Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 22

Iniutos ng Diyos na Ihandog ni Abraham si Isaac

22 Pagkatapos(A) ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, “Abraham,” at sinabi niya, “Narito ako.”

At(B) kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.”

Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos.

Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo.

Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, “Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo.”

At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama.

Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, “Ama ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako, anak.” Sinabi niya, “Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?”

Kaya't sinabi ni Abraham, “Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin.” At sila'y umalis na magkasama.

At(C) sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana.

10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak.

11 Ngunit tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, “Abraham, Abraham.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”

12 At sa kanya'y sinabi, “Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.”

13 Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak.

14 Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh.[a] Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: “Sa bundok ng Panginoon ito ay ipagkakaloob.”

15 Mula sa langit ay muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham.

16 At(D) sinabi niya, “Sumumpa ako sa aking sarili,” wika ng Panginoon, “sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak;

17 tunay(E) na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway.

18 At(F) sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig.”

19 Kaya't bumalik si Abraham sa kanyang mga batang tauhan, at sila'y tumayo at sama-samang nagtungo sa Beer-seba; at nanirahan si Abraham sa Beer-seba.

Ang Lahi ni Nahor

20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ibinalita kay Abraham, “Si Milca ay nagkaroon din ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid.

21 Si Uz ang kanyang panganay, si Buz na kanyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram;

22 Si Chesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at si Betuel.”

23 Si Betuel ang naging ama ni Rebecca. Ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nahor na kapatid ni Abraham.

24 Gayundin, ipinanganak ng kanyang asawang-lingkod na si Reuma sina Teba, Gaham, Taas, at Maaca.

Mateo 21

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

21 Nang papalapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad,

na sinasabi sa kanila, “Pumunta kayo sa kasunod na nayon, at kaagad ninyong matatagpuan ang isang babaing asno na nakatali na may kasamang isang batang asno. Kalagan ninyo sila at dalhin ninyo sa akin.

Kung ang sinuman ay magsabi ng anuman sa inyo, ay sasabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala sila.”

Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

“Sabihin(B) ninyo sa anak na babae ng Zion,
Tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
    mapagkumbaba, at nakasakay sa isang asno,
    at sa isang batang asno na anak ng babaing asno.”

Pumunta nga ang mga alagad at ginawa ang ayon sa ipinag-utos ni Jesus sa kanila.

Dinala nila ang asno at ang batang asno at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal; at inupuan niya ang mga ito.

Ang nakararami sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga ng mga punungkahoy at inilatag ang mga ito sa daan.

At(C) ang mga napakaraming taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kanya ay nagsisigawan, na nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!”

10 Nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo na nagsasabi, “Sino ba ito?”

11 At sinabi ng maraming tao, “Ito ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea.

Nilinis ni Jesus ang Templo(D)

12 Pumasok si Jesus sa templo,[a] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.

13 Sinabi(E) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,’ ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”

14 Ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila'y kanyang pinagaling.

15 Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David,” ay nagalit sila.

16 Kaya't(F) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa,

    ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo
    ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?”

Sinumpa ang Puno ng Igos(G)

17 Sila'y kanyang iniwan, at lumabas sa lunsod patungong Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.

18 Kinaumagahan, nang bumalik na siya sa lunsod ay nagutom siya.

19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, ito ay kanyang nilapitan at walang natagpuang anuman doon, maliban sa mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Kailanma'y hindi ka na muling magkakaroon ng bunga!” At natuyo kaagad ang puno ng igos.

20 Nang makita ito ng mga alagad ay nagtaka sila, na nagsasabi, “Paanong natuyo kaagad ang puno ng igos?”

21 Sumagot(H) si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang ninyo magagawa ang nagawa sa puno ng igos, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Maalis ka at mapatapon sa dagat,’ ito ay mangyayari.

22 At anumang bagay na inyong hingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong tatanggapin.”

Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(I)

23 Pagpasok niya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatanda ng bayan habang siya'y nagtuturo, at sinabi nila, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito, at sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”

24 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.

