Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 17-18

Ang Tungkod ni Aaron

17 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ang bawat pinuno sa bawat lahi ay magbibigay sa iyo ng isang baston at isulat doon ang kani-kanilang pangalan. 12 lahat ang baston. Sa baston ng lahi ni Levi, isulat ang pangalan ni Aaron dahil kailangang may isang baston sa bawat pinuno ng lahi. Ilagay mo ang lahat ng ito sa Toldang Tipanan, sa harapan ng Kahon ng Kasunduan kung saan ako nakikipagkita sa inyo ni Aaron. At ang baston ng taong pipiliin ko na maglingkod sa akin bilang pari ay sisibulan at sa pamamagitan nito, titigil ang pagrereklamo ng mga Israelita laban sa inyo ni Aaron.”

Kaya sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, at ang bawat pinuno ng lahi ay nagbigay sa kanya ng baston. Ang lahat ng baston ay 12 at isa rito ang kay Aaron. Inilagay lahat ni Moises ang baston sa presensya ng Panginoon doon sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan.

Kinaumagahan, pumasok si Moises sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan at nakita niya na ang baston ni Aaron, na kumakatawan sa lahi ni Levi ay hindi lang sumibol kundi nagkabuko pa, namulaklak, at namunga ng almendro. Pagkatapos, inilabas ni Moises ang lahat ng baston at ipinakita sa lahat ng mga Israelita. Tiningnan nila ito, at kinuha ng bawat pinuno ng lahi ang kani-kanilang baston.

10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik ang baston ni Aaron sa harapan ng Kahon ng Kasunduan para maging babala ito sa mga rebelde na mamamatay sila kung hindi sila titigil sa pagrerebelde laban sa akin.” 11 Tinupad ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon.

12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mamamatay kami nitong lahat! 13 Dahil sinumang lumapit sa Tolda ng Panginoon ay mamamatay. Mamamatay na ba kaming lahat?”

Ang Tungkulin ng mga Pari at ng mga Levita

18 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang mga anak mong lalaki na mula sa lahi ni Levi ang mananagot sa kasalanang ginawa ninyo sa inyong paglilingkod sa Toldang Pinagtipunan. Pero ikaw lang at ang mga anak mo ang mananagot sa kasalanan na inyong magagawa na may kinalaman sa inyong pagkapari. Kung maglilingkod ka at ang mga anak mo sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan, patulungin nʼyo ang mga kamag-anak nʼyong kapwa Levita. Magtatrabaho sila sa ilalim ng iyong pamamahala at gagawin nila ang lahat ng mga gawain sa Tolda, pero hindi sila dapat humawak sa mga banal na kagamitan ng Tolda o sa altar, dahil kung gagawin nila ito mamamatay sila pati kayo. Tutulong sila sa iyo, at responsibilidad nila ang pag-aasikaso ng Toldang Tipanan at ang paggawa ng lahat ng gawain dito. Dapat walang sinumang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak maliban sa lahi ni Levi.

“Ikaw ang mamamahala sa pag-aasikaso ng Banal na Lugar at ng altar, para hindi ako muling magalit sa mga Israelita. Ako ang pumili ng kapwa mo Levita mula sa mga Israelita, para maging katulong mo. Itinalaga sila sa akin sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. Pero ikaw lang at ang iyong mga anak ang makapaglilingkod bilang mga pari, dahil kayo lang ang makakagawa ng mga gawain na may kinalaman sa altar at sa Pinakabanal na Lugar. Regalo ko sa inyo ang inyong pagkapari. Papatayin ang sinumang gagawa nito na hindi pari.”

Mga Handog para sa mga Pari at sa mga Levita

Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako ang pumili sa iyo na mamahala sa banal na mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga anak bilang inyong bahagi magpakailanman. May bahagi kayo sa pinakabanal na mga handog na ito na hindi sinusunog, na inihandog ng mga tao sa akin bilang pinakabanal na mga handog. Kasama ng mga handog na ito ang handog bilang pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. Ito ang mga bahagi mo at ng iyong mga anak. 10 Kainin ninyo ito bilang isang pinakabanal na handog. Kailangang mga lalaki lang ang kakain nito at ituring ninyo itong banal. 11 Ang iba pang mga handog ng mga Israelita na itinataas sa altar ay para rin sa inyo. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga angkan, bilang inyong bahagi magpakailanman. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis. 12 Ibinibigay ko rin sa inyo ang mabubuting produkto na inihahandog ng mga Israelita mula sa una nilang ani: langis ng olibo, bagong katas ng ubas at trigo. 13 Magiging inyong lahat ang mga produkto na kanilang inihahandog mula sa unang ani ng kanilang lupa. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.

