Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 11

Ang mga Asawa ni Solomon

11 Maraming dayuhang babae ang inibig ni Haring Solomon. Bukod pa sa anak ng Faraon, may mga asawa pa siyang Moabita, Ammonita, Edomita, Sidoneo at Heteo. Sinabi na sa kanya ng Panginoon na ang mga Israelita ay hindi dapat mag-asawa mula sa mga bansang iyondahil mahihimok lang sila ng mga ito na sumamba sa ibang mga dios. Pero umibig pa rin si Solomon sa mga babaeng ito. May 700 asawa si Solomon na puro mga prinsesa, at may 300 pa siyang asawang alipin. Ang mga asawa niya ang nagpalayo sa kanya sa Dios. Nang matanda na siya, nahimok siya ng kanyang mga asawa na sumamba sa ibang mga dios. Hindi na naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Dios; hindi tulad ng ama niyang si David. Sumamba siya kay Ashtoret, ang diosa ng mga Sidoneo at kay Molec,[a] ang kasuklam-suklam na dios ng mga Ammonita. Sa pamamagitan nito, nakagawa si Solomon ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi siya sumunod nang buong katapatan sa Panginoon; hindi tulad ng ama niyang si David.

Nagpagawa si Solomon ng sambahan sa matataas na lugar,[b] sa bandang silangan ng Jerusalem, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Moabita. Nagpagawa rin siya ng sambahan para kay Molec, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Ammonita. Nagpagawa rin siya ng simbahan ng mga dios-diosan ng lahat ng asawa niyang dayuhan at doon sila nagsusunog ng mga insenso at naghahandog para sa mga dios-diosan nila.

Nagalit ang Panginoon kay Solomon dahil tinalikuran niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagpakita sa kanya ng dalawang beses. 10 Kahit binalaan na niya si Solomon na huwag sumunod sa ibang mga dios, hindi pa rin sumunod si Solomon sa kanya. 11 Kaya sinabi ng Panginoon kay Solomon, “Dahil hindi mo tinupad ang ating kasunduan at ang mga utos ko, kukunin ko sa iyo ang kaharian mo at ibibigay ko sa isa sa mga lingkod mo. 12 Pero dahil sa iyong amang si David hindi ko ito gagawin habang buhay ka pa. Gagawin ko ito sa panahon nang paghahari ng iyong anak. 13 Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanya, magtitira ako ng isang angkan alang-alang sa aking lingkod na si David at dahil sa Jerusalem na aking hinirang na lungsod.”

Ang mga Kaaway ni Solomon

14 Pinahintulutan ng Panginoon na may kumalaban kay Solomon. Siya ay si Hadad na taga-Edom, na mula sa angkan ng isa sa mga hari ng Edom. 15 Noong una, nang nakipaglaban si David sa Edom, si Joab na kumander ng mga sundalo ni David ay pumunta roon sa Edom para ilibing ang mga namatay sa labanan. At nang naroon na siya, pinatay niya at ng mga tauhan niya ang lahat ng lalaki sa Edom. 16 Anim na buwan silang nanatili roon. Hindi sila umalis hanggang sa mapatay nila ang lahat ng mga lalaki roon. 17 Pero si Hadad, na bata pa noon ay tumakas papunta sa Egipto kasama ng ibang mga opisyal na taga-Edom na naglingkod sa kanyang ama. 18 Umalis sila sa Midian at pumunta sa Paran. At kasama ng ibang mga taga-Paran, pumunta sila sa Egipto at nakipagkita sa Faraon, ang hari ng Egipto. Binigyan ng hari si Hadad ng bahay, lupa at pagkain.

19 Nagustuhan ng Faraon si Hadad, kaya ibinigay niya ang hipag niya kay Hadad para maging asawa nito, kapatid ito ng kanyang asawang si Reyna Tapenes. 20 Kinalaunan, nanganak ng lalaki ang asawa ni Hadad at pinangalanan nila siyang Genubat. Si Tapenes ang nagpalaki sa bata roon sa palasyo. Tumira ang bata roon kasama ng mga anak ng Faraon.

21 Nang naroon na si Hadad sa Egipto, nabalitaan niya na patay na si David at si Joab na kumander ng mga sundalo. Sinabi ni Hadad sa Faraon, “Hayaan nʼyo na po akong umuwi sa aking bansa.” 22 Nagtanong ang Faraon, “Bakit? Ano pa ba ang kulang sa iyo rito at gusto mo pang umuwi sa inyo?” Sumagot si Hadad, “Wala po; basta pauwiin nʼyo na lang po ako.”

