M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinatay ang Pamilya ni Ahab
10 May 70 anak[a] si Ahab sa Samaria. Kaya nagpadala ng sulat doon si Jehu sa mga opisyal ng lungsod,[b] sa mga tagapamahala at mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ito ang sinasabi sa sulat, 2 “Ang mga anak ni Haring Ahab ay nasa inyo pati ang mga karwahe, mga kabayo, napapaderang lungsod at mga armas. 3 Kaya pagkatanggap ninyo ng sulat na ito, pumili kayo ng nararapat na maging hari sa mga anak ni Haring Ahab at makipaglaban kayo para sa angkan niya.”
4 Pero labis silang natakot at sinabi, “Kung hindi natalo ng dalawang hari si Jehu, kami pa kaya?” 5 Kaya ang namamahala ng palasyo, gobernador sa lungsod, mga tagapamahala at mga tagapag-alaga ng mga anak ng hari ay sumulat kay Jehu. Ito ang sinasabi sa sulat, “Mga lingkod nʼyo kami at gagawin namin ang lahat ng iuutos ninyo. Hindi kami pipili ng ibang hari; gawin nʼyo kung ano sa tingin nʼyo ang pinakamabuti.”
6 Sinagot sila ni Jehu sa pamamagitan ng pangalawang sulat: “Kung kakampi ko kayo at handa kayong sumunod sa akin, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ni Ahab at dalhin ninyo sa akin dito sa Jezreel bukas, sa ganito ring oras.”
Inalagaan ng mga namumuno ng Samaria mula pagkabata ang 70 anak ni Haring Ahab. 7 Pagdating ng sulat ni Jehu, pinatay nila ang 70 anak ng hari. Inilagay nila ang mga ulo nito sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel. 8 Nang dumating ang mensahero, sinabi niya kay Jehu, “Ipinadala nila ang ulo ng mga anak ng hari.” Pagkatapos, sinabi ni Jehu, “Itumpok ninyo sa dalawa ang mga ulo sa pintuan ng lungsod at iwanan doon hanggang umaga.”
9 Kinaumagahan, lumabas si Jehu, tumayo sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala kayong kasalanan. Ako ang nagplano laban sa aking amo at pumatay sa kanya. Pero sino ang pumatay sa kanilang lahat? 10 Gusto kong malaman ninyo na matutupad ang lahat ng sinabi ng Panginoon laban sa pamilya ni Ahab. Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias.” 11 Pagkatapos, pinatay ni Jehu ang lahat ng kamag-anak ni Ahab sa Jezreel, pati ang mga opisyal, kaibigan at mga pari nito. Wala talagang natirang buhay sa kanila. 12 Lumakad si Jehu papunta sa Samaria. Habang nasa daan siya, sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa, 13 nakita niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazia ng Juda. Tinanong niya ang mga ito, “Sino kayo?” Sumagot sila, “Mga kamag-anak po kami ni Ahazia at nagpunta kami rito para dumalaw sa pamilya ni Haring Ahab at Reyna Jezebel.” 14 Inutusan ni Jehu ang mga tauhan niya, “Hulihin ninyo sila nang buhay!” Kaya hinuli sila nang buhay. Dinala sila at pinatay doon sa balon sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa – 42 silang lahat. Walang iniwang buhay si Jehu.
15 Pag-alis ni Jehu roon, nakita niyang paparating ang anak ni Recab na si Jehonadab para makipagkita sa kanya. Pagkatapos nilang batiin ang isaʼt isa, tinanong siya ni Jehu, “Tapat ka ba sa akin tulad ng pagiging tapat ko sa iyo?” Sumagot si Jehonadab, “Opo.” Sinabi ni Jehu, “Kung ganoon, iabot mo sa akin ang kamay mo.” Iniabot ni Jehonadab ang kamay niya at pinaakyat siya ni Jehu sa kanyang karwahe. 16 Sinabi ni Jehu, “Sumama ka sa akin para makita mo ang katapatan ko sa Panginoon.” Kaya sumama si Jehonadab sa kanya. 17 Pagdating ni Jehu sa Samaria, pinapatay niya ang lahat ng natira sa pamilya ni Ahab, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
Pinapatay ang mga Naglilingkod kay Baal
18 Tinipon ni Jehu ang lahat ng tao at sinabi, “Hindi ganoon katapat si Ahab sa paglilingkod niya kay Baal kung ikukumpara sa gagawin kong paglilingkod. 19 Kaya papuntahin ninyo sa akin ang lahat ng propeta, pari ni Baal at ang lahat ng naglilingkod sa kanya. Kailangang nandito silang lahat, dahil mag-aalay ako ng malaking handog para kay Baal. Ipapapatay ko ang hindi pupunta.” Pero nagkukunwari lang si Jehu para mapatay niya ang mga naglilingkod kay Baal.