14 “Ang lahat ng bagay sa Israel na ibinigay sa akin nang buo[a] ay magiging inyo. 15 Ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop na inihahandog sa akin ay magiging inyo rin. Pero kailangang tubusin ninyo ang mga panganay na anak na lalaki at ang mga panganay na mga hayop na itinuturing na marumi. 16 Tubusin ninyo ito kung isang buwan na ang edad at kailangang tubusin ninyo ito sa halagang limang pirasong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. 17 Pero huwag ninyong tutubusin ang panganay na toro, tupa o kambing dahil sa akin ito. Katayin ninyo ito at iwisik ninyo ang dugo sa altar at sunugin ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy.[b] Ang mabangong samyo ng handog na ito ay makalulugod sa akin. 18 Sa inyo ang karne nito, gaya ng dibdib at ng kanang paa ng handog na itinataas ninyo. 19 Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga handog na itinataas ng mga Israelita sa akin. Para ito sa inyo at sa inyong mga angkan bilang inyong bahagi magpakailanman. Kasunduan ko ito sa iyo at sa iyong angkan na hindi magbabago magpakailanman.”[c]

20 Sinabi pa ng Panginoon kay Aaron, “Kayong mga pari ay walang mamanahing lupa sa Israel, dahil ako mismo ang magbibigay ng inyong mga pangangailangan.

21 “Kung tungkol sa mga Levita, babayaran ko sila sa kanilang serbisyo sa Tolda. Ibibigay ko sa kanila ang lahat ng ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang kanilang bahagi. 22 Mula ngayon, wala nang iba pang Israelita na lalapit sa Toldang Tipanan maliban sa mga pari at sa mga Levita, dahil kung lalapit sila, mananagot sila sa kanilang mga kasalanan, at mamamatay. 23 Ang mga Levita ang responsable sa mga gawain sa Toldang Tipanan, at mananagot sila sa kanilang magagawang kasalanan laban dito. Ang mga tuntuning ito ay dapat tuparin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Walang mamanahing lupa ang mga Levita sa Israel. 24 Sa halip, ibibigay ko sa kanila bilang kanilang bahagi ang mga ikapu na ibinibigay ng mga Israelita bilang handog nila sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ko na ang mga Levita ay walang mamanahing lupa sa Israel.”

25 Inutusan ng Panginoon si Moises 26 na sabihin niya ito sa mga Levita: “Kung matanggap na ninyo mula sa mga Israelita ang ikapu na ibibigay ko sa inyo bilang inyong bahagi, kailangang magbigay din kayo ng inyong ikapu galing sa ikapu nila, bilang handog sa akin. 27 Ituturing ko ito bilang inyong handog mula sa mga ani, na parang naghandog kayo ng trigo mula sa giikan o alak mula sa pisaan ng ubas. 28 Sa pamamagitan nito, makapagbibigay din kayo ng handog sa akin galing sa lahat ng ikapu na inyong natanggap mula sa aking mga Israelita. At sa aking bahagi na iyon, ang ikapu nito ay ibigay ninyo sa paring si Aaron. 29 Kailangan na ang aking bahagi ang pinakamagandang parte sa lahat ng ibinibigay sa inyo. 30 Kapag naihandog na ninyo ito, ituturing ko itong handog ninyo mula sa giikan o pisaan ng ubas. 31 Maaari mong kainin at ng iyong pamilya ang inyong bahagi kahit saang lugar dahil sweldo ninyo iyan sa inyong paglilingkod sa Toldang Tipanan. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain ninyo nito kung naihandog na ninyo ang pinakamabuting bahagi sa Panginoon. Ngunit siguraduhin ninyo na hindi ninyo marurumihan ang banal na mga handog ng mga Israelita, sa pamamagitan ng pagkain ng inyong bahagi nang hindi pa ninyo naibibigay ang aking bahagi para hindi kayo mamatay.”

Salmo 55

Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan

55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
    Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
    naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
    Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
Nanginginig na ako sa sobrang takot.
At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
    para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”

Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
    Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
    Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
    Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
    Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
    Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
    at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
    kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
    at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
    Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
    at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
    ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
    at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
    Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
    sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
    Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.

