Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 7

Sinabi ni Eliseo, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan[a] ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal na harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” Sinabi ng opisyal na katiwala ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain ng kahit ano.”

Huminto ang mga Arameo sa Paglusob

May apat na tao na may malubhang sakit sa balat[b] na nakaupo sa pintuan ng lungsod. Sinabi nila sa isaʼt isa, “Bakit kailangan nating umupo rito hanggang sa mamatay? Kung papasok tayo sa lungsod, mamamatay tayo sa gutom at kung mauupo lang tayo rito, mamamatay din tayo. Kaya pumunta na lang tayo sa kampo ng mga Arameo at sumuko. Nasa kanila na kung bubuhayin nila tayo o papatayin.”

Kaya kinagabihan, pumunta sila sa kampo ng mga Arameo. Pero pagdating nila roon, walang tao. Ipinarinig ng Panginoon sa mga sundalo ng Aram ang ingay ng mga karwahe, kabayo at mga sundalo, kaya nasabi nila sa isaʼt isa, “Baka inupahan ng hari ng Israel ang hari ng Heteo at ang hari ng Egipto para lusubin tayo.” Kaya tumakas sila nang gabing iyon at iniwanan nila ang mga tolda, kabayo at mga asno nila. Iniwan din nila ang kampo nila at iniligtas ang mga sarili nila.

Nang dumating sa kampo ang mga taong may malubhang sakit sa balat, isa-isa nilang pinasok ang mga tolda, kumain sila at uminom. Kinuha nila ang mga pilak, ginto at damit, at itinago ang mga ito. Sa bandang huli, sinabi nila sa isaʼt isa, “Hindi ito tama. Magandang balita ang nangyari sa araw na ito, kaya hindi natin dapat ilihim. Kung ipagpapabukas pa natin ang pagsasabi nito, tiyak na parurusahan tayo. Pumunta tayo ngayon sa palasyo ng hari at ibalita ang nangyari.”

10 Kaya bumalik sila sa lungsod ng Samaria at tinawag ang mga guwardya ng pintuan ng lungsod at sinabi, “Pumunta kami sa kampo ng mga Arameo at walang tao roon, maliban sa mga nakataling kabayo at asno. At naroon pa ang mga kagamitan sa tolda.”

11 Kaya isinigaw ng mga tagapagbantay ang balitang ito sa mga tao hanggang sa nakarating ito sa palasyo. 12 Bumangon ang hari nang madaling-araw at sinabi sa mga opisyal niya, “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang plano ng mga Arameo. Alam nilang nagugutom tayo, kaya iniwan nila ang kampo nila at nagtago sa bukid. Iniisip nila: ‘Kapag umalis ang mga Israelita sa lungsod, huhulihin natin sila ng buhay, pagkatapos papasukin natin ang lungsod nila.’ 13 Sumagot ang isa sa mga opisyal niya, ‘Mas mabuti po na magpadala tayo ng mga tao para alamin ang nangyari. Hayaan nating gamitin nila ang limang natirang kabayo. Kung may mangyayari po sa kanila, hindi ito malaking kawalan kaysa manatili sila rito at mamatay rin na kasama natin.’ ”

14 Kaya naghanda sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo at nagpadala ang hari ng mga tao para alamin kung ano talaga ang nangyari sa mga sundalo ng Aram. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog ng Jordan, at nakita nila sa daan ang mga damit at mga kagamitan na itinapon ng mga Arameo sa pagmamadaling makatakas. Bumalik ang mga inutusan at ibinalita ito sa hari. 16 Pagkatapos, lumabas ang mga tao sa bayan at kinuha nila ang mga mahahalagang bagay na naiwan sa kampo ng mga Arameo. Nangyari ang sinabi ng Panginoon na magiging isang pirasong pilak lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal na sebada.

17 Pinili ng hari ang pinagkakatiwalaan niyang opisyal para magbantay sa pintuan ng lungsod. Nang magtakbuhan ang mga tao, natumba ang opisyal at natapak-tapakan siya ng mga tao roon sa pintuan, at namatay siya ayon sa sinabi ni Eliseo na lingkod ng Dios nang pumunta ang hari sa kanya. 18 Nangyari rin ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari, “Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” 19 Sumagot noon ang opisyal ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain nito.” 20 Iyon nga ang nangyari sa opisyal, dahil natapak-tapakan siya ng mga tao na nagsiksikan sa pintuan ng lungsod hanggang sa mamatay siya.

