M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kanyang mga Anak
30 Nang makita ni Raquel na hindi siya nagkakaanak kay Jacob ay nainggit siya sa kanyang kapatid, at sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng mga anak, at kapag hindi ay mamamatay ako!”
2 Kaya't nag-alab ang galit ni Jacob laban kay Raquel, at sinabi niya, “Ako ba'y nasa kalagayan ng Diyos, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?”
3 Sinabi niya, “Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kanya upang siya'y manganak para sa akin[a] at nang magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.”
4 Kaya't ibinigay niya ang kanyang alilang si Bilha bilang isang asawa, at sinipingan siya ni Jacob.
5 Kaya't naglihi si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki.
6 Sinabi ni Raquel, “Hinatulan ako ng Diyos, pinakinggan din ang aking tinig, at binigyan ako ng anak.” Tinawag niya ang kanyang pangalan na Dan.[b]
7 Muling naglihi si Bilha na alila ni Raquel at ipinanganak ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.
8 Sinabi ni Raquel, “Ako'y nakipagbuno ng matinding pakikipagbuno sa aking kapatid, at ako'y nagtagumpay.” Kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Neftali.[c]
9 Nang makita ni Lea na siya'y huminto na sa panganganak, kinuha niya si Zilpa na kanyang alila at ibinigay kay Jacob bilang asawa.
10 Kaya't si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalaki kay Jacob.
11 Sinabi ni Lea, “Mabuting kapalaran!” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Gad.[d]
12 Ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.
13 At sinabi ni Lea, “Maligaya na ako! Tatawagin akong maligaya ng mga babae.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Aser.[e]
14 Nang panahon ng paggapas ng trigo humayo si Ruben at nakatagpo ng mandragora sa bukid, at dinala ang mga iyon kay Lea na kanyang ina. At sinabi ni Raquel kay Lea, “Sana bigyan mo ako ng ilang mandragora ng iyong anak.”
15 At kanyang sinabi, “Maliit pa bang bagay na kinuha mo ang aking asawa? Ibig mo pa rin bang kunin ang mga mandragora ng aking anak?” Sinabi ni Raquel, “Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi para sa mga mandragora ng iyong anak.”
16 Nang dumating si Jacob mula sa bukid noong hapon, sinalubong siya ni Lea at sinabi sa kanya, “Sa akin ka dapat sumiping sapagkat ikaw ay aking inupahan sa pamamagitan ng mga mandragora ng aking anak.” At sumiping nga siya sa kanya ng gabing iyon.
17 Kaya't pinakinggan ng Diyos si Lea at siya'y naglihi at ipinanganak kay Jacob ang ikalimang anak.
18 Sinabi ni Lea, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang aking iniupa, sapagkat ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Isacar.[f]
19 Muling naglihi si Lea at kanyang ipinanganak kay Jacob ang ikaanim na anak.
20 At sinabi ni Lea, “Binigyan ako ng Diyos ng isang mabuting kaloob. Ngayo'y pararangalan ako ng aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng anim na lalaki.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Zebulon.[g]
21 Pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at tinawag ang kanyang pangalan na Dina.
22 Inalala ng Diyos si Raquel, at pinakinggan siya at binuksan ang kanyang bahay-bata.
23 Siya'y naglihi at nanganak ng lalaki at kanyang sinabi, “Inalis ng Diyos sa akin ang aking pagiging kahiyahiya.”
24 At kanyang tinawag ang pangalan niya na Jose,[h] na sinasabi, “Nawa'y dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.”
Nakiusap si Jacob kay Laban
25 Nang maipanganak na ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Hayaan mo na akong umalis upang ako'y makapunta sa aking sariling lugar at sa aking lupain.
26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang dahilan ng paglilingkod ko sa iyo, at hayaan mo akong umalis sapagkat nalalaman mo ang paglilingkod na ibinigay ko sa iyo.”
27 Subalit sinabi sa kanya ni Laban, “Kung ipahihintulot mong sabihin ko, aking natutunan sa pamamagitan ng panghuhula na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.”
28 At kanyang sinabi, “Sabihin mo sa akin ang iyong upa, at ibibigay ko sa iyo.”
29 Sinabi ni Jacob[i] sa kanya, “Nalalaman mo kung paano akong naglingkod sa iyo, at kung anong naging kalagayan ng iyong mga hayop nang dahil sa akin.
