M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinatunayan ni Elias na siyaʼy Totoong Propeta ng Dios
18 Tatlong taon nang walang ulan. Isang araw, sinabi ng Panginoon kay Elias, “Humayo ka at makipagkita kay Ahab, dahil pauulanin ko na.” 2 Kaya pumunta si Elias kay Ahab.
Malubha ang taggutom sa Samaria. 3 Kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias na siyang namamahala sa palasyo niya. (Si Obadias ay lubos na gumagalang sa Panginoon. 4 Nang pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon, itinago ni Obadias ang 100 propeta sa dalawang kweba, 50 bawat kweba, at binigyan niya sila ng pagkain at tubig doon.) 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Puntahan natin ang lahat ng bukal at lambak sa ating bansa, baka sakaling makakita tayo ng mga damo para sa ating mga kabayo at mga mola,[a] para hindi na natin sila kailangang katayin.” 6 Kaya naghati sila ng lugar kung saan sila pupunta. Agad silang pumunta sa kani-kanilang direksyon.
7 Habang naglalakad si Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya si Elias, kaya yumukod siya bilang paggalang, at sinabi, “Kayo po ba iyan, Ginoong Elias?” 8 Sumagot si Elias, “Oo. Ngayon, humayo ka at sabihin mo sa iyong amo na si Ahab na nandito ako.” 9 Pero sinabi ni Obadias, “Huwag po ninyong ilagay sa panganib ang buhay ko kay Ahab, dahil wala naman akong nagawang kasalanan sa inyo. 10 Nagsasabi po ako ng totoo sa presensya ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na walang bansa o kaharian na hindi padadalhan ng aking amo ng tao para hanapin kayo. Kapag sinasabi ng mga pinuno ng mga bansa at mga kaharian na wala kayo sa lugar nila, pinasusumpa pa sila ni Ahab na hindi talaga nila kayo nakita. 11 At ngayon, inuutusan nʼyo po ako na pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo? 12 Paano kung sa sandaling pag-alis ko ay dalhin kayo ng Espiritu ng Panginoon sa lugar na hindi ko alam? Kapag dumating si Ahab dito na wala kayo, papatayin niya ako. Pero, Ginoong Elias, mula pa sa pagkabata ko ay naglilingkod na ako sa Panginoon. 13 Hindi nʼyo ba nabalitaan ang ginawa ko noong pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon? Itinago ko ang 100 propeta ng Panginoon sa dalawang kweba, 50 sa bawat kweba, at binibigyan ko sila ng pagkain at tubig doon. 14 At ngayon inuutusan ninyo akong pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo? Papatayin po niya ako!”
15 Sinabi ni Elias, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoong Makapangyarihan, na aking pinaglilingkuran, na makikipagkita ako kay Ahab sa araw na ito.”
16 Kaya pumunta si Obadias kay Ahab at sinabi sa kanya na naroon si Elias, at lumakad si Ahab para makipagkita kay Elias. 17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?” 18 Sumagot si Elias, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi ikaw at ang pamilya ng iyong ama. Dahil itinakwil ninyo ang mga utos ng Panginoon at sinamba ninyo ang mga dios-diosang si Baal. 19 Ngayon, tipunin mo ang lahat ng mamamayan ng Israel para samahan nila ako sa Bundok ng Carmel. At papuntahin mo rin ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ni Ashera, na pinapakain ni Jezebel.”
20 Kaya tinipon ni Ahab ang lahat ng mamamayang Israelita at ang mga propeta sa Bundok ng Carmel. 21 Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi, “Hanggang kailan pa ba kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang totoong Dios, sundin ninyo siya, pero kung si Baal ang totoong Dios, sundin ninyo ito.” Pero hindi sumagot ang mga tao.
22 Sinabing muli ni Elias sa kanila, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon, pero si Baal ay may 450 propeta. 23 Ngayon, dalhan ninyo kami ng dalawang toro. Pagkatapos, pumili ang mga propeta ni Baal ng kanilang kakatayin at ilagay ito sa ibabaw ng gatong, pero hindi ito sisindihan. Ganoon din ang gagawin ko sa isang toro; ilalagay ko rin ito sa ibabaw ng gatong at hindi ko rin ito sisindihan. 24 Pagkatapos, manalangin kayo sa inyong dios, at mananalangin din ako sa Panginoon. Ang sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang totoong Dios.” At sumang-ayon ang mga tao.
25 Sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Kayo ang mauna dahil marami kayo. Mamili kayo ng isang toro at ihanda ninyo. Manalangin na kayo sa inyong dios, pero huwag ninyong sisindihan ang gatong.” 26 Kaya kinuha ng mga propeta ni Baal ang toro na dinala sa kanila, at inihanda ito. Pagkatapos, nanalangin sila kay Baal mula umaga hanggang tanghali. Sumigaw sila, “O Baal, sagutin mo kami!” Sumayaw-sayaw pa sila sa paligid ng altar na ginawa nila. Pero walang sumagot.
