Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 9

Nagpakita ang Panginoon kay Solomon(A)

Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, at ng iba pa na binalak niyang gawin, nagpakitang muli ang Panginoon sa kanya katulad ng ginawa niya noon sa Gibeon. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Narinig ko ang panalangin at kahilingan mo sa akin. Ang templong ipinatayo mo ang pinili kong lugar kung saan ako pararangalan magpakailanman. Palagi ko itong babantayan at iingatan. At ikaw, kung mamumuhay kang tapat at matuwid sa aking harapan, katulad ng iyong ama na si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, paghahariin ko sa Israel ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong ama na si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Laging magmumula sa angkan mo ang maghahari sa Israel.’ Pero kung tatalikod kayo o ang inyong mga angkan sa akin at hindi susunod sa aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios, paaalisin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at itatakwil ko ang templong ito na hinirang kong lugar kung saan pararangalan ang aking pangalan. Pagkatapos, kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao ang Israel. At kahit maganda at tanyag ang templong ito, sisirain ko ito. Magugulat at mamamangha ang lahat ng dumaraan dito at painsultong sasabihin, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at templong ito?’ Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanilang mga ninuno sa Egipto at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kapahamakan.’ ”

Ang Iba pang Naipatayo ni Solomon(B)

10 Matapos na maipatayo ni Solomon ang dalawang gusali – ang templo ng Panginoon at ang palasyo sa loob ng 20 taon, 11 ibinigay niya ang 20 bayan sa Galilea kay Haring Hiram ng Tyre. Ginawa niya ito dahil tinustusan siya ni Hiram ng lahat ng kahoy na sedro at sipres[a] at ng ginto na kanyang kailangan. 12 Pero nang pumunta si Hiram sa Galilea mula sa Tyre para tingnan ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Solomon, hindi siya nasiyahan dito. 13 Sinabi niya kay Solomon “Aking kapatid, anong klaseng mga bayan itong ibinigay mo sa akin?” Tinawag ni Hiram ang lupaing iyon na Cabul,[b] at ganito pa rin ang tawag dito hanggang ngayon. 14 Nagpadala roon si Hiram kay Solomon ng limang toneladang ginto.

15 Ito ang ulat tungkol sa sapilitang pagpapatrabaho ni Haring Solomon sa mga tao para maipatayo ang templo ng Panginoon at ang kanyang palasyo, sa pagpapatibay ng lupain sa bandang silangan ng lungsod, sa pagpapatibay ng pader ng Jerusalem, at sa pagpapatayong muli ng mga lungsod ng Hazor, Megido at Gezer. 16 (Nilusob ang Gezer at inagaw ito ng Faraon na hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinagpapatay ang mga naninirahan dito na mga Cananeo. Ibinigay niya ang lungsod na ito sa kanyang anak na babae bilang regalo sa kasal nito kay Solomon. 17 At ipinatayong muli ni Solomon ang Gezer.) Ipinatayo rin niya ang ibabang bahagi ng Bet Horon, 18 ang Baalat, ang Tamar[c] na nasa disyerto na sakop ng kanyang lupain, 19 at ang lahat ng lungsod na imbakan ng kanyang mga pangangailangan, at mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng ninanais niyang ipatayo sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.

20-21 May mga tao pa na naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ay mga lahi ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng lubusan ng mga Israelita nang sakupin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na magtrabaho, at nananatili silang alipin hanggang ngayon. 22 Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya silang kanyang mga sundalo, mga opisyal, mga kapitan ng mga sundalo, mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo. 23 Ang 550 sa kanila ay ginawa ni Solomon na mga opisyal na mamamahala sa mga manggagawa ng kanyang mga proyekto.

24 Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa, na anak ng Faraon, inilipat niya ito roon mula sa Lungsod ni David. Pagkatapos, pinatambakan niya ng lupa ang mababang bahagi ng lungsod.

25 Tatlong beses sa bawat taon, nag-aalay si Solomon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon[d] doon sa altar na ipinagawa niya para sa Panginoon. Nagsusunog din siya ng mga insenso sa presensya ng Panginoon.

Kaya natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.

