M’Cheyne Bible Reading Plan
Dumami ang Langis ng Biyuda
4 May isang biyuda na ang asawa ay kaanib noon sa grupo ng mga propeta. Isang araw, humingi siya ng tulong kay Eliseo. Sinabi niya, “Patay na po ang asawa ko na inyong lingkod at alam nʼyo kung gaano niya iginagalang ang Panginoon. Ngayon, ang tao po na pinagkakautangan niya ay dumating para kunin ang dalawa naming anak na lalaki upang gawing alipin bilang kabayaran sa utang.” 2 Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Ano ang maitutulong ko sa iyo? Sabihin mo sa akin, ano ang mayroon sa bahay mo?” Sumagot ang babae, “Wala po, maliban lang sa kaunting langis sa lalagyan.” 3 Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang lahat ng kapitbahay mo at manghiram ka ng maraming sisidlan. 4 Pumasok kayo ng mga anak mo sa bahay nʼyo at isara nʼyo ang pinto. Ibuhos nʼyo ang langis sa lahat ng sisidlan. Itabi mo ang bawat sisidlan na mapupuno mo.”
5 Kaya ginawa ng babae ang iniutos ni Eliseo sa kanya, at isinara nila ang pinto ng bahay nila. Pagkatapos, dinala sa kanya ng mga anak niya ang mga sisidlan, at nilagyan niya ito ng langis. 6 Nang mapuno na ang lahat ng sisidlan, sinabi niya sa isa sa kanyang mga anak, “Bigyan mo pa ako ng sisidlan.” Sumagot ang anak niya, “Wala na pong sisidlan.” At tumigil na ang pag-agos ng langis.
7 Pumunta ang babae kay Eliseo na lingkod ng Dios at sinabi niya ang nangyari sa kanya. Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Umalis ka at ipagbili ang langis, at bayaran mo ang utang mo. May matitira ka pang sapat na pera para mabuhay kayo ng mga anak mo.”
Si Eliseo at ang Babaeng Taga-Shunem
8 Isang araw, pumunta si Eliseo sa Shunem. May mayamang babae roon na nag-imbita kay Eliseo na kumain. Simula noon, kapag dumaraan si Eliseo sa Shunem, dumadaan siya sa bahay ng babae at kumakain.
9 Ngayon, nagsabi ang babae sa asawa niya, “Nalalaman ko na isang banal na lingkod ng Dios ang taong ito na palaging dumadaan dito sa atin. 10 Igawa natin siya ng maliit na kwarto sa may bubungan, at lagyan natin ito ng higaan, mesa, upuan at ilawan, para kapag pupunta siya rito sa atin ay may matuluyan siya.”
11 Isang araw, nang pumunta si Eliseo sa Shunem, umakyat siya sa kwarto at nagpahinga. 12 Inutusan niya ang katulong niyang si Gehazi na tawagin ang babae. Kaya tinawag ni Gehazi ang babae. Pagdating ng babae, 13 sinabi ni Eliseo sa katulong niya, “Dahil sa mabuting pag-aaruga niya sa atin, tanungin mo siya kung ano ang magagawa natin para sa kanya. Gusto ba niyang kausapin ko ang hari o ang kumander ng mga sundalo para sa kanya?” Sumagot ang babae, “Hindi na po kailangan, mabuti naman po ang kalagayan ko kasama ng aking mga kababayan.” 14 Nagtanong si Eliseo kay Gehazi, “Ano kaya ang magagawa natin para sa kanya?” Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak na lalaki at matanda na ang asawa niya.” 15 Sinabi ni Eliseo, “Tawagin mo siya ulit.” Kaya tinawag siya ni Gehazi at tumayo ang babae sa pintuan. 16 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Sa susunod na taon, sa ganito ring panahon, may kinakalong ka nang anak na lalaki.” Sumagot ang babae, “Huwag naman po sana ninyo akong paasahin. Lingkod po kayo ng Dios.”
