M’Cheyne Bible Reading Plan
Dumating si Jacob sa Tahanan ni Laban
29 Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay, at nagtungo sa lupain ng mga tao sa silangan.
2 Siya'y tumingin at nakakita ng isang balon sa parang. May tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon, sapagkat sa balong iyon pinaiinom ang mga kawan. Ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay napakalaki,
3 at kapag nagkakatipon doon ang lahat ng kawan, iginugulong ng mga pastol ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa kanyang lugar sa ibabaw ng balon.
4 Sinabi sa kanila ni Jacob, “Mga kapatid ko, taga-saan kayo?” At kanilang sinabi, “Taga-Haran kami.”
5 Sinabi niya sa kanila, “Kilala ba ninyo si Laban na anak ni Nahor?” At kanilang sinabi, “Kilala namin siya.”
6 Sinabi niya sa kanila, “Siya ba'y mabuti ang kalagayan?” At kanilang sinabi, “Oo; at narito ang kanyang anak na si Raquel na dumarating kasama ang mga tupa!”
7 Sinabi niya, “Tingnan ninyo, maaga pa, hindi pa oras upang tipunin ang mga hayop; painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pastulin.”
8 Subalit sinabi nila, “Hindi namin magagawa hangga't hindi natitipong lahat ang kawan, at maigulong ang bato mula sa labi ng balon; at saka lamang namin paiinumin ang mga tupa.”
9 Samantalang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kanyang ama; sapagkat siya ang nag-aalaga ng mga iyon.
10 Nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kanyang ina, at ang mga tupa ni Laban, lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon at pinainom ang kawan ni Laban.
11 Hinagkan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas.
12 Sinabi ni Jacob kay Raquel na siya'y kamag-anak ni Laban na kanyang ama, at anak siya ni Rebecca. Kaya't tumakbo si Raquel[a] at sinabi sa kanyang ama.
Tinanggap Siya ni Laban
13 Nang marinig ni Laban ang balita ni Jacob na anak ng kanyang kapatid, tumakbo siya upang salubungin si Jacob at ito ay kanyang niyakap, hinagkan, at dinala sa kanyang bahay. Isinalaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito at
14 sinabi sa kanya ni Laban, “Talagang ikaw ay aking buto at aking laman.” At siya'y tumigil doong kasama niya ng isang buwan.
Naglingkod si Jacob para kina Raquel at Lea
15 At sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi ba't ikaw ay aking kamag-anak? Dapat ka bang maglingkod sa akin nang walang upa? Sabihin mo sa akin, ano ang magiging upa mo?”
16 May dalawang anak na babae si Laban; ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang bunso ay si Raquel.
17 Ang mga mata ni Lea ay mapupungay;[b] at si Raquel ay magandang kumilos at kahali-halina.
18 Mahal ni Jacob si Raquel; kaya't kanyang sinabi, “Paglilingkuran kita ng pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso.”
19 Sinabi ni Laban, “Mas mabuti na ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa iba; tumira ka sa akin.”
20 At naglingkod si Jacob ng pitong taon dahil kay Raquel, na sa kanya'y naging parang ilang araw dahil sa pag-ibig niya sa kanya.
Naging Asawa ni Jacob si Lea at si Raquel
21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ibigay mo sa akin ang aking asawa sapagkat naganap na ang aking mga araw at hayaan mong ako'y sumiping sa kanya.”
22 Tinipong lahat ni Laban ang mga tao roon at siya'y gumawa ng isang handaan.
23 Kinagabihan, kanyang kinuha si Lea na kanyang anak at dinala kay Jacob na sumiping naman sa kanya.
24 Ibinigay ni Laban kay Lea ang kanyang alilang babae na si Zilpa upang kanyang maging alila.
25 Kinaumagahan, si Lea pala iyon! At kanyang sinabi kay Laban, “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba pinaglingkuran kita dahil kay Raquel? Bakit mo ako dinaya?”
26 Sinabi ni Laban, “Hindi ganyan ang kaugalian dito sa aming lupain, na ibinibigay ang bunso bago ang panganay.
27 Tapusin mo ang linggong ito, at ibibigay rin namin sa iyo ang isa, bilang kapalit sa paglilingkod na gagawin mo sa akin na pitong taon pa.”
28 Ganoon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang linggo niya, at ibinigay ni Laban sa kanya si Raquel na kanyang anak upang maging asawa niya.
29 Sa kanyang anak na si Raquel ay ibinigay ni Laban bilang alilang babae ang kanyang alilang si Bilha.
30 Kaya't sumiping din si Jacob kay Raquel, at inibig si Raquel nang higit kaysa kay Lea; at naglingkod siya kay Laban ng pitong taon pa.
Mga Naging Anak ni Jacob
31 Nang makita ng Panginoon na si Lea ay kinapootan, binuksan niya ang kanyang bahay-bata; subalit si Raquel ay baog.
32 Naglihi si Lea at nanganak ng isang lalaki, at tinawag niyang Ruben;[c] sapagkat kanyang sinabi, “Sapagkat tiningnan ng Panginoon ang aking kapighatian; kaya't ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa.”