26 Nagpagawa rin si Solomon ng mga barko sa Ezion Geber, malapit sa Elat[e] na sakop ng Edom, sa dalampasigan ng Dagat na Pula. 27 Nagpadala si Hiram ng mga marino na bihasang mandaragat, kasama ng mga tauhan ni Solomon. 28 Naglayag sila sa Ofir at bumalik sila na may dalang 15 toneladang ginto at dinala nila ito kay Haring Solomon.

Efeso 6

Aral sa mga Magulang at mga Anak

Mga anak, sundin nʼyo ang mga magulang nʼyo dahil ito ang nararapat gawin bilang mga mananampalataya sa Panginoon. “Igalang nʼyo ang inyong amaʼt ina.” Ito ang unang utos na may kasamang pangako. At ito ang pangako, “Giginhawa ka at hahaba ang buhay mo rito sa lupa.”[a]

At kayo namang mga magulang,[b] huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikasasama ng loob ng mga anak ninyo. Sa halip, palakihin ninyo sila nang may disiplina at turuan ng mga aral ng Panginoon.

Aral sa mga Alipin at mga Amo

Mga alipin, sundin nʼyo ang inyong mga amo rito sa lupa nang may katapatan, paggalang at pagkatakot na parang si Cristo ang pinaglilingkuran ninyo. Gawin nʼyo ito nang kusang-loob hindi dahil nakatingin sila para silaʼy malugod, kundi dahil mga alipin kayo ni Cristo na gumagawa ng kalooban ng Dios. Maglingkod kayo nang may mabuting kalooban na para bang ang Panginoon mismo ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. Alalahanin ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat isa ayon sa ginawa niyang mabuti, maging alipin man siya o hindi.

At kayo namang mga amo, tratuhin ninyo nang mabuti ang inyong mga alipin at huwag ninyo silang tatakutin o pagbabantaan, dahil alam naman ninyong kayo at sila ay may iisang amo sa langit, at wala siyang kinikilingan kahit sino.

Mga Kagamitang Pandigma na Kaloob ng Dios

10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.

14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu. 18 At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal.[c] 19 Ipanalangin din ninyo ako sa tuwing mangangaral ako, na bigyan ako ng Dios ng wastong pananalita para maipahayag ko nang buong tapang ang Magandang Balita na inilihim noon. 20 Sapagkat isinugo ako ng Dios para mangaral ng Magandang Balitang ito na siyang dahilan ng pagkakabilanggo ko. Kaya kung maaari, ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.

Mga Pangwakas na Pagbati

21 Si Tykicus, na minamahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat tungkol sa akin, para malaman nʼyo ang kalagayan ko at kung ano ang mga ginagawa ko. 22 Ito ang dahilan kung bakit pinapupunta ko siya sa inyo: Para malaman nʼyo ang tungkol sa amin at mapalakas niya ang loob ninyo.

23 Mga kapatid, sumainyo nawa ang kapayapaan, pag-ibig at pananampalatayang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Pagpalain nawa ng Panginoong Jesu-Cristo ang lahat ng nagmamahal sa kanya nang tapat.

Ezekiel 39

Ang Pagbagsak ni Gog at ng mga Kawal Niya

39 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban kay Gog. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, kalaban kita, ikaw na pinuno ng Meshec at Tubal. Paiikutin kita at hihilahin mula sa hilaga hanggang makarating ka sa bundok ng Israel. Pagkatapos, kukunin ko ang mga armas mo, mamatay ka at ang lahat ng sundalo mo, pati na ang mga bansang kasama mo roon sa bundok ng Israel. Ipapakain ko ang mga bangkay ninyo sa ibaʼt ibang uri ng ibong mandaragit at sa mababangis na hayop. Mamamatay kayo sa kapatagan dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Susunugin ko ang Magog at ang mga katabi niyang bansa na malapit sa tabing-dagat, kung saan mamumuhay nang mapayapa ang mga mamamayan. At malalaman nila na ako ang Panginoon. Ipapakilala ko sa mga mamamayan kong Israelita na banal ang pangalan ko, at hindi ko na papayagang lapastanganin ito. At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Sinasabi ko na darating ang araw na iyon. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Kapag dumating na ang araw na iyon, titipunin ng mga mamamayan ng Israel na nakatira sa mga bayan ang mga sandata ninyong pandigma. Ang malalaki at maliliit na kalasag, mga pana, palaso at sibat, at gagamitin nila itong panggatong sa loob ng pitong taon. 10 Hindi na nila kailangang mangahoy pa sa mga parang o kagubatan dahil may mga sandata silang pagdigma na gagawing panggatong. Sasamsaman din nila silang mga sumamsam sa mga ari-arian nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