27 Nang tanghaling-tapat na, ininsulto na sila ni Elias. Sabi niya, “Sige lakasan nʼyo pa ang pagsigaw, dios naman siya! Baka nagbubulay-bulay lang siya, o nagpapahinga,[b] o may pinuntahan, o nakatulog at kailangang gisingin.” 28 Kaya sumigaw pa sila nang malakas at sinugatan ang mga katawan nila ng sibat at espada ayon sa kinaugalian nila, hanggang sa dumanak ang dugo. 29 Lumipas ang tanghali, tuloy-tuloy pa rin ang pagsigaw nila hanggang lumampas na ang takdang oras ng paghahandog,[c] pero wala pa ring sumagot sa kanila.
30 Nagsalita si Elias sa lahat ng tao, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang mga tao sa kanya. Inayos niya ang altar ng Panginoon na nagiba. 31 Kumuha siya ng 12 bato na sumisimbolo ng 12 lahi ng mga anak ni Jacob, ang tao na pinangalanan ng Panginoon na Israel. 32 Ginawa niyang altar ang mga bato para sa Panginoon at ginawan ng kanal ang paligid ng altar. Ang kanal ay kayang malagyan ng tatlong galong butil. 33 Iniayos niya nang mabuti ang panggatong sa altar, kinatay ang toro at inilapag ito sa ibabaw ng gatong. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Buhusan ninyo ng apat na tapayang tubig ang handog at panggatong.” Matapos nilang gawin ito, 34 sinabi ni Elias, “Buhusan ninyo ulit.” Pagkatapos nilang buhusan, sinabi ulit ni Elias, “Buhusan pa ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Sinunod nila ang sinabi ni Elias, 35 at umagos ang tubig sa paligid ng altar, at napuno ang kanal.
36 Nang oras na ng paghahandog, lumapit si Propeta Elias sa altar at nanalangin. Sinabi niya, “Panginoon, Dios ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob,[d] patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Dios ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa utos ninyo. 37 Panginoon, dinggin nʼyo po ako, para malaman ng mga tao na kayo ang Panginoon, ang Dios, at nais nʼyo silang magbalik-loob sa inyo.”
38 Dumating agad ang apoy na galing sa Panginoon, at sinunog nito ang handog, ang gatong, ang mga bato at ang lupa, at natuyo ang kanal. 39 Nang makita ito ng lahat ng tao, nagpatirapa sila at sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Dios! Ang Panginoon ang siyang Dios!” 40 Iniutos agad ni Elias sa mga tao, “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal. Dapat walang makatakas sa kanila!” Dinakip ang lahat ng propeta ni Baal at dinala nila Elias sa Lambak ng Kishon at pinagpapatay. 41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Humayo ka, kumain at uminom, dahil paparating na ang malakas na ulan.” 42 Kaya humayo si Ahab para kumain at uminom, pero si Elias ay umakyat sa bundok ng Carmel at nanalangin, na nakaluhod at nakayuko sa lupa. 43 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tumingin sa dagat.” At sinunod ito ng utusan.
Pagbalik niya kay Elias, sinabi niya, “Wala po akong nakikita.” Pitong beses na sinabi ni Elias na bumalik siya at tumingin. 44 Nang ikapitong pagbalik niya, sinabi niya kay Elias, “May nakita po akong ulap na maitim na kasinlaki ng palad ng tao, na pumapaibabaw mula sa laot.” Kaya sinabi ni Elias, “Humayo ka at sabihin kay Ahab na sumakay siya sa kanyang karwahe at umuwi bago pa siya maabutan ng ulan.”
45 Di nagtagal, dumilim ang langit dahil sa makapal na ulap. Humangin at umulan nang malakas, at sumakay si Ahab sa karwahe at pumunta sa Jezreel. 46 Pinalakas ng Panginoon si Elias. Ibinigkis niya sa baywang ang balabal niya at tumakbo, at nauna pa kay Ahab papunta sa Jezreel.
1 Mula kay Pablo, kasama sina Silas at Timoteo.
Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] diyan sa Tesalonica na nasa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.