25 Ang bautismo ni Juan, saan ba ito nagmula? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At nagtalo sila sa isa't isa na nagsasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’

26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ natatakot tayo sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na propeta si Juan.”

27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, at sinabi, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong dalawa ang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’

29 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin.

30 Lumapit ang ama[b] sa ikalawa, at gayundin ang sinabi. Sumagot siya at sinabi, ‘Pupunta po ako,’ ngunit hindi pumunta.

31 Alin sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga masamang babae ay nauuna sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.

32 Sapagkat(J) dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng masasamang babae, at kahit nakita ninyo ay hindi rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.

Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(K)

33 “Pakinggan(L) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao na pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at nagtungo siya sa ibang lupain.

34 Nang malapit na ang panahon ng pamumunga, sinugo niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga nito.

35 Ngunit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin at binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa.

36 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na mas marami pa sa nauna; at gayundin ang ginawa nila sa kanila.

37 Sa kahuli-huliha'y sinugo niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki, na nagsasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’

38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa kanilang sarili, ‘Ito ang tagapagmana; halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kanyang mana.’

39 Kaya't kanilang kinuha siya, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay.

40 Kaya't pagdating ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?”

41 Sinabi nila sa kanya, “Dadalhin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakilakilabot na kamatayan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.”

42 Sinabi(M) ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa mga kasulatan,

‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
    ang siyang naging ulo ng panulukan;
ito ay mula sa Panginoon,
    at ito'y kamanghamangha sa ating mga mata?’

43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito.’

[ 44 Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[c]

45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, nahalata nilang siya'y nagsasalita tungkol sa kanila.

46 Ngunit nang naisin nilang dakpin si Jesus,[d] ay natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat itinuring nila na siya'y isang propeta.

Nehemias 11

Ang mga Taong Nanirahan sa Jerusalem

11 Ang mga pinuno ng bayan ay nanirahan sa Jerusalem; at ang iba naman sa taong-bayan ay nagpalabunutan upang kunin ang isa sa bawat sampu na maninirahan sa Jerusalem, na lunsod na banal, habang ang siyam na bahagi ay nanatili sa ibang mga bayan.

Binasbasan ng taong-bayan ang lahat ng mga lalaki na nagkusang tumira sa Jerusalem.

Ang(A) mga ito ang mga puno sa lalawigan na nanirahan sa Jerusalem; ngunit sa bayan ng Juda ay nanirahan ang bawat isa sa kanya-kanyang ari-arian sa kanilang mga bayan: ang Israel, mga pari, mga Levita, mga lingkod sa templo, at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon.

Sa Jerusalem ay nanirahan ang ilan sa mga anak ni Juda at sa mga anak ni Benjamin. Sa mga anak ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias, na anak ni Zacarias, na anak ni Amarias, na anak ni Shefatias na anak ni Mahalalel, sa mga anak ni Perez;

at si Maasias na anak ni Baruc, na anak ni Colhoze, na anak ni Hazaias, na anak ni Adaya, na anak ni Joiarib, na anak ni Zacarias, na anak ng Shilonita.

Ang lahat ng mga anak ni Perez na nanirahan sa Jerusalem ay apatnaraan at animnapu't walong matatapang na mandirigma.

At ang mga ito ang mga anak ni Benjamin: si Sallu na anak ni Mesulam, na anak ni Joed, na anak ni Pedaya, na anak ni Kolaias, na anak ni Maasias, na anak ni Ithiel, na anak ni Jeshaias.

Kasunod niya ay si Gabai, si Sallai, na siyamnaraan at dalawampu't walo.

At si Joel na anak ni Zicri ang kanilang tagapamahala; at si Juda na anak ni Hasenua ang pangalawa sa lunsod.