1 Timoteo 4

Mga Huwad at Sinungaling na Guro

Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios. Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo. Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Magiging mabuti kang lingkod ni Cristo Jesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito. At sa pagtuturo mo sa kanila, lalago ka rin sa pamamagitan ng mga katotohanan ng pananampalataya natin at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat na sabi-sabi lang ng matatanda. Sa halip, sanayin mo sa kabanalan ang sarili mo. Sapagkat kung may mabuting naidudulot ang pagsasanay natin sa katawan, may mas mabuting maidudulot ang pagsasanay sa kabanalan sa lahat ng bagay, hindi lang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang kasabihang ito, at dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat. 10 At ito ang dahilan kung bakit nagsisikap at nagtitiyaga tayo sa pagtuturo sa mga tao, dahil umaasa tayo sa Dios na buhay na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga mananampalataya. 11 Ituro at ipatupad mo ang mga bagay na ito.

12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga mananampalataya sa iyong pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, gamitin mo ang panahon mo sa pagbabasa ng Kasulatan sa mga tao, sa pangangaral at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob sa iyo ng Banal na Espiritu ayon sa inihayag ng mga namumuno sa iglesya nang ipatong nila ang kamay nila sa iyo. 15 Gawin mo ang mga tungkuling ito at lubos mong italaga ang sarili mo sa mga ito para makita ng lahat ang paglago mo. 16 Maging maingat ka sa pamumuhay at pagtuturo mo. Patuloy mong gawin ang mga bagay na ito para maligtas ka at ang mga nakikinig sa iyo.

Daniel 11

11 “Noong unang taon ng paghahari ni Darius na taga-Media, ako ang tumulong at nagtanggol kay Micael.

Ang mga Hari ng Hilaga at Timog

“Sasabihin ko sa iyo ngayon ang katotohanan: Tatlo pang hari ang maghahari sa Persia. Ang ikaapat na hari na susunod sa kanila ay mas mayaman pa kaysa sa mga nauna. Sa pamamagitan ng kanyang kayamanan, magiging makapangyarihan siya, at susulsulan niya ang ibang kaharian na makipaglaban sa Grecia. Pagkatapos, isa pang makapangyarihang hari ang darating. Maraming bansa ang kanyang sasakupin, at gagawin niya ang gusto niyang gawin. Kapag siyaʼy naging makapangyarihan na, mawawasak ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na bahagi ng daigdig, pero hindi ang kanyang mga angkan ang maghahari dito. Ang mga haring papalit sa kanya ay hindi makakapamahala tulad ng kanyang pamamahala. Kukunin ang kanyang kaharian at ibibigay sa iba.

“Ang hari ng timog[a] ay magiging makapangyarihan. Pero isa sa kanyang mga heneral ay magiging mas makapangyarihan kaysa sa kanya. At sa bandang huli, ang heneral na ito ay maghahari rin at magiging makapangyarihan ang kaharian niya. Pagkalipas ng ilang taon, magsasanib ang dalawang kahariang ito, dahil ipapaasawa ng hari ng timog ang anak niyang babae sa hari ng hilaga.[b] Pero hindi magtatagal ang kapangyarihan ng babae pati ang kapangyarihan ng hari ng hilaga. Sapagkat sa panahong iyon, papatayin ang babae at ang kanyang asawaʼt anak,[c] pati ang mga naglilingkod sa kanya.[d]

“Sa bandang huli, maghahari sa timog ang kapatid ng babae. Siya ang papalit sa kanyang ama. Lulusubin niya ang mga sundalo ng hari ng hilaga at papasukin ang napapaderang lungsod[e] nito, at magtatagumpay siya sa labanan. Dadalhin niya pauwi sa Egipto ang mga dios-diosan nila at mga mamahaling ari-arian na yari sa ginto at pilak. Sa loob ng ilang taon, hindi na siya makikipagdigma sa hari ng hilaga. Pero sa bandang huli, lulusubin siya ng hari sa hilaga, pero matatalo ito at babalik sa kanyang bayan.

10 “Magtitipon ng maraming sundalo ang mga anak ng hari ng hilaga para maghanda sa pakikipaglaban. Ang isa sa kanila ay sasalakay na parang bahang hindi mapigilan. Sasalakay siya hanggang sa napapaderang lungsod ng hari ng timog. 11 At dahil sa galit ng hari ng timog, lalabanan niya ang hari ng hilaga at tatalunin niya ang napakaraming sundalo nito. 12 Sa kanyang tagumpay, magmamataas siya at marami pa ang kanyang papatayin, pero hindi magtatagal ang kanyang tagumpay. 13 Sapagkat ang hari ng hilaga ay muling magtitipon ng mas marami pang sundalo kaysa sa dati. At pagkalipas ng ilang taon, muli siyang sasalakay kasama ang napakaraming sundalo dala ang napakaraming kagamitang pandigma.