30 Sapagkat kakaunti ang ari-arian mo bago ako dumating, at ito ay dumami nang sagana. Pinagpala ka ng Panginoon saan man ako bumaling; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng para sa aking sariling bahay?”
31 Sinabi sa kanya, “Anong ibibigay ko sa iyo?” At sinabi ni Jacob, “Huwag mo akong bigyan ng anuman. Kung gagawin mo ang bagay na ito para sa akin, muli kong pakakainin at aalagaan ang iyong kawan.
32 Dadaan ako sa lahat mong kawan ngayon, at aking aalisin doon ang lahat ng tupa na batik-batik at may dungis, at ang bawat maitim na tupa, at ang may dungis at batik-batik sa mga kambing, at sila ang aking magiging upa.
33 Kaya't ang aking katapatan ay sasagot para sa akin sa huli, kapag ikaw ay dumating upang tingnan ang upa mo sa akin. Ang lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa na matatagpuan mo sa akin, ay ituturing mong nakaw.”
34 At sinabi ni Laban, “Mabuti! Mangyari sana ayon sa iyong sinabi.”
35 Subalit nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga lalaking kambing na may batik at dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng tupa na maitim, at pinaalagaan sa kanyang mga anak.
36 Siya'y nagtakda ng agwat na tatlong araw na lakarin sa pagitan niya at ni Jacob, habang pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.
37 Pagkatapos ay kumuha si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendro, at kastano, at binalatan ng mga batik na mapuputi, at kanyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.
38 Inilagay niya ang mga sangang kanyang binalatan sa harapan ng kawan, sa mga painuman, na pinupuntahan ng mga kawan upang uminom. At yamang sila'y nagtatalik kapag pumupunta upang uminom,
39 ang mga kawan ay nagsisiping sa harap ng mga sanga kaya't ang kawan ay nagkaanak ng mga may guhit, may batik at may dungis.
40 Ibinukod ni Jacob ang mga tupa at inihaharap ang kawan sa mga may batik, at lahat ng maitim sa kawan ni Laban; kanyang ibinukod ang kanya at hindi isinama sa kawan ni Laban.
41 Sa tuwing magtatalik ang mga mas malalakas sa kawan, inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harapan ng mga kawan, sa mga painuman, upang sila'y magsiping sa gitna ng mga sanga.
42 Subalit kapag ang kawan ay mahina, hindi niya inilalagay ang mga ito, kaya't ang mahihina ay nagiging kay Laban at ang malalakas ay kay Jacob.
43 Kaya't si Jacob[j] ay naging napakayaman at nagkaroon ng malalaking kawan, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at mga asno.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 Ang pasimula ng ebanghelyo[a] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.
2 Ayon(B) sa nasusulat sa Isaias na propeta,
“Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan,[b]
na maghahanda ng iyong daan;
3 ang(C) tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas,’”
4 si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
5 Pumupunta sa kanya ang mga tao mula sa buong lupain ng Judea at ang lahat ng mga taga-Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.
6 Si(D) Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, may sinturong balat sa kanyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.
7 At siya'y nangangaral, na nagsasabi, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin; hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas.
8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbabautismo at Pagtukso kay Jesus(E)
9 Nang mga araw na iyon ay nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.
10 Pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang biglang nabuksan ang kalangitan, at ang Espiritu na bumababa sa kanya na tulad sa isang kalapati.
11 At(F) may isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”
12 At agad siyang dinala ng Espiritu sa ilang.
13 Siya'y nasa ilang ng apatnapung araw, at tinukso siya ni Satanas. Kasama siya ng mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.
Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(G)
14 Pagkatapos madakip si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng Diyos,
15 na(H) sinasabi, “Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo.”
Tinawag ang mga Unang Alagad
16 Sa pagdaan ni Jesus[c] sa tabi ng dagat ng Galilea, nakita niya sina Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
17 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
18 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nang makalakad pa siya ng kaunti, nakita niya sina Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid na naghahayuma ng mga lambat sa kanilang bangka.
20 Agad niyang tinawag sila at iniwan nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na kasama ng mga upahang tauhan at sumunod sa kanya.