20 Sinabi ni Jehu, “Maghanda ng banal na pagtitipon para sambahin si Baal.” Kaya ipinaalam nila ito sa mga tao. 21 Ipinatawag ni Jehu sa buong Israel ang lahat ng naglilingkod kay Baal. Pumunta silang lahat at walang naiwan sa bahay nila. Pumasok silang lahat sa templo ni Baal at napuno ito. 22 Sinabi ni Jehu sa nangangasiwa ng espesyal na kasuotan, “Ipasuot mo ito sa bawat isa na sasamba kay Baal.” Kaya binigyan niya ng damit ang mga ito.
23 Pagkatapos, pumasok si Jehu at ang anak ni Recab na si Jehonadab sa templo ni Baal. Sinabi ni Jehu sa mga naglilingkod kay Baal, “Tiyakin ninyo na walang sumasamba sa Panginoon na napasama sa inyo. Kayo lang na mga sumasamba kay Baal ang dapat na nandito.” 24 Nang nandoon sila sa loob ng templo, nag-alay sila ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog. Mayroong 80 tauhan si Jehu sa labas ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Ibinigay ko sila sa inyong mga kamay para patayin. Ang sinuman sa inyo ang magpabaya na makatakas kahit isa sa kanila ay papatayin ko.”
25 Matapos ialay ni Jehu ang mga handog na sinusunog, inutusan niya ang mga guwardya at mga opisyal, “Pumasok kayo at patayin ninyo ang mga sumasamba kay Baal! Huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Kaya pinatay nila ang mga ito sa pamamagitan ng espada at itinapon ang mga bangkay nila sa labas. Pagkatapos, pumasok sila sa pinakaloob na bahagi ng templo ni Baal 26 at kinuha nila roon ang alaalang bato at dinala sa labas ng templo, at sinunog. 27 Dinurog nila ang alaalang bato ni Baal at giniba nila ang templo nito. Ginawa nila itong pampublikong palikuran hanggang ngayon. 28 Sa ganitong paraan sinira ni Jehu ang pagsamba ng Israel kay Baal. 29 Pero sinunod pa rin niya ang mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Ito ay ang pagsamba sa mga gintong baka sa Betel at Dan.
30 Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Mabuti ang ginawa mong pagsunod sa mga utos ko na patayin ang pamilya ni Ahab. Dahil sa ginawa mong ito, magiging hari sa Israel ang angkan mo hanggang sa ikaapat na henerasyon.” 31 Pero hindi sumunod si Jehu sa kautusan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, nang buong puso. Sa halip, sinunod niya ang kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
32 Nang panahong iyon, unti-unting pinaliliit ng Panginoon ang teritoryo ng Israel. Nasakop ni Haring Hazael ang mga lugar ng Israel 33 sa silangan ng Ilog ng Jordan: ang buong Gilead, Bashan, at mga lugar sa hilaga ng bayan ng Aroer na malapit sa Lambak ng Arnon. Ang mga lugar na ito ay dating pinamayanan ng mga lahi ni Gad, Reuben at Manase.
34 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehu, at ang lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 35 Nang mamatay si Jehu, inilibing siya sa Samaria. At ang anak niyang si Jehoahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. 36 Naghari si Jehu sa Israel doon sa Samaria sa loob ng 28 taon.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios. Sinugo ako ng Dios para ipahayag ang tungkol sa buhay na ipinangako niyang makakamtan nating mga nakay Cristo Jesus.
2 Timoteo, minamahal kong anak:
Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pasasalamat sa Dios at Paalala kay Timoteo
3 Nagpapasalamat ako sa Dios na pinaglilingkuran ko nang may malinis na konsensya, tulad ng ginawa ng mga ninuno ko. Nagpapasalamat ako sa kanya sa tuwing inaalala kita sa panalangin araw at gabi. 4 Kapag naaalala ko ang pag-iyak mo noong umalis ako, kaya nasasabik akong makita ka para maging lubos ang kagalakan ko. 5 Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon. 6 Dahil dito, pinaaalalahanan kita na lalo ka pang maging masigasig sa paggamit ng kakayahang ipinagkaloob sa iyo ng Dios, na tinanggap mo nang patungan kita ng kamay. 7 Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.
8 Kaya huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon o tungkol sa akin na bilanggo dahil sa kanya. Sa halip, sa tulong ng Dios, makibahagi ka sa mga paghihirap dahil sa Magandang Balita. 9 Iniligtas at tinawag tayo ng Dios para maging kanya, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa layunin at biyaya na ibinigay sa atin ni Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mundo. 10 Ngunit nahayag lang ito nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Tinanggalan niya ng kapangyarihan ang kamatayan at ipinahayag sa atin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
11 Pinili ako ng Dios na maging apostol at guro para ipahayag ang Magandang Balitang ito. 12 Ito ang dahilan kaya ako dumaranas ng mga paghihirap. Ngunit hindi ko ito ikinakahiya, dahil kilala ko kung sino ang sinasampalatayanan ko at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.
