbili, pati ang kanyang asawa at mga anak, at ang lahat ng kanyang ari-arian upang sila'y makabayad.
26 Dahil dito'y nanikluhod ang alipin, na nagsasabi, ‘Panginoon, pagpasensyahan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.’
27 Dahil sa habag ng panginoon sa aliping iyon, siya ay pinalaya at pinatawad sa kanyang utang.
28 Ngunit ang alipin ding iyon, sa kanyang paglabas, ay natagpuan ang isa sa mga kapwa niya alipin na nagkautang sa kanya ng isandaang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal, at sinabihan, ‘Bayaran mo ang utang mo.’
29 Kaya't nanikluhod ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, ‘Pagpasensyahan mo ako, at babayaran kita.’
30 Ngunit ayaw niya. Siya'y umalis at ipinabilanggo ang kapwa alipin[f] hanggang sa mabayaran nito ang utang.
31 Nang makita ng mga kapwa alipin ang nangyari, sila ay labis na nabahala. Umalis sila at isinumbong sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.
32 Kaya't ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin.
33 Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?’
34 At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang.
35 Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid.”
Ang Kautusan ay Binasa ni Ezra sa Harap ng mga Tao
8 Ang buong bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa liwasang-bayan na nasa harapan ng Pintuang Tubig. Kanilang sinabi kay Ezra na eskriba na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoon sa Israel.
2 Dinala ng paring si Ezra ang aklat ng kautusan sa harapan ng kapulungan, na mga lalaki at mga babae, at sa lahat na makakarinig na may pang-unawa, nang unang araw ng ikapitong buwan.
3 Siya'y bumasa mula roon sa harapan ng liwasan na nasa harapan ng Pintuang Tubig, mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat sa harapan ng mga lalaki at mga babae at ng mga nakakaunawa; at ang mga pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa pakikinig sa aklat ng kautusan.
4 Si Ezra na eskriba ay tumayo sa pulpitong kahoy na kanilang ginawa para sa layuning ito. Sa tabi niya ay nakatayo sina Matithias, Shema, Anaias, Urias, Hilkias, at si Maasias ay nasa kanyang kanan. At sa kanyang kaliwa ay sina Pedaya, Misael, Malkia, Hasum, Hasbedana, Zacarias, at Mesulam.
5 Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagkat siya'y nasa itaas ng buong bayan;) at nang ito'y kanyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:
6 Pinuri ni Ezra ang Panginoon, ang dakilang Diyos. At ang buong bayan ay sumagot, “Amen, Amen,” na nakataas ang kanilang mga kamay; at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo at sumamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.
7 Gayundin sina Jeshua, Bani, Sherebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maasias, Kelita, Azarias, Jozabed, Hanan, Pelaia, ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan.
8 Kaya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa.
9 Si Nehemias na tagapamahala, ang pari at eskribang si Ezra, at ang mga Levita na nagturo sa bayan ay nagsabi sa buong bayan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong tumangis, ni umiyak man.” Sapagkat ang buong bayan ay umiyak nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.
10 Pagkatapos ay kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa inyong lakad, kumain kayo ng masarap na pagkain at uminom kayo ng matamis na alak, at magpadala kayo ng mga bahagi sa mga walang naihanda, sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. Huwag kayong malungkot, sapagkat ang kagalakan sa Panginoon ang inyong kalakasan.”
11 Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, “Kayo'y tumahimik, sapagkat ang araw na ito ay banal; huwag kayong malungkot.”
12 Ang buong bayan ay humayo sa kanilang lakad upang kumain at uminom at magdala ng mga bahagi, at para gumawa ng malaking kasayahan, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila.
Ang Pista ng mga Kubol
13 Sa ikalawang araw ay nagtipun-tipon ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng buong bayan kasama ang mga pari, at ang mga Levita kay Ezra na eskriba upang pag-aralan ang mga salita ng kautusan.
14 Kanilang(A) napag-alamang nakasulat sa kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga anak ni Israel ay manirahan sa mga kubol[a] sa kapistahan ng ikapitong buwan,
15 at dapat nilang ibalita at ipahayag ang ganito sa lahat ng kanilang mga bayan at sa Jerusalem, “Lumabas kayo sa bundok at kumuha kayo ng mga sanga ng olibo, mga sanga ng olibong-ligaw, mirto, palma, at iba pang madahong punungkahoy upang gumawa ng mga kubol, gaya ng nakasulat.”