17 At nagbuntis nga ang babae at nanganak ng lalaki sa ganoon ding panahon nang sumunod na taon, ayon sa sinabi ni Eliseo.
18 At lumaki na ang bata. Isang araw pumunta siya sa kanyang ama na nagtatrabaho sa bukid kasama ng mga gumagapas. 19 Sinabi niya sa kanyang ama, “Masakit po ang ulo ko! Masakit po ang ulo ko!” Sinabi ng kanyang ama sa utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina!” 20 Dinala nga ng utusan ang bata sa kanyang ina. Kinalong ng ina ang bata hanggang tanghali at itoʼy namatay. 21 Iniakyat ng ina ang bangkay ng kanyang anak sa kwarto ni Eliseo at inilagay sa higaan nito. Pagkatapos, lumabas siya sa kwarto at isinara ang pinto.
22 Tinawag ng babae ang asawa niya at sinabi, “Padalhan mo ako ng isang utusan at isang asno para mabilis akong makapunta sa lingkod ng Panginoon at makabalik agad.” 23 Nagtanong ang asawa niya, “Bakit ngayon ka pupunta? Hindi naman Pista ng Pagsisimula ng Buwan[a] o Araw ng Pamamahinga?” Sumagot ang babae, “Ayos lang iyon.” 24 Kaya nilagyan niya ng upuan ang asno at sinabi sa utusan niya, “Bilisan mo! Huwag kang titigil hanggaʼt hindi ko sinasabi.”
25 Kaya umalis sila, at nakarating sa Bundok ng Carmel kung saan naroon ang lingkod ng Dios. Nang makita ni Eliseo sa malayo na paparating ang babae, sinabi niya sa katulong niyang si Gehazi, “Tingnan mo, nandiyan ang babae na taga-Shunem! 26 Tumakbo ka at salubungin siya. Kamustahin mo siya, ang kanyang asawa, at ang anak niya.” Sinabi ng babae kay Gehazi, “Mabuti naman ang lahat.”
27 Pero pagdating niya kay Eliseo sa bundok, lumuhod siya at hinawakan ang paa ni Eliseo. Lumapit si Gehazi para hilahin ang babae palayo. Pero sinabi ni Eliseo, “Hayaan mo siya! May dinaramdam siya, pero hindi sinabi sa akin ng Panginoon kung bakit.” 28 Sinabi ng babae, “Ginoo, hindi ako humingi sa inyo ng anak na lalaki, kayo mismo ang nagsabing magkakaanak ako. Sinabi ko pa nga sa inyo na huwag ninyo akong paasahin.”
29 Nang napagtanto ni Eliseo na may nangyari sa bata, sinabi niya kay Gehazi, “Maghanda ka sa pagpunta sa bahay niya. Dalhin mo ang tungkod ko at magmadali ka. Kung may makasalubong ka, huwag mong pansinin. Kung may babati sa iyo huwag mo nang sagutin. Pagdating mo, ilagay mo agad ang tungkod ko sa mukha ng bata.” 30 Pero sinabi ng ina ng bata kay Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa inyo na hindi po ako uuwi kung hindi ko kayo kasama.” Kaya sumama sa kanya si Eliseo.
31 Nauna si Gehazi at inilagay niya ang tungkod sa mukha ng bata, pero hindi nagsalita o gumalaw ang bata. Kaya bumalik si Gehazi para salubungin si Eliseo at sinabi, “Hindi po nabuhay ang bata.”
32 Nang dumating si Eliseo sa bahay, nakita niya ang bata na nakahiga sa higaan niya. 33 Pumasok siya, isinara ang pintuan at nanalangin sa Panginoon. 34 Pagkatapos, dumapa siya sa bata, at inilapat ang bibig niya sa bibig ng bata, ang mata niya sa mata ng bata at ang kamay niya sa kamay nito. Habang nakadapa siya, unti-unting umiinit ang katawan ng bata. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli siyang dumapa sa bata. Sa pagkakataong iyon, bumahing ang bata ng pitong beses at dumilat.