10 Sa mga pari: sina Jedias na anak ni Joiarib, Jakin,

11 Seraya na anak ni Hilkias, na anak ni Mesulam, na anak ni Zadok, na anak ni Meraiot, na anak ni Ahitub, na pinuno sa bahay ng Diyos,

12 at ang kanilang mga kapatid na nagsigawa ng gawain sa bahay, walong daan at dalawampu't dalawa; at si Adaya na anak ni Jeroham, na anak ni Pelalias, na anak ni Amsi, na anak ni Zacarias, na anak ni Pashur, na anak ni Malkia,

13 at ang kanyang mga kapatid, na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno, dalawandaan at apatnapu't dalawa; at si Amasai na anak ni Azarel, na anak ni Azai, na anak ni Mesillemot, na anak ni Imer,

14 at ang kanilang mga kapatid, matatapang na mandirigma, isandaan at dalawampu't walo; at ang kanilang tagapamahala ay si Zabdiel na anak ni Hagedolim.

15 At sa mga Levita: si Shemaya na anak ni Hashub, na anak ni Azricam, na anak ni Hashabias, na anak ni Buni;

16 at si Sabetai at si Jozabad, sa mga pinuno ng mga Levita, na silang namahala sa mga gawain sa labas sa bahay ng Diyos;

17 at si Matanias, na anak ni Mica, na anak ni Zabdi, na anak ni Asaf, na siyang pinuno upang pasimulan ang pagpapasalamat sa panalangin, at si Bakbukias, ang ikalawa sa kanyang mga kapatid; at si Abda na anak ni Samua, na anak ni Galal, na anak ni Jedutun.

18 Lahat ng mga Levita sa lunsod na banal ay dalawandaan at walumpu't apat.

19 Ang mga bantay-pinto na sina Akub, Talmon, at ang kanilang mga kapatid, na nagbabantay sa mga pintuan ay isandaan at pitumpu't dalawa.

20 At ang iba pa sa Israel, sa mga pari, at sa mga Levita ay nasa lahat ng mga bayan ng Juda, bawat isa'y sa kanya-kanyang mana.

21 Ngunit ang mga lingkod sa templo ay tumira sa Ofel; at sina Ziha at Gispa ay namuno sa mga lingkod sa templo.

22 Ang tagapamahala sa mga Levita na nasa Jerusalem ay si Uzi na anak ni Bani, na anak ni Hashabias, na anak ni Matanias, na anak ni Mica, sa mga anak ni Asaf, na mga mang-aawit, na nasa mga gawain sa bahay ng Diyos.

23 Sapagkat may utos mula sa hari tungkol sa kanila, at takdang panustos para sa mga mang-aawit, ayon sa kailangan sa bawat araw.

24 At si Petaya na anak ni Mesezabel, sa mga anak ni Zera na anak ni Juda, ay nasa kapangyarihan ng hari sa lahat ng mga bagay na tungkol sa mga tao.

Ang mga Tao sa Iba Pang mga Bayan at Lunsod

25 At tungkol sa mga nayon, pati ang kanilang mga bukid, ang ilan sa mga anak ni Juda ay nanirahan sa Kiryat-arba at sa mga nayon nito, at sa Dibon at sa mga nayon nito, at sa Jecabzeel at sa mga nayon nito;

26 at sa Jeshua, Molada, at Bet-pelet;

27 sa Hazarshual, sa Beer-seba, at sa mga nayon nito;

28 sa Siclag, Mecona, at sa mga nayon nito;

29 sa Enrimmon, Sora, at sa Jarmut;

30 sa Zanoa, sa Adullam, at sa mga nayon nito, sa Lakish at sa mga parang nito, sa Azeka at sa mga nayon nito. Gayon sila nagkampo mula sa Beer-seba hanggang sa libis ng Hinom.

31 Ang mga anak ni Benjamin ay nanirahan din mula sa Geba, hanggang sa Mikmas, Aia, at sa Bethel at sa mga nayon nito;

32 sa Anatot, Nob, at sa Ananias;

33 sa Hazor, Rama, Gitaim;

34 Hadid, Zeboim, Neballat;

35 Lod, at sa Ono na libis ng mga manggagawa.

36 Ilan sa mga pangkat ng Levita sa Juda ay isinama sa Benjamin.

Mga Gawa 21

Nagtungo si Pablo sa Jerusalem

21 Nang kami'y humiwalay sa kanila at naglakbay, tuluy-tuloy na tinungo namin ang Cos at nang sumunod na araw ay ang Rodas, at buhat doon ay ang Patara.