2 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyong lahat, at lagi namin kayong binabanggit sa mga panalangin namin. 3 Nagpapasalamat kami kapag inaalaala namin ang mabubuti ninyong gawa na bunga ng inyong pananampalataya. Inaalaala rin namin ang pagsisikap na bunga ng pag-ibig ninyo, at ang katatagan na bunga ng matibay ninyong pag-asa sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ginagawa nʼyo ang lahat ng ito sa paningin ng Dios na ating Ama. 4 Mga kapatid na minamahal ng Dios, nagpapasalamat din kami dahil alam naming pinili niya kayo para sa kanya, 5 dahil tinanggap nʼyo ang Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo. Dumating ito sa inyo hindi lang sa salita kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at may katiyakan na totoo ang ipinangaral namin sa inyo. Alam ninyo kung paano kami namuhay noong nasa inyo kami – ginawa namin ito para sa kabutihan ninyo. 6 Tinularan nʼyo ang pamumuhay namin at ng Panginoon, dahil tinanggap nʼyo ang salita ng Dios kahit dumanas kayo ng hirap. Ganoon pa man, tinanggap nʼyo ito nang may kagalakan na galing sa Banal na Espiritu. 7 Dahil dito, naging halimbawa kayo sa lahat ng mga mananampalatayang nasa Macedonia at Acaya. 8 Sapagkat mula sa inyo, lumaganap ang mensahe ng Panginoon. Hindi lang sa Macedonia at Acaya nabalitaan ang pananampalataya nʼyo sa Dios, kundi sa lahat ng lugar. Kaya hindi na namin kailangang banggitin pa sa mga tao ang tungkol sa pananampalataya ninyo. 9 Sapagkat sila mismo ang nagbabalita kung paano nʼyo kami tinanggap, at kung paano nʼyo tinalikuran ang pagsamba sa mga dios-diosan para maglingkod sa tunay at buhay na Dios. 10 At sila na rin ang nagsasabi tungkol sa paghihintay nʼyo sa pagbabalik ng Anak ng Dios mula sa langit, na walang iba kundi si Jesus na muli niyang binuhay. Siya ang magliligtas sa atin sa darating na kaparusahan.
Ang Paghahati-hati ng Lupain sa Bawat Lahi
48 Ito ang talaan ng mga lahi ng Israel at ang mga lupaing magiging bahagi nila: Ang lupain para sa lahi ni Dan ay nasa hilaga. Ang hangganan nito ay magsisimula sa Hetlon patungo sa Lebo Hamat hanggang sa Hazar Enan na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat sa hilaga. Ang luwang ng lupain para sa lahi ni Dan ay magmumula sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
2 Ang lupain ng lahi ni Asher ay nasa bandang timog ng lupain ng lahi ni Dan, at ang luwang nito ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
3 Katabi ng lupain ng lahi ni Asher ang lupain ng lahi ni Naftali na nasa hilaga ng lupain ni Asher at ang luwang nito ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
4 Ang lupain ng lahi ni Manase ay nasa gawing timog ng lupain ng lahi ni Naftali, at ang luwang nito ay mula pa rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
5-7 Ang susunod pang mga lupa ay pag-aari ng lahi nina Efraim, Reuben, at ni Juda, na ang lawak ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel.
8 Ang lupain sa bandang hilaga ng Juda ay ibibigay ninyo sa Panginoon bilang tanging handog. Ang haba nito ay 12 kilometro at ang luwang ay mula rin sa silangan hanggang sa kanluran ng Israel, katulad din ng sa mga lahi ng Israel. Sa gitna ng lupang ito itatayo ang templo. 9 Ang bahaging ibibigay ninyo sa Panginoon para pagtayuan ng templo ay 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang. 10 At ang natitirang kalahati ng lupaing ito ay para sa mga pari, 12 kilometro ang haba mula sa silangan hanggang sa kanluran, at 5 kilometro ang luwang mula timog hanggang hilaga. Sa gitna nito ay ang templo ng Panginoon. 11 Ang lupang ito ay para sa mga hinirang na pari, na anak ni Zadok, na aking tapat na lingkod. Hindi siya lumayo sa akin, hindi katulad ng ginawa ng ibang Levita na sumama sa mga Israelitang tumalikod sa akin. 12-13 Ito ang natatanging handog para sa kanila sa panahong paghahati-hatiin na ninyo ang lupain, at ito ang kabanal-banalang lupa. Katabi nito ay ang lupain para sa ibang Levita na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang. 14 Ang lupaing ito ay hindi nila maaaring ipagbili o ipalit kahit na maliit na bahagi nito, dahil pinakamagandang lupain ito at banal para sa Panginoon.
15 Ang natitirang lupain na 12 kilometro ang haba at dalawaʼt kalahating kilometro ang luwang ay para sa lahat. Maaari itong tirahan ng tao o pastulan ng kanilang mga hayop. Sa gitna nito ay ang lungsod 16 na ang luwang ay dalawang kilometro sa gawing kanluran, dalawang kilometro sa gawing silangan, dalawang kilometro sa gawing hilaga, at dalawang kilometro rin sa gawing timog. 17 Napapaikutan ito ng bakanteng bahagi na 125 metro ang luwang sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog. 18 Sa labas ng lungsod ay may bukid na ang haba ay limang kilometro sa gawing silangan at limang kilometro rin sa gawing kanluran. Katabi ito ng banal na lupa. Ang mga ani mula sa bukid na ito ay magiging pagkain ng mga nagtatrabaho sa lungsod 19 na mula sa ibaʼt ibang lahi ng Israel. Maaari silang magtanim sa lupang ito. 20 Kaya ang kabuuan ng lupaing ibibigay ninyo sa Panginoon bilang natatanging handog pati na ang banal na lupa at ang lungsod ay 12 kilometro kwadrado.