14 “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng timog. Isa na sa mga ito ang mga kababayan mong Israelita na mapupusok. Gagawin nila ito bilang katuparan ng pangitain, pero matatalo sila. 15 Sasalakayin ng hari ng hilaga ang isa sa mga napapaderang lungsod sa timog. Kukubkubin nila ito at papasukin. Walang magagawa ang mga sundalo sa timog pati na ang kanilang pinakamagaling na mga kawal, dahil hindi nila kayang talunin ang kalaban. 16 Kaya gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin at walang makapipigil sa kanya. Sasakupin niya ang magandang lupain ng Israel, at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.[f] 17 Talagang determinado ang hari ng hilaga na salakayin ang kaharian sa timog nang buong lakas ng kaharian niya. Makikipagkasundo muna siya sa hari ng timog sa pamamagitan ng pag-aalok ng kanyang anak na maging asawa ng nito, upang sa pamamagitan nito ay maibagsak niya ang kaharian sa timog. Pero hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18 Kaya ang mga bayan na lang muna sa tabing-dagat ang kanyang lulusubin at marami ang kanyang masasakop. Pero patitigilin ng isang pinuno ang kanyang pagpapahiya sa iba, at siya mismo ang mapapahiya. 19 Kaya uuwi siya sa napapaderan niyang mga bayan. Pero matatalo siya, at iyon ang magiging wakas niya.

20 “Ang haring papalit sa kanya ay mag-uutos sa isang opisyal na sapilitang maniningil ng buwis para madagdagan ang kayamanan ng kaharian niya. Pero hindi magtatagal ay mamamatay ang haring ito, hindi dahil sa labanan o sa mayroong galit sa kanya.

21 “Ang papalit sa kanya bilang hari ay taong hindi kagalang-galang at walang karapatang maging hari. Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang sasakupin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya. 22 Maraming kalabang sundalo ang kanyang papatayin, pati na ang punong pari.[g] 23 Makikipagkasundo siya sa maraming bansa, pero dadayain niya ang mga ito sa bandang huli. Magiging makapangyarihan siya kahit maliit ang kaharian niya. 24 Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang lulusubin ang mauunlad na lugar ng isang lalawigan. Gagawin niya ang hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Hahati-hatiin niya sa mga tagasunod niya ang kanyang mga nasamsam sa labanan. Pinaplano niyang salakayin ang mga napapaderang lungsod, pero sa maikling panahon lamang.

25 “Maglalakas-loob siyang salakayin ang hari ng timog na may marami at malakas ring hukbo. Pero matatalo ang hari ng timog dahil sa katusuhan ng kanyang mga kalaban. 26 Papatayin siya ng sarili niyang mga tauhan. Kaya matatalo ang kanyang mga sundalo at marami sa kanila ang mamamatay.

27 “Ang dalawang haring ito ay magsasama pero pareho silang magsisinungaling at mag-iisip ng masama laban sa isaʼt isa. Pareho silang hindi magtatagumpay sa kanilang binabalak laban sa isaʼt isa. At magpapatuloy ang labanan nila dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28 Ang hari ng hilaga ay uuwi sa kanyang bayan dala ang maraming nasamsam na kayamanan mula sa digmaan. Pero bago siya umuwi, uusigin niya ang mga mamamayan ng Dios at ang kanilang relihiyon.[h] At pagkatapos ay saka siya uuwi sa sarili niyang bayan.

29 “Sa takdang panahon ay muli niyang lulusubin ang kaharian sa timog, pero ang mangyayari ay hindi na katulad ng nangyari noon. 30 Sapagkat lulusubin siya ng hukbong pandagat mula sa kanluran. At dahil dito, uurong siya at babalik sa kanyang bayan. Ibubunton niya ang kanyang galit sa mga mamamayan ng Dios at sa kanilang relihiyon, pero magiging mabuti siya sa mga tumalikod sa kanilang relihiyon.[i]

31 “Uutusan ng hari ng hilaga ang kanyang mga sundalo na lapastanganin ang templong napapalibutan ng pader. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo. 32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga tumalikod sa kanilang relihiyon para gumawa ng hindi mabuti. Pero lakas-loob siyang lalabanan ng mga taong tunay na tapat sa Dios.