Nang aming matagpuan ang isang barko na daraan sa Fenicia, sumakay kami at naglakbay.

Natanaw namin ang Cyprus sa dakong kaliwa; at naglakbay kami hanggang sa Siria at dumaong sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito.

Hinanap namin doon ang mga alagad at tumigil kami roon ng pitong araw. Sa pamamagitan ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem.

At nang matapos na ang aming mga araw doon, umalis kami at nagpatuloy sa aming paglalakbay, at silang lahat, kasama ang mga asawa at mga anak, ay inihatid kami sa aming patutunguhan hanggang sa labas ng bayan. Pagkatapos naming lumuhod sa baybayin at nanalangin,

kami ay nagpaalam sa isa't isa. Pagkatapos, lumulan na kami sa barko at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.

Nang aming matapos na ang paglalakbay buhat sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida; at binati namin ang mga kapatid at kami'y nanatiling kasama nila ng isang araw.

Kinabukasan,(A) lumabas kami at dumating sa Cesarea; at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelista, na isa sa pito, at nanatili kaming kasama niya.

Siya ay may apat na anak na dalaga[a] na nagsasalita ng propesiya.

10 Habang(B) naroon kami ng ilang araw, isang propeta na ang pangalan ay Agabo ang dumating mula sa Judea.

11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at ginapos niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ganito ang sinasabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Hentil.’”

12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at pati ang mga tagaroon ay nakiusap sa kanya na huwag nang umahon patungo sa Jerusalem.

13 Kaya't sumagot si Pablo, “Anong ginagawa ninyo, nag-iiyakan kayo at dinudurog ang aking puso? Handa ako na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.”

14 Nang hindi siya mahimok, tumigil kami, na nagsasabi, “Hayaang mangyari ang kalooban ng Panginoon.”

15 At pagkaraan ng mga araw na ito, naghanda kami at umahon patungo sa Jerusalem.

16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, isa sa mga naunang alagad, na sa kanya kami manunuluyan.

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Nang makarating kami sa Jerusalem, masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.

18 Nang sumunod na araw, sumama si Pablo sa amin kay Santiago; at ang lahat ng matatanda ay naroroon.

19 Pagkatapos niyang batiin sila, isa-isang isinalaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo.

20 Nang kanilang marinig iyon, pinuri nila ang Diyos. At sinabi nila sa kanya, “Nakikita mo, kapatid, kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa kautusan.

21 Nabalitaan nila ang tungkol sa iyo na itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikdan si Moises, at sinasabi sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni sumunod sa mga kaugalian.

22 Ano nga ba ang dapat gawin? Tiyak na kanilang mababalitaang dumating ka.

23 Kaya't(C) gawin mo ang sinasabi namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili.

24 Sumama ka sa mga lalaking ito, isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis at ipagbayad mo sila para maahit ang kanilang mga ulo. At malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo kundi ikaw mismo ay sumasang-ayon sa pagtupad sa kautusan.

25 Ngunit(D) tungkol sa mga Hentil na naging mga mananampalataya na, kami ay nagpadala na ng liham na aming ipinasiyang umiwas sila sa mga inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa hayop na binigti,[b] at sa pakikiapid.”

26 Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga lalaking iyon. Nang sumunod na araw, pagkatapos malinis ang kanyang sarili, pumasok siya sa templo upang ipahayag kung kailan magaganap ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.

Dinakip si Pablo

27 Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip,

28 na isinisigaw, “Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito.”

29 Sapagkat(E) nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.

30 At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto.

31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo.

32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.

33 Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.

34 Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan.

35 Nang dumating si Pablo[c] sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao.

36 Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, “Alisin siya!”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, “Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?”

At sinabi ng pinunong kapitan,[d] “Marunong ka ba ng Griyego?

38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?”

39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan.”

40 Nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo ay tumayo sa mga baytang at isinenyas ang kamay sa mga tao, at nang magkaroon ng malaking katahimikan, nagsalita siya sa wikang Hebreo, na sinasabi:

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001