Isaias 7

Ang Mensahe para kay Haring Ahaz

Noong si Ahaz na anak ni Jotam at apo ni Uzia ang hari ng Juda, sinalakay ang Jerusalem. Sinalakay ito ni Haring Rezin ng Aram[a] at ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Pero hindi nila naagaw ang Jerusalem.

Nang mabalitaan ng hari ng Juda[b] na nagkampihan ang Aram at Israel,[c] siya at ang mga mamamayan niya ay nanginig sa takot. Nanginig sila na parang punong niyayanig ng hangin.

Sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Isama mo ang anak mong si Shear Jashub[d] at salubungin ninyo si Ahaz sa dulo ng daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig, malapit sa daan papunta sa pinaglalabahan. Ito ang sasabihin mo sa kanya, ‘Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot. Huwag kang kabahan dahil sa tindi ng galit nina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka na anak ni Remalia. Ang dalawang itoʼy parang mga tuod ng puno na umuusok pero walang apoy. Nagplano sila ng masama laban sa iyo. Nagkasundo sila at sinabi, “Lusubin natin ang Juda at sakupin. Pagkatapos, paghati-hatian natin ang kanyang lupain at gawing hari roon ang anak ni Tabeel.”

“ ‘Pero sinabi ng Panginoong Dios na hindi mangyayari iyon. 8-9 Sapagkat ang Damascus ay kabisera lang ng Aram, at si Rezin ay sa Damascus lang naghahari. At ang Samaria ay kabisera lang ng Israel, at si Peka na anak ni Remalia ay sa Samaria rin lang naghahari. Tungkol naman sa Israel, mawawasak ito sa loob ng 65 taon, at hindi na ito matatawag na bansa. Kung hindi matatag ang pananalig nʼyo sa Dios, tiyak na mapapahamak kayo.’ ”

10 Muling nangusap ang Panginoon kay Ahaz, 11 “Ako ang Panginoon na iyong Dios. Humingi ka sa akin ng palatandaan bilang patunay na gagawin ko ang aking ipinangako. Kahit magmula man ito sa ilalim, doon sa lugar ng mga patay, o sa itaas, doon sa langit.” 12 Pero sumagot si Ahaz, “Hindi ako hihingi ng palatandaan. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”

13 Sinabi ni Isaias, “Makinig kayong mga angkan ni David. Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa pang-iinis nʼyo sa mga tao? At ngayon, ang Dios ko naman ang iniinis ninyo? 14 Dahil dito, ang Panginoon na mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Magbubuntis ang isang birhen,[e] at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki. At tatawagin niya ang bata na Emmanuel.[f] 15-16 Bago siya magkaisip at makakain ng keso[g] at pulot, ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo, Ahaz, ay mawawasak at pababayaan na lang. 17 Pero darating ang araw na ikaw at ang mga mamamayan mo, pati na ang sambahayan mo, ay ipapalusob ng Panginoon sa hari ng Asiria. At mararanasan ninyo ang hirap na hindi pa ninyo naranasan mula nang humiwalay ang Israel sa Juda.”

18 Sa araw na iyon, sisipulan ng Panginoon ang mga taga-Egipto at Asiria. Darating ang mga taga-Egipto na parang mga langaw mula sa malalayong ilog ng Egipto. Darating din ang mga taga-Asiria na parang mga pukyutan. 19 At ang mga ito ay maninirahan sa lahat ng dako: sa matatarik na lambak, sa mga kweba ng mga bangin, sa mga halamang matitinik, at sa mga pastulan.

20 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang hari ng Asiria para lubusang wasakin ang inyong lupain. Magmimistula siyang isang barbero na galing sa kabila ng Ilog ng Eufrates na binayaran para ahitin ang inyong buhok, balahibo, at balbas.

21 Sa panahong iyon, ang maaalagaan lamang ng bawat tao ay tig-iisang dumalagang baka at dalawang kambing, 22 na siyang pagkukunan nila ng gatas. Keso[h] at pulot ang magiging pagkain ng lahat ng naiwan sa Juda. 23 Sa panahon ding iyon, ang ubasan na may 1,000 puno na nagkakahalaga ng 1,000 pirasong pilak ay maging masukal at mapupuno ng halamang may tinik. 24 Mangangaso ang mga tao roon na dala ang kanilang mga pana at sibat dahil naging masukal na ito at puno ng mga halamang may tinik. 25 Wala nang pupunta sa mga burol na dating tinataniman, dahil masukal na at puno ng mga halamang may tinik. Magiging pastulan na lang ito ng mga baka at tupa.