15 Alam mong tinalikuran ako ng halos lahat ng mga kapatid sa probinsya ng Asia, pati na sina Figelus at Hermogenes. 16 Kaawaan sana ng Dios si Onesiforus at ang pamilya niya, dahil lagi niya akong tinutulungan,[b] at hindi niya ako ikinahiya kahit na akoʼy isang bilanggo. 17 Sa katunayan, nang dumating siya sa Roma, sinikap niya akong hanapin hanggang sa matagpuan niya ako. 18 At alam na alam mo kung paano niya ako tinulungan noong nasa Efeso ako. Kaawaan sana siya ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom.
2 “Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’[a] at ‘Kinaawaan.’ ”[b]
Sumama sa Ibang Lalaki si Gomer
2 “Mga anak, sawayin ninyo ang inyong ina dahil iniwan na niya ako na kanyang asawa. Sabihin ninyo na dapat tigilan na niya ang pangangalunya. 3 Kung hindi siya titigil ay huhubaran ko siya, at ang kahubaran niya ay gaya noong siya ay isinilang. Gagawin ko siyang parang disyerto o ilang, at pababayaang mamatay sa uhaw. 4-5 At kayong mga anak niya ay hindi ko kaaawaan, dahil mga anak kayo ng babaeng nangangalunya. Nakakahiya ang ginagawa ng inyong inang nagsilang sa inyo. Sinabi pa niya, ‘Hahabulin ko ang aking mga lalaki na nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig, telang lana at linen, langis, at inumin.’
6 “Kaya babakuran ko siya ng matitinik na mga halaman para hindi siya makalabas. 7 Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya maaabutan. Hahanapin niya sila pero hindi rin niya makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa asawa ko dahil higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’
8 “Hindi niya naisip na ako ang nagbigay sa kanya ng mga butil, ng bagong katas ng ubas, langis, at maraming pilak at ginto na ginawang rebulto ni Baal na kanilang dios-diosan. 9 Kaya pagdating ng tag-ani ay babawiin ko ang mga butil at ang bagong katas ng ubas na aking ibinigay. Babawiin ko rin ang mga telang lana at linen na ibinigay ko na sanaʼy pantakip sa kanyang kahubaran. 10 At ngayon, ilalantad ko ang kanyang kahalayan sa harap ng kanyang mga lalaki, at walang makapagliligtas sa kanya mula sa aking mga kamay. 11 Wawakasan ko na ang lahat ng espesyal na araw ng pagsamba na ginagawa niya taun-taon, buwan-buwan, at linggu-linggo.[c] 12 Sisirain ko ang mga ubasan niya at mga puno ng igos na ibinayad daw sa kanya ng kanyang mga lalaki. Gagawin ko itong parang gubat at kakainin ng mga mababangis na hayop sa gubat ang mga bunga nito. 13 Parurusahan ko siya dahil may mga panahong nagsusunog siya ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Nagsuot siya ng mga alahas at humabol sa kanyang mga lalaki, at kinalimutan niya ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
14 “Pero masdan mo, dadalhin ko siya sa ilang at muling liligawan hanggang sa mapaibig ko siyang muli. 15 Pagbalik namin, ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan niya, at ang Lambak ng Acor[d] ay gagawin kong daanan na magpapaalala ng magandang kinabukasan. At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya noong panahon ng kanyang kabataan, noong kinuha ko siya sa lupain ng Egipto.”
16 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Sa araw na iyon ng inyong pagbabalik sa akin, tatawagin ninyo ako na inyong asawa at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.[e] 17 Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo ang mga pangalan ni Baal. 18 Sa araw na iyon, makikipagkasundo ako sa lahat ng uri ng hayop na huwag nila kayong sasaktan. Aalisin ko sa lupain ng Israel ang lahat ng sandata tulad ng mga pana at espada. At dahil wala nang digmaan, matutulog kayong ligtas at payapa.
19 “Ituturing ko kayong asawa magpakailanman. Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama. Mamahalin ko kayo at kaaawaan. 20 Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili nang buong katapatan, at kikilalanin na ninyo ako bilang Panginoon. 21 Sa araw na iyon, sasagutin ko ang mga dalangin ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Magpapadala ako ng ulan upang tumubo sa lupa 22 ang mga trigo, ubas, at mga olibo para sa inyo na tinatawag na Jezreel.[f] 23 Patitirahin ko kayo sa inyong lupain bilang mga mamamayan ko. Kaaawaan ko kayong tinatawag na Lo Ruhama,[g] at tatawagin ko kayong aking mga mamamayan kayong tinatawag na Lo Ami.[h] At sasabihin ninyo na ako ang inyong Dios.”
97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
lumalawak ang aking pang-unawa,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.
105 Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
106 Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.
107 Hirap na hirap na po ako Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
108 Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
109 Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,
hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.
110 Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,
ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.
111 Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,
dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.
112 Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.
113 Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,
ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
114 Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;
akoʼy umaasa sa inyong mga salita.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,
upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.
116 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako
upang ako ay patuloy na mabuhay;
at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.
117 Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;
at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.
118 Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.
Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.
119 Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,
kaya iniibig ko ang inyong mga turo.
120 Nanginginig ako sa takot sa inyo;
sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®