23 May isa pang tao na pinahintulutan ng Dios na kumalaban kay Solomon. Ito ay si Rezon na anak ni Eliada. Lumayas siya sa kanyang amo na si Haring Hadadezer ng Zoba, 24 at naging pinuno siya ng mga rebeldeng tinipon niya. Nang matalo ni David ang mga sundalo ni Hadadezer, pumunta si Rezon at ang mga tauhan niya sa Damascus. Sinakop nila ang lugar na ito at doon tumira. 25 Naging hari si Rezon ng Aram,[c] at kinalaban niya ang Israel. Naging kalaban siya ng Israel habang buhay pa si Solomon. Dinagdagan pa niya ang kaguluhan na ginawa ni Hadad sa Israel.

Nagrebelde si Jeroboam kay Solomon

26 Isa pa sa mga kumalaban kay Solomon ay si Jeroboam na isa sa mga opisyal niya. Galing siya sa lungsod ng Zereda sa Efraim. Ang ama niyang si Nebat ay patay na, pero ang kanyang ina na si Zerua ay buhay pa. 27 Ito ang nangyari kung paano siya nagrebelde sa hari: Pinatabunan noon ni Solomon ng lupa ang mababang bahagi ng bayan ng ama niyang si David at ipinaayos ang mga pader nito. 28 Maabilidad na tao si Jeroboam at nang mapansin ni Solomon ang kanyang kasipagan, itinalaga niya itong tagapamahala ng lahat ng tao na pinilit magtrabaho mula sa lahi ni Efraim at ni Manase.[d]

29 Isang araw, habang palabas si Jeroboam sa Jerusalem, sinalubong siya ni propetang Ahia na taga-Shilo. Bago ang suot na balabal ni Ahia. Silang dalawa lang ang naroon sa kapatagan. 30 Hinubad ni Ahia ang balabal niya at pinunit ito sa 12 bahagi. 31 Pagkatapos, sinabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso nito, dahil ganito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Kukunin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay sa iyo ang sampung lahi nito. 32 Ngunit alang-alang kay David na aking lingkod at sa lungsod ng Jerusalem na aking hinirang sa lahat ng lungsod ng Israel, ititira ko ang isang lahi kay Solomon. 33 Gagawin ko ito dahil itinakwil niya[e] ako at sinamba si Ashtoret, ang diosa ng mga Sidoneo, si Kemosh, ang dios ng mga Moabita at si Molec, ang dios ng mga Ammonita. Hindi siya sumunod sa aking mga pamamaraan at hindi siya namuhay nang matuwid sa aking paningin. Hindi siya tumupad sa aking mga tuntunin at mga utos; hindi tulad ng ama niyang si David. 34 Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian kay Solomon. Maghahari siya sa buong buhay niya dahil sa pinili kong lingkod na si David, na tumupad sa aking mga utos at mga tuntunin. 35 Kukunin ko ang kaharian sa kanyang anak na papalit sa kanya bilang hari, at ibibigay ko ang sampung lahi nito sa iyo. 36 Bibigyan ko ng isang lahi ang kanyang anak para ang angkan ni David na aking lingkod ay magpapatuloy sa paghahari sa Jerusalem, ang lungsod na aking pinili para parangalan ako. 37 At ikaw naman ay gagawin kong hari ng Israel. Pamamahalaan mo ang lahat ng gusto mo. 38 Kung tutuparin mo ang lahat ng iuutos ko sa iyo at susunod ka sa pamamaraan ko, at kung gagawa ka nang mabuti sa aking harapan sa pamamagitan ng pagtupad ng aking mga tuntunin at mga utos katulad ng ginawa ni David na aking lingkod, akoʼy makakasama mo. Mananatili sa paghahari ang iyong mga angkan tulad sa mga angkan ni David. Magiging iyo ang Israel. 39 Dahil sa mga kasalanan ni Solomon, parurusahan ko ang mga angkan ni David, pero hindi panghabang buhay.’ ”

40 Nang malaman ito ni Solomon, pinagsikapan niyang patayin si Jeroboam, pero tumakas ito at pumunta kay Haring Sishak ng Egipto at doon siya tumira hanggang mamatay si Solomon.

Ang Pagkamatay ni Solomon(A)

41 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Solomon, at ang lahat ng ginawa niya, at ang tungkol sa kanyang karunungan ay nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon. 42 Sa Jerusalem nakatira si Solomon habang naghahari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon. 43 Nang mamatay siya, inilibing siya sa lungsod ng ama niyang si David. At ang anak niyang si Rehoboam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Filipos 2

Ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Hindi baʼt masigla kayo dahil nakay Cristo kayo? Hindi baʼt masaya kayo dahil alam ninyong mahal niya kayo? Hindi baʼt may mabuti kayong pagsasamahan dahil sa Banal na Espiritu? At hindi baʼt may malasakit at pang-unawa kayo sa isaʼt isa? Kung ganoon, nakikiusap ako na lubusin na ninyo ang kagalakan ko: Magkasundo kayoʼt magmahalan, at magkaisa sa isip at layunin. Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin nʼyo kundi ang kapakanan din ng iba. Dapat maging katulad ng kay Cristo Jesus ang pananaw nʼyo:

Kahit na nasa kanya ang katangian ng Dios, hindi niya itinuring ang pagiging kapantay ng Dios bilang isang bagay na dapat panghawakan.
Sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin.
Naging tao siyang tulad natin.     At sa pagiging tao niya, nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Dios hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus.
Kaya naman itinaas siyang lubos ng Dios at binigyan ng titulong higit sa lahat ng titulo,
10 upang ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa ay luluhod sa pagsamba sa kanya.
11 At kikilalanin ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikapupuri ng Dios Ama.

Magsilbi Kayong Ilaw na Nagliliwanag

12 Mga minamahal, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malayo na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay[a] ang kaligtasang tinanggap nʼyo, at gawin nʼyo ito nang may takot at paggalang sa Dios. 13 Sapagkat ang Dios ang siyang nagbibigay sa inyo ng pagnanais at kakayahang masunod nʼyo ang kalooban niya.

14 Gawin nʼyo ang lahat nang walang reklamo o pagtatalo, 15 para maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Dios sa gitna ng mga mapanlinlang at masasamang tao sa panahong ito. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila 16 habang pinaninindigan nʼyo[b] ang salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. At kung gagawin nʼyo ito, may maipagmamalaki ako sa pagbabalik ni Cristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagsisikap ko sa inyo. 17 Ang paglilingkod ninyo na bunga ng inyong pananampalataya ay tulad sa isang handog. At kung kinakailangang ibuhos ko ang aking dugo[c] sa handog na ito, maligaya pa rin ako at makikigalak sa inyo. 18 At dapat maligaya rin kayo at makigalak sa akin.

Si Timoteo at si Epafroditus

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko riyan si Timoteo sa lalong madaling panahon, para masiyahan naman ako kapag naibalita niya ang tungkol sa inyo. 20 Siya lang ang kilala ko na katulad kong nagmamalasakit sa inyo nang totoo. 21 Ang ibaʼy walang ibang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam nʼyo kung paano pinatunayan ni Timoteo ang kanyang sarili. Para ko siyang tunay na anak sa pagtulong niya sa akin sa pangangaral ng Magandang Balita. 23 Binabalak kong papuntahin siya sa inyo kapag nalaman ko na ang magiging hatol sa akin dito. 24 At umaasa ako sa Panginoon na ako mismo ay makakapunta sa inyo sa lalong madaling panahon.

25 Sa ngayon, naisip kong kailangan nang pabalikin ang kapatid nating si Epafroditus na pinapunta nʼyo rito para tulungan ako. Tulad ko rin siyang manggagawa at tagapagtanggol ng Magandang Balita. 26 Pababalikin ko na siya sa inyo dahil sabik na sabik na siyang makita kayo, at hindi siya mapalagay dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoo ngang nagkasakit siya, at muntik nang mamatay. Ngunit naawa ang Dios sa kanya at maging sa akin, dahil pinagaling siya at naligtas naman ako sa matinding kalungkutan. 28 Kaya gusto ko na siyang pabalikin para matuwa kayo kapag nakita nʼyo na siya ulit, at hindi na rin ako mag-aalala para sa inyo. 29 Kaya tanggapin nʼyo siya nang buong galak bilang kapatid sa Panginoon. Igalang nʼyo ang mga taong tulad niya, 30 dahil nalagay sa panganib ang buhay niya para sa gawain ni Cristo. Itinaya niya ang buhay niya para matulungan ako bilang kinatawan ninyo.

Ezekiel 41

41 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa Banal na Lugar ng templo. Sinukat niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Banal na Lugar, sampung talampakan ang taas, walong talampakan ang kapal ng pader at 17 talampakan ang luwang ng daanan. Sinukat din niya ang bulwagan ng Banal na Lugar, 68 talampakan ang haba at 35 talampakan ang luwang.

Pagkatapos, pumasok ang tao sa Pinakabanal na Lugar. Sinukat din niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Pinakabanal na Lugar, tatlong talampakan ang kapal ng pader at 12 talampakan ang taas. Sampung talampakan ang luwang ng daanan. Sinukat niya ang bulwagan ng Pinakabanal na Lugar, at 35 na talampakan ang haba nito ganoon din ang luwang. Pagkatapos, sinabi ng tao sa akin, “Ito ang Pinakabanal na Lugar.”