Ang Lalaking may Masamang Espiritu(I)
21 Nagpunta sila sa Capernaum. Nang araw ng Sabbath, kaagad siyang pumasok sa sinagoga at nagturo.
22 Namangha(J) sila sa kanyang aral, sapagkat sila'y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad at hindi gaya ng mga eskriba.
23 At bigla na lamang sa kanilang sinagoga ay may isang tao na may masamang espiritu; at siya'y sumigaw,
24 na nagsasabi, “Anong pakialam mo sa amin, Jesus ng Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”
25 Sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kanya!”
26 Nang kanyang mapangisay siya, ang masamang espiritu ay sumigaw nang malakas na tinig, at lumabas sa tao.
27 Silang lahat ay namangha, at nagtanungan sila sa isa't isa, na sinasabi, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya'y kanilang sinusunod.”
28 Agad na kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong palibot ng lupain ng Galilea.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Maraming Tao(K)
29 Pagkalabas sa sinagoga, pumasok sila sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan.
30 At ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga na nilalagnat at agad nilang sinabi kay Jesus[d] ang tungkol sa kanya.
31 Lumapit siya at hinawakan ang babae[e] sa kamay at siya'y ibinangon. Nawala ang kanyang lagnat at siya'y naglingkod sa kanila.
32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo.
33 Ang buong lunsod ay nagkatipon sa may pintuan.
34 At nagpagaling siya ng maraming iba't ibang may karamdaman at nagpalayas siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat siya'y kilala nila.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(L)
35 Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus[f] ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin.
36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya.
37 Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, “Hinahanap ka ng lahat.”
38 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito.”
39 At(M) nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ang Isang Ketongin(N)
40 Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.”
41 Dahil sa awa, iniunat ni Jesus[g] ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.”
42 At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis.
43 Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis.
44 Sinabi(O) niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.”
45 Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.
Si Mordecai ay Pinarangalan ng Hari
6 Nang gabing iyon ay hindi makatulog ang hari kaya't kanyang iniutos na dalhin ang aklat ng mahahalagang mga gawa, ang mga kasaysayan, at ang mga ito ay binasa sa harapan ng hari.
2 Natuklasang(A) nakasulat kung paanong sinabi ni Mordecai ang tungkol kina Bigtana at Teres, dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan na nagbalak patayin si Haring Ahasuerus.
3 At sinabi ng hari, “Anong karangalan at kadakilaan ang ibinigay kay Mordecai dahil dito?” Sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Walang anumang ginawa para sa kanya.”
4 Sinabi ng hari, “Sino ang nasa bulwagan?” Kapapasok pa lamang ni Haman sa bulwagan ng palasyo ng hari, upang magsalita sa hari na bitayin si Mordecai sa bitayan na inihanda niya sa kanya.
5 At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kanya, “Naroon si Haman, nakatayo sa bulwagan.” At sinabi ng hari, “Papasukin siya.”
6 Sa gayo'y pumasok si Haman at sinabi ng hari sa kanya, “Anong gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari?” Sinabi ni Haman sa kanyang sarili, “Sino ang kinalulugdang parangalan ng hari nang higit kaysa akin?”
7 At sinabi ni Haman sa hari, “Para sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari,
8 ay ipakuha ang damit-hari na isinuot ng hari, at ang kabayo na sinakyan ng hari, at ang korona ng hari para sa kanyang ulo,
9 at ibigay ang bihisan at ang kabayo sa isa sa pinakapangunahing pinuno ng hari. Bihisan niya ang lalaking kinalulugdang parangalan ng hari, at ilibot sa buong lunsod na nakasakay sa kabayo, at ipahayag na nauuna sa kanya: ‘Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.’”
10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Haman, “Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gayon ang gawin mo kay Mordecai, na Judio na umuupo sa pintuan ng hari. Huwag mong bawasan ang anumang bagay na iyong sinabi.”
11 Nang magkagayo'y kinuha ni Haman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mordecai, at sakay na inilibot sa buong lunsod at ipinahahayag na nauuna sa kanya: “Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.”
12 Pagkatapos ay bumalik si Mordecai sa pintuan ng hari. Ngunit si Haman ay nagmadaling umuwi, tumatangis at may takip ang ulo.