33 “Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan ay magtuturo sa maraming tao, pero uusigin sila sa loob ng ilang araw. Ang ilan sa kanila ay papatayin sa pamamagitan ng espada o susunugin, at ang ilan ay bibihagin o kukunin ang kanilang mga ari-arian. 34 Sa panahon na inuusig sila, iilan lang ang tutulong sa kanila, pero maraming hindi tapat ang sasama sa kanila. 35 Uusigin ang ilang nakakaunawa ng katotohanan upang maging dalisay at malinis ang kanilang mga buhay hanggang sa dumating ang katapusan, na darating sa takdang panahon.

36 “Gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sinumang dios, at hahamakin niya ang Dios na higit kaysa sa lahat ng dios. Magtatagumpay siya hanggang sa panahon na ipakita ng Dios ang kanyang galit, dahil kailangang mangyari ang mga bagay na itinakda ng Dios na dapat mangyari. 37-38 Hindi niya kikilalanin ang dios ng kanyang mga ninuno o ang dios na mahal ng mga babae. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sa mga iyon. Wala siyang pahahalagahang dios maliban sa dios na nananalakay ng mga napapaderang bayan. Pararangalan niya ang dios na ito na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Hahandugan niya ito ng mga ginto, pilak, mamahaling bato, at ng iba pang mamahaling mga regalo. 39 Lulusubin niya ang pinakamatibay na mga lungsod sa tulong ng dios na iyon na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Pararangalan niya ang mga taong mabuti sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mamahala sa maraming tao. At bibigyan niya sila ng lupain bilang gantimpala.

40 “Pagdating ng wakas, makikipaglaban ang hari ng timog sa hari ng hilaga. Pero lulusubin siya ng hari ng hilaga na may mga karwaheng pandigma, mga nangangabayong sundalo at mga hukbong pandagat. Lulusubin niya ang maraming bansa at maninira na parang baha. 41 Lulusubin niya pati ang magandang lupain ng Israel, at maraming tao ang mamamatay. Pero makakatakas ang Edom, ang Moab at ang mga pinuno ng Ammon. 42 Maraming bansa ang kanyang lulusubin, kabilang dito ang Egipto. 43 Mapapasakanya ang mga ginto, pilak, at ang lahat ng kayamanan ng Egipto. Sasakupin din niya ang Libya at Etiopia.[j] 44 Pero may mga balitang magmumula sa silangan at hilaga na babagabag sa kanya. Kaya sasalakay siya sa matinding galit, at maraming tao ang kanyang lilipulin nang lubusan. 45 Magtatayo siya ng maharlikang tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok. Pero mamamatay siya nang wala man lang tutulong sa kanya.”

Salmo 119:25-48

25 Akoʼy parang mamamatay na, kaya panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
26 Sinabi ko sa inyo ang tungkol sa aking pamumuhay at pinakinggan nʼyo ako.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
27 Ipaunawa nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
    upang pagbulay-bulayan ko ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
28 Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan, palakasin nʼyo ako ayon sa inyong pangako.
29 Ilayo nʼyo ako mula sa paggawa ng masama,
    at tulungan nʼyo ako na sundin ang inyong kautusan.
30 Pinili ko ang tamang daan,
    gusto kong sumunod sa inyong mga utos.
31 Panginoon, sinunod ko ang inyong mga turo,
    kaya huwag nʼyong papayagang akoʼy mapahiya.
32 Pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga utos,
    dahil pinapalawak nʼyo ang aking pang-unawa.

33 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
    at habang nabubuhay itoʼy aking susundin.
34 Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan,
    at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan.
35 Pangunahan nʼyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos,
    dahil ito ang aking kasiyahan.
36 Bigyan nʼyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman.
37 Ilayo nʼyo ako sa pagnanais ng mga bagay na walang kabuluhan.
    Panatilihin nʼyo ang aking buhay[a] ayon sa inyong pangako.
38 Tuparin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
    na siyang mga ipinangako nʼyo sa mga may takot sa inyo.
39 Alisin nʼyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan,
    dahil mabuti ang inyong mga tuntunin.
40 Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin.
    Dahil kayoʼy matuwid, panatilihin nʼyo akong buhay.[b]

41 Panginoon, ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.
42 Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin,
    dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.
43 Tulungan nʼyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon,
    dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga kautusan.
44 Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.
45 Mamumuhay akong may kalayaan,
    dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
46 Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.
47 Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos na aking minamahal.
48 Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal,
    at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®