11 “Sa panahong iyon, ililibing ko si Gog at ang napakarami niyang tauhan doon sa Israel, sa lambak ng mga manlalakbay, sa gawing silangan ng Dagat na Patay. Napakalawak ng libingang iyon. Kaya hindi na makakadaan doon ang mga naglalakbay. At tatawagin itong Lambak ng Hukbo ni Gog.[a]

12 “Aabot ng pitong buwan ang paglilibing sa kanila ng mga Israelita. Sa ganitong paraan ay malilinis ang lupain. 13 Ang lahat ng mga mamamayan ay tutulong sa paglilibing. Hinding-hindi makakalimutan ng mga Israelita ang araw na iyon dahil sa ganitong paraan ay mapaparangalan ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 14 Pagkaraan ng pitong buwan, may mga taong susuguin na ito lang ang gagawin: Susuyurin nila ang lugar na iyon para tingnan kung may natitira pang nagkalat na bangkay at ipapalibing nila ito upang malinis ang lupain. 15 Kapag may nakita pa silang mga kalansay ng tao, lalagyan nila ito ng tanda para makita ng mga maglilibing at para mailibing nila sa Lambak ng Hukbo ni Gog. 16 (May bayang malapit doon na tatawaging Homonah o Maraming Tao). Sa ganitong paraan nila lilinisin ang lupain.”

17-18 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa akin, “Anak ng tao, tipunin mo ang lahat ng uri ng ibon at mababangis na hayop doon sa bundok ng Israel, dahil maghahanda ako ng isang piging at marami akong ihahandog doon na makakain nila. Kakain sila ng laman at iinom ng dugo ng matatapang na mga sundalo at pinuno na parang kumakain lang sila ng tupa, baka at kambing na pinataba mula sa Bashan. 19 Sa piging na ito na ihahanda ko para sa kanila, magsasawa sila sa pagkain at pag-inom hanggang sa mabusog at malasing ang mga ito. 20 Mananawa sila sa pagkain ng mga kabayo, mangangabayo, at matatapang na sundalo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

21 “Kapag pinarusahan ko na ang mga bansa, makikita nila kung gaano kalakas ang aking kapangyarihan. 22 At mula sa araw na iyon, malalaman ng mga mamamayan ng Israel na ako ang Panginoon nilang Dios. 23 At malalaman din ng ibang bansa na ang mga mamamayan ng Israel ay binihag dahil sa mga kasalanan nila, dahil hindi sila sumunod sa akin. Kaya pinabayaan ko silang salakayin at patayin ng mga kaaway. 24 Ginawa ko lang sa kanila ang nararapat, ayon sa ginawa nilang kasamaan at kahalayan.”

25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kahahabagan ko na ang mga mamamayan ng Israel, ang lahi ni Jacob. Muli ko silang pauunlarin,[b] para maparangalan ang banal kong pangalan. 26 Makakalimutan na rin nila ang kahihiyang sinapit nila at pagtataksil sa akin kapag naninirahan na silang payapa at walang ligalig sa lupain nila. 27 Ipapakita ko ang kabanalan ko sa mga bansa kapag nakuha ko na ang mga Israelita sa mga bansang kaaway nila. 28 At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios. Sapagkat kahit ipinabihag ko sila sa ibang mga bansa, ibinalik ko rin silang lahat sa lupain nila at wala akong iniwan kahit isa. 29 Hindi ko na sila pababayaan dahil ipapadala ko ang aking Espiritu sa kanila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Salmo 90

Ang Dios at ang Tao

90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
    at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
    Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
    Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
    kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
    matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
    Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
    Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
    Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
    upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
    upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
    na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®