Pagkatapos, sinukat ng tao ang pader ng templo at ang kapal nito ay sampung talampakan. Sa labas ng pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunod-sunod na silid na tig-pipitong talampakan ang luwang. May tatlong palapag ang mga silid na ito at bawat palapag ay may 30 silid. Ang bawat palapag ay nakapatong sa malapad na parang biga sa gilid ng pader ng templo. Kaya hindi na nito kailangan ng mga biga. Ang pader ay papanipis mula sa ibaba pataas, kaya ang mga silid ay unti-unting lumuluwang mula sa unang palapag hanggang sa pangatlong palapag. May hagdanan mula sa unang palapag papunta sa ikalawang palapag hanggang sa ikatlong palapag.

Nakita ko ang templo na nakapatong sa pundasyon na sampung talampakan ang taas, at ito rin ang pundasyon ng mga silid sa gilid ng templo. Ang pader sa bandang labas ng mga silid ay walong talampakan ang kapal. May bukas na bahagi sa pagitan ng mga silid na ito 10 at sa ibang silid na may luwang na 35 na talampakan at nakapaikot sa templo. 11 May dalawang pinto papunta sa mga silid sa gilid mula sa bukas na bahagi, ang isa ay sa gawing hilaga at ang isa ay sa gawing timog. Ang tapat ng bakanteng lugar ay may daanan na ang luwang ay walong talampakan.

12 May nakita akong isang gusali na nakaharap sa bakuran ng templo sa kanluran. Ang luwang ng gusaling ito ay 118 talampakan, at ang haba ay 150 talampakan, at ang kapal ng pader ay walong talampakan. 13 Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba ng templo, at itoʼy 170 talampakan. Ang sukat mula sa likurang bahagi ng templo papunta sa kabilang bahagi ng pader ng gusali sa kanluran ay 170 talampakan. 14 Ang luwang ng bulwagan sa loob sa gawing silangan, sa harap ng templo ay 170 talampakan din.

15 Pagkatapos, sinukat din ng tao ang haba ng gusali sa kanluran na nakaharap sa loob ng bulwagan na likod ng templo, pati ang mga pader sa bawat tabi nito, at ito ay may sukat na 170 talampakan. Ang Banal na Lugar, ang Pinakabanal na Lugar, at ang balkonahe ng templo 16 ay nababalot ng tabla,[a] pati ang palibot ng maliliit na bintana. Ang tatlong silid sa magkabilang daanan ay nababalot din ng tabla mula sa sahig hanggang bintana. Ang mga bintanang ito ay maaaring isara. 17 Ang dingding sa itaas ng pinto na papunta sa Pinakabanal na Lugar ay nababalot din ng mga tabla. Ang buong dingding sa loob ng templo 18 ay napapalamutian ng mga nakaukit na punong palma at mga kerubin na may dalawang mukha. 19 Ang isang kerubin ay mukha ng taong nakaharap sa palma at ang isa naman ay mukha ng leon na nakaharap din sa kabilang palma. Nakaukit ang mga ito sa lahat ng dingding ng templo, 20 mula sa sahig hanggang sa itaas, pati na sa dingding sa labas ng Banal na Lugar.

21 Parisukat ang hamba ng pinto ng Banal na Lugar. Sa harap ng pinto ng Banal na Lugar ay may parang 22 altar na kahoy na limang talampakan ang taas at tatlong talampakan ang haba at tatlo ring talampakan ang luwang. Ang mga sulok, sahig at mga gilid ay puro kahoy. Sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mesa sa harap ng Panginoon.” 23 Ang Banal na Lugar at ang Pinakabanal na Lugar ay may tigdalawang pinto, 24 ang bawat pinto ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 25 Ang pintuan ng Banal na Lugar ay may mga nakaukit na kerubin at punong palma gaya ng sa dingding. At ang balkonahe ay may mga bubong na kahoy. 26 Sa bawat gilid ng balkonahe ay may maliliit na bintanang may nakaukit sa gilid na mga puno ng palma. Ang mga silid sa gilid ng templo ay may bubong din.

Salmo 92-93

Awit ng Papuri

92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
    At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
Panginoon, kay dakila ng inyong mga ginawa.
    Ang isipan nʼyoʼy hindi namin kayang unawain.
Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
na kahit umunlad ang taong masama gaya ng damong lumalago,
    ang kahahantungan pa din niya ay walang hanggang kapahamakan.
Ngunit kayo, Panginoon, ay dakila sa lahat magpakailanman.
Tiyak na mamamatay ang lahat ng inyong kaaway at mangangalat ang lahat ng gumagawa ng masama.
10 Pinalakas nʼyo ako na tulad ng lakas ng lakas ng toro
    at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.[a]
11 Nasaksihan ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway,
    at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
    at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
    berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
    Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.

Ang Dios ang ating Hari

93 Kayo ay hari, Panginoon;
    nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
    Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
    naroon na kayo noon pa man.
Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
    at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®