36 Tinawag ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang kanyang ina.” Kaya tinawag nga niya ito. Nang dumating ang babae, sinabi ni Eliseo, “Kunin mo ang iyong anak.” 37 Nagpatirapa ang babae sa paanan ni Eliseo bilang pagpapasalamat[b] sa kanya. Kinuha niya ang anak niya at dinala sa ibaba.
Ang Himala sa Panahon ng Taggutom
38 Mayroong taggutom sa Gilgal nang bumalik si Eliseo roon. Isang araw, habang nakikipag-usap ang grupo ng mga propeta sa kanya, sinabi niya sa katulong niya, “Isalang mo ang malaking palayok at magluto ka ng pagkain para sa mga taong ito.” 39 Pumunta sa bukid para kumuha ng mga gulay ang isa sa mga propeta. Nakakita siya roon ng gulay na gumagapang, at kumuha siya ng mga bunga nito hanggang mapuno ang damit niya. Pagkauwi, hiniwa-hiwa niya ito at inilagay sa palayok, pero hindi niya alam kung anong klaseng pananim ito. 40 Pagkaluto ng pagkain, ipinamahagi niya ito sa mga tao. Pero habang kumakain, sumigaw sila, “Lingkod ng Dios, napakasama ng lasa nito!”[c] Kaya hindi na nila ito kinain. 41 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng harina.” Ibinuhos niya ang harina sa palayok at sinabi sa katulong, “Ipamahagi mo na ito sa kanila para kainin.” Hindi na masama ang lasa nito.
42 Isang araw, may isang lalaking galing sa Baal Shalisha na nagdala kay Eliseo ng isang sako na may lamang 20 tinapay na gawa sa unang ani ng sebada at mga bagong aning butil. Sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo iyan sa grupo ng mga propeta[d] para kainin.” 43 Sinabi ng katulong niya, “Paano ko po ito mapagkakasya sa 100 tao?” Sumagot si Eliseo, “Ibigay mo ito sa kanila para kainin. Ito ang sinasabi ng Panginoon: Makakakain sila at may matitira pa.” 44 Kaya ibinigay niya ito sa kanila, at kumain sila at may natira pa, ayon sa sinabi ng Panginoon.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa.
2 Mahal kong Timoteo, tunay kong anak sa pananampalataya:
Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Babala sa mga Maling Aral
3 Gaya ng ibinilin ko sa iyo noong papunta ako sa Macedonia, manatili ka muna riyan sa Efeso para patigilin ang ilang tao riyan na nagtuturo ng maling doktrina. 4 Pagsabihan mo rin sila na huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat at ang pagsasaliksik sa kung sinu-sino ang mga ninuno nila. Nagdudulot lang ng pagtatalo-talo ang mga bagay na ito. Hindi ito makakatulong para malaman nila ang kalooban ng Dios. Malalaman lang natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Ang layunin ng utos kong ito ay magmahalan sila. At magagawa lang nila ito kung malinis ang kanilang puso at konsensya, at kung tunay ang pananampalataya nila. 6 May ilang tumalikod na sa mga bagay na ito, at bumaling sa walang kwentang pakikipagtalo. 7 Gusto nilang maging tagapagturo ng Kautusan, pero hindi naman nila nauunawaan ang mga sinasabi nila, ni ang mga bagay na pilit nilang pinaniniwalaan.
8 Alam nating mabuti ang Kautusan kung ginagamit ito sa wastong paraan. 9 Dapat nating alalahanin na hindi ibinigay ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga lumalabag sa batas, suwail, ayaw kumilala sa Dios, makasalanan, walang hilig sa kabanalan, lapastangan, pumapatay sa sariling magulang, at mga mamamatay-tao. 10 Ang Kautusan ay ibinigay din para sa mga gumagawa ng sekswal na imoralidad, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, kidnaper, sinungaling at tumetestigo nang hindi totoo, at sa sinumang sumasalungat sa tamang aral 11 na naaayon sa Magandang Balita ng[a] dakila at mapagpalang Dios. Ipinagkatiwala sa akin Ang Magandang Balitang ito para ipahayag.
