Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 6

Lumutang sa Tubig ang Ulo ng Palakol

Isang araw, pumunta ang grupo ng mga propeta kay Eliseo at sinabi, “Nakikita po ninyo na maliit ang pinagtitipunan natin. Kaya pumunta po tayo sa Ilog ng Jordan kung saan maraming punongkahoy, at doon tayo gumawa ng lugar na pagtitipunan natin.” Sinabi ni Eliseo, “Sige, lumakad na kayo.” Pero sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po, Guro, sumama na lang kayo sa amin.” Sumagot siya, “O sige, sasama ako.” Kaya sumama siya sa kanila.

Pumunta nga sila sa Ilog ng Jordan at pumutol ng mga punongkahoy. Habang ang isa sa kanila ay pumuputol ng punongkahoy, nahulog ang ulo ng palakol niya sa tubig, kaya sumigaw siya, “Guro, hiniram ko lang po iyon!” Tinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Itinuro niya kung saang banda ito nahulog, pumutol si Eliseo ng sanga at inihagis ito sa tubig. At lumutang ang ulo ng palakol. Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” At kinuha nga niya ito.

Pinahinto ni Eliseo ang Paglusob ng mga Arameo

Nang nakikipaglaban ang hari ng Aram sa Israel, nagkaroon sila ng pagpupulong ng kanyang mga opisyal at sinabi niya, “Dito ko itatayo ang kampo ko.”

Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong dumaan sa lugar na iyon dahil pupunta roon ang mga Arameo.” 10 Kaya nag-utos ang hari ng Israel na sabihan ang mga nakatira sa lugar na sinasabi ni Eliseo na maging handa sila. Palaging nagbibigay ng babala si Eliseo sa hari.[a]

11 Dahil dito, nagalit ang hari ng Aram. Ipinatawag niya ang mga opisyal niya at sinabi, “Sino sa inyo ang kumakampi sa hari ng Israel?” 12 Nagsalita ang isa sa opisyal niya, “Wala po talaga kahit isa man sa amin, Mahal na Hari. Ang propeta sa Israel na si Eliseo ang nagpapahayag sa hari ng Israel ng lahat ng sinasabi ninyo kahit pa ang sinasabi nʼyo sa loob ng inyong kwarto.” 13 Sinabi ng hari, “Lumakad ka at hanapin siya para makapagpadala ako ng mga tauhan upang hulihin siya.”

Nang sinabi sa hari na si Eliseo ay naroon sa Dotan, 14 nagpadala siya roon ng maraming sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe. Gabi na nang nakarating sila sa Dotan at pinaligiran nila ito.

15 Kinabukasan, gumising ng maaga ang katulong ni Eliseo, nakita niya ang mga sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe na nakapaligid sa lungsod. Sinabi niya kay Eliseo, “Ano po ang gagawin natin, amo?” 16 Sumagot si Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila.” 17 Nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata ng katulong ko para makakita siya.” Binuksan ng Panginoon ang mga mata ng katulong, at nakita niya na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid ni Eliseo.

18 Habang papunta ang mga kaaway kay Eliseo, nanalangin siya, “Panginoon, bulagin[b] po ninyo ang mga taong ito.” Kaya binulag sila ng Panginoon ayon sa hiling ni Eliseo. 19 Sinabi ni Eliseo sa mga kaaway, “Hindi ito ang tamang daan at hindi ito ang lungsod ng Dotan. Sumunod kayo sa akin, dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” Kaya dinala sila ni Eliseo sa Samaria.

20 Pagpasok nila sa Samaria nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata nila para makakita sila.” Binuksan nga ng Panginoon ang mga mata ng mga sundalo ng Aram at nakita nila na nasa loob na sila ng Samaria. 21 Pagkakita ng hari ng Israel sa kanila, tinanong niya si Eliseo, “Papatayin ko po ba sila, ama?” 22 Sumagot si Eliseo, “Huwag mo silang patayin. Pinapatay ba natin ang mga bihag sa labanan? Bigyan mo sila ng makakain at maiinom at pabalikin mo sila sa kanilang hari.”[c] 23 Kaya naghanda ang hari ng isang malaking salo-salo para sa kanila at pagkatapos, pinauwi sila sa kanilang hari. At mula noon, hindi na muling lumusob ang mga Arameo sa lupain ng Israel.