13 At ibinalita ni Haman kay Zeres na kanyang asawa at sa lahat ng kanyang mga kaibigan ang lahat ng bagay na nangyari sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ng kanyang mga pantas na lalaki at ni Zeres na kanyang asawa, “Kung si Mordecai, na siyang pinagsimulan ng iyong pagbagsak, ay mula sa bayan ng mga Judio, hindi ka magtatagumpay laban sa kanya, kundi ikaw ay tiyak na mahuhulog sa harapan niya.”
14 Samantalang sila'y nakikipag-usap pa sa kanya, dumating ang mga eunuko ng hari at nagmamadaling dinala si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
1 Si Pablo na alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, ibinukod para sa ebanghelyo ng Diyos,
2 na kanyang ipinangako noong una sa pamamagitan ng kanyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,
3 tungkol sa kanyang Anak na mula sa binhi ni David ayon sa laman
4 at ipinahayag na Anak ng Diyos na may kapangyarihan ayon sa Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay mula sa mga patay, na ito'y si Jesu-Cristo na Panginoon natin.
5 Sa pamamagitan niya'y tumanggap kami ng biyaya at pagka-apostol, para sa pagsunod sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kanyang pangalan;
6 sa mga ito ay kasama kayo na mga tinawag kay Jesu-Cristo:
7 Sa lahat ninyong nasa Roma na mga iniibig ng Diyos, mga tinawag na banal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma
8 Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo tungkol sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay ipinahahayag sa buong daigdig.
9 Sapagkat saksi ko ang Diyos, na aking pinaglilingkuran sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kanyang Anak, na walang tigil na binabanggit ko kayo sa aking panalangin,
10 at lagi kong hinihiling sa anumang paraan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta sa inyo.
11 Sapagkat nasasabik akong makita kayo upang maibahagi ko sa inyo ang ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo.
12 Samakatuwid ay upang kapwa tayo mapalakas sa pamamagitan ng pananampalataya ng isa't isa, na ito'y sa inyo at sa akin.
13 Nais(A) kong malaman ninyo, mga kapatid, na madalas kong binalak na makapunta sa inyo (subalit hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon din naman ako ng bunga sa inyo, gayundin naman sa iba pang mga Hentil.
14 Ako'y may pananagutan sa mga Griyego at sa mga barbaro, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang.
15 Kaya't sa ganang akin, nasasabik din akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma.
Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo
16 Sapagkat(B) hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego.
17 Sapagkat(C) dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, “Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a]
Ang Pagkakasala ng Sangkatauhan
18 Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat ng kalikuan at kasamaan ng mga tao, na sa pamamagitan ng kanilang kasamaan ay pinipigil ang katotohanan.
19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa kanila, yamang ito'y ipinahayag ng Diyos sa kanila.
20 Mula pa nang likhain ang sanlibutan, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, bagaman hindi nakikita, ay naunawaan at nakita sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang ginawa, upang wala silang maidadahilan;
21 sapagkat(D) kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man, kundi naging walang kabuluhan sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim.
22 Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal,
23 at(E) ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa mga imaheng kahawig ng tao na nasisira, at ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga gumagapang.
24 Kaya't dahil sa mga pagnanasa ng kanilang mga puso ay hinayaan sila ng Diyos sa karumihan, upang lapastanganin ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili;
25 sapagkat pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailanman! Amen.
26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa. Ipinagpalit ng kanilang mga babae ang likas na pakikipagtalik sa di-likas.
27 At gayundin naman ang mga lalaki, nang iwan ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, ay nag-alab sa kanilang pagnanasa sa isa't isa. Gumagawa ng kahalayan ang mga lalaki sa mga kapwa lalaki, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kaparusahan ng kanilang pagkakamali.
28 At palibhasa'y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat.
29 Napuno sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, kahalayan; at punô ng inggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, katusuhan, mahihilig sa tsismis,
30 mga mapanirang-puri, mga napopoot sa Diyos,[b] mga walang-pakundangan, mga palalo, mga mapagmataas, mga manggagawa ng masasamang bagay, mga suwail sa mga magulang,
31 mga hangal, mga hindi tapat sa kanilang mga pangako, hindi mapagmahal, mga walang awa.
32 Nalalaman nila ang mga iniuutos ng Diyos, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan, ngunit hindi lamang nila ginagawa ang gayon kundi sinasang-ayunan pa ang gumagawa ng mga iyon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001