33 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki at sinabi, “Sapagkat narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan, ibinigay rin niya sa akin ito”; at tinawag niyang Simeon.[d]
34 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y makakasama ko na ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng tatlong lalaki”; kaya't ang kanyang pangalan ay Levi.[e]
35 At muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya't tinawag niyang Juda;[f] at hindi na siya nanganak.
Muling Nabuhay si Jesus(A)
28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumaroon upang tingnan ang libingan.
2 At biglang nagkaroon ng malakas na lindol, sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, na naparoon at iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito.
3 Ang kanyang anyo ay tulad sa kidlat at ang kanyang pananamit ay maputing parang busilak.
4 At sa takot sa kanya, nanginig ang mga bantay, at naging tulad sa mga patay.
5 Ngunit sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot, sapagkat nalalaman kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus.
6 Wala siya rito, sapagkat siya'y binuhay, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang dakong hinigaan niya.[a]
7 Pagkatapos ay magmadali kayong umalis at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y binuhay mula sa mga patay. Siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang nasabi ko na sa inyo.”
8 Sila nga'y dali-daling umalis sa libingan na may takot at malaking kagalakan, at tumakbo sila upang magbalita sa kanyang mga alagad.
9 At doo'y sinalubong sila ni Jesus, na nagsasabi, “Kapayapaan ay sumainyo.” At paglapit nila sa kanya ay niyakap ang kanyang mga paa at siya'y sinamba.
10 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon ay makikita nila ako.”
Ang Ulat ng mga Bantay
11 Habang patungo sila roon, ang ilan sa mga bantay ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga bagay na nangyari.
12 Pagkatapos makipagpulong sa matatanda, nagpanukala sila na magbigay ng sapat na salapi sa mga kawal,
13 na sinasabi, “Sabihin ninyo, ‘Ang kanyang mga alagad ay dumating nang gabi at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y natutulog.’
14 Kung mabalitaan ito ng gobernador, hihikayatin namin siya, at ilalayo namin kayo sa gulo.”
15 At ginawa nga ng mga tumanggap ng salapi ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang salitang ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.
Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(B)
16 Samantala,(C) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus.
17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya. Subalit ang ilan ay nag-alinlangan.
18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin.
19 Kaya't(D) sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo,
20 at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”[b][c]
Ang Hari at si Haman sa Handaan ni Esther
5 Nang ikatlong araw, nagsuot si Esther ng kanyang damit pang-reyna, at tumayo sa pinakaloob na bulwagan ng palasyo ng hari, sa tapat ng tirahan ng hari. Ang hari ay nakaupo sa kanyang trono sa loob ng palasyo, sa tapat ng pasukan ng palasyo.
2 Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa bulwagan, nakuha ng reyna ang paglingap ng hari. Kaya't inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro na nasa kanyang kamay. At lumapit si Esther at hinipo ang dulo ng setro.
3 Itinanong ng hari sa kanya, “Ano iyon, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan? Ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng aking kaharian.”
4 Sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, pumunta sa araw na ito ang hari at si Haman sa salu-salong inihanda ko para sa hari.”
5 At sinabi ng hari, “Dalhin mong madali dito si Haman upang magawa namin ang gaya ng nais ni Esther.” Kaya't pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
6 Samantalang umiinom sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”
7 At sumagot si Esther, “Ang aking kahilingan ay ito:
8 Kung ako'y nakatagpo ng paglingap sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na aking ihahanda sa kanila, at bukas ay aking gagawin ang gaya ng sinabi ng hari.”
Nagpagawa si Haman ng Bitayan para kay Mordecai
9 Lumabas si Haman nang araw na iyon na galak na galak at may masayang puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa pintuan ng hari, na hindi siya tumayo o nanginig man sa harapan niya, siya'y napuno ng poot laban kay Mordecai.
10 Gayunma'y nagpigil si Haman sa kanyang sarili, at umuwi sa bahay. Siya'y nagsugo at ipinasundo ang kanyang mga kaibigan at si Zeres na kanyang asawa.
11 Ikinuwento ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang mga kayamanan, ang bilang ng kanyang mga anak na lalaki, at lahat ng pagkataas ng katungkulan na ipinarangal ng hari sa kanya, at kung paanong kanyang itinaas siya nang higit kaysa mga pinuno at mga lingkod ng hari.
12 Dagdag pa ni Haman, “Maging si Reyna Esther ay hindi nagpapasok ng sinuman na kasama ng hari sa kapistahan na kanyang inihanda kundi ako lamang. At bukas ay inaanyayahan na naman niya ako na kasama ng hari.