Pinaligiran ang Samaria

24 Kinalaunan, tinipon ni Haring Ben Hadad ng Aram ang kanyang buong hukbo, at nilusob ang Samaria. 25 Dahil dito, nagkaroon ng malaking taggutom sa lungsod, hanggang sa nagsitaasan ang mga bilihin. Ang halaga ng ulo ng asno ay 80 pirasong pilak at ang isang gatang na dumi ng kalapati[d] ay limang pirasong pilak.

26 Isang araw, habang dumaraan ang hari ng Israel sa itaas ng pader,[e] may isang babae na sumigaw sa kanya, “Tulungan po ninyo ako, Mahal na Hari!” 27 Sumagot ang hari, “Kung hindi ka tinutulungan ng Panginoon, paano kita matutulungan? Wala akong trigo o katas ng ubas na maibibigay sa iyo.” 28 Pagkatapos nagtanong ang hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot ang babae, “Sinabi po sa akin ng babaeng ito, ‘Kainin natin ang anak mong lalaki at bukas ang anak ko namang lalaki.’ 29 Kaya niluto po namin ang aking anak at kinain. Nang sumunod na araw sinabi ko sa kanya na ibigay na niya ang kanyang anak para makain namin. Pero itinago niya ito.”

30 Nang marinig ng hari ang sinabi ng babae, pinunit niya ang damit niya sa sobrang kalungkutan. Habang naglalakad siya sa gilid ng pader, nakita siya ng mga tao na nakasuot ng sako na nakasuson sa kanyang damit dahil sa pagluluksa niya. 31 Sinabi niya, “Parusahan sana ako nang matindi ng Panginoon kung hindi ko mapaputol ang ulo ni Eliseo na anak ni Shafat sa araw na ito!”

32 Nakaupo si Eliseo sa bahay niya na nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Israel nang magsugo ang hari ng mensahero para mauna sa kanya doon kay Eliseo. Pero bago dumating ang mensahero ng hari, sinabi ni Eliseo sa mga tagapamahala, “Tingnan ninyo, isang mamamatay-tao ang nagpadala ng tao para pugutan ako. Kapag dumating na ang taong iyon, isara ninyo ang pinto at huwag siyang papapasukin. Ang hari mismo na kanyang amo ay kasunod niya.” 33 Habang nagsasalita si Eliseo, dumating ang mensahero ng hari at sinabi, “Ang Panginoon ang nagpadala ng paghihirap sa atin. Bakit hihintayin ko pa na tumulong siya?”

1 Timoteo 3

Ang mga Namumuno sa Iglesya

Totoo ang kasabihan na ang nagnanais na mamuno sa iglesya ay nagnanais ng mabuting gawain. Kailangan na ang namumuno ay walang kapintasan,[a] iisa ang asawa, marunong magpigil sa sarili, marunong magpasya kung ano ang nararapat, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa mga tao, at magaling magturo. Hindi siya dapat lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi mukhang pera. Kailangan ding mahusay siyang mamahala sa pamilya niya; iginagalang at sinusunod ng mga anak niya. Sapagkat kung hindi siya marunong mamahala sa sariling pamilya, paano siya makakapangasiwa nang maayos sa iglesya? Dapat ay hindi siya bagong mananampalataya, at baka maging mayabang siya at mahatulan katulad ni Satanas. Bukod pa rito, kailangang iginagalang siya ng mga hindi miyembro ng iglesya para hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diablo.

Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya

Ganoon din naman sa mga tagapaglingkod sa iglesya:[b] kailangang kagalang-galang sila, tapat sa kanilang salita, hindi lasenggo, at hindi sakim. Kailangang iniingatan nila nang may malinis na konsensya ang ipinahayag na katotohanan tungkol sa pananampalataya kay Cristo. 10 Kailangan ding masubok muna sila; at kung mapatunayang karapat-dapat, hayaan silang makapaglingkod. 11 Kailangang kagalang-galang din ang mga asawa nila, hindi mapanira sa kapwa, marunong magpigil sa sarili, at maaasahan sa lahat ng bagay. 12 Dapat iisa lang ang asawa ng mga tagapaglingkod at mahusay mamahala ng kanilang pamilya. 13 Ang mga naglilingkod nang mabuti ay iginagalang ng mga tao at hindi na natatakot magsalita tungkol sa pananampalataya nila kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya

14 Kahit na inaasahan kong makakapunta riyan sa iyo sa lalong madaling panahon, isinulat ko pa rin ang tagubiling ito para 15 kung sakaling maantala ako, alam mo na kung ano ang dapat ugaliin ng mga mananampalataya bilang pamilya ng Dios. Tayong mga mananampalataya ang iglesya ng buhay na Dios, ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Tunay na napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon:

    Nagpakita siya bilang tao,
    pinatotohanan ng Banal na Espiritu na siyaʼy matuwid,
    nakita siya ng mga anghel,
    ipinangaral sa mga bansa,
    pinaniwalaan ng mundo,
    at dinala sa langit.