16 Kaya't lumabas ang bayan at dinala ang mga iyon at gumawa ng mga kubol, bawat isa'y sa bubungan ng kanilang bahay, mga bulwagan, sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos, sa liwasan sa Pintuang Tubig, at sa liwasan sa Pintuan ng Efraim.
17 Ang buong kapulungan nang bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol, at nanirahan sa mga kubol; sapagkat mula sa mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na iyon ay hindi gumawa ang mga anak ni Israel ng gayon. Nagkaroon ng napakalaking kasayahan.
18 At araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, siya ay bumasa mula sa aklat ng kautusan ng Diyos. Kanilang ipinagdiwang ang kapistahan sa loob ng pitong araw, at sa ikawalong araw ay nagkaroon ng isang taimtim na pagtitipon, ayon sa batas.
Sa Corinto
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, umalis si Pablo[a] sa Atenas, at pumunta sa Corinto.
2 Natagpuan niya roon ang isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isang lalaking tubong Ponto, na kararating pa lamang mula sa Italia, kasama si Priscila na kanyang asawa, sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis sa Roma. Pumunta si Pablo[b] sa kanila;
3 at dahil ang hanapbuhay niya'y tulad din ng kanila, tumuloy siya sa kanila, at sila'y magkakasamang nagtrabaho—parehong paggawa ng tolda ang hanapbuhay nila.
4 At siya'y nakikipagtalo tuwing Sabbath sa sinagoga at sinisikap na mahikayat ang mga Judio at mga Griyego.
5 Nang sina Silas at Timoteo ay dumating mula sa Macedonia, si Pablo ay naging abala sa pangangaral at pinatotohanan sa mga Judio na ang Cristo ay si Jesus.
6 Nang sila'y tumutol at lapastanganin siya, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo! Ako'y malinis. Mula ngayon, pupunta ako sa mga Hentil.”
7 Siya'y umalis doon at pumasok sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, na sumasamba sa Diyos; ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga.
8 At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga ay nanampalataya sa Panginoon, kasama ang kanyang buong sambahayan; at marami sa mga taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.
9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik;
10 sapagkat ako'y kasama mo, at walang taong gagalaw sa iyo upang saktan ka; sapagkat marami akong tao sa lunsod na ito.”
11 At siya'y nanatili roon ng isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.
12 Subalit nang si Galio ay proconsul ng Acaia, ang mga Judio ay nagkaisang dakpin si Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman.
13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos laban sa kautusan.”
14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, ay may dahilan akong pagtiisan kayong mga Judio,
15 ngunit yamang ito ay usapin tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala rito; wala akong hangad na maging hukom sa mga bagay na ito.”
16 At sila'y pinaalis niya sa hukuman.
17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang pinuno sa sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
18 Ngunit(A) si Pablo ay nanatili pa ng ilang araw, pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid, at buhat doo'y naglakbay patungo sa Siria, at kasama niya sina Priscila at Aquila. Inahit niya ang kanyang buhok sa Cencrea, sapagkat siya'y may panata.
19 Pagdating nila sa Efeso sila'y iniwan niya roon; ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio.
20 Nang siya'y pinakiusapan nila na tumigil pa roon ng mas mahabang panahon, ay hindi siya pumayag,
21 kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, ay sinabi, “Babalik uli ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglakbay buhat sa Efeso.
22 Nang dumaong na siya sa Cesarea, siya'y pumunta[c] sa Jerusalem at bumati sa iglesya, at pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia.
23 Pagkatapos gumugol ng ilang panahon doon, umalis siya at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, na pinapalakas ang lahat ng mga alagad.
Si Apolos sa Efeso at sa Corinto
24 Dumating noon sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Siya ay mahusay magsalita at dalubhasa sa mga kasulatan.
25 Ang taong ito'y tinuruan sa Daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maalab na espiritu, nagsalita siya at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay ang bautismo ni Juan.
26 At siya'y nagsimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga, ngunit nang siya'y marinig nina Priscila at Aquila ay kanilang isinama siya at ipinaliwanag sa kanya nang mas matuwid ang Daan ng Diyos.
27 Nang ibig niyang lumipat sa Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad na siya'y tanggapin. Nang siya'y dumating, kanyang lubos na tinulungan ang mga taong sa pamamagitan ng biyaya ay sumampalataya.
28 Sapagkat may kapangyarihan niyang dinaig nang hayagan ang mga Judio, ipinapakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Cristo ay si Jesus.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001