Pasasalamat sa Awa ng Dios
12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon na nagbigay sa akin ng lakas na maglingkod sa kanya, dahil itinuring niya akong mapagkakatiwalaan. Kaya nga pinili niya akong maglingkod sa kanya, 13 kahit na nilapastangan ko siya noong una. Bukod pa riyan, inusig at nilait ko ang mga sumasampalataya sa kanya. Ngunit kinaawaan ako ng Dios, dahil ginawa ko ito noong hindi pa ako sumasampalataya sa kanya at hindi ko alam ang ginagawa ko. 14 Sadyang napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa akin ng ating Panginoon, pati na ang pag-ibig at pananampalataya, na napasaatin dahil kay Cristo Jesus. 15 Ito ang katotohanang dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat: naparito si Cristo Jesus sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamakasalanan sa lahat. 16 Ngunit kinaawaan ako ng Dios para maipakita ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ko kung gaano siya katiyaga sa mga makasalanan. Magsisilbing halimbawa ang ginawa ni Cristo sa akin para sa iba na sasampalataya sa kanya na pagkakalooban niya ng buhay na walang hanggan. 17 Purihin at dakilain magpakailanman ang Haring walang hanggan at walang kamatayan – ang di-nakikita at nag-iisang Dios. Amen.
18 Timoteo, anak ko, ibinibilin ko sa iyo na huwag mong kalimutan ang sinabi noon ng mga propeta tungkol sa iyo, para magawa mong makipaglaban nang mabuti sa mga sumasalungat sa katotohanan. 19 Ingatan mo ang pananampalataya mo at panatilihin mong malinis ang konsensya mo. May mga taong hindi nakinig sa konsensya nila, at dahil dito, sinira nila ang kanilang pananampalataya. 20 Kabilang na rito sina Hymeneus at Alexander na ipinaubaya ko na kay Satanas para maturuang huwag lumapastangan sa Dios.
Ang Pangitain ni Daniel Tungkol sa Tupa at Kambing
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belshazar, muli akong nagkaroon ng pangitain. 2 Sa pangitain ko, nakita kong nakatayo ako sa pampang ng Ilog ng Ulai, sa napapaderang lungsod ng Susa sa lalawigan ng Elam. 3 May nakita akong barakong tupa na nakatayo sa tabi ng ilog. Mayroon itong dalawang mahahabang sungay, pero mas mahaba ang isang sungay nito kaysa sa isa kahit na huli itong tumubo. 4 Nakita kong nanunuwag ito kahit saan mang lugar. Walang ibang hayop na makapigil sa kanya at wala ring makatakas sa kanya. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging makapangyarihan siya.
5 Habang itoʼy tinitingnan ko, biglang dumating ang isang kambing mula sa kanluran. Umikot ito sa buong mundo na hindi sumasayad ang paa sa lupa sa sobrang bilis. Mayroon siyang kakaibang sungay sa gitna ng kanyang mga mata. 6 Sinugod niya nang buong lakas ang tupang may dalawang sungay na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. 7 Sa matinding galit, hindi niya tinigilan ng pagsuwag ang tupa hanggang sa naputol ang dalawang sungay nito. Hindi na makalaban ang tupa, kaya nabuwal ito at tinapak-tapakan ng kambing. Walang sumaklolo sa kanya. 8 Naging makapangyarihan pa ang kambing. Pero nang nasa sukdulan na ang kapangyarihan niya, nabali ang kanyang sungay. Kapalit nito ay may tumubong apat na pambihirang sungay na nakatutok sa apat na direksyon ng mundo.