Santiago 1

Mula kay Santiago na lingkod[a] ng Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mahal kong mga mananampalataya na nagsipangalat saan man sa mundo.[b]

Ang Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid, magalak kayo sa tuwing dumaranas kayo ng mga pagsubok. Sapagkat alam ninyong nagdudulot ito ng katatagan sa inyong pananampalataya. Kaya tiisin ninyo ang mga pagsubok upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay nʼyo. Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Dios at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat. Ngunit dapat magtiwala ang humihingi at huwag magduda, dahil ang taong nagdududa ay katulad ng alon sa dagat na tinatangay at pinapadpad ng hangin. Ang ganitong tao ay hindi dapat umasa na may matatanggap mula sa Panginoon dahil nagdadalawang-isip siya at walang katiyakan sa mga ginagawa niya.

Mga Mahihirap at Mayayaman

Dapat ikagalak ng mga mahihirap na kapatid kay Cristo ang pagpaparangal ng Dios sa kanila. 10 Ang mga mayayaman naman na kapatid kay Cristo ay dapat ding ikarangal ang pagkakababa sa kanila ng Dios, dahil lilipas sila katulad ng mga bulaklak sa parang.[c] 11 Natutuyo ang mga damo sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang mga bulaklak nito, at kumukupas ang ganda. Ganoon din naman ang isang mayaman, mamamatay siya sa kasagsagan ng paghahanapbuhay niya.

Mga Pagsubok at Tukso

12 Mapalad ang taong nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok dahil pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang mga ito, tatanggapin niya bilang gantimpala ang buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios sa mga nagmamahal sa kanya. 13 Kung dumaranas ng tukso ang isang tao, hindi niya dapat isiping galing ito sa Dios, dahil hindi maaaring matukso ang Dios sa kasamaan, at hindi rin siya nanunukso sa kahit kanino. 14 Natutukso ang isang tao kapag nahihikayat siya at nadadala ng sariling pagnanasa. 15 At kung susundin niya ang pagnanasa niya, magbubunga ito ng kasalanan; at kung magpapatuloy siya sa kasalanan, hahantong ito sa kamatayan.

16 Kaya huwag kayong magpadaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Lahat ng mabubuti at angkop na kaloob ay nanggagaling sa Dios na siyang lumikha ng mga bagay sa langit na nagbibigay-liwanag. At kahit pabago-bago at paiba-iba ang anyo ng anino ng mga ito, ang Dios ay hindi nagbabago. 18 Ayon sa kanyang kalooban, ginawa niya tayong mga anak niya sa pamamagitan ng pagkilala natin sa katotohanan,[d] upang maging higit tayo sa lahat ng nilikha niya.

Pagdinig at Pagsunod

19 Tandaan nʼyo ito, mga minamahal kong kapatid: Dapat maging handa kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at huwag agad magagalit. 20 Sapagkat ang galit ay hindi nakakatulong sa tao para maging matuwid sa paningin ng Dios. 21 Kaya talikuran nʼyo na ang lahat ng kasamaan at maruruming gawain, at tanggapin nang may pagpapakumbaba ang salita ng Dios na itinanim sa inyong puso na siyang makapagliligtas sa inyo.

22 Huwag lang kayong maging tagapakinig ng salita ng Dios kundi sundin nʼyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya nʼyo lang ang sarili ninyo. 23 Dahil kung nakikinig lang ang isang tao sa salita ng Dios pero hindi naman niya tinutupad ang sinasabi nito, katulad siya ng isang taong tumitingin sa salamin 24 na pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at agad kinakalimutan ang ayos niya. 25 Ngunit ang taong nagsasaliksik at tumutupad sa Kautusang ganap na nagpapalaya, at hindi tagapakinig lang na nakakalimot agad, ay ang taong pagpapalain ng Dios sa mga ginagawa niya.

26 Kung may nag-aakalang siya ay relihiyoso pero hindi naman magawang pigilan ang dila niya, walang silbi ang pagiging relihiyoso niya at niloloko lang niya ang kanyang sarili. 27 Ang pagkarelihiyosong itinuturing na dalisay at walang kapintasan ng Dios Ama ay ito: Ang pagtulong sa mga ulila at mga biyuda sa kahirapan nila, at ang pagtalikod sa lahat ng kasamaan sa mundong ito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®