13 Gayunma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng hari.”
14 Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Zeres na kanyang asawa at ng lahat niyang kaibigan, “Magpagawa ka ng isang bitayan na may limampung siko ang taas, at kinaumagahan ay sabihin mo sa hari na bitayin doon si Mordecai. Pagkatapos ay lumakad kang masaya na kasama ng hari sa kapistahan.” Ang payong ito ay nagustuhan ni Haman at kanyang ipinagawa ang bitayan.
Sa Malta
28 Nang kami'y makaligtas na, noon namin nalaman na ang pulo ay tinatawag na Malta.
2 Pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kabutihan ng mga katutubo, sapagkat sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa nagsimula nang umulan at maginaw.
3 Ngunit pagkatapos matipon ni Pablo ang isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kanyang kamay.
4 Nang makita ng mga katutubo ang hayop na nakabitin sa kanyang kamay, ay sinabi sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Kahit siya'y nakatakas sa dagat, gayunma'y hindi hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay.”
5 Ngunit ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya'y hindi nasaktan.
6 Naghintay sila na inaasahang mamamaga siya o biglang mabuwal na patay; subalit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya ay nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos.
7 Malapit sa lugar na iyon ay may mga lupaing pag-aari ng pinuno ng pulong iyon, na ang pangalan ay Publio, na tumanggap sa amin at kinupkop kami na may kagandahang-loob sa loob ng tatlong araw.
8 Nagkataon na nakaratay ang ama ni Publio na maysakit na lagnat at disenteriya. Pinuntahan siya ni Pablo at nanalangin, at nang maipatong sa kanya ang kanyang mga kamay ay pinagaling siya.
9 Pagkatapos mangyari ito, nagtungo rin doon ang ibang maysakit sa pulo at sila'y pinagaling.
10 Kami nama'y kanilang binigyan ng maraming parangal; at nang maglalayag na kami ay kanilang isinakay sa barko ang mga bagay na kailangan namin.
Mula sa Malta Patungong Roma
11 Makaraan ang tatlong buwan ay naglayag kami sa isang barkong Alejandria na nagpalipas ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.
12 Nang dumaong kami sa Siracusa ay tumigil kami roon ng tatlong araw.
13 Mula roo'y lumigid kami at nakarating sa Regio; at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang hanging habagat, at nang ikalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli.
14 Doon ay nakatagpo kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapan nilang tumigil sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa gayo'y nakarating kami sa Roma.
15 Ang mga kapatid doon, nang mabalitaan ang tungkol sa amin, ay dumating mula sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan upang salubungin kami. Pagkakita sa kanila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang kanyang loob.
Sa Roma
16 Nang makarating kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa kasama ang kawal na sa kanya'y nagbabantay.
17 Pagkaraan ng tatlong araw, tinipon niya ang mga pinuno ng mga Judio at nang sila'y matipon na, ay sinabi niya sa kanila, “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga-Roma.
18 Nang ako'y kanilang nasiyasat na, ibig sana akong palayain ng mga taga-Roma,[a] sapagkat walang anumang kadahilanang marapat sa kamatayan na natagpuan sa akin.
19 Subalit(A) nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong dumulog kay Cesar, bagaman wala akong paratang laban sa aking bansa.
20 Kaya't sa dahilang ito, tinawag ko kayo upang makipagkita at makipag-usap sa inyo, yamang dahil sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.”
21 At sinabi nila sa kanya, “Kami'y walang natanggap na mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni walang pumaritong kapatid na nagbalita o nagsalita ng anumang masama tungkol sa iyo.
22 Subalit ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong mga iniisip, sapagkat alam namin na maraming nagsasalita ng laban sa sektang ito sa lahat ng mga lugar.”
23 Nang sila'y makapagtalaga ng isang araw para sa kanya, nagtungo sila sa kanyang tinutuluyan at napakarami nila. Ipinaliwanag niya sa kanila ang pangyayari buhat umaga hanggang gabi na nagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos, at sinikap na sila'y mahikayat tungkol kay Jesus, mula sa kautusan ni Moises at mula sa mga propeta.
24 Ang iba'y nahikayat sa mga bagay na sinabi niya at ang iba'y hindi naniwala.
25 Nang sila'y hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pahayag: “Tama ang Espiritu Santo sa pagsasalita sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias na sinasabi,
26 ‘Pumaroon(B) ka sa bayang ito, at sabihin mo,
tunay na inyong mapapakinggan, ngunit hindi kailanman mauunawaan,
tunay na inyong titingnan ngunit hindi ninyo mamamasdan.
27 Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at pumikit na ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita sa kanilang mga mata,
at makarinig sa kanilang mga tainga,
at makaunawa sa kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y aking pagalingin.’
28 Maging hayag nawa sa inyo na ang kaligtasang ito ng Diyos ay ipinadala sa mga Hentil at sila'y makikinig.”
[29 At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nagtalong mabuti.]
30 Nanirahan siya roon ng buong dalawang taon sa kanyang sariling inuupahang bahay, at tinatanggap ang lahat ng sa kanya'y nagsasadya,
31 na ipinangangaral ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong katapangan at walang sagabal.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001