21-22 Ang natitirang lupain sa gawing silangan at kanluran ng banal na lupain at ng lungsod ay para sa pinuno. Ang mga lupaing ito ay may luwang na 12 kilometro na umaabot hanggang sa hangganan sa silangan at kanluran. Kaya sa gitna ng lupain na para sa pinuno ay ang aking banal na lugar, ang templo, ang lupain ng mga Levita, at ang bayan. Ang lupaing para sa pinuno ay nasa gitna ng lupain ng lahi ni Juda at ng lahi ni Benjamin.
23 Ito naman ang mga lupaing tatanggapin ng ibang mga lahi: Ang lupain ng lahi ni Benjamin ay nasa gawing timog ng lupain ng mga pinuno, at ang lawak ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
24 Katabi ng lupain ng lahi ni Benjamin sa gawing timog ay ang lahi ni Simeon at ang haba nito ay mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel.
25-27 Ang susunod pang mga bahagi ay sa lahi nina Isacar, Zebulun at Gad, na ang haba ay pawang mula sa silangan hanggang sa kanluran ng lupain ng Israel. 28 Ang hangganan sa timog ng lupaing para sa lahi ni Gad ay magsisimula sa Tamar patungo sa bukal ng Meribat Kadesh[a] hanggang sa Lambak ng Egipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo.
29 Ito ang mga lupaing tatanggapin ng mga lahi ng Israel na kanilang mamanahin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
Ang mga Pintuan ng Lungsod ng Jerusalem
30-34 Ang lungsod ng Jerusalem ay napapalibutan ng pader. Sa bawat panig nito ay may tatlong pintuan. Ang tatlong pintuan sa gawing hilaga ng pader ay tatawaging Reuben, Juda, at Levi. Ang tatlong pintuan sa gawing silangan ay tatawaging Jose, Benjamin at Dan. Ang tatlong pintuan sa gawing timog ay tatawaging Simeon, Isacar at Zebulun. At ang tatlong pintuan sa gawing kanluran ay tatawaging Gad, Asher, at Naftali. Ang bawat pader sa ibaʼt ibang panig ay 2,250 metro ang haba. 35 Kaya ang kabuuang haba ng pader ay 9,000 metro. At mula sa araw na iyon, ang lungsod ay tatawaging, “Naroon ang Panginoon!”
Papuri sa Dios na Lumikha
104 Pupurihin ko ang Panginoon!
Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat.
Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan.
2 Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit.
At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit.
3 Itinayo nʼyo ang inyong tahanan sa itaas pa ng kalawakan.
Ginawa nʼyo ang mga alapaap na inyong sasakyan,
at inililipad ng hangin habang kayoʼy nakasakay.
4 Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin,
at ang kidlat na inyong utusan.
5 Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon,
kaya hindi ito matitinag magpakailanman.
6 Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo,
at umapaw hanggang sa kabundukan.
7 Sa inyong pagsaway na parang kulog, nahawi ang tubig,
8 at itoʼy umagos sa mga kabundukan at mga kapatagan,
hanggang sa mga lugar na inyong inilaan na dapat nitong kalagyan.
9 Nilagyan nʼyo ito ng hangganan, upang hindi umapaw ang tubig,
para hindi na muling matabunan ang mundo.
10 Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak,
at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok.
11 Kaya lahat ng mga hayop sa gubat,
pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom.
12 At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit.
13 Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan.
At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala.
14 Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop,
at ang mga tanim ay para sa mga tao
upang silaʼy may maani at makain –
15 may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila,
may langis na pampakinis ng mukha,
at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila.
16 Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy,
ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim.
17 Doon nagpupugad ang mga ibon,
at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto.
18 Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan.
Ang mga hayop na badyer[a] ay naninirahan sa mababatong lugar.
19 Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon;
at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda.
20 Nilikha nʼyo ang kadiliman na tinawag na gabi;
at kung gabiʼy gumagala ang maraming hayop sa kagubatan.
21 Umaatungal ang mga leon habang naghahanap ng kanilang makakain na sa inyo nagmumula.
22 At pagsapit ng umaga, bumabalik sila sa kanilang mga lungga,
at doon nagpapahinga.
23 Ang mga tao naman ay lumalabas papunta sa kanilang gawain, at nagtatrabaho hanggang takip-silim.
24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.
31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.
33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
Akoʼy magagalak sa Panginoon.
35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
Pupurihin ko ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®