Daniel 10

Ang Pangitain ni Daniel sa Pampang ng Ilog ng Tigris

10 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, may ipinahayag na mensahe kay Daniel na tinatawag ding Belteshazar. Totoo ang pahayag at tungkol ito sa malaking digmaan. Naunawaan ni Daniel ang pahayag dahil ipinaliwanag ito sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain. Ganito ang nangyari ayon kay Daniel:

Nang panahong iyon, tatlong linggo akong nagdalamhati. Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni tumikim ng karne o uminom ng alak, at hindi rin ako nagpabango ng katawan sa loob ng tatlong linggo.

Nang ika-24 na araw ng unang buwan, nakatayo ako sa tabi ng malawak na Ilog ng Tigris. May nakita ako doon na parang tao na nakadamit ng telang linen at may tali sa baywang na puro ginto. Ang katawan niya ay kumikinang na parang mamahaling bato. Ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat, at ang kanyang mga mata ay nagliliyab na parang sulo. Ang kanyang mga kamay at mga paa ay kumikinang na parang makinis na tanso, at ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao.

Ako lang talaga ang nakakita ng pangitaing iyon. Hindi iyon nakita ng aking mga kasama, pero nagsipagtago sila dahil sa takot. Kaya naiwan akong nag-iisa at ako lang ang nakakita ng kamangha-manghang pangitaing iyon. Namutla ako at nawalan ng lakas. Narinig kong nagsasalita ang taong iyon. At habang nagsasalita siya, nawalan ako ng malay at nasubsob sa lupa. 10 Hinawakan at tinulungan niya ako habang nanginginig pa ang aking mga kamay at mga tuhod. 11 Sinabi niya, “Daniel, mahal ka ng Dios. Tumayo ka at makinig nang mabuti sa sasabihin ko sa iyo, dahil isinugo ako ng Dios dito sa iyo.” Pagkasabi niya noon, nanginginig akong tumayo. 12 Sinabi niya sa akin, “Daniel, huwag kang matakot. Sapagkat sa unang araw pa lamang ng iyong pagpapakumbaba sa Dios at sa hangad mong maunawaan ang pangitain, sinagot na ang iyong dalangin. Kaya pumarito ako para dalhin ang kasagutan sa iyong dalangin. 13 Pero hindi ako nakarating agad dito dahil sa loob ng 21 araw ay hinadlangan ako ng pinuno[a] ng kaharian ng Persia. Mabuti na lang at tinulungan ako ni Micael na pinuno ng mga anghel dahil ako lang ang nakikipaglaban sa pinuno ng Persia. 14 Narito ako ngayon para ipaliwanag sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayang Israelita sa hinaharap, dahil ang iyong pangitain ay tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.”

15 Habang nagsasalita siya sa akin, napayuko na lang ako at hindi nakapagsalita. 16 Hinipo ako sa bibig nitong parang tao, at nakapagsalita akong muli. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa aking harapan, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing nakita ko. 17 Paano ako makikipag-usap sa inyo gayong wala na akong lakas at halos hindi na ako makahinga?”

18 Kaya muli niya akong hinipo at bumalik ang aking lakas. 19 Sinabi niya sa akin, “Ikaw na mahal ng Dios, huwag kang matakot o mag-alala. Magpakalakas at magpakatatag ka.” Nang masabi niya ito sa akin, muli akong lumakas. Sinabi ko sa kanya, “Ituloy nʼyo po ang pagsasalita, dahil pinalakas nʼyo na ako.” 20 Sumagot siya, “Kinakailangang bumalik ako sa pakikipaglaban sa pinuno ng Persia. Pagkatapos, darating naman ang pinuno[b] ng Grecia. Pero alam mo ba kung bakit ako pumarito sa iyo? 21 Naparito ako para ipaliwanag sa iyo ang nakasulat sa Aklat ng Katotohanan. Sa aking pakikipaglaban, walang ibang tumulong sa akin kundi si Micael lamang, ang pinuno[c] ng Israel.

Salmo 119:1-24

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
    Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
    kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
    higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
    at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.

16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
    at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
    upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
    kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
    at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
    akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®