9 Ang isa sa kanila ay tinubuan ng isang maliit na sungay. Naging makapangyarihan itong sungay sa timog at sa silangan hanggang sa magandang lupain ng Israel. 10 Lalo pa siyang naging makapangyarihan hanggang sa kalangitan, at pinabagsak niya sa lupa ang ilang mga nilalang sa langit at mga bituin, at tinapak-tapakan niya ang mga iyon. 11 Itinuring niya ang kanyang sarili na higit na makapangyarihan kaysa sa Pinuno ng mga nilalang sa langit. Pinatigil niya ang araw-araw na paghahandog sa templo ng Dios, at nilapastangan niya ang templo. 12 Sa ginawa niyang iyon, ipinasakop sa kanya ang mga nilalang sa langit at ang araw-araw na paghahandog. Binalewala niya ang katotohanan, at nagtagumpay siya sa kanyang mga ginawa.
13 Narinig kong nag-uusap ang dalawang anghel. Ang isang anghel ay nagtatanong sa isa, “Hanggang kailan kaya tatagal ang mga pangyayaring ito na nasa pangitain? Ang pagpapatigil sa araw-araw na paghahandog, ang paglapastangan sa templo na magiging dahilan para pabayaan ito, at ang pagyurak sa mga nilalang sa langit?” 14 Sumagot ang isa, “Itoʼy mangyayari sa loob ng 2,300 umaga at hapon,[a] at pagkatapos ay lilinisin ang templo.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Kahulugan ng Pangitain
15 Habang nakatingin ako sa pangitaing iyon at nag-iisip kung ano ang kahulugan noon, biglang tumayo sa harap ko ang parang tao. 16 Pagkatapos, may narinig akong tinig ng tao mula sa Ilog ng Ulai na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa kanya ang kahulugan ng pangitain.”
17 Nang lumapit si Gabriel sa akin, nagpatirapa ako sa takot. Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, dapat mong maintindihan na ang iyong pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.” 18 Habang nakikipag-usap siya sa akin, nawalan ako ng malay at napadapa sa lupa. Pero hinawakan niya ako at ibinangon. 19 Sinabi niya, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa hinaharap kapag ibinuhos na ng Dios ang kanyang galit, dahil naitakda na ang katapusan ng panahon. 20 Ang tupang may dalawang sungay ay ang kaharian ng Media at Persia. 21 Ang kambing naman ay ang kaharian ng Grecia, at ang malaking sungay sa gitna ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Ang apat na sungay na tumubo pagkatapos maputol ang unang sungay ay ang apat na kaharian ng Grecia nang magkahati-hati ito. Pero ang kanilang mga hari ay hindi magiging makapangyarihan na tulad noong una.
23 “Sa mga huling araw ng kanilang paghahari, sa panahong sukdulan na ang kanilang kasamaan, maghahari ang isang malupit at tusong hari. 24 Siyaʼy magiging makapangyarihan, pero hindi tulad ng haring nauna sa kanya.[b] Magtataka ang mga tao sa gagawin niyang panlilipol, at magtatagumpay siya sa anumang gagawin niya. Lilipulin niya ang mga makapangyarihang tao at ang mga hinirang na mga mamamayan ng Dios. 25 Dahil sa kanyang kakayahan, magtatagumpay siya sa kanyang pandaraya. Ipagmamalaki niya ang kanyang sarili, at maraming tao ang kanyang papatayin ng walang anumang babala. Lalabanan niya pati ang Pinuno ng mga pinuno. Pero lilipulin siya hindi sa kapangyarihan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Dios.
26 “Ang pangitaing nakita mo tungkol sa pagpapatigil ng pang-umaga at panghapon[c] na paghahandog ay totoo. Pero huwag mo munang ihayag ito dahil matatagalan pa bago ito maganap.”
27 Pagkatapos noon, akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Nang gumaling ako, bumalik ako sa trabaho na ibinigay sa akin ng hari. Pero patuloy ko pa ring iniisip ang pangitaing iyon na hindi ko lubos na maunawaan.
Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan
116 Mahal ko ang Panginoon,
dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
2 Dahil pinakikinggan niya ako,
patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.
3 Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
Nag-aalala ako at naguguluhan,
4 kaya tumawag ako sa Panginoon,
“Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”
5 Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.
7 Magpapakatatag ako,
dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
8 sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
9 Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.
15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]
16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®